Purihin ang Banal na Pangalan ni Jehova!
“Ang aking bibig ay magsasalita ng kapurihan ni Jehova; at purihin ng lahat ng laman ang kaniyang banal na pangalan hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga ay magpakailanman.”—AWIT 145:21.
1, 2. (a) Papaano hinamon ni Satanas ang pamamahala ng Diyos? (b) Anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa Awit 145:11-21?
HINDI mapag-aalinlanganan na si Jehova ang Soberano ng Sansinukob. Ngunit hinamon ni Satanas ang katuwiran at pagkamatuwid ng pamamahala ng Diyos. (Genesis 2:16, 17; 3:1-5) Inilagay rin ng Diyablo sa pag-aalinlangan ang katapatan ng lahat ng lingkod ng Diyos sa langit at sa lupa. (Job 1:6-11; 2:1-5; Lucas 22:31) Kaya naman si Jehova’y nagpahintulot ng panahon para makita ng lahat ng matalinong nilalang ang masamang bunga ng paghihimagsik laban sa kaniyang pamamahala at maipakita kung saan panig sila nakatayo sa mga isyung ito.
2 Ang Awit 145 ay tumutulong sa atin upang manindigang matatag sa panig ng pamamahala ng Diyos. Sa papaano nga? Ano ang sinasabi ni David tungkol sa paghahari ni Jehova? At papaano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga nagtataguyod nito? Ang nakatutulong na mga kasagutan ay makikita sa Awit 145:11-21.
Nagsasalita Tungkol sa Paghahari ni Jehova
3. Kung ang paghahari ni Jehova ay mahal sa atin, ano ba ang ating gagawin?
3 Sa pamamahala ni Jehova ay may malaking kinalaman si David, na nagsabi: “Sila’y magsasalita tungkol sa kaluwalhatian ng iyong paghahari, at mangungusap tungkol sa iyong kapangyarihan, upang maipabatid sa mga anak ng mga tao ang kaniyang mga makapangyarihang gawa at ang kaluwalhatian ng kamahalan ng kaniyang paghahari.” (Awit 145:11, 12) Ang mga tao’y nangungusap tungkol sa mga bagay na doo’y interesado sila. Kaya’t ang isang tao’y nagsasalita tungkol sa kaniyang pamilya, sa kaniyang tahanan, sa kaniyang mga pananim. “Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso,” ang sabi ni Jesus. (Lucas 6:45) Kung ang pamamahala ng Diyos ay mahal sa ating puso, ating idadalangin na dumating nawa ang kaniyang Kaharian, at ating ibabalita sa iba ang tungkol sa katarungan, kapayapaan, at katuwiran na iiral sa ilalim ng pamamahala nito. Ating pupurihin si Jehova bilang ang “Haring walang-hanggan,” at tayo’y mangungusap tungkol sa pagpapahayag ng kaniyang pagkasoberano sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian sa mga kamay ng kaniyang mahal na Anak, si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 15:3; Isaias 9:6, 7) Anong laking pribilehiyo na magsalita tungkol sa makalangit na kaluwalhatian ng paghahari ni Jehova, na malapit nang mabanaag sa kagandahan ng isang makalupang paraisong punô ng sakdal at maliligayang nilikha!—Lucas 23:43.
4. Kailan tayo may pagkakataon na magsalita tungkol sa “kapangyarihan” ni Jehova, at papaano tayo inaalalayan sa ganiyang gawain?
4 Ang pagpapahalaga ay pupukaw rin sa atin na magsalita tungkol sa “kapangyarihan” ni Jehova. Bagaman “siya ay marilag sa kapangyarihan,” hindi niya kailanman ginagamit ito sa maling paraan. (Job 37:23) Kaniyang ginamit ang kaniyang kapangyarihan upang lalangin ang lupa at ang tao at gagamitin niya ito sa paglipol sa mga balakyot. Tayo’y may pagkakataon na magsalita tungkol sa kapangyarihan ng Diyos pagka tayo’y naghahayag ng mabuting balita. At hindi ba tayo napasasalamat na ang sukdulang Bukal ng lakas na ito ay nagbibigay ng kapangyarihan sa atin na gawin ang gawaing ito? (Isaias 40:29-31) Oo, bilang mga Saksi ni Jehova, tayo’y inaalalayan sa banal na paglilingkod ng lakas at espiritu ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan naipangangaral ang balita ng Kaharian nang may kahanga-hangang tagumpay sa buong daigdig.—Awit 28:7, 8; Zacarias 4:6.
5. Yamang ang karamihan ay walang alam sa “mga makapangyarihang gawa” ni Jehova, ano ang dapat nating gawin?
5 May pangangailangan na ating ipabatid sa mga anak ng mga tao ang “mga makapangyarihang gawa” ni Jehova, gaya ng mga Israelita na nagkuwento sa kanilang mga anak tungkol sa kung papaano sila iniligtas ng Diyos buhat sa pagkaalipin sa Ehipto. (Exodo 13:14-16) Ang mga tao’y nagtatayo ng mga monumento ukol sa mga taong ang mga gawa’y kanilang itinuturing na dakila, ngunit ilan ang nakababatid ng mga makapangyarihang gawa ng Diyos? Gaya ng pagkasabi ng isang iskolar: “Ang mga nagawa ng kanilang mga bayani ay kanilang isinusulat sa tanso, ngunit ang maniningning na mga gawa ni Jehova ay nakasulat sa buhangin, at ang daluyong ng panahon ang bumubura sa mga iyan sa kasalukuyang alaala.” Ang mga gawang ito ay tunay naman na hindi nabubura, bagaman hindi alam ng karamihan. Kaya sa ating pagbabahay-bahay, pagka tayo’y nagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at sa iba pang pagkakataon, buong sigasig na magsalita tayo tungkol sa mga makapangyarihang gawa ng Diyos.
6. (a) Sa anong pagkakataon maraming taon na ang lumipas mainam ang pagkasabi tungkol sa espiritu ng sigasig na taglay natin sa pagsasagawa ng ating ministeryo? (b) Sa diwa, ano ba ang sinabi noong 1922 tungkol sa pag-aanunsiyo sa Kaharian?
6 Masigasig din na dapat nating ibalita ang kaluwalhatian ng paghahari ng Diyos. Ang sigasig sa gayong paglilingkod sa Kaharian ay tiyak na nakita nang, noong 1922, si J. F. Rutherford, pangulo noon ng Watch Tower Society, ay nagpahayag sa mga kombensiyonista sa Cedar Point, Ohio, at nagsabi: “Sapol noong 1914 ang Hari ng kaluwalhatian ay naghawak na ng kaniyang kapangyarihan . . . Ang kaharian ng langit ay naririto na; ang Hari ay naghahari; ang imperyo ni Satanas ay gumuguho na; milyun-milyon na nabubuhay ngayon ang hindi na mamamatay. Kayo ba’y naniniwala rito? . . . Kung gayo’y bumalik kayo sa larangan, Oh kayong mga anak ng kataas-taasang Diyos! Isakbat ang inyong baluti! Kayo’y magpakahinahon, maging mapagbantay, aktibo, matatapang. Kayo’y maging tapat at tunay na mga saksi para sa Panginoon. Sulong sa labanan hanggang sa bawat bakas ng Babilonya ay naparam na. Ibalita ang mensahe sa lahat ng dako. Kailangang makilala ng sanlibutan na si Jehova ang Diyos at si Jesu-Kristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng lahat ng araw. Narito, nagpupunò na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga ahenteng tagapagbalita. Ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.”
7. Ano ang dapat nating madama tungkol sa ating gawain bilang mga tagapagbalita ng Kaharian?
7 Anong laking kagalakan na ‘gunitain ang pangalan ng Diyos,’ sabihin sa iba ang tungkol sa kaniyang pamamahala, at ianunsiyo ang Mesiyanikong Kaharian ng kaniyang mahal na Anak! (Malakias 3:16) Bilang mga tagapagbalita at tagapagtaguyod ng Kaharian, ating pinakamamahal ang ating pribilehiyong maihayag ang mabuting balita at ang puso ng mga iba pa ay maibaling sa Diyos, kay Kristo, at sa Kaharian. Sa loob natin, dapat na may nagniningas na pagnanasang sabihin sa iba ang tungkol sa maluwalhating kamahalan ng paghahari ni Jehova.—Ihambing ang Jeremias 20:9.
8. (a) Ano ang kumakatawan sa pamamahala ni Jehova ngayon? (b) Bakit masasabi na ang Diyos ay may kapangyarihan “sa lahat ng sali’t salinlahi”?
8 Tayo’y dapat mapakilos na ibalita ang Kaharian ng Diyos na taglay ang malaking sigasig, sapagkat ang sumunod na sinabi ni David ay: “Ang iyong paghahari ay isang paghaharing walang-hanggan, at ang kapangyarihan mo’y sa lahat ng sali’t salinlahi.” (Awit 145:13) Habang nagpapatuloy ang mga pagbubulay-bulay ng salmista tungkol sa paghahari ni Jehova, kaniyang binago ang mga panghalip buhat sa “kaniyang” tungo sa “iyong,” na ang kaniyang mga salitang dalangin ay pinatutungong tuwiran sa Diyos. Mangyari pa, ang pamamahala ni Jehova na kinakatawan ng Mesiyanikong Kaharian ay hindi inihahalili sa walang-hanggang paghahari ng Diyos. Sa katunayan, pagka ang masunuring sangkatauhan ay naibalik na sa kasakdalan, ang Kaharian ay ibibigay na ni Kristo sa kaniyang Ama. (1 Corinto 15:24-28) Kaya’t ang Diyos ay may kapangyarihan “sa lahat ng sali’t salinlahi.” Si Jehova ay Hari nang lalangin si Adan at magkakaroon ng kapangyarihan sa lahat ng matuwid na mga tao magpakailanman.
9. Sa Awit 145, ano ang masasabi tungkol sa isang talatang nagsisimula sa letrang Hebreo na nun?
9 Sa akrostikong awit na ito, sa tekstong Masoretiko ay wala ang isang talatang nagsisimula sa letrang Hebreo na nun. Ngunit kaayon ng Griegong Septuagint, ng Syriac na Peshitta, at ng Latin Vulgate, ang isang manuskritong Hebreo ay kababasahan ng ganito: “Si Jehova ay tapat sa lahat ng kaniyang salita, at may maibiging-awa [o, “tapat”] sa lahat ng kaniyang mga gawa.” (New World Translation of the Holy Scriptures—With References, talababa) Ang Diyos ay tumutupad sa lahat ng kaniyang mga pangako at tapat, maibigin at mabait sa lahat ng nagpapahalaga sa kaniyang kabutihan.—Josue 23:14.
Hindi Kailanman Nabibigo ang Pag-alalay ni Jehova
10. Papaano ‘inaalalayan tayo’ ng Diyos?
10 Ang Haring Walang-Hanggan ay hindi kailanman nagwawalang-bahala sa kalagayan ng kaniyang mga lingkod. Kaya naman, si David ay nakapagsabi: “Inaalalayan ni Jehova ang lahat ng nabubuwal, at itinatayo ang lahat ng nasusubasob.” (Awit 145:14) Sapol noong mga kaarawan ni Abel, inalalayan ni Jehova ang Kaniyang mga mananamba. Kung tayo’y pababayaan sa ating sarili, tayo’y mabubuwal nang maraming ulit sa ilalim ng ating mga pasanin. Kapos tayo ng sapat na lakas upang batahin ang lahat ng mga kaabahan sa buhay at ang pag-uusig na dumarating sa atin bilang bayan ng Diyos, ngunit tayo’y inaalalayan ni Jehova. Ang anyo ng pandiwang Hebreo na ginamit dito ay nagpapakita na patuluyang ‘inaalalayan tayo’ ng Diyos. Mapapansin na si Juan Bautista at ang sariling Anak ng Diyos ay tumulong upang ibangon ang nabuwal na mga nagkasala sa moral. Nang ang mga indibiduwal na ito ay magsisi at naging mga lingkod ni Jehova, kanilang tinamasa ang kahanga-hangang pagpapala ng pag-alalay sa kanila ng Diyos.—Mateo 21:28-32; Marcos 2:15-17.
11. Papaano ‘itinatayo [ni Jehova] ang lahat ng nasusubasob’?
11 Nakaaaliw na malamang ‘itinatayo [ni Jehova] ang lahat ng nasusubasob’ dahil sa sarisaring pagsubok. Kaniyang pinasasaya ang mga sa ati’y nawawalan na ng pag-asa, inaaliw ang mga namimighati sa atin, at tinutulungan tayo na salitain nang buong-tapang ang kaniyang salita pagka tayo’y pinag-uusig. (Gawa 4:29-31) Hindi niya pinapayagan na tayo’y madurog sa ilalim ng ating mga pasanin kung tatanggapin lamang natin ang kaniyang tulong. (Awit 55:22) Kaya naman, tulad ng “anak na babae ni Abraham” na “totoong baluktot” ngunit pinagaling ni Jesus, dapat nating “luwalhatiin ang Diyos” pagka kaniyang maibiging ibinangon tayo sa espirituwal. (Lucas 13:10-17) Ang mga pinahiran na nasubasob sa maka-Babilonyang pagkabilanggo ay nagpasalamat nang sila’y itayo ng Diyos noong 1919, at kaniyang itinatayo ang nagpapahalagang “mga ibang tupa” sapol noong 1935.—Juan 10:16.
12. Papaanong “ang mga mata ng lahat ay naghihintay” sa Diyos?
12 Hindi kailanman binibigo ni Jehova ang kaniyang bayan, gaya ng susunod na nilinaw ni David sa pagsasabi: “Ang mga mata ng lahat ay naghihintay sa iyo, at iyong ibibigay sa kanila ang kanilang pagkain sa takdang panahon. Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan ang naisin ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:15, 16) Para bagang ang mga mata ng lahat ng mga nilikhang may buhay ay nakatitig na taglay ang pag-asa sa Soberano ng Sansinukob. Ang mga anghel ay sa Diyos umaasa ng patuluyang buhay. At gaya ng isang batang sa magulang umaasa ng mga bagay na kinakailangan, tayo’y sa ating makalangit na Ama umaasa. Sa katunayan, sa kaniya tumatanggap ng ikabubuhay ang mga tao at gayundin ang mga hayop. Walang sinumang iba na makapagbibigay ng kanilang mga pangangailangan. Ang Diyos ang nagbibigay sa kanila ng “kanilang pagkain sa takdang panahon,” samakatuwid baga, kung kailan kinakailangan iyon.
13. Papaano ‘binubuksan [ni Jehova] ang kaniyang kamay at sinasapatan ang naisin ng bawat bagay na may buhay’?
13 ‘Binubuksan [ng Diyos] ang kaniyang kamay at sinasapatan ang naisin ng bawat bagay na may buhay.’ (Awit 104:10-28) Totoo, ang ilang mga hayop ay namamatay dahilan sa kakulangan ng pagkain. Maraming mga tao ang nagugutom dahil sa sila’y biktima ng kasakiman, paniniil, at maling paggamit ng likas na mga kayamanan. Isa pa, si Jesus ay humula na magiging bahagi ng “tanda” ng kaniyang pagkanaririto sa mga huling araw na ito ang “kakapusan ng pagkain.” (Mateo 24:3, 7) Ngunit wala isa man dito ang dahil sa si Jehova ay maramot o hindi makapagbigay ng pangangailangan. Isip-isipin ang libu-libong milyong mga nilikha na nasusustinihan! Isa pa, tinitiyak ng awit na ito na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, pagka ‘hindi na dominado ng tao ang kaniyang kapuwa-tao sa kaniyang ikapipinsala,’ sasapatan ng Diyos ang ating materyal at espirituwal na mga pangangailangan. (Eclesiastes 8:9; Isaias 25:6) Kahit na ngayon, hindi tayo kinakailangang magutom sa espirituwal na pagkain, sapagkat ito’y saganang inilalaan ng Diyos sa kapanahunan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47; 1 Pedro 2:2) Kung espirituwal ang pag-uusapan, ang mga Saksi ni Jehova ang bayan sa lupa na may pinakamagaling na pagkain. Ikaw ba’y nagpapakita ng matinding pagpapahalaga sa gayong saganang paglalaan?
Iniingatan ni Jehova ang mga Nagsisiibig sa Kaniya
14. Bakit masasabi ni David na “si Jehova ay matuwid sa lahat niyang mga daan at tapat sa lahat niyang mga gawa”?
14 Dahil sa ating kamangmangan ay baka ‘masira ang ating lakad’ at magdala ng kahirapan sa atin, ngunit kailanman ay huwag nating sisisihin ang Diyos sa mga kahirapang ito. (Kawikaan 19:3) Ipinakikita ni David kung bakit nang kaniyang sabihin: “Si Jehova ay matuwid sa lahat niyang mga daan at tapat sa lahat niyang mga gawa.” (Awit 145:17) Ang Diyos ay laging kumikilos sa isang matuwid, makatarungan at maawaing paraan. Ang kaniyang awa ay lalong higit na makikita sa kaniyang paglalaan ng kaligtasan sa pamamagitan ng haing pantubos na inihandog ni Jesus. (Gawa 2:21; 4:8-12) Si Jehova ay isa ring “tapat sa lahat niyang mga gawa,” laging matapat, mapagmahal, at walang itinatangi. Kung gayon, “bilang mga tagatulad sa Diyos,” tayo’y maging mga matuwid, makatarungan, maawain, walang itinatangi, at tapat.—Efeso 5:1, 2; Deuteronomio 32:4; Awit 7:10; 25:8; Isaias 49:7; Gawa 10:34, 35.
15. Papaano tayo ‘nagsitawag sa Diyos sa katotohanan,’ at ano ang resulta ng paggawa natin ng ganiyan?
15 Yamang ang Diyos ay matuwid at tapat, tayo’y naaakit sa kaniya. Isa pa, tinitiyak sa atin ni David: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng nagsisitawag sa kaniya, sa lahat na nagsisitawag sa kaniya sa katotohanan.” (Awit 145:18) Sa pagpapabautismo bilang nag-alay na mga nananampalataya, tayo’y tumatawag sa pangalan ni Jehova. (Gawa 8:12; 18:8; Roma 10:10-15) Yamang sa ganoo’y lumalapit tayo sa Diyos, siya naman ay nagiging malapit sa atin. (Santiago 4:8) Tayo’y “nagsisitawag sa kaniya sa katotohanan” sapagkat ginagawa natin ito sa tunay na paraan, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. At si Jehova ay mananatiling malapit kung tayo ay sasamba sa kaniya “sa espiritu at katotohanan,” magpapakita ng “pananampalataya na walang paimbabaw” at ‘magpapatuloy na matatag na parang nakikita yaong Isa na di-nakikita.’ (Juan 4:23, 24; 1 Timoteo 1:5; Hebreo 11:27) Kung magkagayo’y hindi tayo mananalangin sa walang kabuluhan o haharap na mag-isa sa sanlibutan ni Satanas, kundi patuloy na tatamasahin natin ang tulong at patnubay ng Diyos. (Awit 65:2; 1 Juan 5:19) Anong laking katiwasayan ang idudulot niyan!
16. Bakit at papaano ‘tinutupad [ni Jehova] ang nasà nila na nangatatakot sa kaniya’?
16 Gayundin, tayo’y may tunay na katiwasayan dahilan sa iba pang mga bagay na ginagawa ni Jehova alang-alang sa atin. Sinabi ni David: “Kaniyang tutuparin ang nasà nila na nangatatakot sa kaniya, kaniya ring diringgin ang kanilang daing na paghingi ng tulong, at kaniyang ililigtas sila.” (Awit 145:19) ‘Tinutupad [ni Jehova] ang ating nasà’ dahilan sa mayroon tayong matinding pagpapakundangan sa Diyos at isang nakabubuting pagkatakot na hindi natin mapalugdan siya. (Kawikaan 1:7) Ang ating masunuring puso ang pumukaw sa atin na gumawa ng pag-aalay kay Jehova, at ang ating saloobin ay, “Mangyari nawa ang kalooban mo.” Yamang kalooban niya na ating ipangaral ang balita ng Kaharian, kaniyang tinutupad ang ating nasà na gawin ang gawaing iyan. (Mateo 6:10; Marcos 13:10) ‘Tinutupad [ng Diyos] ang ating nasa’ dahil sa ang ating hinihiling sa panalangin ay hindi mga bagay na mapag-imbot kundi yaong kasuwato ng kaniyang kalooban. Kaniyang ipinagkakaloob ang mga bagay na naaayon sa kaniyang kalooban at ukol sa ating ikabubuti.—1 Juan 3:21, 22; 5:14, 15; ihambing ang Mateo 26:36-44.
17. Bakit natin matitiyak na ang ating “daing na paghingi ng tulong” ay diringgin ng Diyos?
17 Bilang tapat na mga Saksi ni Jehova, matitiyak din natin na ang ating “daing na paghingi ng tulong” ay diringgin. Ang Diyos ang nagligtas kay David sa kapahamakan at pati kay Jesus, siya’y binuhay pa buhat sa mga patay. Sa pagsalakay ng kaaway, lalo na sa panahon ng pag-atake ni Gog, maaaring matiyak natin na tayo’y ililigtas ni Jehova. (Ezekiel 38:1–39:16) Sa katunayan, sa anumang panahon ng kagipitan, tulad ni David tayo’y may pagtitiwalang makapananalangin: “Tulungan mo ako, Oh Jehova, sapagkat ako’y nasa kahirapan. . . . Aking narinig ang paninirang-puri ng marami, may kakilabutan sa lahat ng dako. Samantalang sila’y nagsasangguniang sama-sama laban sa akin, sila’y nagsasabuwatan upang kitlin ang aking buhay. Ngunit ako—sa iyo ako tumitiwala, Oh Jehova. Aking sinabi: ‘Ikaw ang aking Diyos.’ ”—Awit 31:9-14.
18. Papaano tayo nakikinabang sa pagkaalam na ‘iniingatan [ni Jehova] ang lahat ng nagsisiibig sa kaniya’ ngunit ‘lilipulin ang mga balakyot’?
18 Ang Diyos na Jehova ay laging handa na tumulong sa atin. Gaya ng sinabi ni David: “Iniingatan ni Jehova ang lahat na nagsisiibig sa kaniya, ngunit lahat ng mga balakyot ay lilipulin niya.” (Awit 145:20) Oo, kung ating iniibig ang Diyos, tayo’y kaniyang pagpapalain at iingatan. (Bilang 6:24-26) Kaniyang ‘ginaganting lubos ang palalo’ ngunit iniingatan ang kaniyang mapakumbabang mga lingkod, anupa’t hindi niya pinapangyayari na sila’y dumanas ng walang-hanggang kapinsalaan. Yamang si Jehova’y sumasaatin, tayo’y magpakalakas-loob. (Awit 31:20-24; Gawa 11:19-21) ‘Walang armas na ibabangon laban sa atin ang magtatagumpay.’ (Isaias 54:17; Awit 9:17; 11:4-7) Iyan ang karanasan ng mga nagpapatunay ng kanilang pag-ibig sa Diyos bilang kaniyang tapat at nag-alay na mga lingkod. Bilang isang grupo, ang mga Saksi ni Jehova ay ligtas na makalalampas sa “malaking kapighatian” na sasapit sa mga balakyot. (Apocalipsis 7:14) At anong laking pagpapala sa “lahat na nagsisiibig sa kaniya” ang pagkalutas ng dakilang isyu ng pansansinukob na paghahari ni Jehova!
Patuloy na Purihin ang Banal na Pangalan ni Jehova
19. Bakit ang ating bibig ay nagsasalita “ng kapurihan ni Jehova”?
19 Tinatapos ni David ang nakapupukaw na awit na ito sa mga salitang: “Ang aking bibig ay magsasalita ng kapurihan ni Jehova; at purihin ng lahat ng laman ang kaniyang banal na pangalan hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga ay magpakailanman.” (Awit 145:21) Bilang mga Saksi ni Jehova, ating pinahahalagahan ang kadakilaan, kabutihan, mapagbiyayang paghahari, walang-hintong pagtulong, at di-nagsasawang pagbabantay sa atin ng Diyos. Kaya, tulad ni David, ang ating mga bibig ay nagsasalita ng mga kapurihan ng Diyos. Tayo’y napupukaw na pag-ukulan siya ng bukud-tanging debosyon, pasalamatan siya sa kaniyang maraming pagpapala, at purihin ang kaniyang “marikit na pangalan.”—1 Cronica 29:10-13; Exodo 20:4-6.
20. Yamang tayo’y sa walang-hanggan nakatingin, ano ngayon ang dapat na maging determinasyon natin?
20 Yamang tayo’y pinagpapala ni Jehova sa araw-araw, siya’y palaging purihin natin, o magsalita tayo ng mabuti tungkol sa kaniya. Ipangaral natin nang buong sigasig ang mabuting balita sa pagpuri sa Diyos, na sinasabi sa iba na malapit nang ‘lahat ng laman ay pupuri sa kaniyang banal na pangalan.’ Anong sarap na mabuhay pagka lahat ng mga naninirahan sa lupa—oo, lahat ng matalinong mga nilikha sa sansinukob—ay aawit ng mga papuri sa ating makalangit na Ama! (Awit 148:1-13) Purihin si Jehova sa pagsisiwalat ng kaniyang pangalan at pagbibigay sa atin ng pribilehiyo na maging kaniyang mga Saksi. (Awit 83:18; Isaias 43:10-12) Harinawang tayo’y kumilos nang karapat-dapat sa mga nagpapakundangan sa pangalang iyan bilang sagrado at manalangin ukol sa ikababanal niyan. (Lucas 11:2) Tayo’y maglingkod sa Diyos nang buong katapatan, upang sa kaniyang bagong sistema, ang ating tinig ay marinig sa awitan ng mga pumupuri magpakailanman sa banal na pangalan ni Jehova.
Ano ba ang Inyong Komento?
◻ Ano ba ang gagawin natin kung mahal sa atin ang paghahari ni Jehova?
◻ Ano ang kumakatawan ngayon sa paghahari ng Diyos?
◻ Papaano ‘itinatayo [ni Jehova] ang lahat ng nasusubasob’?
◻ Sa anu-anong paraan ‘binubuksan [ng Diyos] ang kaniyang kamay at sinasapatan ang naisin ng bawat bagay na may buhay’?
◻ Papaano natin pupurihin ang banal na pangalan ni Jehova?
[Larawan sa pahina 17]
Noong 1922 ang mga salitang ‘ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian’ ay nagpasigla sa mga tagapagtaguyod ng paghahari ni Jehova sa higit na malawakang pagkilos