Mapapalapít Tayo sa Diyos Kapag Nakilala Natin Siya
Ang ating Maylalang ay hindi lang isang puwersa na walang personalidad. May magaganda siyang katangian. At gusto niyang makilala natin siya at mapalapít tayo sa kaniya. (Juan 17:3; Santiago 4:8) Iyan ang dahilan kung bakit marami siyang ipinaalám sa atin tungkol sa kaniya.
May Personal na Pangalan ang Ating Maylalang
“Malaman nawa ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—AWIT 83:18.
Itinuturo ng Bibliya na si Jehova lang ang tunay na Diyos. Siya ang lumalang sa uniberso at sa lahat ng buháy na nilikha. Siya lang ang dapat nating sambahin.—Apocalipsis 4:11.
Si Jehova ay Isang Maibiging Diyos
“Ang Diyos ay pag-ibig.”—1 JUAN 4:8.
Ginagamit ni Jehova ang Bibliya at ang kalikasan para ituro sa atin ang mga katangian niya. Pag-ibig ang pinakamahalaga niyang katangian. Lahat ng ginagawa niya ay dahil sa pag-ibig. Habang mas nakikilala natin si Jehova, mas lalo natin siyang minamahal.
Si Jehova ay Isang Mapagpatawad na Diyos
“Ikaw ay isang Diyos na handang magpatawad.”—NEHEMIAS 9:17.
Alam ni Jehova na hindi tayo perpekto. Kaya ‘handa siyang magpatawad’ sa atin. Kung hihingi tayo ng tawad at sisikaping ihinto ang masasamang ginagawa natin, papatawarin niya tayo at hindi na niya uungkatin ang mga kasalanan natin.—Awit 103:12, 13.
Gusto ni Jehova na Manalangin Tayo sa Kaniya
“Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya . . . Dinirinig niya ang paghingi nila ng tulong.”—AWIT 145:18, 19.
Hindi hinihiling ni Jehova na gumawa tayo ng mga ritwal o gumamit ng mga imahen para sambahin siya. Nakikinig siya sa mga panalangin natin gaya ng isang maibiging magulang na nakikinig sa kaniyang minamahal na mga anak.