ALAMO, MGA
[sa Heb., ʽara·vimʹ (pangmaramihan); sa Ingles, poplars].
Ang pangalang Hebreo para sa punungkahoy na ito ay katumbas ng Arabeng gharab, na ginagamit pa rin para sa Euphrates poplar. Sa gayon, bagaman ang alamo at sause ay kabilang sa iisang pamilya ng mga punungkahoy, at kapuwa pangkaraniwan sa Gitnang Silangan, mas pabor ang makabagong mga leksikograpo sa punong alamo (Populus euphratica) bilang salin nito.—Tingnan ang Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina Koehler at Baumgartner, Leiden, 1958, p. 733; Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, nina Brown, Driver, at Briggs, 1980, p. 788; The New Westminster Dictionary of the Bible, inedit ni H. Gehman, 1970, p. 998.
Karaniwang-karaniwan ang punong alamo sa kahabaan ng mga pampang ng Eufrates (samantalang kung ihahambing ay bibihira naman doon ang sause) kung kaya tugmang-tugma ito sa pagtukoy sa Awit 137:1, 2, kung saan inilalarawan na isinasabit ng tumatangis na mga Judiong tapon ang kanilang mga alpa sa mga punong alamo. Ang maliliit, malulutong at hugis-pusong mga dahon ng Euphrates poplar (tinatawag ding aspen) ay nakakabit sa mga tangkay na pipî na nakabitin nang pahilis sa pangunahing sanga, at dahil dito, humahapay-hapay ang mga ito sa kaunting hihip ng hangin, anupat ang galaw na ito ay maaaring magpahiwatig ng emosyonal na paghapay-hapay ng mga taong tumatangis sa pamimighati.
Ang mga Euphrates poplar ay matatagpuan din sa kahabaan ng mga pampang ng mga ilog at batis sa Sirya at Palestina, at partikular na sa libis ng Ilog Jordan. Doon, kasama ng mga puno ng tamarisko, ang mga ito ay kadalasan nang nagiging makakapal na palumpungan, samantalang sa ibang dako naman, ang mga ito ay maaaring umabot sa taas na mula 9 hanggang 14 na m (30 hanggang 45 piye). Sa lahat ng mga pagtukoy sa Kasulatan, ang mga punong ito ng alamo ay iniuugnay sa mga daanang-tubig o mga “agusang libis.” Kabilang ang mga ito sa mga punungkahoy na ang mga sanga ay ginamit sa Kapistahan ng mga Kubol (Lev 23:40); naglaan ang mga ito ng tabing para sa malakas na “Behemot” (hipopotamus) sa kahabaan ng ilog (Job 40:15, 22); at ang mabilis na pagsibol ng mga ito sa kahabaan ng mga lugar na natutubigang mainam ay ginagamit sa Isaias 44:3, 4 upang ilarawan ang mabilis na pagsulong at paglago na resulta ng pagbubuhos ni Jehova ng kaniyang mga pagpapala at espiritu.