LEEG
Ang bahagi ng isang tao o ng isang hayop na nagdurugtong sa ulo at katawan. Maliwanag na itinatampok ng mga terminong Hebreo para sa leeg ang kayarian ng mga buto nito na maaaring baliin (Exo 13:13; 1Sa 4:18) o ang batok ng leeg. (Gen 49:8; Jos 10:24) Sa Bibliya, ang terminong “leeg” ay malimit na ginagamit sa makasagisag na paraan.
Sa Hebreo, ang isa na tumatakas dahil sa pagkatalo ay literal na sinasabing nagbaling ng kaniyang “leeg” sa kaaway (ihambing ang Jos 7:8), samakatuwid nga, ng batok ng kaniyang leeg. Dahil dito, ang ‘pagpapatong ng kamay ng isa sa batok’ ng kaniyang mga kaaway ay nangangahulugan ng paglupig, o pagsupil, sa kanila. (Gen 49:8; 2Sa 22:41; Aw 18:40) Taglay ang katulad na kahulugan, sa mga bantayog ng Ehipto at Asirya, ang mga monarka ay inilalarawan sa mga eksena ng pagbabaka bilang nakatapak sa mga batok ng kanilang mga kaaway. Gayundin, inutusan ni Josue ang kaniyang mga kumandante ng hukbo: “Lumapit kayo. Ilagay ninyo ang inyong mga paa sa mga batok ng mga haring ito.”—Jos 10:24.
Ang pamatok sa leeg ay nagpapahiwatig ng pagkaalipin o pagpapasakop. (Gen 27:40; Jer 30:8; Gaw 15:10) Ang malimit gamiting mga pananalita na “matigas ang leeg” at ‘pinatigas na leeg’ ay kumakatawan sa mapaghimagsik at mapagmatigas na espiritu. Bilang babala para sa atin, sinasabi ng Kasulatan na “ang taong paulit-ulit na sinasaway ngunit nagpapatigas ng kaniyang leeg ay biglang mababali, at wala nang kagalingan.”—Kaw 29:1; Deu 9:6, 13; 31:27; 2Ha 17:14; Aw 75:5; Isa 48:4.
Ang kahalagahan ng disiplina at awtoridad ng mga magulang (at gayundin ng mga utos at mga batas ng Diyos) ay idiniriin ng payo na ‘ibigkis ang mga iyon sa leeg,’ kung saan isinusuot ang magaganda at mamahaling mga palamuti. (Kaw 1:8, 9; 3:1-3; 6:20, 21) Ang paglakad na unat ang leeg ay nagpapahiwatig ng kapalaluan.—Isa 3:16.
Lalamunan. Maliwanag na ang salitang Hebreo para sa “lalamunan” ay tumutukoy sa harapang bahagi ng leeg na kinaroroonan ng mga sangkap para sa pagsasalita at paglulon. (Aw 149:6; Jer 2:25) Kung tungkol sa mga taong nagsisinungaling at nagbububo ng dugo, sinasabi ng Bibliya: “Sa kanilang bibig ay walang anumang mapagkakatiwalaan; . . . ang kanilang lalamunan ay isang bukás na dakong libingan.”—Aw 5:9; Ro 3:13.