Talaga Bang Kilalá Ka ng Diyos?
“Oh Jehova, . . . iyong kilalá ang lahat kong mga lakad.”—AWIT 139:1, 3.
1. Gaano kalaganap ang damdamin na ‘ang iba’y hindi nakaiintindi’ ng mga kabalisahan, suliranin, at kagipitan na nakaharap sa atin?
MAYROON bang sinuman na talagang nakaiintindi sa mga kabalisahan, kagipitan, at suliranin na nakaharap sa iyo? Sa buong daigdig angaw-angaw na tao, bata at matanda, ang walang pamilya o mga kamag-anak na may malasakit kung ano ang mangyari sa kanila. Kahit na sa loob ng mga pami-pamilya, maraming asawang babae—oo, at pati mga asawang lalaki—ang nakadarama na ang kani-kanilang kabiyak ay tunay na hindi nakaiintindi ng mga kagipitan na nagpapabigat sa kanila. Kung minsan, sa pagkabigo, sila’y tumututol: “Pero hindi mo naiintindihan!” At marami sa mga kabataan ang nanghihinuha na walang sinumang nakaiintindi sa kanila. Subalit, sa gitna ng mga umasa na sila’y higit na mauunawaan ng iba ay nariyan ang ilan na nang malaunan ang buhay ay naging makabuluhan. Papaano nga maaaring mangyari iyan?
2. Ano ang makatutulong sa mga sumasamba kay Jehova upang ang kanilang buhay ay maging lubhang kasiya-siya?
2 Ito’y dahilan sa, lubusang naiintindihan man o hindi ng kanilang mga kapuwa tao ang kanilang damdamin, nagtitiwala sila na naiintindihan ng Diyos ang kanilang dinaranas at na, bilang kaniyang mga lingkod, sila’y hindi nag-iisa sa pagharap sa kanilang mga suliranin. (Awit 46:1) Isa pa, ang Salita ng Diyos kasama ang tulong ng maunawaing Kristiyanong matatanda ang umaalalay sa kanila upang makita hindi lamang ang kanilang personal na mga suliranin. Ang Kasulatan ay tumutulong sa kanila na maunawaan na mahalaga sa paningin ng Diyos ang kanilang tapat na paglilingkuran at na may isang matatag na kinabukasan yaong mga naglalagak ng kanilang pag-asa sa kaniya at sa mga paglalaan na kaniyang ginawa sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—Kawikaan 27:11; 2 Corinto 4:17, 18.
3, 4. (a) Papaano ang pagpapahalaga sa katotohanan na “si Jehova ay siyang Diyos” at siya ang “lumalang sa atin” ay tutulong sa atin na makatagpo ng kagalakan sa paglilingkod sa kaniya? (b) Bakit tayo ay may lubos na pagtitiwala sa maibiging pangangalaga ni Jehova?
3 Marahil ay batid mo na ang Awit 100:2, na nagsasabi: “Maglingkod kayo kay Jehova na may kasayahan. Magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.” Ilan ang tunay na sumasamba kay Jehova sa ganiyang paraan? Matitibay na dahilan sa paggawa ng gayon ang ibinibigay sa Aw 100 talatang 3, na nagpapaalaala sa atin: “Alamin ninyo na si Jehova ay siyang Diyos. Siya ang lumalang sa atin, at tayo’y kaniya. Tayo’y kaniyang bayan at mga tupa ng kaniyang pastulan.” Sa tekstong Hebreo, siya’y tinutukoy roon na ’Elo·himʹ, sa gayo’y ipinakikita ang kaniyang kadakilaan sa kamahalan, karangalan, at kataasan sa lahat. Siya ang tanging tunay na Diyos. (Deuteronomio 4:39; 7:9; Juan 17:3) Nakilala ng kaniyang mga lingkod ang kaniyang pagka-Diyos, hindi lamang bilang isang katotohanan na itinuro sa kanila kundi isang bagay na kanilang naranasan na at kanilang pinatutunayan sa pamamagitan ng pagsunod, pagtitiwala, at debosyon.—1 Cronica 28:9; Roma 1:20.
4 Dahilan sa si Jehova ang Diyos na buháy, na nakakakita kahit na sa ating puso, walang maikukubli sa kaniyang mga mata. Nalalaman niya nang lubusan kung ano ang nangyayari sa ating buhay. Nauunawaan niya kung ano ang sanhi ng mga suliranin na napapaharap sa atin gayundin ang pagkabagabag ng isip at damdamin na maaaring resulta ng mga ito. Bilang ang Maylikha, mas kilalá niya tayo kaysa pagkakilala natin sa ating sarili. Alam din niya kung papaano tayo tutulungan upang mapagtagumpayan ang ating suliranin at kung papaano mabibigyan ng walang-hanggang lunas. Mapagmahal na tayo’y tutulungan niya—gaya ng isang pastol na kumukupkop ng isang kordero sa kaniyang sinapupunan—habang tayo’y nagtitiwala sa kaniya nang ating buong puso. (Kawikaan 3:5, 6; Isaias 40:10, 11) Malaki ang magagawa ng pag-aaral ng Awit 139 upang patibayin ang pagtitiwalang iyan.
Ang Isang Nakakakita ng Lahat ng Ating Lakad
5. Ano ang kahulugan ng ‘pagsisiyasat [ni Jehova] sa atin,’ at bakit kanais-nais iyan?
5 Taglay ang matinding pagpapahalaga, ang salmistang si David ay sumulat: “Oh Jehova, iyong siniyasat ako, at nakilala ako.” (Awit 139:1) Nagtiwala si David na ang pagkakilala sa kaniya ni Jehova ay hindi bahagya lamang. Hindi nakita ng Diyos si David na gaya ng pagkakita ng mga tao, na ang nakikita lamang ay ang kaniyang pisikal na kaanyuan, ang kaniyang kahusayang magsalita, o ang kaniyang pagkadalubhasang tumugtog ng alpa. (1 Samuel 16:7, 18) “Siniyasat” ni Jehova ang kaloob-looban ni David at ginawa iyon taglay ang mapagmahal na pagmamalasakit sa kaniyang espirituwal na kapakanan. Kung isa ka sa tapat na mga lingkod ni Jehova, kilalang-kilala ka rin niya na gaya ni David. Hindi ba pinupukaw niyan sa kalooban mo ang damdamin ng pagpapasalamat at ng panggigilalas?
6. Papaano ipinakikita ng Awit 139:2, 3 na alam ni Jehova ang lahat ng ginagawa natin, pati ang lahat ng ating pag-iisip?
6 Lahat ng ginagawa ni David ay nakikita ni Jehova, at alam iyan ni David. “Iyong nakilala ang aking pag-upo at ang aking pagtindig,” ang isinulat ng salmista. “Iyong inuunawa ang aking pag-iisip buhat sa malayo. Iyong sinukat ang aking paglalakbay at ang aking paghiga nang nakaunat, at iyong kilalá ang lahat kong mga lakad.” (Awit 139:2, 3) Ang bagay na si Jehova ay nasa langit, malayung-malayo sa lupa, ay hindi naging hadlang sa kaniyang pagkaalam kung ano ang ginagawa ni David o ano ang kaniyang iniisip. Kaniyang “sinukat,” o maingat na sinuri, ang mga gawain ni David, kapuwa sa araw at sa gabi, upang makilala kung ano ang katangian ng mga iyon.
7. (a) Batay sa mga pangyayari sa buhay ni David, magkomento tungkol sa ilan sa mga bagay sa ating buhay na alam ng Diyos. (b) Papaano dapat makaapekto sa atin ang kaalamang ito?
7 Nang ang pag-ibig sa Diyos at pagtitiwala sa Kaniyang kapangyarihang magligtas ay nag-udyok sa may kabataang si David na magkusang makipagbaka sa higanteng Pilisteo na si Goliat, alam iyan ni Jehova. (1 Samuel 17:32-37, 45-47) Sa dakong huli, nang ang pagkapoot ng mga tao ay nagdulot ng labis na dalamhati sa puso ni David, nang napakatindi ng panggigipit anupat siya’y tumangis sa gabi, siya’y naaliw ng pagkaalam na dininig ni Jehova ang kaniyang pagsusumamo. (Awit 6:6, 9; 55:2-5, 22) Gayundin, nang isang pusong puspos ng pasasalamat ang umakay kay David na magbulay-bulay tungkol kay Jehova nang isang gabing hindi siya makatulog, alam na alam iyon ni Jehova. (Awit 63:6; ihambing ang Filipos 4:8, 9.) Isang gabi nang pinanood ni David ang isang naliligong babae na asawa ng isang kapitbahay, alam din iyon ni Jehova, at kaniyang nakita ang nangyari nang si David, kahit na sa maikling sandali, ay nagbigay-daan sa makasalanang hangarin na alisin muna sa isip ang Diyos. (2 Samuel 11:2-4) Sa dakong huli, nang suguin ang propetang si Nathan upang ipakilala kay David ang kabigatan ng kaniyang kasalanan, hindi lamang narinig ni Jehova ang mga salitang nanggaling sa bibig ni David kundi kaniya ring nakilala ang pusong nagsisisi na pinanggalingan niyaon. (2 Samuel 12:1-14; Awit 51:1, 17) Hindi ba iyan ay dapat na umakay sa atin na matamang pag-isipan kung saan tayo pumupunta, ano ang ginagawa natin, at ano ang nasa puso natin?
8. (a) Papaano ang ‘mga salita sa ating dila’ ay may impluwensiya sa ating katayuan sa harap ng Diyos? (b) Papaano madaraig ang mga kahinaan sa paggamit ng dila? (Mateo 15:18; Lucas 6:45)
8 Yamang alam ng Diyos ang lahat ng ginagawa natin, hindi natin dapat ipagtaka na alam niya kung papaano natin ginagamit ang isang sangkap ng katawan kahit ito’y maliit na gaya ng dila. Ito’y natalos ni Haring David, at siya’y sumulat: “Sapagkat wala pa ang salita sa aking dila, ngunit, narito! Oh Jehova, alam mo nang lahat.” (Awit 139:4) Alam na alam ni David na ang mga tatanggaping panauhin sa tolda ni Jehova ay mga taong hindi nanirang-puri sa iba at tumangging gamitin ang kanilang dila sa pagkakalat ng mga parunggit na tsismis na sisira ng dangal ng isang matalik na kaibigan. Ang mga sasang-ayunan ni Jehova ay mga taong nagsasalita ng katotohanan maging sa kanilang puso. (Awit 15:1-3; Kawikaan 6:16-19) Wala sa atin ang lubusang makapipigil sa ating dila, subalit hindi nagbigay si David ng mahinang pagdadahilan na wala siyang magagawang anuman upang malunasan ang kaniyang suliranin. Siya’y gumugol ng malaking panahon sa paglikha at pag-awit ng mga salmo ng papuri kay Jehova. Kaniyang malayang kinilala rin ang kaniyang pangangailangan ng tulong at nanalangin sa Diyos na tulungan siya. (Awit 19:12-14) Ang atin bang paggamit sa dila ay nangangailangan ding isali sa ating panalangin?
9. (a) Ano ang ipinakikita ng paglalarawan sa Awit 139:5 tungkol sa kung papaano lubus-lubusang nalalaman ng Diyos ang ating katayuan? (b) Sa ano binibigyan tayo nito ng pagtitiwala?
9 Hindi nakikita ni Jehova ang ating sarili o ang ating katayuan buhat sa isang limitadong pananaw. Kaniyang nakikita ang buong larawan, buhat sa lahat ng panig. Ginamit ni David ang isang nakukubkob na lunsod bilang halimbawa nang siya’y sumulat: “Iyong kinulong ako, sa likuran at sa harapan.” Sa pangyayari kay David, ang Diyos ay hindi isang kumukubkob na kaaway; bagkus, siya’y isang gising na bantay. “Inilapag mo sa akin ang iyong kamay,” sinabi pa ni David, sa gayo’y ipinakikita ang pagsupil at proteksiyon na ginagampanan ng Diyos ukol sa walang-hanggang kapakinabangan ng mga nagsisiibig sa kaniya. “Ang ganiyang kaalaman ay totoong kagila-gilalas sa akin. Ito’y totoong napakataas na anupat hindi ko maaabot,” inamin ni David. (Awit 139:5, 6) Buung-buo, lubus-lubusan, ang kaalaman ng Diyos tungkol sa kaniyang mga lingkod, anupat hindi natin lubusang mapag-unawa iyon. Subalit sapat ang alam natin upang magtiwala na talagang nauunawaan tayo ni Jehova at ang tulong na kaniyang ibinibigay ang pinakamagaling sa lahat.—Isaias 48:17, 18.
Nasaan Man Tayo, Matutulungan Tayo ng Diyos
10. Anong nagpapatibay-loob na katotohanan ang ipinakikita ng malinaw na paglalarawan sa Awit 139:7-12?
10 Sa pagmamasid sa maibiging pangangalaga ni Jehova buhat sa ibang punto de vista, ang salmista ay nagpapatuloy: “Saan ako makatatakas buhat sa iyong espiritu, at saan ako makatatakbo upang makatakas sa iyong harapan?” Hindi siya naghahangad na subukang tumakas kay Jehova; bagkus, batid niya na nasaan man siya, malalaman iyon ni Jehova at, sa pamamagitan ng banal na espiritu, matutulungan siya. “Kung sumampa ako sa langit,” ang patuloy niya, “nandiyan ka; at kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, narito! ikaw ay nandoon. Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga, at tumahan sa pinakadulong bahagi ng dagat, doon man ay papatnubayan ako ng iyong kamay at ang iyong kanang kamay ay hahawak sa akin. At kung aking sasabihin: ‘Tunay na tatakpan ako ng kadiliman!’ kung magkagayo’y ang liwanag sa palibot ko ay magiging gabi. Ang kadiliman man ay hindi nakakakubli sa iyo, kundi ang gabi ay sumisilang na parang araw; ang kadiliman at ang kaliwanagan ay magkaparis sa iyo.” (Awit 139:7-12) Saanman tayo naroroon, anuman ang ating kalagayan, tayo’y nakikita ni Jehova o mararating ng kaniyang espiritu upang tulungan tayo.
11, 12. (a) Bagaman sandaling nakalimutan iyon ni Jonas, papaano ipinakilala sa halimbawa ni Jonas ang kapangyarihan ni Jehova na makakita at makatulong? (b) Papaano tayo makikinabang sa karanasan ni Jonas?
11 Minsan ay nakalimutan iyan ng propetang si Jonas. Siya’y inatasan ni Jehova na mangaral sa mga tao sa Nineve. Sa ilang kadahilanan ay inakala niya na hindi niya magagampanan ang atas na iyan. Marahil dahil sa kilalá ang mga Asirio sa kabagsikan, ikinatakot ni Jonas ang maglingkod sa Nineve. Kaya sinubukan niya na magtago. Sa daungan ng Joppe, siya’y nakasakay sa isang barkong patungong Tarsis (karaniwan nang iniuugnay sa Espanya, mahigit na 3,500 kilometro sa kanluran ng Nineve). Gayunpaman, nakita siya ni Jehova sa kaniyang pagsakay sa barko at pagtulog sa bodega. Alam din ng Diyos kung nasaan si Jonas sa bandang huli nang siya’y itapon sa dagat, at narinig ni Jehova si Jonas nang kaniyang ipangako buhat sa tiyan ng malaking isda na kaniyang tutupdin na ang kaniyang ipinanata. Pagkatapos ibalik sa katihan, muling binigyan si Jonas ng isang pagkakataon na tupdin ang iniatas sa kaniya.—Jonas 1:3, 17; 2:1–3:4.
12 Mas lalong mabuti kung sa pasimula pa lamang ay nanalig na si Jonas na ang espiritu ni Jehova ang tutulong sa kaniya upang gampanan ang iniatas sa kaniya! Gayunman, sa dakong huli ay may kapakumbabaang isinulat ni Jonas ang kaniyang karanasan, at ang ulat na iyan ang tumulong sa marami mula noon na magpakita ng pagtitiwala kay Jehova na sa pakiwari ni Jonas ay napakahirap kamtin.—Roma 15:4.
13. (a) Anong mga iniatas kay Elias ang ginanap niya nang may katapatan bago siya tumakas mula kay Reyna Jezebel? (b) Papaano tinulungan ni Jehova si Elias kahit nang subukin niya na magtago sa labas ng teritoryo ng Israel?
13 Ang karanasan ni Elias ay medyo naiiba. Buong katapatang inihatid niya ang utos ni Jehova na ang Israel ay padaranasin ng tagtuyot bilang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan. (1 Hari 16:30-33; 17:1) May kagitingang itinaguyod niya ang tunay na pagsamba sa pagpapaligsahan ni Jehova at ni Baal sa Bundok Carmel. At kaniyang sinubaybayan iyon hanggang sa pagpuksa sa 450 propeta ni Baal sa binabahaang libis ng Kishon. Subalit nang sa silakbo ng galit ay magpanata si Reyna Jezebel na si Elias ay ipapapatay niya, si Elias ay tumakas sa lupain. (1 Hari 18:18-40; 19:1-4) Naroon ba si Jehova upang tumulong sa kaniya sa mahirap na panahong iyon? Oo, naroon nga. Kung sakaling si Elias ay umakyat sa isang mataas na bundok, sa mistulang langit; kung siya’y nagtago sa isang yungib sa kalaliman ng lupa, na mistulang nasa Sheol; kung siya’y tumakas sa isang malayong pulo taglay ang bilis na katulad ng liwanag ng bukang-liwayway na lumalaganap sa buong lupa—naroon din ang kamay ni Jehova upang palakasin at patnubayan siya. (Ihambing ang Roma 8:38, 39.) At pinalakas naman ni Jehova si Elias hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng pagkain sa kaniyang paglalakbay kundi pati na ang kagila-gilalas na pagtatanghal ng Kaniyang aktibong puwersa. Taglay ang gayong lakas, ginampanan ni Elias ang kaniyang sumunod na atas bilang propeta.—1 Hari 19:5-18.
14. (a) Bakit maling isipin na ang Diyos ay nasa lahat ng dako sa lahat ng panahon? (b) Sa ilalim ng anong mga kalagayan maibiging inalalayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa modernong panahon? (c) Papaanong kahit na tayo ay nasa Sheol, ay mararating iyon ng Diyos?
14 Ang makahulang mga salita ng Awit 139:7-12 ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay omnipresente, na siya’y personal na presente sa lahat ng dako sa lahat ng panahon. Malinaw na hindi ganiyan ang ipinakikita ng Kasulatan. (Deuteronomio 26:15; Hebreo 9:24) Gayunman, laging nasa kaniyang kapangyarihan na maabot ang kaniyang mga lingkod. Totoo iyan sa mga binigyan ng teokratikong mga atas na nagdala sa kanila sa malalayong lugar. Totoo iyan sa tapat na mga Saksi sa mga piitang kampo ng Nazi noong Digmaang Pandaigdig II, at totoo ito sa mga misyonerong nangag-iisang ikinulong sa Tsina mula noong 1958 hanggang 1965. Totoo ito sa ating mga kapatid sa isang lupain sa Central Africa na kinailangang paulit-ulit na tumakas buhat sa kanilang mga nayon, maging sa kanilang bansa. Kung kinakailangan, maaabot ni Jehova ang Sheol, ang pangkaraniwang libingan, at maibabalik dito ang mga tapat sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.—Job 14:13-15; Lucas 20:37, 38.
Ang Isang Tunay na Nakauunawa sa Atin
15. (a) Mula pa sa gaano kaagang panahon nakikita na ni Jehova ang ating paglaki? (b) Gaano kalawak ang pagkakilala sa atin ng Diyos gaya ng ipinakikita ng pagtukoy ng salmista sa mga bato?
15 Kinasihan ang salmista na itawag pansin ang katotohanan na kilalá na tayo ng Diyos bago pa man tayo isilang, sa pagsasabing: “Sapagkat ikaw ang gumawa ng aking mga bato; iyo akong tinakpan sa bahay-bata ng aking ina. Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.” (Awit 139:13, 14) Ang pagsasanib ng mga gene buhat sa ating ama at sa ating ina sa panahon ng paglilihi ay lumilikha ng kaayusan na may mahalagang impluwensiya sa ating pisikal at mental na potensiyal. Nauunawaan ng Diyos ang potensiyal na iyan. Sa awit na ito ay binibigyan ng natatanging pansin ang mga bato (kidney), na kalimitan ay ginagamit sa Kasulatan upang kumatawan sa kaloob-loobang aspekto ng personalidad.a (Awit 7:9; Jeremias 17:10) Alam na ni Jehova ang mga detalyeng ito tungkol sa atin bago pa man tayo isilang. Siya rin ang isa na dahil sa maalalahaning pagtingin ay nagdisenyo sa katawan ng tao kung kaya ang isang pertilisadong selula sa loob ng bahay-bata ng isang ina ay lumilikha ng isang pinakabahay upang ‘takpan’ ang binhing sumisibol at ingatan iyon habang nagkakaanyo.
16. (a) Papaano itinatampok ng Awit 139:15, 16 ang tumatagos na bisa ng paningin ng Diyos? (b) Bakit ito’y dapat magpatibay-loob sa atin?
16 Pagkatapos, upang idiin ang tumatagos na bisa ng paningin ng Diyos, isinusog ng salmista: “Ang mga buto ko ay hindi napakubli sa iyo nang ako’y gawin sa lihim, nang ako’y yariin sa pinakamababang mga bahagi ng lupa [marahil isang patulang pagtukoy sa bahay-bata ng kaniyang ina subalit nagpapahiwatig ng pagkalalang kay Adan buhat sa alabok]. Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi nito, tungkol sa mga araw nang mabuo ang mga ito [ang mga parte ng katawan] at wala pa kahit anuman [ang iba’t ibang parte ng katawan] sa kanila.” (Awit 139:15, 16) Tungkol dito ay walang anumang alinlangan—tayo’y maintindihan man o hindi ng ating mga kapuwa tao, tayo ay naiintindihan ni Jehova. Papaano dapat makaapekto iyan sa atin?
17. Kung kamangha-mangha ang ating pagkakilala sa mga gawa ng Diyos, ano ang inuudyukan tayo nito na gawin?
17 Kinilala ng manunulat ng Awit 139 na ang mga gawa ng Diyos na siyang paksa ng kaniyang pagsulat ay kamangha-mangha. Ganiyan din ba ang iyong nadarama? Ang isang bagay na kamangha-mangha sa isang tao ay nag-uudyok sa kaniya na mag-isip nang malalim o puspusang makinig. Malamang na ganiyan ang epekto sa iyo ng pisikal na mga paglalang ni Jehova. (Ihambing ang Awit 8:3, 4, 9.) Pinag-iisipan mo rin ba nang ganiyan ang kaniyang ginawa sa pagtatatag ng Mesiyanikong Kaharian, ang kaniyang ginagawa upang maipangaral ang mabuting balita sa buong lupa, at ang paraan kung papaano binabago ng kaniyang Salita ang mga personalidad ng tao?—Ihambing ang 1 Pedro 1:10-12.
18. Kung masumpungan natin na ang gawa ng Diyos ay gumigising ng pagkatakot, papaano ito makaaapekto sa atin?
18 Karanasan mo rin ba na ang pagbubulay-bulay sa mga gawa ng Diyos ay gumigising ng iyong takot, na ito’y lumilikha sa iyo ng mabuting pagkatakot, na malakas gumanyak, may mahalagang epekto sa iyong pagkatao at sa kung papaano mo ginagamit ang iyong buhay? (Ihambing ang Awit 66:5.) Kung gayon, pakikilusin ka ng iyong puso na parangalan si Jehova, purihin siya, samantalahin ang mga pagkakataon na ibalita sa iba ang kaniyang layunin at ang kagila-gilalas na mga bagay na kaniyang inilaan para sa mga umiibig sa kaniya.—Awit 145:1-3.
[Talababa]
a Tingnan ang Insight on the Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., Tomo 2, pahina 150.
Ano ba ang Komento Mo?
◻ Papaano tayo tutulungan ng pagkaalam na “si Jehova ay siyang Diyos” upang maglingkod sa kaniya nang may kasayahan?
◻ Papaano dapat makaimpluwensiya sa ating buhay ang pagkakilala na nalalaman ni Jehova ang lahat ng ginagawa natin?
◻ Bakit nakapagpapatibay-loob ang bagay na ang Diyos ay laging nakamasid sa atin?
◻ Bakit nauunawaan tayo ng Diyos sa mga paraan na hindi maunawaan ng sinumang tao?
◻ Bakit ang isang pag-aaral na gaya nito ay gumigising sa atin ng pagnanasang parangalan si Jehova?