ARALING ARTIKULO 15
Matuto sa mga Huling Sinabi ni Jesus
“Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan. Makinig kayo sa kaniya.”—MAT. 17:5.
AWIT 17 Handang Tumulong
NILALAMANa
1-2. Ilarawan ang sitwasyon nang bigkasin ni Jesus ang mga huling sinabi niya bilang tao.
NOON ay Nisan 14, 33 C.E. Matapos akusahan at hatulang guilty sa isang krimen na hindi niya naman ginawa, si Jesus ay tinuya, pinahirapan, at ipinako sa tulos. Bumaon ang mga pako sa mga kamay at paa niya. Sa tuwing hihinga siya at sa tuwing magsasalita siya, damang-dama niya ang sakit. Pero dapat siyang magsalita—mahalaga ang mga sasabihin niya.
2 Talakayin natin ang mga sinabi ni Jesus noong malapit na siyang mamatay sa pahirapang tulos at ang matututuhan natin sa mga ito. Sa ibang salita, ‘makinig tayo sa kaniya.’—Mat. 17:5.
“AMA, PATAWARIN MO SILA”
3. Sino ang malamang na tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya: “Ama, patawarin mo sila”?
3 Ano ang sinabi ni Jesus? Habang nakapako sa tulos, nanalangin si Jesus: “Ama, patawarin mo sila.” Sino? Magkakaideya tayo sa sumunod na sinabi niya: “Hindi nila alam ang ginagawa nila.” (Luc. 23:33, 34) Malamang na ang tinutukoy ni Jesus ay ang mga sundalong Romano na nagpako sa kaniyang mga kamay at paa. Hindi nila kilala kung sino talaga siya. Baka nasa isip din niya ang ilang nagsabi na patayin siya pero nanampalataya sa kaniya nang maglaon. (Gawa 2:36-38) Hindi ikinagalit ni Jesus ang kawalang-katarungang dinanas niya. (1 Ped. 2:23) Sa halip, hiniling niya kay Jehova na patawarin ang mga nagpapatay sa kaniya.
4. Ano ang matututuhan natin sa pagiging handang magpatawad ni Jesus?
4 Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus? Gaya ni Jesus, kailangan na handa rin tayong magpatawad. (Col. 3:13) Baka pinag-uusig tayo ng ilan, pati na ng mga kamag-anak natin, dahil hindi nila naiintindihan ang mga paniniwala natin at paraan ng pamumuhay. Baka nagkakalat sila ng kasinungalingan tungkol sa atin, hinihiya tayo sa harap ng iba, sinisira ang mga publikasyon natin, o pinagbabantaan pa ngang sasaktan. Sa halip na magkimkim ng galit, puwede nating hilingin kay Jehova na buksan sana ang mga mata nila para makita nila ang katotohanan. (Mat. 5:44, 45) Kung minsan, nahihirapan tayong magpatawad, lalo na kung sumosobra na ang kawalang-katarungan nila. Pero kung magtatanim tayo ng galit at sama ng loob sa puso natin, tayo rin ang masasaktan. Sinabi ng isang sister: “Napag-isip-isip ko na kapag nagpapatawad ako, hindi ibig sabihin na kinukunsinti ko ang masamang ginagawa sa akin o hinahayaan kong tapak-tapakan na lang ako ng iba. Gusto ko lang alisin ang galit sa puso ko.” (Awit 37:8) Kapag nagpapatawad tayo, hindi natin hinahayaang mag-ugat ang galit sa puso natin.—Efe. 4:31, 32.
“MAKAKASAMA KITA SA PARAISO”
5. Ano ang ipinangako ni Jesus sa isa sa mga kriminal na katabi niya, at bakit niya ito ipinangako?
5 Ano ang sinabi ni Jesus? Dalawang kriminal ang nakapako rin sa tulos katabi ni Jesus. Noong una, iniinsulto rin nila siya. (Mat. 27:44) Pero nagbago ang isa sa kanila. Napag-isip-isip niya na “walang ginawang masama” si Jesus. (Luc. 23:40, 41) At ipinakita niyang naniniwala siyang bubuhaying muli si Jesus at mamamahala bilang hari balang-araw. Sinabi niya sa malapit nang mamatay na Tagapagligtas: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.” (Luc. 23:42) Kay laking pananampalataya! Bilang sagot, sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita [hindi sa Kaharian, kundi] sa Paraiso.” (Luc. 23:43) Pansinin na napakapersonal ng pangako ni Jesus. Gumamit siya ng mga panghalip na “ko,” “iyo,” at “kita.” Dahil alam niyang maawain ang kaniyang Ama, gumamit siya ng pananalitang magbibigay ng pag-asa sa kriminal na ito na malapit nang mamatay.—Awit 103:8.
6. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus sa kriminal?
6 Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus? Si Jesus ay kagayang-kagaya ng kaniyang Ama. (Heb. 1:3) Gustong-gusto ni Jehova na patawarin tayo at magpakita ng awa kung talagang nagsisisi tayo sa masasamang bagay na ginawa natin noon at nananampalataya na mapapatawad ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Jesu-Kristo. (1 Juan 1:7) Baka hindi naniniwala ang ilan na mapapatawad pa ni Jehova ang mga pagkakamali nila. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, pag-isipan ito: Bago mamatay si Jesus, nagpakita siya ng awa sa isang kriminal na noon lang nanampalataya sa kaniya. Kaya hindi ba’t lalo nang magpapakita ng awa si Jehova sa mga tapat na mananamba niya na gumagawa nang buong makakaya para masunod ang mga utos niya?—Awit 51:1; 1 Juan 2:1, 2.
“TINGNAN MO! ANG IYONG ANAK! . . . TINGNAN MO! ANG IYONG INA!”
7. Ano ang sinabi ni Jesus kay Maria at kay Juan ayon sa Juan 19:26, 27, at bakit niya sinabi iyon?
7 Ano ang sinabi ni Jesus? (Basahin ang Juan 19:26, 27.) Nag-aalala si Jesus sa kaniyang ina, na malamang na biyuda na noon. Posibleng maibibigay naman ng mga kapatid niya ang pisikal at materyal na pangangailangan ni Maria. Pero paano naman ang espirituwal na pangangailangan niya? Walang indikasyon na mga alagad na ang mga kapatid ni Jesus noon. Pero si Juan ay isang tapat na apostol at isa sa pinakamatatalik na kaibigan ni Jesus. Itinuturing ni Jesus na pamilya niya ang mga kasama niyang sumasamba kay Jehova. (Mat. 12:46-50) Kaya dahil sa pagmamahal at malasakit kay Maria, ipinagkatiwala siya ni Jesus kay Juan, dahil alam niyang mapapangalagaan nito ang espirituwal na pangangailangan ni Maria. Sinabi niya sa kaniyang ina: “Tingnan mo! Ang iyong anak!” At sinabi niya kay Juan: “Tingnan mo! Ang iyong ina!” Mula noon, si Juan ay naging gaya ng isang anak kay Maria at inalagaan niya si Maria na parang kaniyang ina. Talagang mahal na mahal ni Jesus si Maria na buong pagmamahal na nag-alaga sa kaniya mula nang ipanganak siya at hindi umalis sa tabi niya hanggang sa mamatay siya!
8. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus kay Maria at kay Juan?
8 Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus? Puwede tayong maging mas malapít sa mga kapatid kaysa sa mga kapamilya natin. Baka hadlangan tayo ng mga kamag-anak natin o itakwil pa nga, pero gaya ng ipinangako ni Jesus, kung mananatili tayong malapít kay Jehova at sa Kaniyang organisasyon, tayo ay “tatanggap ng 100 ulit” ng nawala sa atin. Marami tayong magiging mapagmahal na anak, ina, o ama. (Mar. 10:29, 30) Napakasayang maging bahagi ng isang espirituwal na pamilyang pinagkakaisa ng pananampalataya at pag-ibig—pag-ibig kay Jehova at sa isa’t isa.—Col. 3:14; 1 Ped. 2:17.
“DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?”
9. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus sa Mateo 27:46?
9 Ano ang sinabi ni Jesus? Bago mamatay si Jesus, sumigaw siya: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mat. 27:46) Hindi ipinapaliwanag ng Bibliya kung bakit sinabi iyan ni Jesus. Pero ano ang matututuhan natin dito? Nang sabihin iyan ni Jesus, tinutupad niya ang hula sa Awit 22:1.b Ipinapakita rin nito na si Jehova ay hindi naglagay ng “bakod sa palibot” ng kaniyang Anak. (Job 1:10) Naintindihan ni Jesus na tuluyan na siyang ibinigay ng kaniyang Ama sa mga kaaway niya para lubusan siyang masubok—isang pagsubok na hindi naranasan ng sinumang tao. Pinapatunayan din nito na si Jesus ay walang nagawang anumang krimen na nararapat sa parusang kamatayan.
10. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama?
10 Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus? Nakita natin na hindi tayo dapat umasang poprotektahan tayo ni Jehova mula sa mga pagsubok sa ating pananampalataya. Lubusang nasubok si Jesus, kaya dapat din tayong maging handang patunayan ang ating katapatan hanggang kamatayan kung kinakailangan. (Mat. 16:24, 25) Pero makakasiguro tayo na hindi hahayaan ng Diyos na subukin tayo nang higit sa matitiis natin. (1 Cor. 10:13) Natutuhan din natin na gaya ni Jesus, baka dumanas din tayo ng kawalang-katarungan. (1 Ped. 2:19, 20) Ganiyan ang ginagawa ng mga humahadlang sa atin, hindi dahil may ginawa tayong mali, kundi dahil hindi tayo bahagi ng sanlibutan at nagpapatotoo tayo tungkol sa katotohanan. (Juan 17:14; 1 Ped. 4:15, 16) Naintindihan ni Jesus kung bakit hinayaan ni Jehova na magdusa siya. Pero di-gaya niya, may mga pagkakataong nagtataka ang tapat na mga mananambang dumaranas ng pagsubok kung bakit hinahayaan ni Jehova na mangyari ang ilang bagay. (Hab. 1:3) Naiintindihan ng ating maawain at matiising Diyos na hindi sila nagkukulang sa pananampalataya; kailangan lang nila ng kaaliwan na siya lang ang makakapagbigay.—2 Cor. 1:3, 4.
“NAUUHAW AKO”
11. Bakit sinabi ni Jesus ang nasa Juan 19:28?
11 Ano ang sinabi ni Jesus? (Basahin ang Juan 19:28.) Bakit sinabi ni Jesus: “Nauuhaw ako”? Sinabi niya iyon “para matupad ang nasa Kasulatan”—ang hula sa Awit 22:15, na nagsasabi: “Ang lakas ko ay natuyong gaya ng piraso ng basag na palayok; dumikit na ang dila ko sa aking gilagid.” Bukod diyan, pagkatapos ng lahat ng dinanas ni Jesus, kasama na ang matinding paghihirap habang nasa pahirapang tulos, tiyak na uhaw na uhaw na siya. Kailangan niya ng tulong para mapawi ang uhaw niya.
12. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus na “nauuhaw ako”?
12 Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus? Hindi itinuring ni Jesus na isang kahinaan na sabihin ang nararamdaman niya; dapat na ganoon din tayo. Karaniwan nang ayaw nating sabihin sa iba kung ano ang kailangan natin. Pero kung talagang kailangan na natin ng tulong, huwag tayong magdalawang-isip na sabihin ito sa iba. Halimbawa, kung may-edad na tayo o mahina na, puwede nating pakisuyuan ang isang kaibigan na dalhin tayo sa isang grocery store o sa doktor. Kung nasisiraan tayo ng loob, baka kailangang lumapit tayo sa isang elder o iba pang may-gulang na Kristiyanong kaibigan para makinig sa sasabihin natin o magbigay ng “positibong salita” na magpapasaya sa atin. (Kaw. 12:25) Tandaan na mahal tayo ng mga kapatid, at gusto nila tayong tulungan “kapag may problema.” (Kaw. 17:17) Pero hindi nila nababasa ang iniisip natin. Baka hindi nila alam na kailangan natin ng tulong malibang sabihin natin.
“NAGANAP NA!”
13. Ano ang naisagawa ni Jesus sa pananatiling tapat hanggang kamatayan?
13 Ano ang sinabi ni Jesus? Mga alas-tres ng hapon noong Nisan 14, sumigaw si Jesus: “Naganap na!” (Juan 19:30) Bago pa man siya mamatay, alam na ni Jesus na nagawa na niyang lahat ang inaasahan ni Jehova sa kaniya. Dahil sa pananatiling tapat hanggang kamatayan, may mga naisagawa si Jesus. Una, napatunayan niyang sinungaling si Satanas. Ipinakita ni Jesus na makakapanatiling tapat ang isang perpektong tao kahit ano pa ang gawin ni Satanas. Ikalawa, naibigay ni Jesus ang buhay niya bilang pantubos. Dahil sa kaniyang kamatayan, naging posible para sa mga di-perpektong tao na magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos, at nagbigay ito sa kanila ng pag-asang mabuhay magpakailanman. Ikatlo, napatunayan ni Jesus na si Jehova ay isang matuwid na tagapamahala at nalinis niya ang pangalan ng kaniyang Ama.
14. Ano ang dapat na maging determinasyon natin sa bawat araw? Ipaliwanag.
14 Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus? Dapat na maging determinado tayong manatiling tapat araw-araw. Pansinin ang sinabi ni Brother Maxwell Friend, na naging instructor sa Watchtower Bible School of Gilead. Sa isang international assembly, sinabi niya sa isang pahayag tungkol sa katapatan: “Huwag mo nang ipagpabukas pa ang puwede mong gawin o sabihin ngayon. Sigurado ka bang may bukas pa? Mamuhay sa bawat araw na para bang iyon na ang huling pagkakataon mo para ipakitang karapat-dapat kang mabuhay magpakailanman.” Mamuhay sana tayo bawat araw na para bang iyon na ang huling pagkakataon natin na manatiling tapat! Para kung mapaharap man tayo sa kamatayan, masasabi natin, “Jehova, nagawa ko nang lahat ang magagawa ko para makapanatiling tapat, para mapatunayang sinungaling si Satanas, at para maipagbangong-puri ang iyong pangalan at soberanya!”
“IPINAGKAKATIWALA KO NA ANG BUHAY KO SA MGA KAMAY MO”
15. Ayon sa Lucas 23:46, sa anong bagay nakakasiguro si Jesus?
15 Ano ang sinabi ni Jesus? (Basahin ang Lucas 23:46.) Buong pagtitiwalang sinabi ni Jesus: “Ama, ipinagkakatiwala ko na ang buhay ko sa mga kamay mo.” Alam ni Jesus na nakasalalay kay Jehova ang buhay niya sa hinaharap, at sigurado siyang hindi siya kakalimutan ng kaniyang Ama.
16. Ano ang matututuhan mo sa karanasan ng isang 15-anyos na Saksi?
16 Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus? Ipaubaya mo ang buhay mo kay Jehova. Para magawa iyan, dapat kang ‘magtiwala kay Jehova nang buong puso.’ (Kaw. 3:5) Pansinin ang halimbawa ni Joshua, isang 15-anyos na Saksi na may sakit na puwede niyang ikamatay. Tinanggihan niya ang paggagamot na labag sa batas ng Diyos. Noong malapit na siyang mamatay, sinabi niya sa nanay niya: “Inay, ako’y iingatan ni Jehova. . . . Ito ang masasabi ko, Inay, nang buong katiyakan: Alam kong tiyak na bubuhayin ako ni Jehova sa pagkabuhay-muli. Nabasa niya ang aking puso, at talagang mahal ko siya.”c Dapat nating itanong sa ating sarili, ‘Kapag napaharap ako sa isang pagsubok na puwede kong ikamatay, ipapaubaya ko ba ang buhay ko kay Jehova at magtitiwalang hindi niya ako kakalimutan?’
17-18. Anong mga aral ang natutuhan natin? (Tingnan din ang kahong “Ang Matututuhan Natin sa mga Huling Sinabi ni Jesus.”)
17 Mahahalagang aral ang matututuhan natin sa mga huling sinabi ni Jesus! Ipinapaalala nito sa atin na kailangan nating patawarin ang iba at magtiwalang papatawarin tayo ni Jehova. Laking pasasalamat natin na marami tayong kapatid sa kongregasyon na handang tumulong sa atin! Pero kapag nangailangan tayo ng tulong, dapat na tayo mismo ang unang lumapit sa kanila. Alam nating tutulungan tayo ni Jehova na matiis ang anumang pagsubok. At nakikita natin na mahalagang mamuhay bawat araw na para bang iyon na ang huling araw natin para patunayan ang ating katapatan at ipaubaya ang ating buhay kay Jehova.
18 Punong-puno ng kahulugan ang mga sinabi ni Jesus noong malapit na siyang mamatay sa pahirapang tulos! Kung isasabuhay natin ang mga natutuhan natin, masusunod natin ang sinabi ni Jehova tungkol sa kaniyang Anak: “Makinig kayo sa kaniya.”—Mat. 17:5.
AWIT 126 Manatiling Gisíng at Magpakatibay
a Makikita sa Mateo 17:5 na gusto ni Jehova na makinig tayo sa Anak niya. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga matututuhan natin sa sinabi ni Jesus noong malapit na siyang mamatay sa pahirapang tulos.
b Para sa mga posibleng dahilan kung bakit sinipi ni Jesus ang Awit 22:1, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa isyung ito.
c Tingnan ang artikulong “Ang Pananampalataya ni Joshua—Isang Tagumpay Para sa mga Karapatan ng mga Bata” sa Enero 22, 1995, isyu ng Gumising!