Mga Tampok sa Bibliya Awit 1 Hanggang 41
Umaawit ng Papuri kay Jehova ang Salmista
“Papuri.” Ito ang kahulugan ng pangalang Hebreo para sa aklat ng Mga Awit, at anong pagkaangkup-angkop nga ito! Ang buong aklat ay, sa katunayan, isang mahabang sigaw ng papuri sa Diyos na Jehova. Sa Mga Awit ay muling iniisa-isa ang mga katangian at makapangyarihang mga gawa ni Jehova. Taglay nito ang mga hula at inilalahad din sa atin ang mga damdamin ng kinasihang mga manunulat samantalang sila’y nagtitiis ng pag-uusig, pagkakanulo sa kanila, kasiraan-ng-loob, at kahit na ng isang masamang budhi. Maraming Kristiyano na dumaranas ng ganiyan ding pagsubok ang pinalakas ng mga salita ng Mga Awit.
Ang aklat ng Mga Awit ay nahahati sa limang bahagi. Dito ay tatalakayin natin ang una sa mga ito, ang Mga Awit 1 hanggang 41.
Pagpapasakop sa mga Layunin ni Jehova
Pakisuyong basahin ang Awit 1 hanggang 14. Ang grupong ito ng mga awit ay nagpapakita ng ilan sa mga pangunahing tema ng aklat ng Mga Awit: ang kahalagahan ng Kautusan, mga hula tungkol sa darating na Haring Mesianiko, at mga panalangin ng paghingi ng tulong sa harap ng malaking kagipitan. Isa pa, napapag-alaman natin na, sa kabila ng pansamantalang pangingibabaw ng balakyot, ang matuwid ay pagpapalain.
◆ 2:1—Ano bang “walang kabuluhang bagay” ang doo’y patuloy na “nagbububulong” ang mga bansa?
Ang mga bansa ay patuloy na “nagbububulong” (o, “nagbubulay-bulay”) tungkol sa pagpapatuloy ng kanilang sariling kapamahalaan, sa halip na tanggapin ang Pinahiran ni Jehova. Ang mga salitang ito ay nagkaroon ng katuparan noong unang siglo C.E., nang ang mga maykapangyarihang Romano at Judiyo ay gumawang magkasama upang patayin ang pinahirang Hari ni Jehova, si Jesu-Kristo. (Gawa 4:26-28) Datapuwat, ang pangunahing katuparan ay nagsimula noong 1914, nang ang lahat ng bansa ay tumanggi sa nakaluklok na Hari ng Diyos at pinagsisikapan nila na itaguyod ang kanilang sariling soberanya.
◆ 2:12—Bakit may utos na, “Hagkan ang anak”?
Noong mga sinaunang panahon ayon sa Bibliya, ang paghalik ay nagpapakita ng pagkakaibigan at ginagamit sa pagtanggap sa mga bisita sa tahanan ng isang taong mapagpatuloy. Sa talatang ito, iniutos ni Jehova sa mga bansa na hagkan, o tanggapin, ang kaniyang Anak bilang kaniyang pinahirang Hari.—Awit 2:2, 6-8.
◆ 9:12—Bakit si Jehova ay patuloy na “nagsisiyasat sa pagbububo ng dugo”?
Tulad ng isang hukom na humahatol, sinisiyasat ni Jehova yaong mga nagkakasala laban sa dugo dahilan sa pagbububo ng dugo ng walang-salang mga lingkod niya. (Genesis 9:5, 6; Lucas 11:49, 50) Kaniya ring pinarurusahan ang mga nagkakasala. Subalit ang kaniyang pagpaparusa ay may itinatangi. Sa atin ay tinitiyak ng salmistang si David: “Tiyak na hindi niya kalilimutan ang daíng ng mga nagdadalamhati.”—Ihambing ang 2 Pedro 2:9.
◆ 11:3—Ano ang “mga patibayan” na iginigiba?
Ang mga patibayan ay katarungan, batas, at kaayusan—ang mga patibayan na kinatatayuan ng lipunan. Pagka may gumuho sa kaayusan ng lipunan, at doo’y pumanaw na ang katarungan, ano ba ang dapat gawin ng taong may takot sa Diyo? Tumiwala kay Jehova. Siya ay nasa kaniyang trono sa langit, nakikita niya ang lahat ng bagay na nangyayari, at tayo ay hindi niya bibiguin.
Aral para sa Atin: Sa Awit 4:5 ay ipinapayo sa mga taong may takot sa Diyos na “maghandog ng mga hain ng katuwiran.” Noong kaarawan ni David, ang mga Israelita ay naghandog ng mga hain sa dambana ni Jehova. Subalit kailangan din naman noon na sila ay may mga tamang motibo at tunay na nagsisisi. (Isaias 1:11-17) Pagka ang mga Kristiyano ay naghahandog ng kanilang espirituwal na mga hain, sila rin naman ay kailangan na mayroong mga tamang motibo at kailangang makaabot sila sa matataas na pamantayan ni Jehova.—Hebreo 13:4, 5, 15, 16; 1 Pedro 2:1, 5.
Ang Diyos na Walang Kaparis
Basahin ang Mga Awit 15 hanggang 24. Sa grupong ito ng mga awit ay mayroong mga kapahayagan ng pagpuri kay Jehova. Siya ang Tagapagligtas ng kaniyang bayan (18), Maylikha at Tagapagbigay-Batas (19), Tagapagligtas (20), Tagapag-ingat sa kaniyang piniling Hari (21), ang Dakilang Pastor (23), at ang Maluwalhating Hari (24).
◆ 16:10—Sino ang “banal” na binanggit dito?
May mga eskolar ng Bibliya na ikinakapit ang talatang ito sa karamihan ng mga tapat, at bilang suporta ay binabanggit nila ang bagay na sa mga ilang manuskritong Hebreo ang salita para sa “banal” ay nasa pangmaramihan. Subalit, nang ang talatang ito ay sipiin sa Kasulatang Griegong Kristiyano, ang salitang iyan ay nasa pang-isahan, at tumutukoy sa isa lamang “banal.” Sino ba siya? Unang-una, marahil kay David mismo. Subalit sa hula, ang talatang ito ay ikinapit ni Pedro at ni Pablo kay Jesus.—Gawa 2:25-32; 13:35-37.
◆ 21:3—Ano ba ang “korona [putong] na dalisay na ginto”?
Marahil ito ay isang literal na korona, tulad halimbawa niyaong inalis sa idolong si Malcam. (Ihambing ang 2 Samuel 12:29, 30.) O marahil ang korona ay makasagisag, sumasagisag sa bagay na ang tagumpay ni David ay isa pang hiyas ng kaniyang maluwalhating pagkahari. Ngunit, kung ayon naman sa hula, tinutukoy ng awit na ito kung paano si Jesus ay binigyan ni Jehova ng korona ng pagkahari noong 1914. Ang “korona ng dalisay na ginto” ay tumutukoy sa bagay na pinakamataas na uri ang kaniyang paghahari.
◆ 22:1—Pinabayaan ba ng Diyos si David?
Hindi, kundi nang si David ay nasa ilalim ng matinding kagipitan buhat sa kaniyang mga kaaway, para ngang ganoon. Subalit, ang iginawi ni David sa kasindak-sindak na kalagayang ito ay hindi nagpapakita ng kakulangan ng pananampalataya, yamang siya’y patuloy na nananalangin nang may pagtitiwala para iligtas siya. (Aw 22 Talatang 16-19) Kapuna-puna, si Jesus ay sumipi buhat sa awit na ito bago namatay sa pahirapang tulos. Sa pagtatanong ng “bakit?” ipinahayag ni Jesus ang sukdulang kagipitan na kaniyang dinaranas noon, samantalang kasabay nito’y ipinahahayag niya na siya’y walang sala tungkol sa mga maling paratang na humantong sa pagpatay sa kaniya.
Aral para sa Atin: Si apostol Pablo ay sumisipi ng Awit 22:22 at ikinakapit yaon sa paraan ng pangunguna ni Jesu-Kristo sa kaniyang pinahirang mga kapatid sa paghahayag ng pangalan ni Jehova. (Hebreo 2:11, 12) Sa Awit 22:27 ay tinutukoy ang panahon na “lahat ng angkan sa mga bansa” ay makikisama sa bayan ni Jehova sa pagpuri sa kaniya. Sa ngayon, isang lubhang karamihan sa lahat ng mga bansa ang sumasamba sa Diyos kasama ng mga kapatid ni Jesus. (Apocalipsis 7:9) Tayo’y dapat na manatiling nakakapit nang mahigpit sa organisadong kaayusang ito ng Diyos.
Ang Dakilang Kapangyarihan ni Jehova
Basahin ang Mga Awit 25 hanggang 34. Sa Mga Awit 25 at 26, ipinahahayag ni David ang kaniyang hangarin na lumakad sa kaniyang katapatan o integridad. Pagkatapos ay sinusundan ito ng mga pagpapahayag ng matibay na pagtitiwala kay Jehova at, sa Awit 33, ng isang maningning na paglalarawan sa kapangyarihan ni Jehova.
◆ 28:8—Sino ba ang isang “pinahiran” ni Jehova?
Sa talatang ito ang “pinahiran” ay ang piniling bayan ni Jehova, gaya ng makikita sa nahahawig na taludtod na “si Jehova ay lakas sa kaniyang bayan.” Ang mga salitang ito ay may makahulang kahulugan na nakakatulad niyaong sa Habacuc 3:13. Tinutukoy nito ang pagliligtas ni Jehova sa kaniyang pinahirang nalabi sa digmaan ng Armagedon.
◆ 29:5, 6—Paano ba binabali ng tinig ni Jehova ang mga sedro?
Sa awit na ito ang kapangyarihan ni Jehova ay buong linaw na inilalarawan sa pamamagitan ng pagtutulad ng kaniyang tinig sa isang dumadagundong na kulog. Ang dagundong ay naglalakbay mula sa Lebanon sa hilaga hanggang sa timugang disyerto, at ito’y kasindak-sindak habang patuloy na naglalakbay. (Aw 29 Talatang 9b) Ang taglay nitong hangin ang nagpapayanig sa mga sedro ng Lebanon, anupat ang mga ito’y “pinalulukso na gaya ng guya,” at ang kasama nitong mga kidlat ang nagbubuwal sa mga punongkahoy, ‘binabali iyon.’ Gayundin naman, dahil sa hangin na dala ng bagyo ay ‘nayayanig ang ilang’ (Aw 29 Talatang 8), hinahalukay pati ang buhangin ng disyerto na anupat ito’y parang namimilipit sa hirap.
◆ 33:6—Ano ba ‘ang espiritu ng bibig ni Jehova’?
Dito ang espiritu, o hinga, ay tumutukoy sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ni Jehova. Kung paanong ang ating mga salita at hinga ay lumalabas sa ating bibig nang magkasabay, ang salita ni Jehova, o utos, ay kasama rito ng kaniyang hininga, o espiritu. Ginamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu nang likhain niya ang araw, buwan, at mga bituin, samakatuwid nga, lahat ng makasagisag na hukbo ng materyal na sangkalangitan.—Ihambing ang Genesis 1:1, 2.
Aral para sa Atin: Sa Awit 26:5, sinabi ni David na kaniyang kinapootan ang kongregasyon ng mga manggagawa ng masama. Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay umiiwas din naman sa pakikisama sa mga manggagawa ng kasamaan. (1 Corinto 15:33) Si David ay nagpakita ng malaking interes sa bahay ng Diyos, kaya naman ang mga tunay na Kristiyanong ito ay nalulugod na makisama sa isa’t-isa sa organisasyon ni Jehova.—Awit 26:6-8; 122:1.
“Purihin si Jehova”
Basahin ang Awit 35 hanggang 41. Ang isang litaw sa grupong ito ay ang Awit 36, na nagpapakilala kay Jehova bilang ang Bukal ng buhay, at ang Awit 37, na nagbibigay katiyakan sa atin sa kagantihan balang araw sa mga taong natuturuan. Isa pang mahalaga ay ang Awit 40, na nagtataglay ng mga hula tungkol kay Jesu-Kristo.
◆ 35:19—Bakit ang mga kaaway ni David ay “magkikindat ng mata”?
Sa tekstong Hebreo ay literal na tinatawag silang “aking mga kaaway [sa] kasinungalingan.” Samakatuwid nga, ang kanilang pagkapoot ay likha ng masasamang motibo. Si David ay walang nagawang anoman upang kanilang kapootan, at siya’y nanalangin na sila’y huwag sanang magkaroon ng dahilan na magalak o magsaya sa nangyari sa kaniya. (Talatang 19a) Pagkatapos, kaniyang hiniling na ang kaniyang mararahas na kaaway ay huwag sanang magkaroon ng dahilan na ‘magkindat ng mata,’ sapagkat ang gayong literal na pagkindat ay katunayan na sila’y nangangalandakan dahil sa tagumpay ng kanilang masasamang panukala. (Kawikaan 10:10; 16:29, 30) Sinipi ni Jesus ang talatang ito at ikinapit sa mga napopoot sa kaniya.—Juan 15:24, 25.
◆ 36:3—May unawa ba ang gayong mga balakyot?
Ipinahihiwatig na nagkaroon ng pagbabago sa ugali ng gayong tao at na siya’y hindi na kagaya ng dati. Marahil dati’y nakikitaan siya ng karunungan at gumawa ng mga bagay na mabubuti. Subalit kaniyang tinalikdan na iyon, at naging apostata. Si Haring Saul ay isa na humiwalay sa daan ng karunungan, at nagpakita ng pagkapoot kay David. (1 Samuel, kabanata 18) May mga eskolar na naniniwala na bumanggit ng ganito si David sa Awit 36 na ang sumasaisip niya’y si Saul.
◆ 40:6—Ano ang ibig sabihin ng mga salitang, ‘Ang aking pakinig ay iyong binuksan’?
Ito’y mangangahulugan na pinapangyari ni Jehova na ang pakinig ni David ay tumanggap ng mga tagubilin ng Diyos, o kaya na nilikha ni Jehova ang mga pandinig na sa pamamagitan nito’y maaaring mapakinggan ni David ang Kaniyang mga utos. Kapuna-puna, sa Septuagint ang mga salitang ito ay isinalin na: “Ako’y ipinaghanda mo ng isang katawan.” Saan man galing ang ganitong pagkasalin, taglay nito ang ganoon ding saligan ideya na gaya ng sa Hebreo. Samakatuwid nga, idinidiin nito na kailangan ang pagsunod. (Ihambing ang 1 Samuel 15:22; Hosea 6:6.) Ang talatang ito ay ikinapit ni Pablo kay Jesu-Kristo. (Hebreo 10:5-10) Yamang ginamit ni Pablo ang saling Septuagint, ang pangungusap na “ipinaghanda mo ako ng isang katawan” ay bahagi na ngayon ng “lahat ng Kasulatan” na “kinasihan ng Diyos.”—2 Timoteo 3:16.
Aral para sa Atin: Ang Awit 37 ay may taglay na maraming aral para sa atin, yamang tayo’y namumuhay sa gitna ng isang balakyot na salinglahi. Bagamat ang mga manggagawa ng kasamaan ay umunlad, sila’y hindi natin dapat kainggitan at sikapin na gayahin sila. Bagkus, tayo’y dapat “manatiling tahimik sa harap ni Jehova,” hindi siya sinisisi kundi, bagkus, mahinahong tumitiwala sa kaniya na kumilos sa ating kapakanan sa kaniyang takdang panahon.—Awit 37:5, 7.
Oo, ang Mga Awit ay may taglay ng maraming salitang nagbibigay-inspirasyon at nakaaaliw. Ang mga unang 41 mga awit na ito ay paulit-ulit na nagpakita na, gaano mang kahirap ang ating mga kalagayan, tayo’y hindi pababayaan ni Jehova. Tunay, pagkatapos na mabasa natin ito, tayo’y dapat maudyukan na sambitin ang mga salita na nagwawakas ng Awit 41: “Purihin nawa si Jehova na Diyos ng Israel mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda. Amen at Amen.”