Mga Tampok sa Bibliya Awit 107 Hanggang 150
Maligayang Diyos, Maligayang Bayan!
Ang kaligayahan ay tunguhin na hindi kailanman nararating ng karamihan ng tao. Subalit, para sa isang munting grupo, ang kaligayahan ay isang paraan ng buhay. Ang kanilang susi rito? Ang tunay na pagsamba! Tayo’y kinukumbinsi ng Mga Awit na si Jehova ay isang maligayang Diyos, at kung gayon tayo’y maaaring maging maligaya sa pamamagitan ng pagsamba sa kaniya. Bilang patotoo nito, tingnan natin ang Aklat Singko ng Mga Awit, yaon ay, ang Mga Awit 107 hanggang 150.
Si Jehova ang Tagapagligtas
Pakisuyong basahin ang Awit 107 hanggang 119. Ang panalangin ng mga Judio na iligtas sila sa pagkabihag sa Babilonya ay sinagot, at “ang mga iniligtas ni Jehova” ay nagdiriwang niyaon sa awit. (Awit 107) Sa kaniyang pagkaligtas nang mas maaga, si David ay ‘umawit’ sa Diyos at ipinahayag niya ang Kaniyang kabutihan at pag-ibig. (Awit 108, 109) Sa lakas na ibinigay ni Jehova, ang Panginoon ni David, na si Jesu-Kristo, ay susupil sa mga kaaway ng Diyos. (Awit 110) Bukod sa pagliligtas sa Kaniyang bayan, pinagpapala ni Jehova ang matuwid na tao na natatakot sa Kaniya. (Awit 111, 112) Pagkatapos na sila’y iligtas sa Babilonya, ang mga Judio ay umawit ng Mga Awit na Hallel, o mga awiting papuri, sa dakilang taunang mga kapistahan. (Awit 113-118) Ang ika-119 na Awit 119 ang pinakamahaba, at lahat maliban sa 2 ng 176 na mga talata nito ang tumutukoy sa salita o kautusan ng Diyos.
◆ 107:27—Paanong ang ‘kanilang karunungan ay nawala’?
Tulad ng mga magdaragat na inabot ng isang mapangwasak na bagyo, ang karunungan ng mga Judio ay nawalang saysay nang sila’y maging bihag sa Babilonya; lahat ng mga paraan ng tao upang mailigtas sila ay bigo. Subalit sa pamamagitan ng pagbaling kay Jehova sa gitna ng ganitong maligalig na kalagayan, sumapit sa kanila ang kaligtasan. Kaniyang pinapangyari na ang simbolikong bagyo ay humupa at mailigtas sila tungo sa isang ligtas na “daungan”—ang lupain ng Juda.—Awit 107:30.
◆ 110:3—Ano ang kahulugan na ang “mga kabataang lalaki na sadyang kagaya ng mga patak ng hamog”?
Ang hamog ay kaugnay ng pagpapala, pagkamabunga, at kasaganaan. (Genesis 27:28) Ang mga patak ng hamog ay malumanay, nakarirepresko, sumusustini-sa-buhay, at napakarami. Sa araw ng hukbong panlaban ng Haring Mesianiko, ang kaniyang mga sakop ay dagli, masaya na naghahandog sa kanilang sarili nang pagkarami-rami na anupa’t maihahambing sa mga patak ng hamog. Sadyang kagaya ng nakarirepreskong mga patak ng hamog, sa buong organisasyon ni Jehova sa ngayon napakaraming mga kabataang lalaki at babae ang naglilingkod sa Diyos at sa kanilang mga kapuwa mananamba.
◆ 116:3—Ano ang “mga tali ng kamatayan”?
Wari ngang ang kamatayan ang mahigpit na gumagapos sa salmista ng mga tali na hindi malalagot kung kaya’t imposible na makatakas. Ang mahigpit na tali sa paa’t kamay ay nagdudulot ng matinding kirot, o hapdi, at ang pagkasalin ng Griegong Septuagint na bersiyon sa salitang Hebreo para sa “mga tali” ay “hapdi.” Kung gayon, nang mamatay si Jesu-Kristo, siya ay dumanas ng gapos, o hapdi, ng kamatayan. Nang buhaying-muli ni Jehova si Jesus, Siya ay “nakalagan sa mga hapdi ng kamatayan.”—Gawa 2:24.
◆ 119:83—Paanong ang salmista ay “parang boteng balat”?
Samantalang hinihintay na aliwin siya ni Jehova, ang salmista ay naging mistulang boteng balat na maaaring isabit kapag hindi ginagamit. Dahilan sa uso sa isang tolda o isang bahay na walang tsimenea, ang ganitong uri ng bote ay unti-unting mangingitim, matutuyo, at mangungulubot. Ang totoo, ganito ang nangyari sa salmista sa kamay ng mga mang-uusig. (Aw 119 Talatang 84) Ang kaniyang malungkot na kalagayan ay mahahalata marahil sa kaniyang nahahapis at nangungulubot nang mukha, at baka ang kaniyang buong katawan ay apektado na anupa’t natutuyo nang husto. (Ihambing ang Awit 32:4.) Kaya marahil ang nadama niya’y wala na siyang saysay na gaya ng isang tuyot na boteng balat na itinatabi na lamang ng iba dahil sa hindi maaaring lagyan ng likido. Gayunman ay hindi niya ‘nakalimutan ang mga tagubilin ng Diyos.’
◆ 119:119—Papaanong ginagawa ng Diyos na ang mga balakyot ay mapahinto na “gaya ng sukal na dumi”?
Ang sukal na nabubuo sa tinunaw na metal o sa pinagtutunawang hurno ay isang produktong wala nang silbi, isang bagay na marumi at kailangang itapon. Kaya ang metal na gaya ng ginto o pilak ay ibinubukod ng isang mandadalisay buhat sa “sukal na dumi.” Gayundin naman, ang mga balakyot ay itinuturing ni Jehova na nababagay lamang sa bunton ng dumi at sila’y pinahihinto, ibinubukod sila sa mga may halaga na kaniyang pinagpapala.—Ihambing ang Ezekiel 22:17-22.
Aral para sa Atin: Tulad ng mga Judio noong una, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay naghihintay ng kaligtasan—ngayon ay ang pagkaligtas sa bagyo ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Sa takdang panahon ng Diyos, ang sistemang ito ng mga bagay ay papalisin na ng dakilang digmaang ito. Yaong mga hindi kay Jehova umaasa ng kaligtasan ay talagang walang magagawa samantalang sila’y sinisiklut-siklot ng mga daluyong ng ganitong malaganap na pagpuksa. Datapuwat, ang mga makaliligtas ay “magpapasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang kagandahang-loob.” Samakatuwid, sa mga huling araw na ito, kapuwa ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus at ang “malaking pulutong” ay makapaglalagak ng kanilang buong tiwala kay Jehova.—Awit 107:31; Apocalipsis 7:9.
‘Mga Awit sa Pag-akyat’
Basahin ang Awit 120 hanggang 134. Ang 15 mga awit na ito ay tinatawag na mga awit “sa pag-akyat.” Hindi nagkakaisa ang mga iskolar tungkol sa eksaktong kahulugan ng “pag-akyat,” subalit marahil ang mga awit na ito ay inaawit ng mga Israelita pagka sila’y umaakyat, o sumasampa, sa matayog na lunsod ng Jerusalem para sa kanilang tatlong taunang mga kapistahan.—Awit 122:1.
◆ 120:4—Ano ba itong “matatalas na pana” at “nagniningas na baga”?
Ang isang maninirang dila ay maaaring makapinsala na gaya ng isang armas o isang apoy. (Kawikaan 12:18; Santiago 3:6) Bilang paghihiganti, pinapangyayari ni Jehova na ang maninirang dila ay tumahimik gaya ng pagpapatahimik doon ng mga pana ng isang mandirigma. Isa pa, ang baga ng punong enebro ay napakatinding magningas, anupa’t nagpapahiwatig ng kabagsikan ng hatol ng Diyos sa “magdarayang dila.”—Awit 120:2, 3.
◆ 131:2—Papaanong ang kaluluwa ay nagiging parang isang “iniwalay”?
Bago iwalay o awatin, ang isang sanggol ay nananabik na tugunin ng kaniyang ina ang paghingi niya ng pagkain. At ang isang iniwalay na sanggol na nasa bisig ng kaniyang ina ay nasisiyahan, matiwasay, at may kaaliwan. Palibhasa’y kontentong magpakumbaba (Aw 131 talatang 1), ang salmista ay nakadama ng “kaginhawahan at katahimikan,” tulad ng isang iniwalay na nasa bisig ng ina. Ang mapakumbabang paghihintay kay Jehova at paggawa ng kaniyang kalooban ay nagdadala ng katiwasayan at saganang mga pagpapala.
Aral para sa Atin: Bagama’t maililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan sa kalamidad, sila’y hindi niya sinasagip sa lahat ng kahirapan. Oo, ang mga kahirapan ang nag-udyok sa mga kompositor na salitain ang mga awit na ito. Ngunit, “hindi hahayaan [ng Diyos] na ikaw ay tuksuhin nang higit kaysa iyong makakaya” kundi “siya’y gagawa rin ng paraan upang malusutan mo iyon.” (1 Corinto 10:13) Tayo’y protektado ni Jehova buhat sa espirituwal na kapahamakan. Maaari niyang maneobrahin ang mga pangyayari upang maalis ang kalamidad mismo o dili kaya’y palakasin tayo upang ating mapaglabanan ang kagipitan. Kaya naman, totoong kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang pagkakaisang tinatamasa natin sa ating mga pulong Kristiyano.—Awit 133:1-3.
Ang Diyos na Karapat-dapat Purihin
Basahin ang Awit 135 hanggang 145. Kabaligtaran ng mga idolo na ang mga gumawa sa kanila’y nagiging katulad din nila, si Jehova ang Diyos na karapat-dapat purihin at Tagapagligtas. (Awit 135, 136) Kahit na noong ang kaniyang bayan ay nasa Babilonya, hindi nila nakalimutan “ang mga awit ng Sion.” (Awit 137) Sinasabi ni David na ‘ang mga hari ay magbubunyi kay Jehova’ at magagalak sa kagila-gilalas na pagkagawa sa kaniya. (Awit 138, 139) Kaniyang idinadalangin ang pagliligtas sa kaniya ng Diyos at dinadakila ang Kaniyang kabutihan, sa pagkaalam na tanging ang mabuting relasyon kay Jehova ang nagdadala ng tunay na kaligayahan.—Awit 140-145.
◆ 138:2—Paano pinadakila ng Diyos ang kaniyang salita sa ibabaw ng kaniyang pangalan?
Pagka may ipinahayag si Jehova salig sa kaniyang pangalan, malaki ang ating pag-asa na iyon ay matutupad. Gayunman, lagi nang pinasusobrahan pa niya ang ating mga inaasahan, anupa’t ang katuparan ay lampas pa sa ating inaasahan. Dinadakila ng Diyos ang kaniyang “salita” sa pamamagitan ng pagpapangyari na ang katuparan niyaon ay maging lalong dakila kaysa ating inaasahan.
◆ 139:9—Ano ang ibig sabihin ng “mga pakpak ng umaga”?
Ang pananalitang ito ay naglalarawan ng liwanag ng umaga, na para bagang ito’y may mga bagwis, mabilis na lumalaganap sa kalangitan mula silangan hanggang kanluran. Kung ang “mga pakpak ng umaga ay kukunin” ni David para gamitin at mararating niya ang kadulu-duluhang bahagi ng kanluran, doon ay sasa-ilalim pa rin siya ng pangangalaga at kapangyarihan ni Jehova.—Awit 139:10; ihambing ang Amos 9:2, 3.
◆ 141:3—Bakit ibig ni David ng ‘isang bantay sa harap ng kaniyang labi’?
Alam ni David ang pinsala na magagawa ng dila at kung paano ang di-sakdal na mga tao ay natutukso na magsalita nang padalus-dalos, lalo na pagka sila’y napukaw na magalit. Si Moises ang pinakamaamong tao sa lupa, subalit siya’y nagkasala sa pamamagitan ng kaniyang dila dahil sa tubig ng Meribah. (Bilang 12:3; 20:9-13) Ang pagsupil sa dila ay kinakailangan upang miwasan ang nakapipinsalang pagsasalita at maingatang nasa mabuting kalagayan ang puso.—Santiago 3:5-12.
◆ 142:7—Bakit naisip ni David na ang kaniyang kaluluwa ay nasa isang “bilangguan”?
Nadama niyang siya’y nag-iisa sa kaniyang mga problema, para bang siya’y nasa isang madilim, mapanganib na kulungan, hindi nauunawaan at nakahiwalay sa lahat ng tao. Pagka ganiyan ang ating nadarama at tayo’y nag-iisip na ang ating “kanang kamay” ay nakahantad sa pagsalakay, tayo’y may tiwalang makahihingi kay Jehova ng tulong.—Awit 142:3-7.
Aral para sa Atin: Sa Awit 139, si David ay nagpahayag ng kagalakan sa abilidad ng Diyos na ‘saliksikin’ siya at “makilala” siya at ang kaniyang mga lakad. Imbis na umiwas, nais ni David na higit pang paakay sa patnubay at kapangyarihan ni Jehova. Batid niya na lagi siyang pinagmamasdan ng Diyos. Ang ganiyang pagkaalam ay pumipigil sa isa sa paggawa ng masama at nagbibigay ng lubos na kaaliwan. Ang bagay na nakikita ni Jehova ang ating mga gawa, nauunawaan ang ating mga problema, at siya’y laging handa na tulungan tayo ay lumilikha ng matinding pagkadama natin ng katiwasayan at kapayapaan, na kailangan upang tayo’y lumigaya.
Purihin si Jah!
Basahin ang Awit 146 hanggang 150. Nahahayag sa mga awit na ito ang tema ng buong Aklat ng Mga Awit—“Purihin ninyo si Jah, ninyong mga tao!” Bawat isa rito ay nagsisimula at natatapos sa ganiyang maniningning na mga pananalita. Lahat ng ito ay umaakyat sa dakilang tugatog sa ika-150 Awit 150, na nananawagan sa lahat ng nilalang na “purihin si Jah!”
◆ Awit 146:3—Bakit hindi dapat maglagak ng tiwala sa mga pinunong tao?
Ang mga pinunong tao ay namamatay. Hindi nila mailigtas ang kanilang sarili ni yaong mga tumitiwala sa kanila. Sa gayon, ang pagtitiwala sa pangunguna ng tao ay sinisira ng kamatayan. Subalit “maligaya ang isa . . . na ang pag-asa ay nasa kay Jehova na kaniyang Diyos.” (Awit 146:5, 6) Nakita ng salmista ang pangangailangan ng patnubay na mas mainam kaysa naibibigay ng tao.
◆ 148:4—Ano ang ‘tubig na nasa itaas ng mga langit’?
Maliwanag na ang ibig tukuyin ng salmista ay ang may dala ng tubig na mga alapaap sa itaas ng lupa na nahuhulog pana-panahon bilang ulan, na sa bandang huli ay umaagos sa mga dagat. Ang siklong ito ay mahalaga sa buhay, at ang mismong pag-iral nito ay nagbibigay-kapurihan sa Maylikha. Yamang ang atmospera na nasa pagitan ng lupa at ng mga alapaap ay maaaring tukuyin bilang mga langit, ang mga alapaap ay tinukoy ng salmista bilang ang ‘tubig na nasa itaas ng mga langit.’
Ang Mga Awit ang nagpapakilala sa katotohanang ito: Upang maging tunay na maligaya, kailangan natin ang isang mabuting relasyon kay Jehova. Samakatuwid, ang buong layunin ng bayan ng Diyos at pati ng ating pagiging buhay ay masusuma sa pantapos na panawagan ng salmista: “Bawat bagay na humihinga—purihin niya si Jah. Purihin si Jah, ninyong mga tao!”—Awit 150:6.