Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Ikalimang Aklat ng mga Awit
BAKA sabihin ng mayaman: “Ang aming mga anak na lalaki ay tulad ng mumunting mga tanim na lumaki na sa kanilang kabataan, ang aming mga anak na babae ay tulad ng mga panulukang inukit sa istilo ng palasyo, ang aming mga kamalig ay punô, . . . ang aming mga kawan ay dumarami nang libu-libo.” Bukod diyan, baka sabihin ng mariwasa: “Maligaya ang bayan na gayon nga ang kalagayan!” Gayunman, sa kabaligtaran, sinasabi ng salmista: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!” (Awit 144:12-15) Paano magiging gayon? Si Jehova ang maligayang Diyos, at ang kaligayahan ay bahagi ng buhay ng mga sumasamba sa kaniya. (1 Timoteo 1:11) Kitang-kita ang katotohanang ito sa huling bahagi ng koleksiyon ng mga awit na kinasihan ng Diyos, na binubuo ng Awit 107 hanggang 150.
Itinatampok din ng Ikalimang Aklat ng Mga Awit ang pinakamagagandang katangian ni Jehova, pati na ang kaniyang maibiging-kabaitan, katapatan, at kabutihan. Habang lalo nating nauunawaan ang personalidad ng Diyos, lalo tayong nauudyukang ibigin siya at matakot sa kaniya. At ito naman ang magdudulot sa atin ng kaligayahan. Napakahalaga ngang mensahe ang masusumpungan natin sa Ikalimang Aklat ng Mga Awit!—Hebreo 4:12.
MALIGAYA DAHIL SA MAIBIGING-KABAITAN NI JEHOVA
“O magpasalamat nawa ang mga tao kay Jehova dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan at dahil sa kaniyang mga kamangha-manghang gawa sa mga anak ng mga tao,” ang inawit ng tapong mga Judio na nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonya. (Awit 107:8, 15, 21, 31) Bilang papuri sa Diyos, umawit si David: “Ang iyong katapatan ay hanggang sa kalangitan.” (Awit 108:4) Sa sumunod na awit, nanalangin siya: “Tulungan mo ako, O Jehova na aking Diyos; iligtas mo ako ayon sa iyong maibiging-kabaitan.” (Awit 109:18, 19, 26) Ang Awit 110 naman ay hula tungkol sa pamamahala ng Mesiyas. “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan,” ang sabi ng Awit 111:10. Ayon sa sumunod na awit, “maligaya ang taong natatakot kay Jehova.”—Awit 112:1.
Ang Awit 113 hanggang 118 ay tinatawag na mga Salmong Hallel, na pinanganlan nang gayon dahil sa paulit-ulit na pagsasabi ng “Hallelujah,” o “Purihin . . . si Jah!” Ayon sa Mishnah—isang akda noong ikatlong siglo na nag-uulat ng sinaunang bibigang tradisyon—ang mga awit na ito ay inaawit tuwing Paskuwa at sa tatlong taunang kapistahan ng mga Judio. Ang Awit 119 ang pinakamahaba sa lahat ng awit at kabanata sa Bibliya, at dinadakila nito ang isiniwalat na salita, o mensahe, ni Jehova.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
109:23—Ano ang tinutukoy ni David nang sabihin niya: “Tulad ng anino kapag ito ay naglalaho, kailangan kong umalis”? Patulang sinasabi ni David na nararamdaman niyang malapit na siyang mamatay.—Awit 102:11.
110:1, 2—Ano ang ginagawa ng “Panginoon [ni David],” si Jesu-Kristo, habang nakaupo sa kanan ng Diyos? Matapos siyang buhaying muli, umakyat si Jesus sa langit at naghintay sa kanan ng Diyos hanggang noong 1914 kung kailan nagsimula siyang mamahala bilang Hari. Habang nakaupo sa kanan ng Diyos, pinamamahalaan ni Jesus ang kaniyang pinahirang mga tagasunod, anupat ginagabayan sila sa kanilang gawaing pangangaral at paggawa ng mga alagad at inihahanda rin sila para mamahalang kasama niya sa kaniyang Kaharian.—Mateo 24:14; 28:18-20; Lucas 22:28-30.
110:4—Anong ‘sumpa’ ang ginawa ni Jehova na ‘hindi niya pinagsisihan’? Ang sumpang ito ay ang pakikipagtipan ni Jehova kay Jesu-Kristo upang mamamahala bilang Hari at Mataas na Saserdote.—Lucas 22:29.
113:3—Paano mapapupurihan ang pangalan ni Jehova “mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito”? Nasasangkot dito ang higit pa sa isang grupo ng mga indibiduwal na sumasamba sa Diyos araw-araw. Mula sa pagsikat ng araw sa silangan hanggang sa paglubog nito sa kanluran, binibigyang-liwanag ng sikat ng araw ang buong mundo. Sa katulad na paraan, dapat purihin si Jehova sa buong daigdig. Imposibleng mangyari ito nang walang organisadong pagsisikap. Bilang mga Saksi ni Jehova, pribilehiyo nating papurihan ang Diyos at makibahagi nang may kasigasigan sa gawaing paghahayag ng Kaharian.
116:15—Gaano ‘kahalaga sa paningin ni Jehova ang kamatayan ng kaniyang mga matapat’? Napakahalaga kay Jehova ng kaniyang mga mananamba anupat itinuturing niya ang kanilang kamatayan bilang kamatayan ng isang grupo, anupat isang malaking kawalan kung pahihintulutan. Kung hahayaan ni Jehova na mangyari iyan, sa wari ay mas makapangyarihan sa kaniya ang kaniyang mga kaaway. Bukod diyan, walang matitira sa lupa na magiging pundasyon para sa bagong sanlibutan.
119:71—Anong kabutihan ang maidudulot ng pagdanas ng kapighatian? Matuturuan tayo ng kahirapan na lalo pang umasa kay Jehova, lalo pang maging marubdob sa pananalangin, at lalo pang maging masikap sa pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit ng sinasabi nito. Karagdagan pa, ang reaksiyon natin sa kapighatian ay magsisiwalat ng di-magagandang pag-uugali na maaaring ituwid. Hindi sasama ang loob natin sa panahon ng kahirapan kung hahayaan nating dalisayin tayo nito.
119:96—Ano ang ibig sabihin ng “wakas ng lahat ng kasakdalan”? Ang tinutukoy ng salmista ay kasakdalan ayon sa pananaw ng tao. Malamang na iniisip niya na limitado ang pananaw ng tao sa kasakdalan. Sa kabaligtaran, ang kautusan ng Diyos ay walang gayong limitasyon. Ang patnubay nito ay kapit sa lahat ng aspekto ng buhay. “Sa lahat ng kaganapan [o kasakdalan], may hanggahan akong nakikita,” ang mababasa sa Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino, “ngunit ang mga kautusan mo’y walang hanggan.”
119:164—Ano ang ipinahihiwatig ng pagpuri sa Diyos nang ‘pitong ulit sa isang araw’? Ang bilang na pito ay kadalasang nagpapahiwatig ng pagiging kumpleto. Kung gayon, sinasabi ng salmista na karapat-dapat si Jehova sa lahat ng papuri.
Mga Aral Para sa Atin:
107:27-31. Ang karunungan ng sanlibutan ay ‘magkakalitu-lito’ pagsapit ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Hindi nito kayang iligtas ang sinuman mula sa pagkapuksa. Ang mga umaasa lamang kay Jehova para maligtas ang mabubuhay upang “magpasalamat [sa kaniya] dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan.”
109:30, 31; 110:5. Ang kanang kamay na ginagamit ng sundalo sa pagwasiwas ng tabak ay karaniwan nang hindi naipagsasanggalang ng kalasag, na hawak naman ng kaliwa. Bilang metapora, si Jehova ay ‘nasa kanan’ ng kaniyang mga lingkod, para ipaglaban sila. Sa gayo’y binibigyan niya sila ng proteksiyon at tulong—isang magandang dahilan upang ‘lubha siyang dakilain’!
113:4-9. Napakataas ni Jehova anupat kailangan niyang magpakababa para lamang “tumingin sa langit.” Subalit mahabagin siya sa maralita, dukha, at sa babaing baog. Mapagpakumbaba ang Soberanong Panginoong Jehova at nais niya na maging mapagpakumbaba rin ang kaniyang mga mananamba.—Santiago 4:6.
114:3-7. Dapat tayong lubhang maantig kapag pinag-aaralan natin ang mga kamangha-manghang gawa ni Jehova sa kapakanan ng kaniyang bayan nang sila’y nasa Dagat na Pula, Ilog Jordan, at Bundok Sinai. Ang sangkatauhan, na kinakatawanan ng “lupa,” ay dapat masindak—sa makasagisag na diwa ay ‘dumanas ng matitinding kirot’—dahil sa Panginoon.
119:97-101. Ang pagtatamo ng karunungan at kaunawaan mula sa Salita ng Diyos ay magsasanggalang sa atin mula sa pinsala sa espirituwal.
119:105. Ang Salita ng Diyos ay lampara sa ating paa sapagkat matutulungan tayo nito na harapin ang mga problema sa ngayon. Iniilawan din nito sa makasagisag na paraan ang ating landas, yamang patiuna nitong sinasabi kung ano ang layunin ng Diyos sa hinaharap.
MALIGAYA SA KABILA NG KAHIRAPAN
Paano natin mahaharap ang mga kalagayang punô ng pagsubok at makakayanan ang kahirapan? Nagbibigay ang Awit 120 hanggang 134 ng malinaw na sagot sa tanong na ito. Makakayanan natin ang kahirapan at mapananatili natin ang ating kagalakan sa pamamagitan ng paghingi ng tulong kay Jehova. Marahil ang mga awit na ito, na tinatawag na mga Awit ng mga Pagsampa, ay inaawit habang naglalakbay ang mga Israelita paakyat ng Jerusalem para ipagdiwang ang kanilang mga taunang kapistahan.
Ang Awit 135 at 136 naman ay naglalarawan kay Jehova bilang ang Gumagawa ng anumang naisin niya, na kabaligtaran naman ng walang-kalaban-labang mga idolo. Ang ika-136 na Awit ay kinatha para sa pag-awit na may sagutan, na ang huling bahagi ng bawat talata ay inaawit bilang tugon sa unang bahagi. Ang sumunod na awit ay naglalahad ng miserableng kalagayan ng mga Judio na nasa Babilonya at nagnanais na sumamba kay Jehova sa Sion. Ang Awit 138 hanggang 145 ay mga awit ni David. Nais niyang ‘purihin si Jehova nang kaniyang buong puso.’ Bakit? “Sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin,” ang sabi niya. (Awit 138:1; 139:14) Sa sumunod na lima pang awit, nanalangin si David para sa proteksiyon mula sa masasamang tao, para sa matuwid na pagsaway, para sa pagliligtas mula sa mga mang-uusig, at para sa patnubay sa paggawi. Itinampok niya ang kaligayahan ng bayan ni Jehova. (Awit 144:15) Matapos alalahanin ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos, sinabi ni David: “Ang papuri kay Jehova ay sasalitain ng aking bibig; at pagpalain nawa ng lahat ng laman ang kaniyang banal na pangalan hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”—Awit 145:21.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
122:3—Paanong ang Jerusalem ay isang lunsod na “pinagsama-sama sa pagkakaisa”? Tulad ng karaniwang mga lunsod noong sinaunang panahon, ang mga bahay sa Jerusalem ay magkakalapit. Dahil dito, madali itong ipagtanggol. Bukod diyan, dahil sa literal na magkakalapit ang mga tahanan, nagkakatulungan ang mga nakatira sa lunsod at naipagsasanggalang nila ang isa’t isa. Ipinakikita nito ang espirituwal na pagkakaisa ng 12 tribo ng Israel kapag nagsasama-sama sila para sumamba.
123:2—Ano ang gustong ipahiwatig ng ilustrasyon hinggil sa mga mata ng mga lingkod? Ang mga lingkod at mga alilang babae ay nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon o among babae sa dalawang dahilan: upang malaman kung ano ang gusto ng kanilang panginoon o among babae at upang makatanggap ng proteksiyon at mga pangangailangan sa buhay. Sa gayunding paraan, tumitingin tayo kay Jehova upang maunawaan ang kaniyang kalooban at matamo ang kaniyang lingap.
131:1-3—Paano ‘pinayapa at pinatahimik ni David ang kaniyang kaluluwa tulad ng batang kaaawat sa suso sa piling ng kaniyang ina’? Kung paanong natutong makahanap ng kaaliwan at kasiyahan sa mga bisig ng kaniyang ina ang isang batang inawat sa suso, natuto si David na payapain at patahimikin ang kaniyang kaluluwa “tulad ng batang kaaawat sa suso sa piling ng kaniyang ina.” Paano? Sa pamamagitan ng hindi pagiging palalo sa puso at hindi pagkakaroon ng matayog na mga mata at hindi paghahangad ng mga bagay na napakadakila para sa kaniya. Sa halip na maghangad ng katanyagan, alam ni David ang kaniyang mga limitasyon at nagpamalas siya ng kapakumbabaan. Isang katalinuhan na tularan natin ang kaniyang saloobin, lalo na kapag may gusto tayong abuting mga pribilehiyo sa kongregasyon.
Mga Aral Para sa Atin:
120:1, 2, 6, 7. Ang mapanirang-puri at mapanlait na pananalita ay makapagdudulot ng napakatinding kabagabagan sa iba. Kapag nag-iingat tayo sa ating sinasabi, maipakikita natin na “naninindigan [tayo] para sa kapayapaan.”
120:3, 4. Kung pinagtitiisan natin ang isang may “mapandayang dila,” maaaliw tayong malaman na itutuwid ni Jehova ang mga bagay-bagay sa kaniyang takdang panahon. Ang mga maninirang-puri ay daranas ng kapahamakan sa mga kamay ng “makapangyarihang lalaki.” Tiyak na tatanggap sila ng maapoy na kahatulan ni Jehova na sinasagisagan ng “nagniningas na mga baga ng mga punong retama.”
127:1, 2. Sa lahat ng ating mga pagsisikap, dapat tayong umasa sa patnubay ni Jehova.
133:1-3. Ang pagkakaisa ng bayan ni Jehova ay nakapagpapaginhawa, nakabubuti, at nakapagpapanariwa. Hindi tayo dapat mamintas, makipagtalo, o magreklamo upang hindi natin masira ang pagkakaisang ito.
137:1, 5, 6. Minahal ng mga tapong mananamba ni Jehova ang Sion, na siyang kumakatawan noon sa organisasyon ng Diyos. Kumusta naman tayo? May katapatan ba tayong nangungunyapit sa organisasyong ginagamit ni Jehova sa ngayon?
138:2. ‘Dinadakila ni Jehova ang kaniyang pananalita nang higit pa sa kaniyang buong pangalan’ sa diwa na tutuparin niya ang lahat ng kaniyang ipinangako sa pangalan niya nang higit pa sa anumang inaasahan natin. Tunay nga, isang dakilang pag-asa ang naghihintay sa atin.
139:1-6, 15, 16. Alam ni Jehova ang mga ginagawa natin, ang ating iniisip, at maging ang mga salitang bibigkasin pa lamang natin. Kilala na niya tayo mula pa sa pagkabinhi, bago pa lumitaw ang mga bahagi ng ating katawan. Ang pagkakilala sa atin ng Diyos bilang mga indibiduwal ay “lubhang kamangha-mangha” para maunawaan. Nakaaaliw ngang malaman na hindi lamang nakikita ni Jehova ang kalagayang punô ng pagsubok na maaaring kinakaharap natin kundi nauunawaan din niya kung ano ang epekto nito sa atin!
139:7-12. Kahit saang sulok ng daigdig tayo pumunta, kaya tayong palakasin ng Diyos.
139:17, 18. Nagiging kaiga-igaya ba sa atin ang kaalaman tungkol kay Jehova? (Kawikaan 2:10) Kung gayon, magsisilbi itong bukal na pagmumulan ng walang-hanggang kaluguran para sa atin. Ang mga kaisipan ni Jehova ay “mas marami pa kaysa sa mga butil ng buhangin.” Palaging may bagong matututuhan tungkol sa kaniya.
139:23, 24. Dapat nating naisin na suriin ni Jehova ang ating mga motibo kung mayroon itong ‘nakasasakit na mga lakad’—maling mga kaisipan, pagnanasa, at mga hilig—at na tulungan Niya tayong alisin ang mga ito.
143:4-7. Paano natin makakayanan maging ang pinakamatinding kahirapan? Sinasabi sa atin ng salmista ang susi: Bulay-bulayin ang gawa ni Jehova, palagi nating ituon ang ating pansin sa kaniyang mga gawa, at humingi ng tulong sa kaniya sa panalangin.
“Purihin Ninyo si Jah!”
Ang unang apat na koleksiyon ng mga awit ay nagtatapos sa pagpuri kay Jehova. (Awit 41:13; 72:19, 20; 89:52; 106:48) Gayundin ang huling koleksiyon ng mga awit. Sinasabi ng Awit 150:6: “Ang bawat bagay na may hininga—purihin nito si Jah. Purihin ninyo si Jah!” Tiyak na magkakatotoo iyan sa bagong sanlibutan ng Diyos.
Habang inaasam-asam natin ang maligayang panahong iyon, napakarami nating dahilan para luwalhatiin ang tunay na Diyos at purihin ang kaniyang pangalan. Kapag iniisip natin ang kaligayahang nadarama natin dahil kilala natin si Jehova at nagtatamasa tayo ng mabuting kaugnayan sa kaniya, hindi ba’t nauudyukan tayo nito na purihin siya nang may mapagpasalamat na puso?
[Larawan sa pahina 15]
Ang mga kamangha-manghang gawa ni Jehova ay kasindak-sindak
[Larawan sa pahina 16]
Ang mga kaisipan ni Jehova ay “mas marami pa kaysa sa mga butil ng buhangin”