NAGYELONG HAMOG
[sa Ingles, hoarfrost].
Malapilak na puting mga butil ng yelo na namumuo sa ibabaw ng mga bagay-bagay dahil sa kondensasyon kapag umabot ang temperatura sa antas ng pagyeyelo. Ang mga kristal na ito ng yelo ay mahahaba at hugis-karayom; kadalasang ang mga ito ay dumidikit nang patindig sa mga bagay kung saan ito namuo at ang karamihan nito ay nasa mga gilid. Lumilitaw ito kapag ang halumigmig sa atmospera ay nagyelo nang hindi dumaraan sa anyong likido, anupat namumuo sa mga punungkahoy, mga halaman, at iba pang mga bagay, kadalasan ay sa gabi. Karaniwan itong matatagpuan sa mga bintana.
Nagsalita si Jehova kay Job tungkol sa “nagyelong hamog mula sa langit,” walang alinlangang dahil nabubuo ito mula sa atmospera sa pamamagitan ng kondensasyon. (Job 38:29) Sinabi ng salmista tungkol kay Jehova: “Nagpapangalat siya ng nagyelong hamog na tulad ng abo.” (Aw 147:16) Napakadali kay Jehova ang magbigay ng nagyelong hamog anupat gaya lamang ito ng pagsasabog ng isang tao ng abo sa pamamagitan ng kaniyang kamay. Nag-iiwan ito ng takip, o balot, sa mga bagay na gaya ng punungkahoy, damo, at bahay, na para bang kinalatan ng abo ang ibabaw ng mga iyon sa pamamagitan ng di-nakikitang kamay ni Jehova.
Ang manna na inilaan ni Jehova sa mga Israelita sa panahon ng 40 taon ng pagpapagala-gala ng mga ito sa ilang ay inilalarawan nang ganito sa Exodo 16:14: “Sumingaw ang latag ng hamog at narito, sa ibabaw ng ilang ay may pinong bagay na malaniyebe, pinong tulad ng nagyelong hamog sa ibabaw ng lupa.”