Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Unang Aklat ng mga Awit
ANO kaya ang angkop na gawing pamagat ng isang aklat ng Bibliya na naglalaman ng halos puro papuri sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova? Wala nang mas aangkop pa sa Mga Awit, o Mga Papuri. Ang pinakamahabang aklat na ito ng Bibliya ay naglalaman ng magagandang komposisyon ng mga awit na nagsasaysay ng kahanga-hangang mga katangian at makapangyarihang mga gawa ng Diyos at nag-uulat ng napakaraming hula. Ipinahahayag ng karamihan sa mga awit ang damdamin ng mga manunulat nito kapag dumaranas sila ng paghihirap. Ang mga pahayag na ito ay sumasaklaw ng mga isang libong taon—mula sa panahon ni propeta Moises hanggang sa panahon pagkaraan ng pagkatapon. Ang mga manunulat ay sina Moises, Haring David, at iba pa. Ang saserdoteng si Ezra ang sinasabing nagsaayos ng aklat sa kasalukuyang anyo nito.
Mula pa noon, ang aklat ng Mga Awit ay hinati na sa limang koleksiyon, o mga seksiyon, ng mga awit: (1) Awit 1-41, (2) Awit 42-72, (3) Awit 73-89, (4) Awit 90-106, at (5) Awit 107-150. Tatalakayin sa artikulong ito ang unang koleksiyon. Ang lahat maliban sa tatlong awit sa seksiyong ito ay sinasabing kinatha ni Haring David ng sinaunang Israel. Hindi binanggit kung sino ang mga kumatha ng Awit 1, 10, at Aw 33.
“ANG AKING DIYOS ANG AKING BATO”
Matapos sabihin sa unang awit na maligaya ang tao na ang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, ang ikalawa naman ay espesipikong bumabanggit tungkol sa Kaharian.a Ang kalipunang ito ng mga awit ay halos puro pakiusap sa Diyos. Halimbawa, ang Awit 3-5, 7, 12, 13, at Aw 17 ay mga pakiusap para makaligtas sa mga kaaway. Itinatampok naman sa Awit 8 ang kadakilaan ni Jehova kung ihahambing sa pagiging hamak ng mga tao.
Sa paglalarawan kay Jehova bilang Tagapagsanggalang ng kaniyang bayan, umawit si David: “Ang aking Diyos ang aking bato. Manganganlong ako sa kaniya.” (Awit 18:2) Pinuri si Jehova bilang Maylalang at Tagapagbigay-Kautusan sa Awit 19, bilang Tagapagligtas sa Awit 20, at bilang Tagapagligtas ng kaniyang pinahirang Hari sa Awit 21. Inilarawan siya sa Awit 23 bilang Dakilang Pastol, samantalang inilarawan naman siya sa ika-24 na Awit bilang maluwalhating Hari.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:1, 2—Anong “walang-katuturang bagay” ang ibinubulung-bulong ng mga bansa? Ang “walang-katuturang bagay” ay ang patuloy na pagkabahala ng mga pamahalaan ng tao na mapanatili ang kanilang sariling awtoridad. Wala itong katuturan sapagkat ang kanilang hangarin ay tiyak na mabibigo. Talaga nga kayang makaaasa ng tagumpay ang mga liping pambansa kung ang paninindigan nila ay “laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran”?
2:7—Ano “ang batas ni Jehova”? Ang batas na ito ay ang pakikipagtipan ni Jehova sa kaniyang minamahal na Anak na si Jesu-Kristo ukol sa isang Kaharian.—Lucas 22:28, 29.
2:12—Paano magagawa ng mga tagapamahala ng mga bansa na ‘hagkan ang anak’? Noong panahon ng Bibliya, ang paghalik ay nangangahulugan ng pagiging magkaibigan at ng katapatan. Isang paraan ito ng pagtanggap sa mga panauhin. Inutusan ang mga hari ng lupa na hagkan ang Anak—samakatuwid, tanggapin siya bilang ang Mesiyanikong Hari.
3:superskripsiyon—Ano ang layunin ng uluhang nakalagay sa ilang awit? Kung minsan, mababasa sa uluhan ang sumulat at/o impormasyon tungkol sa mga kalagayan nang isulat ang awit, gaya ng nasa Awit 3. Maaari ring ipaliwanag sa superskripsiyon ang layunin o gamit ng partikular na awit (Awit 4 at 5) at nagbibigay rin ito ng mga instruksiyon sa musika (Awit 6).
3:2—Ano ba ang “Selah”? Ang salitang ito ay karaniwan nang itinuturing na kumakatawan sa sandaling paghinto para sa tahimik na pagbubulay-bulay, ito man ay sa pag-awit lamang o kapuwa sa awit at musika. Ang sandaling paghinto ay ginagamit upang higit na maidiin ang ideya o emosyong ipinahayag. Hindi na kailangang basahin nang malakas ang salitang ito kapag binabasa sa madla ang Mga Awit.
11:3—Anong mga pundasyon ang nagiba? Ito ang mismong mga pundasyon ng lipunan ng tao—kautusan, kaayusan, at katarungan. Kapag hindi ito nasunod, nagkakagulo ang lipunan at nawawala ang katarungan. Kapag nagkaganito, ang “sinumang matuwid” ay dapat na lubusang magtiwala sa Diyos.—Awit 11:4-7.
21:3—Ano ang ibig sabihin ng “isang koronang dalisay na ginto”? Hindi binabanggit kung ang korona ay literal o sagisag ng karagdagang papuri dahil sa maraming tagumpay ni David. Gayunman, ang talatang ito ay tumutukoy sa korona ng paghahari na tinanggap ni Jesus mula kay Jehova noong 1914. Dahil yari sa ginto ang korona, ipinahihiwatig nito na ang kaniyang paghahari ang pinakamahusay.
22:1, 2—Bakit inakala ni David na iniwan siya ni Jehova? Nasa matinding kagipitan si David dahil sa kaniyang mga kaaway anupat ‘ang kaniyang puso ay naging tulad ng pagkit at natunaw sa kailaliman ng kaniyang mga panloob na bahagi.’ (Awit 22:14) Inakala niyang pinabayaan na siya ni Jehova. Ganito rin ang nadama ni Jesus nang ibayubay siya. (Mateo 27:46) Makikita sa mga salita ni David ang likas na reaksiyon ng tao kapag nasa desperadong kalagayan. Gayunman, sa kaniyang panalanging nakaulat sa Awit 22:16-21, maliwanag na si David ay hindi nawalan ng pananampalataya sa Diyos.
Mga Aral Para sa Atin:
1:1. Dapat tayong umiwas sa pakikisama sa mga hindi umiibig kay Jehova.—1 Corinto 15:33.
1:2. Huwag nating hayaang lumipas ang maghapon nang hindi isinasaalang-alang ang espirituwal na mga bagay.—Mateo 4:4.
4:4. Kapag nagagalit o napopoot, makabubuting pigilin ang ating dila upang hindi makapagsalita ng isang bagay na pagsisisihan natin sa bandang huli.—Efeso 4:26.
4:5. Ang ating espirituwal na mga hain ay nagiging “mga hain ng katuwiran” tangi lamang kung mayroon tayong tamang motibo at kung ang ating paggawi ay nakaaabot sa mga kahilingan ni Jehova.
6:5. May mas maganda pa kayang dahilan upang naisin nating patuloy na mabuhay?—Awit 115:17.
9:12. Si Jehova ay naghahanap ng pagbububo ng dugo upang parusahan ang mga may pagkakasala sa dugo, ngunit naaalaala niya “ang daing ng mga napipighati.”
15:2, 3; 24:3-5. Ang tunay na mga mananamba ay dapat magsalita ng katotohanan at umiwas sa pagsumpa ng mga kabulaanan at sa paninirang-puri.
15:4. Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang tuparin ang ating sinabi kahit na napakahirap nitong gawin, maliban na lamang kung napag-isip-isip natin na hindi pala makakasulatan ang ating ipinangako.
15:5. Bilang mga mananamba ni Jehova, dapat tayong mag-ingat sa maling paggamit ng salapi.
17:14, 15. Iniuukol ng “mga tao ng sistemang ito ng mga bagay” ang kanilang buhay upang magpayaman, magkaroon ng sariling pamilya, at makapag-iwan ng pamana. Ang pangunahin sa buhay ni David ay ang makagawa ng mabuting pangalan sa Diyos upang ‘mamasdan niya ang Kaniyang mukha,’ o matamasa ang lingap ni Jehova. Sa “paggising” o pagkakita sa mga pangako at mga pagtiyak ni Jehova, si David ay ‘masisiyahan na makita ang Kaniyang anyo,’ o matutuwa na sumasakaniya si Jehova. Gaya ni David, hindi ba’t kailangang ilagak natin ang ating puso sa espirituwal na kayamanan?
19:1-6. Kung ang mga nilalang, na hindi nakapagsasalita at hindi nakapangangatuwiran, ay lumuluwalhati kay Jehova, hindi ba’t tayo na nakapag-iisip, nakapagsasalita, at nakasasamba ang lalo nang dapat gumawa nito?—Apocalipsis 4:11.
19:7-11. Mga kahilingan ni Jehova—kaylaking pakinabang nito para sa atin!
19:12, 13. Ang mga pagkakamali at kapangahasan ay mga kasalanang dapat iwasan.
19:14. Dapat tayong mag-ingat hindi lamang sa ating ginagawa kundi gayundin sa ating sinasabi at iniisip.
“DAHIL SA AKING KATAPATAN AY ITINAGUYOD MO AKO”
Kitang-kita nga sa unang dalawang awit sa kalipunang ito ang taimtim na pagnanais at matibay na determinasyon ni David na mapanatili ang kaniyang katapatan! “Sa ganang akin, lalakad ako sa aking katapatan,” ang inawit niya. (Awit 26:11) Sa kaniyang panalangin na patawarin ang kaniyang mga kasalanan, inamin niya: “Nang manahimik ako ay nanghina ang aking mga buto dahil sa pagdaing ko buong araw.” (Awit 32:3) Tiniyak ni David sa mga matapat kay Jehova: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong.”—Awit 34:15.
Napakahalaga nga ng payo na ibinigay sa Awit 37 para sa mga Israelita at sa atin, yamang nabubuhay tayo sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay! (2 Timoteo 3:1-5) Bilang hula tungkol kay Jesu-Kristo, ang Awit 40:7, 8 ay nagsasabi: “Narito, ako ay dumating, sa balumbon ng aklat ay nakasulat iyon tungkol sa akin. Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.” Ang huling awit sa koleksiyon ay tungkol sa paghiling ni David kay Jehova na tulungan siya sa maliligalig na taon matapos silang magkasala ni Bat-sheba. Umawit siya: “Kung tungkol sa akin, dahil sa aking katapatan ay itinaguyod mo ako.”—Awit 41:12.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
26:6—Gaya ni David, paano tayo makalalakad sa palibot ng altar ni Jehova sa makasagisag na paraan? Ang altar ay kumakatawan sa kalooban ni Jehova na tanggapin ang haing pantubos ni Jesu-Kristo upang tubusin ang sangkatauhan. (Hebreo 8:5; 10:5-10) Naglalakad tayo sa palibot ng altar ni Jehova sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing iyan.
29:3-9—Ano ang inilalarawan ng paghahambing sa tinig ni Jehova sa kulog na nakasisindak habang ito’y dumadagundong? Simple lamang: Ang kagila-gilalas na kapangyarihan ni Jehova!
31:23—Paano lubos na ginagantihan ang isang palalo? Ang ganti rito ay kaparusahan. Ang matuwid ay ginagantihan ng disiplina mula kay Jehova dahil sa kaniyang di-sinasadyang pagkakamali. Yamang hindi binabago ng isang palalo ang kaniyang maling landasin, lubos siyang gagantihan ng matinding kaparusahan.—Kawikaan 11:31; 1 Pedro 4:18.
33:6—Ano ang “espiritu” ng bibig ni Jehova? Ang espiritu ay ang aktibong puwersa, o banal na espiritu, ng Diyos na ginamit niya sa paglalang sa pisikal na mga langit. (Genesis 1:1, 2) Tinatawag itong espiritu ng kaniyang bibig sapagkat, gaya ng makapangyarihang hininga, maaari itong paratingin sa malayong lugar upang maisakatuparan ang mga bagay-bagay.
35:19—Ano ang kahulugan ng kahilingan ni David na huwag nawang magkindat ng mata ang mga napopoot sa kaniya? Ang pagkindat ng mata ay nagpapahiwatig ng pagsasaya ng mga kaaway ni David dahil sa tagumpay ng kanilang masamang balak laban sa kaniya. Hiniling ni David na huwag sanang mangyari ito.
Mga Aral Para sa Atin:
26:4. Isang katalinuhan na umiwas sa pakikisama sa mga taong nagtatago ng kanilang pagkatao sa mga chat room sa Internet, sa mga tao sa paaralan o sa ating pinagtatrabahuhan na nagkukunwang mga kaibigan natin at nanlilinlang, sa mga apostata na kunwari’y taimtim, at sa mga may dobleng pamumuhay.
26:7, 12; 35:18; 40:9. Dapat nating purihin si Jehova sa madla sa mga pagtitipong Kristiyano.
26:8; 27:4. Gustung-gusto ba nating dumalo sa mga pulong Kristiyano?
26:11. Kasabay ng pagbanggit sa kaniyang determinasyong manatiling tapat, humiling din si David ng katubusan. Oo, makapananatili pa rin tayong tapat kahit hindi tayo sakdal.
29:10. Sa pag-upo sa ibabaw ng “delubyo,” ipinahihiwatig ni Jehova na lubusan niyang kontrolado ang kaniyang kapangyarihan.
30:5. Ang pinakapangunahing katangian ni Jehova ay pag-ibig—hindi galit.
32:9. Ayaw ni Jehova na maging katulad tayo ng isang mula o asno na sumusunod lamang dahil sa renda o latigo. Sa halip, nais niyang sundin natin siya dahil sa nauunawaan natin ang kaniyang kalooban.
33:17-19. Walang gawang-taong sistema, gaano man ito katatag, ang makapagdudulot ng kaligtasan. Ang ating pagtitiwala ay dapat nating iukol kay Jehova at sa kaayusan ng kaniyang Kaharian.
34:10. Kaylaking katiyakan nito sa mga taong ang inuuna sa kanilang buhay ay ang mga kapakanan ng Kaharian!
39:1, 2. Kapag naghahanap ng impormasyon ang balakyot upang pinsalain ang ating kapananampalataya, isang katalinuhan na ‘maglagay ng busal bilang bantay sa ating bibig’ at manahimik.
40:1, 2. Ang pagtitiwala kay Jehova ay makatutulong na maharap ang panlulumo at makaahon “mula sa umuugong na hukay, mula sa lusak ng burak.”
40:5, 12. Hindi tayo madaraig ng mga kasakunaan at personal na mga pagkukulang, gaano man ito karami, kung palagi nating isasaisip na ang ating mga pagpapala ‘ay mas marami kaysa sa kaya nating isalaysay.’
“Pagpalain Nawa si Jehova”
Tunay ngang nakaaaliw at nakapagpapatibay-loob ang 41 awit sa unang koleksiyon! Kung dumaranas man tayo ng mga pagsubok o naliligalig dahil sa bagabag na budhi, mapalalakas at mapatitibay-loob tayo ng bahaging ito ng makapangyarihang Salita ng Diyos. (Hebreo 4:12) Ang mga awit na ito ay naglalaman ng impormasyong naglalaan ng maaasahang patnubay sa buhay. Paulit-ulit na tinitiyak sa atin na anumang hirap ang danasin natin, hindi tayo pababayaan ni Jehova.
Ang unang koleksiyon ng mga awit ay nagtatapos sa mga salita: “Pagpalain nawa si Jehova na Diyos ng Israel mula sa panahong walang takda at maging hanggang sa panahong walang takda. Amen at Amen.” (Awit 41:13) Matapos talakayin ang mga ito, hindi ba tayo nauudyukang pagpalain, o purihin, si Jehova?
[Talababa]
[Blurb sa pahina 19]
Kung ang walang-buhay na mga nilalang ay lumuluwalhati kay Jehova, lalo nang dapat nating gawin ito!
[Larawan sa pahina 17]
Kinatha ni David ang karamihan sa unang 41 awit
[Larawan sa pahina 18]
Alam mo ba kung aling awit ang naglalarawan kay Jehova bilang ang Dakilang Pastol?
[Larawan sa pahina 20]
Huwag hayaang lumipas ang maghapon nang hindi isinasaalang-alang ang espirituwal na mga bagay
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Mga bituin: Courtesy United States Naval Observatory
[Picture Credit Line sa pahina 19]
Mga bituin, pahina 18 at 19: Courtesy United States Naval Observatory
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Mga bituin: Courtesy United States Naval Observatory