Ang Mata—“Kinaiinggitan ng mga Siyentipiko sa Computer”
ANG retina ay isang maliit na lamad na umaakma sa likuran ng mata. Kasingnipis ng papel, ito ay naglalaman ng mahigit na isang daang milyong neuron na nakaayos sa iba’t ibang suson. “Ang retina,” sang-ayon sa aklat na The Living Body, “ay isa sa pinakakahanga-hangang piraso ng himaymay sa katawan ng tao.” Ito ay “kinaiinggitan ng mga siyentipiko sa computer, nagsasagawa ng humigit-kumulang 10 bilyong kalkulasyon sa bawat segundo,” sabi ni Sandra Sinclair sa kaniyang aklat na How Animals See.
Kung paanong ang kamera ay nagpupokus ng larawan sa isang potograpikong pilm, ipinupokus ng ating mata sa retina ang larawan na nakikita natin. Gayunman, gaya ng paliwanag ni Dr. Miller, ang pilm ng kamera “ay hindi man lamang maihahambing sa mahusay na pagkasensitibo ng retina.” Sa “pilm” din na iyon ay nakakakita tayo sa liwanag ng buwan o sa liwanag ng araw na 30,000 ulit na mas matindi. Isa pa, naaaninaw ng retina ang maliliit na detalye ng isang bagay na ang isang bahagi ay lubos na nasa liwanag at ang natitirang bahagi ay nasa dilim. “Ang kamera,” paliwanag ni Propesor Guyton sa kaniyang Textbook of Medical Physiology, “ay hindi makagagawa nito dahil sa makitid ang kritikal na hangganan ng tindi ng liwanag na kailangan para sa pagkuha ng larawan ng pilm.” Kaya, ang mga potograpo ay nangangailangan ng kagamitan sa flash.
Ang “mahusay na pagkasensitibo ng retina” ay dahilan, sa isang bahagi, sa 125 milyong baras (rods). Ang mga ito ay sensitibo sa kakaunting liwanag, na nagpapangyaring makakita sa gabi. At nariyan ang 5.5 milyong balisunsong (cones) na tumutugon sa mas matinding liwanag at ginagawang posible ang detalyadong pagkakita sa kulay. Ang ilang balisunsong ay sensitibo sa pulang liwanag, ang iba ay sa berde at ang iba naman ay sa asul. Ang kanilang pinagsama-samang pagtugon ay nagpapangyaring makita mo ang lahat ng kulay sa magasing ito. Kung ang lahat ng tatlong uri ng balisunsong ay pare-parehong naganyak, ang kulay na nakikita mo ay busilak na puti.
Karamihan sa mga hayop ay limitado ang kakayahan na makakita ng may kulay, at marami pa nga ang di nakakakita ng kulay. “Ang pagkakita sa kulay ay sobra-sobra ang naidaragdag na kasiyahan sa buhay,” ang sabi ng seruhanong si Rendle Short, na ang sabi pa: “Sa lahat ng mga sangkap ng katawan na hindi kailangang-kailangan para sa buhay, ang mata ay maituturing na pinakakagila-gilalas.”
“Makahimalang Pagtutulungan”
Ang mga larawan ay baligtad sa retina kung paanong baligtad din ito sa pilm ng kamera. “Bakit hindi baligtad ang tingin natin sa mundo?” ang tanong ni Dr. Short. “Sapagkat,” paliwanag niya, “ang utak ay mayroon nang kaugalian na baligtarin ang mga nakikita.”
Pantanging mga salamin ay idinisenyo upang baligtarin ang larawang nakikita. Sa siyentipikong mga eksperimento, ang mga tao na pinagsuot ng gayong salamin ay baligtad ang lahat ng nakikita. Pagkatapos, paglipas ng ilang araw, isang kataka-takang bagay ang nangyayari. Nakakakita na sila ng normal! “Ang makahimalang pagtutulungan ng iyong mata at ng iyong utak ay naipamamalas sa iba’t ibang paraan,” komento ng The Body Book.
Habang sinusundan ng iyong mata ang linyang ito, kinikilala ng mga balisunsong ang itim na tinta mula sa puting papel. Gayunman, ang iyong retina ay hindi makatutugon sa mga karakter ng gawang-taong abakada. Natututo tayong bigyan ng kahulugan ang dugtung-dugtong na mga titik sa iba pang bahagi ng ating utak. Ang paglilipat ng impormasyon ay kailangan.
Ang retina ay nagpapadala ng kodigong mensahe sa pamamagitan ng milyun-milyong himaymay ng nerbiyos sa isang bahagi ng iyong utak na nasa likuran ng iyong ulo. “Ang paghahatid ng mensahe mula sa retina tungo sa cerebral cortex,” paliwanag ng aklat na The Brain, “ay organisadung-organisado at maayos. . .. Kung ang kaunting liwanag ay patatamain sa iba’t ibang bahagi ng retina, isang katumbas na bahagi sa dako para sa pagkakita [doon sa utak] ang tutugon.”
[Mga larawan sa pahina 7]
Di-gaya ng kamera, sapagkat ang retina ay may malawak na hangganan ng pagkasensitibo sa liwanag, ang mata ay hindi dumidepende sa flash
[Larawan sa pahina 8]
Ang iyong retina ay may milyun-milyong neuron, na tinatawag na balisunsong, na sensitibo sa berde, pula, o asul