KALUWALHATIAN
Sa Hebreong Kasulatan, ang salitang pinakamadalas isalin bilang “kaluwalhatian” ay ka·vohdhʹ, na pangunahin nang may diwa ng “bigat.” (Ihambing ang 1Sa 4:18, kung saan ang kaugnay na pang-uring ka·vedhʹ ay isinalin bilang “mabigat.”) Samakatuwid, ang kaluwalhatian ay maaaring tumukoy sa anumang bagay na dahil doon ay nagiging waring mabigat o kahanga-hanga ang isang tao o isang bagay, halimbawa ay materyal na kayamanan (Aw 49:16), posisyon, o reputasyon. (Gen 45:13) Ang katumbas sa Griego ng ka·vohdhʹ ay doʹxa, na orihinal na nangangahulugang “opinyon; reputasyon,” subalit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, nagkaroon ito ng kahulugang “kaluwalhatian.” Kabilang sa mga diwa nito ang reputasyon o “karangalan” (Luc 14:10), karilagan (Luc 2:9; 1Co 15:40), at yaong nagdudulot ng karangalan sa may-ari o maylikha ng isa (1Co 11:7).
Kadalasa’y binabanggit ng Kasulatan ang kaluwalhatian may kaugnayan sa Diyos na Jehova. Tungkol sa kahulugan nito sa gayong mga kaso, ganito ang paliwanag ng Theological Dictionary of the New Testament na inedit ni G. Kittel: “Kung may kaugnayan sa tao [ang ka·vohdhʹ] ay tumutukoy sa bagay na dahil doon ay nagiging kahanga-hanga siya at dapat kilalanin, pagtataglay man iyon ng materyal na mga ari-arian o ng kapansin-pansing [karangalan o importansiya], may kaugnayan naman sa Diyos, ito ay nagpapahiwatig ng bagay na dahil doon ay nagiging kahanga-hanga ang Diyos sa pangmalas ng tao.” (Isinalin ni G. Bromiley, 1971, Tomo II, p. 238) Kaya, ang kaluwalhatian ay maaaring tumukoy sa isang kahanga-hangang katibayan ng walang-kapantay na kapangyarihan ng Diyos. Kaayon nito, ang nakikitang mga bagay sa kalangitan ay “naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos.” (Aw 19:1) Sa Bundok Sinai, nakita ang “kaluwalhatian ni Jehova” sa pamamagitan ng nakatatakot na mga palatandaan gaya ng “lumalamong apoy.”—Exo 24:16-18; ihambing ang 16:7, 10; 40:34.
May kinalaman sa unang himala ni Jesus, sinasabi ng Bibliya na “inihayag niya ang kaniyang kaluwalhatian.” (Ju 2:11) Dito, ang kaluwalhatian ay tumutukoy sa kahanga-hangang katibayan ng makahimalang kapangyarihan ni Jesus na nagpapakilala sa kaniya bilang ang ipinangakong Mesiyas. (Ihambing ang Ju 11:40-44.) Noong isang pagkakataon naman, nanalangin si Jesus: “Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan.” (Ju 17:5) Dito ay ginamit ni Jesus ang terminong kaluwalhatian upang tumukoy sa mataas na kalagayang tinamasa niya sa langit bago siya pumarito sa lupa. Bilang sagot sa panalanging iyon, “niluwalhati” ni Jehova “ang kaniyang Lingkod, si Jesus,” sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniya at pagpapanumbalik sa kaniya sa langit. (Gaw 3:13-15) Noong magbagong-anyo si Jesus, “nakita” ng kasama niyang mga apostol “ang kaniyang kaluwalhatian.” (Luc 9:29-32) May kaugnayan ito sa maharlikang “karingalan” na tatanggapin ni Jesus sa kaniyang “pagkanaririto” taglay ang kapangyarihan ng Kaharian.—2Pe 1:16.
Ang mga lingkod ng Diyos ay pinapayuhang ‘gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.’ (1Co 10:31) Nahahayag ang kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng karangalan o papuri na ibinibigay sa kaniya. Dahil sa paggawi ng isa ay maaaring ‘magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos’ ang iba. (Mat 5:16; 1Pe 2:12) Ang mga Kristiyano na tunay na tumutugon sa patnubay ni Jehova ay ‘binabagong-anyo mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian,’ anupat patuloy na sumusulong sa pagpapaaninag ng kaluwalhatian ng Diyos. (2Co 3:18) Sa kabilang dako naman, dapat tayong mag-ingat laban sa paghahanap ng kaluwalhatian mula sa mga tao, gaya ng nangyari sa ilan noong unang siglo. (Ju 12:42, 43) Kapuwa si Jesus at ang apostol na si Pablo ay nagpakita ng mainam na halimbawa ng hindi paghahanap o pagtanggap ng kaluwalhatian mula sa mga tao.—Ju 5:41; 8:50; 1Te 2:5, 6.