ARALIN 04
Sino ang Diyos?
Sa buong kasaysayan ng tao, marami silang diyos na sinasamba. Pero sinasabi ng Bibliya na mayroong isang Diyos na “mas dakila kaysa sa lahat ng iba pang diyos.” (2 Cronica 2:5) Sino siya? At paano siya naging mas dakila kaysa sa lahat ng iba pang diyos na sinasamba ng mga tao? Sa araling ito, pag-aralan kung ano ang gusto ng Diyos na malaman mo tungkol sa kaniya.
1. Ano ang pangalan ng Diyos, at bakit natin nasabi na gusto niyang malaman natin ang pangalan niya?
Ipinakilala ng Diyos ang sarili niya sa atin. Sinabi niya sa Bibliya: “Ako si Jehova. Iyan ang pangalan ko.” (Basahin ang Isaias 42:5, 8.) Ang pangalang “Jehova” ay isang translation, o salin, ng pangalang Hebreo na malamang na nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Gusto ni Jehova na malaman natin ang pangalan niya. (Exodo 3:15) Totoo kaya iyan? Oo, kasi ipinasulat niya sa Bibliya ang pangalan niya nang mahigit 7,000 beses!a Kaya Jehova ang pangalan ng “tunay na Diyos sa langit at sa lupa.”—Deuteronomio 4:39.
2. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova?
Sinasabi ng Bibliya na sa lahat ng diyos na sinasamba ng mga tao, si Jehova lang ang nag-iisang tunay na Diyos. Bakit? Maraming dahilan. Si Jehova ang may pinakamataas na awtoridad, at siya lang “ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Basahin ang Awit 83:18.) Siya ang “Makapangyarihan-sa-Lahat.” Ibig sabihin, mayroon siyang kapangyarihan na gawin ang anumang gusto niya. “Nilalang [niya] ang lahat ng bagay”—ang uniberso at ang lahat ng nabubuhay sa mundo. (Apocalipsis 4:8, 11) Di-gaya ng ibang diyos, si Jehova ay walang pasimula at walang wakas.—Awit 90:2.
PAG-ARALAN
Pag-aralan ang pagkakaiba ng mga titulo ng Diyos sa nag-iisang pangalan niya. Alamin kung paano at bakit siya nagpakilala sa iyo.
3. Maraming titulo ang Diyos, pero isa lang ang pangalan niya
Para maintindihan ang pagkakaiba ng titulo at ng pangalan, panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang pagkakaiba ng titulo, gaya ng “Panginoon,” sa personal na pangalan?
Sinasabi ng Bibliya na maraming sinasambang diyos at panginoon ang mga tao. Basahin ang Awit 136:1-3. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Sino ang “Diyos ng mga diyos” at “Panginoon ng mga panginoon”?
4. Gusto ni Jehova na malaman at gamitin mo ang pangalan niya
Ano ang nagpapakita na gusto ni Jehova na malaman mo ang pangalan niya? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Sa tingin mo, gusto ba ni Jehova na malaman ng mga tao ang pangalan niya? Bakit?
Gusto ni Jehova na gamitin ng mga tao ang pangalan niya. Basahin ang Roma 10:13. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit mahalaga na gamitin natin ang pangalang Jehova?
Ano ang mararamdaman mo kapag naaalala ng iba ang pangalan mo, at tinatawag ka sa pangalan mo?
Ano kaya ang nararamdaman ni Jehova kapag ginagamit mo ang pangalan niya?
5. Gusto ni Jehova na maging kaibigan mo siya
Sinabi ni Soten, isang babae na taga-Cambodia, na naging napakasaya niya nang malaman niya ang pangalan ng Diyos. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang naging epekto kay Soten nang malaman niya ang pangalan ng Diyos?
Bago mo maging kaibigan ang isang tao, dapat na alam mo ang pangalan niya. Basahin ang Santiago 4:8a. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang gusto ni Jehova na gawin mo?
Bakit mas mapapalapít ka sa Diyos kung alam mo at ginagamit ang pangalan niya?
MAY NAGSASABI: “Isa lang naman ang Diyos, iba-iba lang ang tawag natin sa kaniya.”
Kumbinsido ka ba na Jehova ang pangalan ng Diyos?
Paano mo ipapaliwanag na gusto ng Diyos na gamitin natin ang pangalan niya?
SUMARYO
Jehova ang pangalan ng nag-iisang tunay na Diyos. Gusto niya na malaman at gamitin natin ang pangalan niya para maging kaibigan niya.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang pagkakaiba ni Jehova sa mga diyos na sinasamba ng mga tao?
Bakit natin dapat gamitin ang pangalan ng Diyos?
Ano ang nagpapakita na gusto ni Jehova na maging kaibigan mo siya?
TINGNAN DIN
Pag-aralan ang limang dahilan na nagpapatunay na mayroong Diyos.
Pag-aralan kung bakit tamang paniwalaan na laging mayroong Diyos.
Alamin kung bakit dapat nating gamitin ang pangalan ng Diyos kahit hindi sigurado kung ano ang dating bigkas sa pangalan niya.
Mahalaga pa ba kung ano ang itatawag natin sa Diyos? Tingnan kung bakit natin masasabi na iisa lang ang personal na pangalan niya.
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa kahulugan ng pangalan ng Diyos at kung bakit inalis sa ilang salin ng Bibliya ang pangalang ito, tingnan ang Apendise A4 ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.