Isang Timbang na Pangmalas sa Pribadong Buhay
ANG mga dahilan kung bakit nais ng mga taong ingatan ang pribadong buhay ay marami at iba-iba. Maaaring gustuhin ng mga kabataan ang pribadong buhay upang igiit ang kanilang pagsasarili. Nais ng iba na ingatang pribado ang kanilang mga kabuhayan dahilan sa kahina-hinalang mga pagnenegosyo. Ang mga taong narikonosi na may virus ng AIDS ay kadalasang nababalisa na ang mga resulta ay ingatang lihim. At marami ang nagnanais ng tahimik, pribadong mga kapaligiran kung saan sila makapagmumuni-muni.
Kapag Kailangan ang Pag-iisa
Pinahahalagahan ng mga taong may mahihirap na mga kalagayan ang mga sandali na mapag-isa. Ang gayong mga panahon ng pag-iisa, ayon kay Yoko, isang babae sa Tokyo, Hapón, ay mahalaga upang tulungan siyang makayanan ang kalagayan. Halimbawa, isang araw nang ihatid ng magkakarne ang kaniyang pedido, tinanggap ito ng kaniyang biyenang-babae at inihagis ang buong karne ng manok sa basurahan, upang pagalitin lamang si Yoko. Ang pagharap sa gayong mga insidente sa araw-araw, sabi ni Yoko, ay gumagawa sa panahon na ginugugol niya sa pag-iisa na napakahalaga.
Ang pag-iisip ng mga bagay-bagay kapag nag-iisa ay maaaring tumulong sa isang tao na magpasiya ng isang tamang landasin. “Kayo’y mabalisa, at huwag magkasala,” ang matalinong payo ng Bibliya. “Magbulay-bulay kayo ng inyong puso, sa inyong higaan, at kayo’y magsitahimik.” (Awit 4:4) “Oo,” sabi pa ng salmista sa Bibliya, “itinutuwid ako sa gabi ng aking mga bató.” (Awit 16:7) Itinuwid siya ng kaniyang “mga bató,” o ng kaniyang kaloob-loobang mga damdamin, habang binubulay-bulay niya ang mga pangyayari.
Lubhang pinahalagahan ni Jesu-Kristo, ang nagtatag ng Kristiyanismo, ang pag-iisa. Pagkatanggap sa balita na ang kaniyang pinsang si Juan Bautista ay pinugutan ng ulo, siya “ay lumayo mula roon sa isang bangka tungo sa isang dakong iláng na bukod.” (Mateo 14:13) Gayundin, noong gabi bago ang kaniyang kamatayan, siya ay nagsaayos ng panahon na mapag-isa upang manalangin. (Mateo 26:36-47) Mas maaga rito, tinagubilinan niya ang kaniyang mga alagad tungkol sa bagay na ito: “Pagka nananalangin ka, pumasok ka sa iyong sariling silid at, kung mailapat mo na ang iyong pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim.”—Mateo 6:6.
Kailangan ang Pagkakatimbang
Gayunman, kung papaanong kinakailangan natin ang pribadong buhay, ang labis-labis na pagdiriin dito ay maaaring umakay sa mga suliranin. “Alin sa labis-labis na pag-iingat ng pribadong buhay o napakakaunti nito,” sabi ng The Encyclopedia Americana, “ay maaaring lumikha ng mga di-pagkakatimbang na lubhang magsasapanganib sa kapakanan ng indibiduwal.” Paano maaaring mangyari ito?
Sa Canada, isang punto-seis-metrong (0.6 m) bakod sa isang pag-aari ay hinalinhan ng isang uno-punto-otso-metro ang taas na bakod upang higit na ingatan ang pribadong buhay. Ang resulta? Ang pagpapalitan ng masiglang pagkabahala sa kapuwa ay naputol. Sa isa pang mas grabeng kalagayan, isang pamilya ang lumipat sa iláng upang layuan ang lahat ng iba pang mga tao. Pinag-aral ng mag-asawa ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng mga kursong nakukuha sa pamamagitan ng pagsusulatan. Subalit, nakalulungkot sabihin, ang mag-asawa ay naghiwalay, at ang kanilang mga anak ay nahirapan, yamang sila ay hindi nasangkapan upang maghanapbuhay.
Ang pagpili na ibukod ang sarili mula sa iba ay hindi matalino. Kailangan ng mga tao ang kapuwa-tao. Lahat tayo ay nangangailangan ng lakas at tulong na makukuha natin sa iba. “Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasa,” sabi ng kawikaan ng Bibliya. “At nakikipagtalo laban sa lahat na magaling na karunungan.”—Kawikaan 18:1.
Si Jesus ay nagpakita ng huwarang halimbawa ng pagkakatimbang tungkol sa bagay na ito. Pagkatapos ng isang partikular na matrabahong panahon, kinilala ni Jesus ang pangangailangan ng kaniyang mga alagad na mapag-isa, kaya sinabi niya: “Magsiparito kayo, nang bukod sa isang dakong iláng at magpahinga kayo nang kaunti.” Ang karamihan, gayunman, ay naunang nagsirating at naghihintay sa kanila nang sila’y dumating. Ano ang reaksiyon ni Jesus? “Nabagbag siya sa kanila, sapagkat sila’y gaya ng mga tupa na walang pastor. At siya’y nagpasimulang tinuruan sila ng maraming bagay.” Oo, inuna ni Jesus ang pagtulong sa mga tao.—Marcos 6:31-34.
Ang Pangangailangang Igalang ang Pribadong Buhay ng Iba
Ang pagkabahala sa mga tao, gayunman, ay dapat na panatilihin sa loob ng mga hangganan nito. Ang banayad na mumunting alon sa dalampasigan ay nakagiginhawa, subalit ang nagngangalit na daluyong ay maaaring maging kapaha-pahamak. Ang pagkabahala sa iba ay mabuti, ngunit ang pakikialam sa buhay-buhay ng ibang tao ay maaaring pumutol sa isang mapayapang kaugnayan. Ang Bibliya ay matalinong nagpapayo: “Magdalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa, baka siya’y magsawa sa iyo at kapootan ka.”—Kawikaan 25:17.
Ang palakaibigang pagdalaw paminsan-minsan ay tulad ng nakagiginhawang mumunting alon, ngunit kung dadalasan mo ito ay maaaring magpangyari sa iba na magtayo ng isang sikolohikal na breakwater upang huwag makapasok ang humahampas na daluyong sa walang-tigil na pagdalaw nito. Sa walang-saysay na paglilimayon ang mga binhi ng paghahatid-dumapit at tsismis ay lumalago. Kung inaasahan mong igalang ng iba ang iyong pribadong buhay, dapat mo ring igalang ang pribadong buhay ng iba sa pag-iwas sa kung ano ang maaaring ipalagay na nakahihiyang personal na mga katanungan at tsismis.
“Huwag magdusa ang sinuman sa inyo . . . bilang isang mapakialam sa mga buhay-buhay ng iba,” ang babala ng Bibliya. (1 Pedro 4:15) Binabanggit ang ilang pakialamera noong unang siglo, isang edukadong Kristiyano ang sumulat: “Natuto rin silang maging mga tamad, palipat-lipat sa mga bahay; oo, hindi lamang mga tamad, kundi mga tsismosa pa at mapanghimasok sa pamumuhay ng iba, anupa’t nanghihimasok sa mga bagay na hindi nila dapat panghimasukan.”—1 Timoteo 5:13.
Anong Pag-asa Mayroon para sa Pribadong Buhay?
“Isang pribadong buhay, isang kubling dako para sa akin. Nais kong ako’y makalimutan kahit na nga ng Diyos,” sulat ng makatang Ingles na si Robert Browning. Ang ganap na pag-iisa, gayunman, ay isa lamang malikmata. Sa Oryente, may matandang kasabihan: “Nalalaman ng langit, nalalaman ng lupa, nalalaman ko, at nalalaman mo.” Ang Kristiyanong apostol Pablo ay sumulat: “Lahat ng bagay ay hubad at nakalantad sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.”—Hebreo 4:13.
Sa halip na naising kalimutan ng Diyos, anong ligaya natin na ang ating maibiging Maylikha ay nagpapakita ng interes sa atin! Yamang siya ang Bukal ng buhay, ang makalimutan niya ay hahantong sa pagkawala ng buhay mismo. (Awit 36:9; 73:27, 28) Gayunman, ang pagpapakita ni Jehova ng interes sa atin ay hindi mapanghimasok; hindi niya binabantayan ang bawat kilos natin sa layong hanapan tayo ng mga pagkakamali. “Siya’y hindi gumawa sa atin nang ayon sa ating mga kasalanan,” sabi ng kaniyang Salita, “ni gumanti man sa atin nang ayon sa ating mga kasamaan. Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, ganoon naaawa si Jehova sa nangatatakot sa kaniya.”—Awit 103:10, 13.
Anong inam kapag ang pamilya at mga kaibigan, bagaman iginagalang ang ating pribadong buhay, ay nagpapakita rin ng maibiging pagkabahala sa atin! Oo, ang masiyahan sa pribadong buhay sa timbang na paraan ay kanais-nais.
Sa ilalim ng Kaharian na ipinangangako ng Diyos, na si Jesu-Kristo ang Hari, ang lahat ng tao ay magmamalasakit sa isa’t isa. (Daniel 2:44; Apocalipsis 21:4) Gayunman, kasabay nito, kikilalanin ng mga tao ang pangangailangan ng iba na mapag-isa paminsa-minsan upang mag-aral, magbulay-bulay, at manalangin. Kung ano ang inihula ni propeta Mikas ay matutupad nang lubusan sa panahong iyon: “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punung-ubas at sa ilalim ng kaniyang punung-igos, at walang tatakot sa kanila; sapagkat sinalita ng mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo.”—Mikas 4:4.
[Larawan sa pahina 8]
‘Huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mapakialam sa mga buhay-buhay ng iba’
[Larawan sa pahina 9]
Ang panahon upang tamasahin ang pribadong buhay sa timbang na paraan ay malapit na