Hayaang Ingatan Ka ng “Pananalita” ni Jehova
NOONG 490 B.C.E. sa makasaysayang digmaan sa Marathon, mula 10 libo hanggang 20 libong taga-Atenas ang napaharap sa napakalakas na hukbong Persiano. Ang pangunahing bahagi sa taktika ng mga Griego ay ang phalanx—isang kalipunan ng mga kawal na nagmamartsa nang magkakadikit. Ang kanilang mga kalasag ay nagsilbing halos isang buong baluting pader na punô ng nakausling mga sibat. Dahil sa phalanx, napatanyag ang tagumpay ng mga taga-Atenas laban sa lubhang nakararaming puwersa ng mga Persiano.
Nakikipagbaka ang tunay na mga Kristiyano sa espirituwal na paraan. Nakikipaglaban sila sa makapangyarihang mga kaaway—ang di-nakikitang mga tagapamahala ng kasalukuyang balakyot na sistema, na inilalarawan sa Bibliya bilang “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, . . . [ang] balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efeso 6:12; 1 Juan 5:19) Patuloy na nagtatagumpay ang bayan ng Diyos—ngunit hindi sa pamamagitan ng kanilang sariling lakas. Ang lahat ng papuri ay nauukol kay Jehova, na nag-iingat at nagtuturo sa kanila, gaya ng nakasaad sa Awit 18:30: “Ang pananalita ni Jehova ay dalisay. Isa siyang kalasag sa lahat ng nanganganlong sa kaniya.”
Oo, sa pamamagitan ng kaniyang dinalisay na “pananalita,” na nasa Sagradong Kasulatan, ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang matapat na mga lingkod mula sa espirituwal na pinsala. (Awit 19:7-11; 119:93) Hinggil sa karunungang nahahayag sa Salita ng Diyos, sumulat si Solomon: “Huwag mo itong iwanan, at iingatan ka nito. Ibigin mo, at ipagsasanggalang ka nito.” (Kawikaan 4:6; Eclesiastes 7:12) Paano tayo iniingatan ng karunungang mula sa Diyos laban sa kapinsalaan? Isaalang-alang ang halimbawa ng sinaunang Israel.
Isang Bayang Ipinagsanggalang ng Makadiyos na Karunungan
Ipinagsanggalang at pinatnubayan ng Kautusan ni Jehova ang mga Israelita sa lahat ng pitak ng buhay. Halimbawa, dahil sa mga tuntunin sa pagkain, kalinisan, at pagkukuwarentenas, nailigtas sila sa maraming sakit na sumalanta sa ibang mga bansa. Nakaalinsabay lamang ang siyensiya sa Kautusan ng Diyos nang matuklasan ang baktirya noong ika-19 na siglo. Ang mga kautusan hinggil sa pagmamay-ari ng lupain, pagtubos, paglaya mula sa pagkakautang, at pagpapatubo nang labis ay nagdulot ng mga pakinabang sa bayan ng Israel dahil nagtaguyod ito ng matatag na lipunan at patas na ekonomiya. (Deuteronomio 7:12, 15; 15:4, 5) Nakatulong pa nga ang Kautusan ni Jehova para maingatan ang mabuting kalagayan ng lupa sa Israel! (Exodo 23:10, 11) Ang mga utos laban sa huwad na pagsamba ang nag-ingat sa espirituwalidad ng bayan, anupat ipinagsanggalang sila sa paniniil ng mga demonyo, paghahain ng bata, at marami pang kabalakyutan, bukod pa sa nakapagpapababang kaugalian ng pagyukod ng tao sa harap ng walang-buhay na mga idolo.—Exodo 20:3-5; Awit 115:4-8.
Maliwanag, ang “pananalita” ni Jehova ay tunay ngang ‘hindi walang-kabuluhang salita’ para sa Israel; sa halip, nangahulugan ito ng buhay at mahabang araw para sa lahat ng sumunod dito. (Deuteronomio 32:47) Totoo rin ito ngayon sa mga sumusunod sa matatalinong pananalita ni Jehova, bagaman wala na sa ilalim ng tipang Kautusan ang mga Kristiyano. (Galacia 3:24, 25; Hebreo 8:8) Sa katunayan, sa halip na kodigo ng mga kautusan, ang mga Kristiyano ay may napakaraming iba’t ibang simulain sa Bibliya na gagabay at mag-iingat sa kanila.
Isang Bayang Protektado ng mga Simulain
Ang mga kautusan ay maaaring may limitadong pagkakapit at pansamantala lamang. Gayunman, ang mga simulain ng Bibliya, palibhasa’y saligang mga katotohanan, ay karaniwan nang may malawak at permanenteng pagkakapit. Halimbawa, isaalang-alang ang simulaing nakasaad sa Santiago 3:17, na sa isang bahagi ay nagsasabi: “Ang karunungan mula sa itaas una sa lahat ay malinis, pagkatapos ay mapayapa.” Paano magsisilbing sanggalang para sa bayan ng Diyos sa ngayon ang saligang katotohanang iyan?
Ang pagiging malinis ay nangangahulugan ng kadalisayan sa moral. Samakatuwid, yaong mga nagpapahalaga sa kalinisan ay nagsisikap na umiwas hindi lamang sa imoralidad kundi maging sa mga bagay na humahantong dito, kasali na ang seksuwal na imahinasyon at pornograpya. (Mateo 5:28) Gayundin naman, ang mga nagliligawan na nagsasapuso ng simulaing nasa Santiago 3:17 ay umiiwas sa pagiging masyadong malapít sa isa’t isa na maaaring humantong sa kawalan ng pagpipigil sa sarili. Bilang mga umiibig sa simulain, hindi sila nahihikayat palayo sa kalinisan, na nag-iisip marahil na hangga’t hindi nila nalalabag ang aktuwal na nakasulat na kautusan, sinasang-ayunan pa rin ni Jehova ang kanilang paggawi. Alam nila na “tumitingin [si Jehova] sa kung ano ang nasa puso” at tumutugon alinsunod dito. (1 Samuel 16:7; 2 Cronica 16:9) Naiingatan ng gayong marurunong ang kanilang katawan na hindi mahawa ng maraming sakit na naililipat sa pagtatalik na laganap sa ngayon at napananatili nilang nasa mabuting kalagayan ang kanilang mental at emosyonal na kalusugan.
Ang makadiyos na karunungan ay “mapayapa” rin, ang sabi sa Santiago 3:17. Alam nating sinisikap ni Satanas na ihiwalay tayo kay Jehova sa pamamagitan ng paghahasik ng espiritu ng karahasan sa ating puso, sa isang paraan ay sa pamamagitan ng kuwestiyunableng mga literatura, pelikula, musika, at mga laro sa computer—na ang ilan sa mga ito ay nag-uudyok sa mga manlalaro na gayahin ang di-maubos-maisip na kalupitan at pamamaslang! (Awit 11:5) Ipinakikita ng tumitinding daluyong ng mararahas na krimen na nagtatagumpay si Satanas. Hinggil sa gayong krimen, noong nakalipas na ilang taon ay sinipi ng pahayagang The Sydney Morning Herald ng Australia si Robert Ressler, ang unang gumamit sa terminong “serial killer.” Sinabi ni Ressler na ang damdamin ng mga mamamatay-tao na kaniyang kinapanayam noong dekada ng 1970 ay pinasidhi ng pornograpikong materyal na “walang sinabi kung ihahambing sa pornograpikong materyal sa ngayon.” Samakatuwid, ipinapahayag ni Ressler ang “mapanglaw na pananaw sa hinaharap—isang bagong siglo kung saan darami ang mga pumapatay ng maraming tao.”
Sa katunayan, ilang buwan lamang pagkaraang lumabas ang balitang iyan, isang lalaki ang namaril at pumatay ng 16 na musmos at ng kanilang guro sa isang kindergarten sa Dunblane, Scotland, bago siya nagpatiwakal. Nang sumunod na buwan, binaril at minasaker naman ng isa pang lalaking nasisiraan ng bait ang 32 tao sa tahimik na bayan ng Port Arthur sa Tasmania, Australia. Nito lamang nakalipas na mga taon, ginulat ang Estados Unidos ng ilang masaker sa paaralan, na naging dahilan para magtanong ang mga Amerikano, Bakit? Noong Hunyo 2001, naging ulo ng balita sa daigdig ang Hapon nang pasukin ng isang nagwawalang lalaki ang isang paaralan at pagsasaksakin hanggang sa mamatay ang 8 bata na nasa una at ikalawang baitang sa elementarya at paglalaslasin ang 15 pang tao. Walang alinlangan na masalimuot ang mga dahilan ng gayong kabalakyutan, ngunit higit at higit na napatutunayan na isa sa mga dahilan ang karahasan sa media. “Kung napakalaki ng nagagawa ng 60-segundong anunsiyo para paramihin ang benta sa pamilihan,” ang sulat ng kolumnistang Australiano na si Phillip Adams, “huwag mong sabihin sa akin na ang dalawang oras na pelikula na ginastusan nang milyun-milyon ay hindi makapagpapabago ng mga saloobin.” Kapansin-pansin, sa tahanan ng lalaking namaril sa Port Arthur, nakumpiska ng mga pulis ang 2,000 mararahas at pornograpikong mga video.
Ang isip at puso ng mga nanghahawakan sa mga simulain ng Bibliya ay naipagsasanggalang sa lahat ng anyo ng libangan na nagtataguyod ng pagkahumaling sa karahasan. Kaya naman hindi naiimpluwensiyahan ng “espiritu ng sanlibutan” ang kanilang isip at hangarin. Sa halip, sila ay ‘tinuturuan ng espiritu [ng Diyos],’ at sinisikap nilang linangin ang pag-ibig sa mga bunga nito, na dito’y kalakip ang kapayapaan. (1 Corinto 2:12, 13; Galacia 5:22, 23) Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, at nakapagpapatibay na pagbubulay-bulay. Iniiwasan din nila ang pakikisama sa mga indibiduwal na mahilig sa karahasan, anupat mas gusto nilang makasama ang mga katulad nilang umaasam sa mapayapang bagong sanlibutan ni Jehova. (Awit 1:1-3; Kawikaan 16:29) Oo, kaylaking proteksiyon nga ang inilalaan ng makadiyos na karunungan!
Hayaang Bantayan ng “Pananalita” ni Jehova ang Iyong Puso
Nang tuksuhin si Jesus sa iláng, pinasinungalingan niya si Satanas sa pamamagitan ng may-katumpakang pagsipi sa Salita ng Diyos. (Lucas 4:1-13) Gayunman, hindi siya nakipag-usap sa Diyablo para lamang makipagtagisan ng talino. Nang gamitin ni Jesus ang Kasulatan sa kaniyang pagtatanggol, nagsalita siya mula sa puso, kaya naman ang estratehiya ng Diyablo, na naging napakabisa sa Eden, ay nabigo kay Jesus. Mabibigo rin ang mga pakana ni Satanas kung pupunuin natin ang ating puso ng pananalita ni Jehova. Wala nang mas mahalaga pa rito, sapagkat “nagmumula [sa puso] ang mga bukal ng buhay.”—Kawikaan 4:23.
Bukod diyan, dapat nating patuloy na bantayan ang ating puso, anupat hindi tayo kailanman sumusuko. Nang mabigo si Satanas sa iláng, hindi siya huminto sa pagsubok kay Jesus. (Lucas 4:13) Patuloy din niya tayong susubukin, anupat gagamitin ang iba’t ibang estratehiya upang sirain ang ating integridad. (Apocalipsis 12:17) Kung gayon, tularan natin si Jesus sa pamamagitan ng paglinang ng masidhing pag-ibig sa Salita ng Diyos, at kasabay nito’y manalangin nang walang lubay ukol sa banal na espiritu at karunungan. (1 Tesalonica 5:17; Hebreo 5:7) Sa bahagi naman ni Jehova, nangangako siya sa lahat ng nanganganlong sa kaniya na hindi sila daranas ng espirituwal na kapinsalaan.—Awit 91:1-10; Kawikaan 1:33.
Iniingatan ng Salita ng Diyos ang Kongregasyon
Hindi mahahadlangan ni Satanas ang inihulang pagkaligtas ng “malaking pulutong” sa malaking kapighatian. (Apocalipsis 7:9, 14) Gayunman, gigil na gigil pa rin siya sa pagsisikap na pasamain ang mga Kristiyano nang sa gayon, kahit paano ay mawala ang pagsang-ayon ni Jehova sa ilang indibiduwal. Naging mabisa ang estratehiyang iyan sa sinaunang Israel at humantong ito sa pagkamatay ng 24,000 sa mismong bukana ng Lupang Pangako. (Bilang 25:1-9) Siyempre pa, ang nagkasalang mga Kristiyano na nagpapakita ng tunay na pagsisisi ay tumatanggap ng maibiging tulong upang muling maibalik ang kanilang espirituwal na kalusugan. Ngunit ang di-nagsisising mga makasalanan, katulad ni Zimri noon, ay nagsasapanganib sa moral at espirituwal na kapakanan ng iba. (Bilang 25:14) Katulad ng mga kawal sa isang phalanx na nagtapon ng kanilang mga kalasag, inihahantad nila sa kapinsalaan hindi lamang ang kanilang sarili kundi pati ang kanilang mga kasamahan.
Kaya naman, nag-uutos ang Bibliya: “Tigilan ang pakikihalubilo sa sinumang tinatawag na kapatid na isang mapakiapid o taong sakim o mananamba sa idolo o manlalait o lasenggo o mangingikil, na huwag man lamang kumaing kasama ng gayong tao. . . . Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.” (1 Corinto 5:11, 13) Hindi ba’t sang-ayon ka na tumutulong ang matalinong “pananalita[ng]” ito upang ingatan ang moral at espirituwal na kadalisayan ng kongregasyong Kristiyano?
Kabaligtaran naman, itinuturing ng marami sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan at ng mga apostata na lipas na ang mga bahagi ng Bibliya na sumasalungat sa makabago at liberal na mga pangmalas sa moralidad. Kaya naman, binibigyang-matuwid nila ang lahat ng uri ng malulubhang kasalanan, kahit sa gitna ng mga klero. (2 Timoteo 4:3, 4) Gayunman, pansinin na ang Kawikaan 30:5, na tumutukoy rin sa tulad-kalasag na “pananalita” ni Jehova, ay sinusundan ng utos sa Kaw 30 talata 6: “Huwag kang magdagdag sa . . . mga salita [ng Diyos], upang hindi ka niya sawayin, at upang hindi ka mapatunayang isang sinungaling.” Oo, yaong mga gumagawa ng pagbabago sa nilalaman ng Bibliya ay talagang espirituwal na mga sinungaling—mga sukdulang sinungaling sa lahat! (Mateo 15:6-9) Kung gayon, lubos nawa nating pahalagahan na naging bahagi tayo ng isang organisasyon na may malaking paggalang sa Salita ng Diyos.
Ipinagsasanggalang ng “Mabangong Amoy”
Dahil nanghahawakan sa Bibliya ang bayan ng Diyos at ibinabahagi nila ang nakaaaliw na mensahe nito sa iba, pinalalaganap nila ang tulad-insensong “mabangong amoy” ng buhay na nakalulugod kay Jehova. Ngunit para sa di-matuwid na mga indibiduwal, ang mga tagapagdala ng mensaheng iyan ay naglalabas ng “nakamamatay na alingasaw,” ayon sa salin ng Magandang Balita Biblia. Oo, ang makasagisag na pang-amoy ng mga balakyot ay napinsala nang husto ng sistema ng mga bagay ni Satanas anupat naaasiwa sila o nagagalit pa nga kapag naririyan ang mga nagpapalaganap ng “mabangong amoy ni Kristo.” Sa kabilang panig naman, ang masisigasig na nagpapalaganap ng mabuting balita ay nagiging “mabangong amoy ni Kristo sa gitna niyaong mga inililigtas.” (2 Corinto 2:14-16) Ang gayong tapat-pusong mga tao ay kadalasang nasusuklam sa pagpapaimbabaw at relihiyosong mga kasinungalingan na kitang-kita sa huwad na relihiyon. Kaya, kapag binubuklat natin ang Salita ng Diyos at ibinabahagi sa kanila ang mensahe ng Kaharian, nápapalapít sila kay Kristo at nagnanais na higit pang makaalam.—Juan 6:44.
Kaya huwag kang masiraan ng loob kapag negatibo ang reaksiyon ng ilan sa mensahe ng Kaharian. Sa halip, ituring ang “mabangong amoy ni Kristo” bilang isang anyo ng espirituwal na proteksiyon na nagtataboy sa maraming posibleng nakapipinsalang indibiduwal mula sa espirituwal na lupaing tinatahanan ng bayan ng Diyos, samantalang umaakit naman ng mga may mabubuting puso.—Isaias 35:8, 9.
Dahil ang mga kawal na Griego sa Marathon ay nagmartsa nang magkakadikit at buong-higpit na humawak sa kanilang mga kalasag, nagwagi sila sa kabila ng napakaraming hadlang. Gayundin naman, ang matatapat na Saksi ni Jehova ay nakatitiyak ng ganap na tagumpay sa kanilang espirituwal na pakikidigma, sapagkat iyan ang kanilang “minanang pag-aari.” (Isaias 54:17) Kung gayon, magpatuloy nawang manganlong kay Jehova ang bawat isa sa atin sa pamamagitan ng pananatiling “mahigpit na nakakapit sa salita ng buhay.”—Filipos 2:16.
[Mga larawan sa pahina 31]
‘Ang karunungan mula sa itaas ay malinis, pagkatapos ay mapayapa’