Kilalang-kilala Pala Tayo ni Jehova!
TALAGANG nakikilala tayo ni Jehova, lalo na kung tayo ay kaniyang tapat na mga lingkod. Ang matalik na mga kaibigan, mga kamag-anak, maging mga magulang man, ay hindi gaanong nakakakilala sa atin na di-gaya ng pagkakilala niya. Aba, mas nakikilala tayo ng Diyos kaysa pagkakilala natin sa ating sarili!
Ang sakdal na kaalaman ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ay mainam ang pagkalarawan sa Awit 139. Ano ba ang sinabi ni David sa awit na iyan? At papaanong ang kaalaman ng Diyos tungkol sa atin ay nakaaapekto sa ating mga salita at mga gawa?
Anong Lawak ng Kaalaman ni Jehova!
Yamang ang Diyos ang ating Maylikha, aasahan natin na siya ay may lubos na kaalaman tungkol sa atin. (Gawa 17:24-28) Kaya naman, nasabi ni David: “Oh Jehova, iyong siniyasat ako, at nakilala ako.” (Awit 139:1) Ang kaalaman ng Diyos tungkol kay David ay katulad niyaong natamo sa pamamagitan ng lubusang pagsisiyasat. Nagagalak na siya’y siyasatin ni Jehova, ang salmista’y lubos na napailalim sa kapangyarihan at patnubay ng Diyos. Sa katulad na paraan, ang mga Saksi ni Jehova ay may lakip-panalanging ‘naghahabilin kay Jehova ng kanilang lakad, at tumitiwala sa kaniya,’ samantalang natitiyak niya na lagi nang ang gagawin niya’y matuwid. (Awit 37:5) Tayo’y nakadarama ng espirituwal na kasiguruhan sa ating mga puso sapagkat ating hinahanap ang patnubay ng maka-Diyos na karunungan, at tayo’y kusang napaiilalim sa patnubay ng Diyos. (Kawikaan 3:19-26) Katulad ni David, tayo’y makakakuha ng kaaliwan sa pagkaalam na tayo’y pinagmamasdan ng Diyos, nauunawaan niya ang ating mga suliranin, at siya’y laging handa na tumulong sa atin.
“Iyong nakikilala ang aking pag-upo at ang aking pagtindig,” inamin ng salmista. (Awit 139:2a) Batid ng Diyos ang lahat ng bagay tungkol sa mga aktibidades ni David, tulad halimbawa ng kaniyang pag-upo sa katapusan ng maghapong gawain at ang kaniyang pagbangon at pagtindig niya pagkaraan ng magdamag na pagtulog. Kung tayo’y mga Saksi ni Jehova, tinitiyak sa atin na tayo’y kilalang-kilala ng Diyos sa bagay na iyan.
Inamin ni David: “Iyong nauunawa ang aking pag-iisip sa malayo.” (Awit 139:2b) Bagaman ang Diyos ay tumatahan sa langit na napakalayo dito sa lupa, batid niya ang iniisip ni David. (1 Hari 8:43) Ang ganiyang kaalaman ay hindi natin dapat pagtakhan, sapagkat “nakikita [ni Jehova] ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7; Kawikaan 21:2) Ang bagay na nauunawaan ng Diyos ang ating pag-iisip ay dapat mag-udyok sa atin na pag-isipan ang mga bagay na malinis, may kagalingan, kapuri-puri. At anong pagkaangkup-angkop nga na tayo’y laging magpahayag ng ating pag-iisip sa pamamagitan ng taus-pusong panalangin upang tayo’y magtamo ng banal na patnubay at ng “kapayapaan ng Diyos”!—Filipos 4:6-9.
Isinusog pa ng salmista: “Iyong sinukat ang aking paglalakbay at ang aking paghiga nang nakaunat, at iyong kilala ang lahat kong mga lakad.” (Awit 139:3) Ang pagsukat sa paglalakbay ni David mula sa isang lugar tungo sa iba at ang kaniyang paghiga nang nakaunat samantalang namamahinga ay malinaw na nangangahulugang pinakasisiyasat ni Jehova ang lahat ng gawin ng salmista. Sinusukat ng Kataas-taasan ang lahat ng mga gawa ni David upang tiyakin ang eksaktong kaurian ng kaniyang paggawi. Ang Diyos ay may lubos na kaalaman sa mga lakad ni David, ang landas na kaniyang sinunod sa buhay. Pagka naman tayo ay sinuri rin nang ganiyan ng ating Ama sa langit, harinawang masumpungan niya na tayo’y naglilingkod sa kaniya nang may katapatan at nananatili sa “landas ng katuwiran” na patungo sa buhay na walang-hanggan.—Kawikaan 12:28.
Yamang lahat ng maaari nating sabihin ay hindi maililingid sa Diyos, sinabi ni David: “Sapagkat wala pa ang salita sa aking dila, ngunit, narito! Oh Jehova, alam mo nang lahat.” (Awit 139:4) Kung tayo’y lubhang nahihirapan na anupa’t hindi natin alam kung ano ang sasabihin kung nananalangin, ang espiritu ni Jehova ay “namamagitan para sa atin kasabay ng mga hibik na hindi maisasaysay.” (Roma 8:26) Sa ating mga pakikipag-usap, nauunawa ng Diyos ang mga bagay-bagay sa dulo ng dila bagaman hindi natin masabi, sapagkat batid niya ang ating mga tunay na damdamin. At kung tayo’y may pag-ibig na nagmumula sa “pananampalatayang walang pagpapaimbabaw,” ang iba’y hindi natin lilinlangin sa pamamagitan ng “matamis na dila.”—1 Timoteo 1:5; Roma 16:17, 18.
Isinusog ni David: “Iyong kinulong ako, sa likuran at sa harapan; at inilapag mo sa akin ang iyong kamay.” (Awit 139:5) Sa katunayan, si David ay kinulong ni Jehova na gaya ng isang lunsod na nakukulong sa digmaan. Maliwanag na batid ng salmista na may mga limitasyon ang maaari niyang gawin habang siya’y nabubuhay. Batid din niya na imposibleng makatakas buhat sa Diyos sa kaniyang nagmamasid na mata at kamay, o kapangyarihan. Mangyari pa, hindi sinubok ni David na gumawa ng gayong pagtakas, at tayo man ay hindi dapat gumawa ng gayon. Kundi sa tuwina’y mamuhay tayo na palaisip na, bilang kaniyang mga Saksi, nasa ibabaw natin ang kamay ni Jehova.
Ang kaalaman ng Diyos tungkol kay David ay umakay sa kaniya upang mapuno ng sindak. Sa gayon, siya’y nagpahayag: “Ang ganiyang kaalaman ay totoong kagila-gilalas sa akin. Ito’y totoong napakataas sa anupa’t hindi ko maaabot.” (Awit 139:6) Lubus-lubusan ang kaalaman ng Diyos sa atin bilang mga indibiduwal na anupa’t hindi natin masusukat ito, anuman ang karanasan o pagkasanay natin. Yamang ito’y lampas sa unawa ng tao, natitiyak natin na batid ni Jehova kung ano ang pinakamagaling para sa atin. Sa gayon, kung tayo’y nananalangin upang humingi ng isang bagay at ang kaniyang sagot ay hindi, tayo’y pailalim sa kaniyang banal na kalooban. Gaya ng isinulat ni apostol Juan: “Anuman ang hingin natin sa kaniya ayon sa kaniyang kalooban, kaniyang dinidinig tayo.”—1 Juan 5:14.
Hindi Makatatakas Buhat sa Espiritu ng Diyos
Hindi lamang sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ng kaniyang tapat na mga lingkod kundi ang kaniyang espiritu ay kumikilos din may kaugnayan sa kanila at tumutulong sa kanila upang gawin ang kaniyang kalooban. Sa katunayan, itinanong ni David: “Saan ako makatatakas buhat sa iyong espiritu, at saan ako makatatakbo upang makatakas sa iyong harapan?” (Awit 139:7) Batid ng salmista na hindi siya makatatakas buhat sa espiritu, o aktibong puwersa ni Jehova, na nakararating kahit sa kadulu-duluhang bahagi ng sansinukob. At walang sinuman na makatatakas buhat sa harapan ng Diyos, samakatuwid baga, makaiiwas sa kaniyang pagmamasid. Totoo, “si Jonas ay bumangon upang tumakas na patungo sa Tarsis mula sa harapan ni Jehova,” ngunit ang propetang iyan ay hindi nakaiwas sa malaking isda na pinili ng Diyos upang lumulon sa kaniya o managot dahil sa pag-iwas sa iniatas na gawain sa kaniya. (Jonas 1:3, 17; 2:10–3:4) Kaya tayo’y manalig sa espiritu ni Jehova upang siyang tumulong sa atin na ganapin ang iniatas sa atin ng Diyos na mga gawain.—Zacarias 4:6.
Yamang batid ni David na hindi siya makaiiwas sa Diyos, sinabi niya: “Kung sumampa ako sa langit, nandiyan ka; kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, narito! ikaw ay nandoon.” (Awit 139:8) Noong kaarawan ng salmista, ang ‘pagsampa sa langit’ ay nangangahulugan ng pag-akyat sa mataas na bundok, na ang taluktok ay kadalasan natatakpan ng mga ulap. Subalit, kung tayo’y nasa pinakamataas na taluktok ng bundok, tayo’y maaabot pa rin ng espiritu ng Diyos. Higit sa riyan, hindi tayo makaiiwas sa kaniyang pasiya kung ang ating higaan ay nasa Sheol, sa mga salitang makasagisag ay tumutukoy sa pinakamababang panig ng lupa.—Ihambing ang Deuteronomio 30:11-14; Amos 9:2, 3.
“Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga, at tumahan sa mga pinakadulong bahagi ng dagat,” ang sabi ni David, “doon man ay papatnubayan ako ng iyong kamay at ang iyong kanang kamay ay hahawak sa akin.” (Awit 139:9, 10) Ano ba ang ibig sabihin ng “mga pakpak ng umaga”? Ito ay mga salitang patula na naglalarawan kung papaanong ang liwanag ng umaga, na para bagang may mga pakpak, ay mabilis na lumalaganap mula sa silangan hanggang sa kanluran. Subalit ano kung si David ay gagamit ng mga pakpak ng umaga at makararating sa kalayu-layuang dagat o kapuluan sa kanluran? Siya ay masasakop pa rin ng kamay o kapangyarihan at pamamatnubay ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kaniyang espiritu, naroroon si Jehova upang pumatnubay nang may kaawaan sa salmista.—Awit 51:11.
Ang Kadiliman Ay Hindi Suliranin Para sa Diyos
Ang layo o ang kadiliman ay hindi hadlang upang ang isang tao’y makita ng Diyos. Kaya’t isinusog pa ni David: “At kung aking sabihin: ‘Tunay na tatakpan ako ng kadiliman!’ kung magkagayo’y ang liwanag sa palibot ko ay magiging gabi. Ang kadiliman man ay hindi nakakakubli sa iyo, kundi ang gabi ay sumisilang na parang araw; ang kadiliman at kaliwanagan ay magkaparis sa iyo.” (Awit 139:11, 12) Ang isang tao ay maaaring matakpan ng pusikit na kadiliman, na para bagang natabunan nito. Ngunit siya’y maaaring makita ni Jehova na para bagang nakatayo sa maliwanag na sikat ng araw. Walang sinumang maaaring ikubli sa Diyos ang anumang mga kasalanang ginawa sa kadiliman.—Isaias 29:15, 16.
Bagaman ang isang bagay ay nakukubli, iyon ay maaaring makita pa rin ng ating Maylikha. Sa bagay na ito sinabi ni David: “Sapagkat ikaw ang gumawa ng aking mga bato; iyo akong tinakpan sa bahay-bata ng aking ina. Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng nalalamang mabuti ng aking kaluluwa. Ang mga buto ko ay hindi nakubli sa iyo nang ako’y gawin sa lihim, nang ako’y yariin sa mga pinakamababang bahagi ng lupa. Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi, tungkol sa mga araw nang ang mga ito [ang mga bahagi ng katawan] ay mabuo at wala pa kahit anuman [na bahagi ng katawan] sa kanila.”—Awit 139:13-16.
Ang Diyos na Jehova, na nakababatid ng ating pinakamalalalim na damdamin, ang lumikha sa mga bato ni David. Palibhasa’y nasa kaloob-looban ito ng katawan, ang mga bato ay kabilang sa mga sangkap na nasa kubling-kubling dako at di-maaaring magalaw, ngunit ang mga ito ay nakikita ng Diyos. Sa isang ina, kaniyang maaaring makita kahit ang loob ng tiyan o bahay-bata. Aba, maaaring makita ni Jehova ang bago pa lamang ipinaglilihing sanggol! Kahit na lamang ang pagbubulay-bulay tungkol sa kagila-gilalas na paraan ng kung papaano siya nabuo sa bahay-bata ay nagpakilos kay David na purihin ang kaniyang Maylikha. Maliwanag na ang tinutukoy ng salmista ay ang bahay-bata ng ina bilang “ang pinakamababang bahagi ng lupa.” Doon, kubli sa mga pangmalas ng tao ngunit nakikita ng Diyos, ang mga buto, litid, kalamnan, mga nerbiyos, at mga ugat na tinatakbuhan ng dugo ay nagkakasanib-sanib.
Bago napagwari ang sarisaring mga parte ng katawan ni David sa loob ng bahay-bata ng kaniyang ina, ang kaniyang hitsura ay nababatid na ng Diyos. Bakit? Sapagkat ang pagkabuo ng bagong ipinaglilihing binhi ay may tiyak na kaayusang sinusunod, na para bagang sumusunod sa mga instruksiyon na nakasulat sa isang aklat. Ito’y nagpapakita ng karunungan at kakayahan ni Jehova na makita kahit na ang mga bagay na nakukubli! Dapat din itong magpaunawa sa atin na ang Diyos ang lumalang sa lahi ng tao at siya ang maylikha ng kahanga-hangang katangiang mag-anák na ang resulta’y ang ating pag-iral bilang mga indibiduwal.
Anong Pagkahala-halaga ang mga Pag-iisip ng Diyos!
Ang pag-iisip tungkol sa pagkabuo ng isang sanggol sa bahay-bata ay humila kay David upang pag-isipan ang karunungan ng Diyos. Kaya naman, bumulalas ang mang-aawit: “Kung gayon, anong pagkahala-halaga nga sa akin ang iyong mga pag-iisip! Oh Diyos, pagkadaki-dakila ng kabuuan nila!” (Awit 139:17) Minahalaga ni David ang mga pag-iisip ng Diyos na Jehova, at ang mga ito ay pagkarami-rami na anupa’t siya’y humanga sa “pagkadaki-dakilang kabuuan nila.” Kung ang pag-iisip ng Diyos ay mahalaga sa atin, tayo ay magiging masusugid na mga mag-aarál ng Kasulatan. (1 Timoteo 4:15, 16) Ang kaniyang nasusulat na mga pag-iisip ay “mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
Tungkol sa mga kaisipan ni Jehova, sinabi ni David: “Kung aking bibilangin, higit sila sa bilang kaysa mga butil ng buhangin. Pagka ako’y nagigising ay laging nasa iyo ako.” (Awit 139:18) Yamang ang mga pag-iisip ng Diyos ay mas marami kahit na sa mga butil ng buhangin, kung sisimulan ni David na bilangin ang mga iyan magbuhat sa pagbubukang-liwayway, hindi niya matatapos hanggang sa oras ng pagtulog. Sa pagkagising niya sa umaga, siya’y kasama pa rin ni Jehova. Ang ibig sabihin, kaniya pa ring binibilang ang mga pag-iisip ng Diyos. Sa katunayan, yamang kailangan natin ang patnubay ni Jehova, ang may pananalanging pagbubulay-bulay ng kaniyang pag-iisip at mga layunin ang huling-huling dapat na nasa isip natin kung gabi at ang unang-unang bagay naman sa umaga.—Awit 25:8-10.
Ang Kagantihan sa mga Balakyot
Yamang nagbibigay ang Diyos ng pantas na patnubay, ano ang nadama ni David tungkol sa mga taong tumatanggi sa patnubay ng Diyos? Siya’y dumalangin: “Walang pagsalang iyong papatayin ang balakyot, Oh Diyos! Hiwalayan nga ninyo ako na mga taong mapagbubo ng dugo, na nagsasalita ng mga bagay tungkol sa iyo ayon sa kanilang sariling ideya; kanilang ginagamit ang iyong pangalan sa walang kabuluhan—ang iyong mga kaaway.” (Awit 139:19, 20) Hindi sinubok ni David na patayin ang mga balakyot kundi siya’y nanalangin na sila’y makaranas ng parusa sa kamay ni Jehova. Tayo’y dapat na mayroon ding ganiyang saloobin. Halimbawa, maidadalangin natin na bigyan tayo ng katapangang magsalita ng salita ng Diyos pagka tayo’y pinag-usig ng mga kaaway. (Gawa 4:18-31) Ngunit hindi natin hinahangad na tayo ang magligpit sa ating mga kaaway, sapagkat batid natin na si Jehova ay nagsabi: “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti.”—Hebreo 10:30; Deuteronomio 32:35.
Kung ang mga balakyot ay papatayin ng Diyos, ang gayong mapagbubo ng dugong mga tao ay mawawala na sa harap ni David. Sila’y may rekord ng pagkakasala sa pagbububo ng dugo at nagsalita rin ng mga bagay-bagay tungkol kay Jehova ayon sa kanilang ideya, na hindi kasuwato ng kaniyang mga pag-iisip. Isa pa, sila’y karapat-dapat sa kamatayan dahil sa pagdadala ng upasala sa pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit doon sa paraan na walang kabuluhan, marahil ginagamit nila ito samantalang ginagawa ang kanilang masasamang balak. (Exodo 20:7) Harinawang tayo’y huwag magkasala kailanman ng katulad na mga kasalanan!
Dahilan sa ang mga balakyot ay nagkakasala ng pagbububo ng dugo at pagdadala ng upasala sa pangalan ng Diyos, si David ay nagpahayag: “Hindi ko ba kinapopootan yaong mga may matinding pagkapoot sa iyo, Oh Jehova, at hindi ko ba kinasusuklaman yaong mga naghihimagsik laban sa iyo? Sila’y lubos na kinapopootan ko. Sila’y naging tunay na mga kaaway ko.” (Awit 139:21, 22) Si David ay nakadama ng pagkasuklam sa mga lalaking ito sapagkat sila’y may matinding pagkapoot kay Jehova at naghihimagsik laban sa Kaniya. Sila ang mga kaaway ng salmista sapagkat kaniyang kinapopootan ang kanilang kabalakyutan, kalikuan, at paghihimagsik laban sa Kataas-taasan.
Hayaang Siyasatin Ka ng Diyos
Hindi nais ni David na siya’y mapatulad sa mga taong balakyot, ngunit batid niya na siya’y hindi dapat magtanim ng poot laban sa kanila. Kaya’t siya’y nagsumamo: “Siyasatin mo ako, Oh Diyos, at alamin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang bumabagabag sa akin na mga kaisipan, at tingnan mo kung sa akin ay may anumang lakad ng kasamaan, at patnubayan mo ako sa daang walang-hanggan.” (Awit 139:23, 24) Katulad ng salmista, ibig nating siyasatin ng Diyos ang ating mga puso at unawain kung tayo’y may di-wastong mga motibo. (1 Cronica 28:9) Hilingin natin kay Jehova na suriin tayo, alamin ang mga kaisipang bumabagabag sa atin, at tingnan kung sa atin ay may anumang lakad ng kasamaan. Kung tayo’y nililigalig ng pagkabalisa sa ating mga kasalanan o may isang bagay na masama sa loob natin o mayroon tayong masamang motibo, tayo’y manalangin nang may kababaang-loob at lubusang pailalim sa pamamatnubay ng espiritu ng Diyos at sa payo ng kaniyang Salita. (Awit 40:11-13) Sa pamamagitan ng ganiyang kaparaanan, ang ating pinakamatalik na Kaibigan, si Jehova, ay papatnubay sa atin sa daang walang-hanggan, tutulungan tayo na lumakad sa matuwid na landas na patungo sa buhay na walang-hanggan.
Sa gayon ang Awit 139 ay nagbibigay ng tunay na pampatibay-loob. Ipinakikita nito na, yamang walang anumang hindi nakikita ang ating makalangit na Ama, tayo’y matutulungan niyang lagi sa oras ng pangangailangan. (Hebreo 4:16) Isa pa, dahil sa tayo’y nakikilala ni Jehova higit sa pagkakilala natin sa ating sarili, tayo’y panatag sa ilalim ng kaniyang mapagmahal na pangangalaga. (Deuteronomio 33:27) Kung mapakumbabang hihilingin natin sa kaniya na tayo’y siyasatin at itawag-pansin ang ating sariling mga kahinaan, sa tulong niya ay maitutuwid natin ang mga bagay-bagay. Kung gayon, tiyak na ang kaalaman ng Diyos tungkol sa atin bilang mga indibiduwal ay dapat makaapekto sa ating buhay sa mabuting paraan. Ito’y dapat magpakilos sa atin na maging tapat na mga tagapagtaguyod ng tunay na pagsamba at lumakad nang may kapakumbabaan sa harap ni Jehova, na kilalang-kilala pala tayo.