HEBREO, II
Wikang Hebreo ang ginamit sa pagsulat ng pangunahing bahagi ng kinasihang Kasulatan—39 na aklat lahat-lahat (ayon sa pagkakahati ng materyal na matatagpuan sa maraming salin), anupat mga tatlong-kapat ng kabuuang nilalaman ng Bibliya. Gayunman, isang maliit na bahagi ng mga aklat na ito ang isinulat sa Aramaiko.—Tingnan ang ARAMAIKO.
Sa Hebreong Kasulatan, ang pangalang Hebreo ay hindi ikinakapit sa mismong wika, anupat doon ay ikinakapit lamang ito sa mga indibiduwal o sa taong-bayan ng Israel sa kabuuan. Tinutukoy ang “wika ng mga Judio” (2Ha 18:26, 28), “Judio” (Ne 13:24), at ang “wika ng Canaan” (Isa 19:18), na, nang panahong iyon (ikawalong siglo B.C.E.), ay pangunahin nang Hebreo. Gayunman, sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangalang Hebreo ay palagiang ikinakapit sa wikang sinasalita ng mga Judio.—Tingnan ang HEBREO, I.
Pinagmulan ng Wikang Hebreo. Hindi isinisiwalat ng sekular na kasaysayan ang pinagmulan ng wikang Hebreo o, ng alinman sa pinakasinaunang mga wikang batid natin, gaya ng Sumeriano, Akkadiano (Asiro-Babilonyo), Arameano, at Ehipsiyo. Ito ay sapagkat, sa pinakamatatandang nakasulat na rekord na natagpuan, ang mga wikang ito ay lumilitaw na masulong na. (Tingnan ang WIKA.) Kaya naman, ang iba’t ibang pangmalas ng mga iskolar hinggil sa pinagmulan at pagsulong ng Hebreo—gaya niyaong mga nag-aangkin na ang Hebreo ay humalaw sa Aramaiko o mula sa iba pang diyalekto ng Canaan—ay pala-palagay lamang. Masasabi rin ang ganiyan hinggil sa mga pagtatangkang ipaliwanag ang pinagkunan ng maraming salitang matatagpuan sa Hebreong Kasulatan. Kalimitan, sinasabi ng mga iskolar na marami sa mga salitang ito ay nagmula sa Akkadiano o sa Aramaiko. Gayunman, gaya ng komento ni Dr. Edward Horowitz: “Sa larangan ng etimolohiya [ang pag-aaral tungkol sa pinagmulan ng mga salita], lubhang nagkakaiba-iba ang opinyon ng mga iskolar, kahit niyaong pinakamahuhusay sa kanila.” Pagkatapos, bumanggit siya ng mga halimbawa ng mga paliwanag ng bantog na mga iskolar tungkol sa etimolohiya ng ilang salitang Hebreo, anupat sa bawat kaso ay ipinakita niya na hindi sumasang-ayon ang ibang mga prominenteng iskolar, at pagkatapos ay isinusog niya: “Kaya naman hindi matapus-tapos ang mga pagkakasalungatan sa pagitan ng mga awtoridad na ito na pawang lubhang iginagalang.”—How the Hebrew Language Grew, 1960, p. xix, xx.
Ang Bibliya lamang ang mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa kasaysayan na nagbibigay ng mapananaligang katibayan hinggil sa pinagmulan ng wika na kilala natin sa ngayon bilang Hebreo. Sabihin pa, ito ang wikang sinalita ng mga Israelitang inapo ni “Abram na Hebreo” (Gen 14:13), na inapo naman ng anak ni Noe na si Sem. (Gen 11:10-26) Dahil pinagpala ng Diyos si Sem sa pamamagitan ng hula (Gen 9:26), makatuwirang maniwala na di-naapektuhan ang wika ni Sem nang guluhin ng Diyos ang wika ng mga taong di-sinang-ayunan sa Babel. (Gen 11:5-9) Ang wika ni Sem ay mananatiling gaya nang dati, ang ‘iisang wika’ na umiral mula noong panahon ni Adan. (Gen 11:1) Mangangahulugan ito na ang wikang nakilala nang maglaon bilang Hebreo ang siyang nag-iisang orihinal na wika ng sangkatauhan. Gaya ng nabanggit na, wala nang iba pang wika batay sa sekular na kasaysayan.
Ang Usapin Hinggil sa Katatagan ng Wikang Hebreo. Ang kasaysayan ay sagana sa mga halimbawa ng mga wikang nagbabago sa paglipas ng matagal na panahon. Halimbawa, ang Ingles na sinasalita noong panahon ni Alfred the Great (na nabuhay noong ikasiyam na siglo C.E.) ay magmimistulang isang wikang banyaga sa karamihan ng mga taong nagsasalita ng Ingles sa ngayon. Kung gayon, tila waring posible na nagbago na nang husto ang wikang orihinal na sinalita ni Adan noong panahong simulan ni Moises ang pagsulat ng Hebreong Kasulatan. Gayunman, ang isang tiyak na salik na hahadlang sa gayong pagbabago ay ang mahahabang buhay ng mga tao sa loob ng yugtong iyon na 2,500 taon. Kaya naman, iisa lamang ang taong nagsilbing kawing, samakatuwid nga, si Matusalem, na mag-uugnay kay Adan at sa mga nakaligtas sa Baha. Karagdagan pa, si Sem, na maliwanag na nabuhay bago ang Baha at naging kapanahon ni Matusalem sa loob ng maraming taon, ay nakaabot pa hanggang sa panahon ni Isaac. At wala pang 150 taon ang lumipas mula nang mamatay si Isaac (1738 B.C.E.) hanggang sa maipanganak si Moises (1593 B.C.E.). Malamang na ang pagpapang-abot na ito ng buhay ng mga indibiduwal mula sa magkakaibang salinlahi ay makatutulong upang mapanatiling iisa ang salita. Sabihin pa, hindi natin laging nalalaman kung gaano kalapit o kalayo nanirahan sa isa’t isa ang mga taong ito na nagsilbing kawing, gaya nina Sem at Abraham. Mahalagang salik sa katatagan ng isang wika ang regular na pakikipagtalastasan sa pagitan ng mga taong gumagamit nito.
Hindi lahat ng mga inapo ni Sem ay patuloy na nagsalita ng dalisay na anyo ng ‘iisang wika’ na umiral noong panahon bago ang Baha; makikita ito sa mga pagkakaibang namuo sa pagitan ng mga wikang Semitiko, lakip na ang Hebreo, Aramaiko, Akkadiano, at iba’t ibang diyalektong Arabe. Noong ika-18 siglo B.C.E. (mga taóng 1761 B.C.E.), magkaibang mga termino ang ginamit ng apo at ng apo sa pamangkin ni Abraham nang pinapangalanan nila ang bunton ng mga bato na kanilang itinayo bilang pinakaalaala o saksi sa pagitan nila. Tinawag ito ni Jacob, ang ama ng mga Israelita, na “Galeed,” samantalang ginamit ni Laban, na tumatahan sa Sirya o Aram (bagaman siya mismo ay hindi inapo ni Aram), ang terminong Arameano na “Jegar-sahaduta.” (Gen 31:47) Gayunman, ang pagkakaiba ng dalawang terminong ito ay hindi naman nagpapahiwatig ng malaking pagkakaiba sa pagitan ng Arameano at ng Hebreo nang panahong iyon, yamang tila hindi naman nagkaproblema si Jacob sa pakikipagtalastasan niya roon sa Sirya. Walang alinlangan, habang bumabangon ang bagong mga kalagayan at mga situwasyon at nalilikha ang mga bagong kasangkapan, may mga salitang maiimbento upang ilarawan ang gayong mga pagsulong. Sa gitna niyaong mga nagsasalita ng iisang wika na nangalat sa iba’t ibang lugar, maaaring nagkakaiba-iba ang gayong mga termino depende sa lugar, bagaman ang aktuwal na kayarian ng kanilang wika ay nanatiling halos di-nagbabago.
Sa gitna mismo ng mga Israelita, bumangon ang bahagyang pagkakaiba sa pagbigkas, gaya ng makikita sa naiibang bigkas ng mga Efraimita sa salitang “Shibolet” noong kapanahunan ng mga Hukom (1473 hanggang 1117 B.C.E.). (Huk 12:4-6) Gayunman, hindi ito isang batayan para angkinin (gaya ng ginawa ng ilan) na magkakaiba na ang mga diyalektong sinasalita ng mga Israelita nang panahong iyon.
Noong ikawalong siglo B.C.E., lumaki na nang husto ang pagkakaiba sa pagitan ng Hebreo at ng Aramaiko anupat naging maliwanag na ang mga ito ay magkaibang mga wika. Makikita ito nang hilingin ng mga kinatawan ni Haring Hezekias sa mga tagapagsalita ng Asiryanong si Haring Senakerib na “makipag-usap ka sa iyong mga lingkod, pakisuyo, sa wikang Siryano [Aramaiko], sapagkat makapakikinig kami; at huwag kang makipag-usap sa amin sa wika ng mga Judio sa pandinig ng mga taong nasa pader.” (2Ha 18:17, 18, 26) Bagaman Aramaiko noon ang lingua franca [karaniwang wika] ng Gitnang Silangan at ginagamit ito sa internasyonal na pakikipagtalastasang diplomatiko, hindi ito naiintindihan ng karamihan sa mga Judeano. Ang pinakamatatandang di-Biblikal na nasusulat na dokumentong Aramaiko ay nagmula rin sa yugtong iyon, at pinatutunayan ng mga ito na may pagkakaiba ang dalawang wika.
Humiwalay kaya ang Hebreo at Aramaiko mula sa orihinal na ‘iisang wika,’ o napanatili kaya ng isa sa kanila ang kadalisayan ng unang wikang iyon? Bagaman hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya, may pahiwatig na ang wikang ginamit ni Moises nang pasimulan niya ang pagsulat sa kinasihang Sagradong Ulat ay yaon ding wika na sinalita ng unang tao.
Kung naitala lamang ang kasaysayan sa anyong nasusulat bago ang Baha, malaki sana ang maitutulong ng kasaysayang iyon upang maingatan ang kadalisayan ng orihinal na wika. Kahit maipasa ang kasaysayang iyon sa pamamagitan ng bibigang tradisyon, makatutulong pa rin iyon upang mapanatili ang katatagan ng orihinal na pananalita. Nang maglaon, nagpakaingat nang husto ang mga Judio upang mapanatili ang tunay na anyo ng Sagradong Ulat; inilalarawan nito ang pagkabahalang tiyak na ipinakita noong panahon ng mga patriyarka upang maitawid nang tumpak ang pinakamaaagang rekord ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga tao.
Ang isa pang karagdagang dahilan upang maniwala na ang Hebreong ginamit sa pagsulat ng Bibliya ay may-katumpakang kumakatawan sa ‘iisang wika’ na ginamit noong mga panahon bago ang Babel ay ang kamangha-manghang katatagan ng wikang Hebreo habang isinusulat ang Hebreong Kasulatan sa loob ng isang libong taon. Gaya ng sabi ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Ang isa sa pinakakamangha-manghang bagay hinggil sa Hebreo ng L[umang] T[ipan] ay na, bagaman ang panitikan nito ay sumasaklaw sa isang yugto na mahigit sa isang libong taon, ang pananalita (balarila at bokabularyo) ng pinakamatatandang bahagi ay walang gaanong ipinagkaiba sa mga pinakahuli.”—Inedit ni G. W. Bromiley, 1982, Tomo 2, p. 659.
Di-kumpleto ang Kaalaman Hinggil sa Wikang Ito. Sa katunayan, sadyang hindi kumpleto ang kaalaman natin hinggil sa sinaunang Hebreo. Gaya ng sabi ni Propesor Burton L. Goddard: “Sa kalakhang bahagi, tiyak na ang Hebreo ng L[umang] T[ipan] ay madaling maunawaan sa ganang sarili nito.” (The Zondervan Pictorial Bible Dictionary, inedit ni M. Tenney, 1963, p. 345) Ito ay sapagkat iilan lamang ang natagpuang mga akda sa wikang Hebreong kapanahon nito na makatutulong upang unawain ang paggamit ng mga salita. Kabilang sa mga ito na may kahalagahan ay ang kalendaryong Gezer (isang simpleng talaan ng mga gawaing pang-agrikultura na ipinapalagay na mula pa noong ikasampung siglo B.C.E.; LARAWAN, Tomo 1, p. 960), ilang ostracon (mga basag na kagamitang luwad na may inskripsiyon) mula sa Samaria (sa kalakha’y mga order at mga resibo para sa alak, langis, at sebada at karaniwang ipinapalagay na mula pa noong maagang bahagi ng ikawalong siglo B.C.E.), ang inskripsiyon ng Siloam (natagpuan sa isang paagusan ng tubig sa Jerusalem at pinaniniwalaang mula pa noong paghahari ni Haring Hezekias [745-717 B.C.E.]), at ang mga ostracon ng Lakis (malamang na mula pa noong huling bahagi ng ikapitong siglo B.C.E.).
Karagdagan pa, may inskripsiyong Fenisa sa sarkopago ni Haring Ahiram sa Byblos (Gebal), anupat ang pananalita nito ay kahawig na kahawig ng Hebreo at inaakalang mula pa sa pasimula ng unang milenyo B.C.E.; nariyan din ang Batong Moabita, lumilitaw na mula pa noong maagang bahagi ng ikasiyam na siglo B.C.E. Ang pananalitang nasa Batong Moabita ay kahawig na kahawig ng Hebreo, gaya ng maaasahan yamang ang mga Moabita ay mga inapo ng pamangkin ni Abraham na si Lot.—Gen 19:30-37.
Gayunman, ang kabuuang impormasyon sa lahat ng mga inskripsiyong ito ay katiting lamang niyaong matatagpuan sa Hebreong Kasulatan.
Bagaman ang Hebreong Kasulatan ay tumatalakay ng sari-saring paksa at gumagamit ng malawak na bokabularyo, hindi pa rin nito taglay ang lahat ng mga salita o pananalitang ginagamit sa sinaunang Hebreo. Halimbawa, ang inskripsiyon ng Siloam at ang mga ostracon ng Lakis ay naglalaman ng partikular na mga pagkakaayos ng mga salita at ng balarila na hindi makikita sa Hebreong Kasulatan, ngunit maliwanag na ang mga pagkakaayos na ito ay nagmula sa Hebreo. Walang alinlangan, mas marami pang salitang “ugat” ang nasa sinaunang bokabularyo ng mga taong nagsalita ng Hebreo, at may libu-libo pang mga salitang hinalaw sa mga ito, kaysa sa alam natin sa ngayon.
Bukod pa sa mga bahagi ng Bibliya na natitiyak nating isinulat sa Aramaiko, marami ring mga salita at mga pananalita na matatagpuan sa Hebreong Kasulatan na hindi natin alam kung ano ang orihinal na mga “ugat.” Inuuri ng mga leksikograpo ang marami sa mga ito bilang “mga salitang hiram,” anupat inaangkin nila na ang mga ito ay hiniram ng Hebreo mula sa ibang mga wikang Semitiko, gaya ng Aramaiko, Akkadiano, o Arabe. Gayunman, espekulasyon lamang ito. Gaya ng sabi ni Edward Horowitz: “Ngunit kung minsan, ang panghihiram ay napakatagal na anupat hindi na alam ng mga iskolar kung aling wika ang nanghiram at kung alin naman ang orihinal na may-ari.” (How the Hebrew Language Grew, p. 3, 5) Waring mas kapani-paniwala pa na ang mga terminong iyon na kinukuwestiyon ay talagang nagmula sa Hebreo at na ang mga ito ay karagdagang katibayan na kulang ang makabagong kaalaman hinggil sa lawak ng sinaunang wikang iyon.
Kabilang sa mga katibayang nagpapatunay na may mayamang bokabularyo ang sinaunang Hebreo ay ang mga akda mula noong pasimula ng Karaniwang Panahon. Kasama sa mga ito ang di-Biblikal na relihiyosong mga akda na bahagi ng Dead Sea Scrolls, at gayundin ang Mishnah, isang kalipunan ng mga akdang rabiniko sa wikang Hebreo na tumatalakay sa tradisyong Judio. Nang sumulat siya sa The Encyclopedia Americana (1956, Tomo XIV, p. 57a), sinabi ni Propesor Meyer Waxman: “Ang Biblikal na Hebreo . . . ay hindi gumagamit ng lahat ng nalalamang salita, gaya ng pinatutunayan ng Mishnah, na gumagamit ng daan-daang salitang Hebreo na hindi matatagpuan sa Bibliya.” Sabihin pa, maaaring ang ilan sa mga ito ay idinagdag na lamang noong bandang huli o kaya ay mga pananalitang kinatha, ngunit walang alinlangan na marami sa mga ito ay bahagi ng bokabularyong Hebreo na ginagamit noong panahong isulat ang Hebreong Kasulatan.
Kailan Nagsimulang Humina ang Wikang Hebreo? Karaniwang ipinapalagay na nagsimulang lumipat ang mga Judio sa pagsasalita ng Aramaiko noong panahon ng kanilang pagkatapon sa Babilonya. Gayunman, hindi matibay ang ebidensiyang sumusuporta rito. Ipinakikita ng makabagong mga halimbawa na maaari at kalimita’y patuloy na ginagamit ng mga taong sinakop o ng mga nandayuhan ang kanilang katutubong wika sa loob ng mga panahong mas mahaba pa kaysa sa 70 taon. Lalo na’t taglay ng mga Judio ang pangako ng Diyos na sila’y babalik sa kanilang sariling lupain, maaasahan na hindi nila basta-basta bibitiwan ang paggamit ng Hebreo kapalit ng alinman sa Akkadiano (Asiro-Babilonyo) o Aramaiko, na siyang lingua franca noong panahong iyon. Totoo, may mga talata at mga salitang Aramaiko na matatagpuan sa mga aklat na isinulat noong panahon ng pagkatapon at pagkatapos niyaon, gaya ng Daniel, Ezra, at Esther. Gayunman, hindi ito kataka-taka yamang ang mga aklat na iyon ay naglalahad ng mga pangyayaring naganap sa mga lupaing nagsasalita ng Aramaiko, at naglalaman din ng korespondensya opisyal, at ang mga ito ay tumatalakay sa isang grupo ng mga tao na nasasakupan at pinamumunuan ng mga banyagang kapangyarihan na gumagamit ng Aramaiko bilang wikang diplomatiko.
Inilalarawan ng Nehemias 8:8 ang ‘pagbibigay ng kahulugan’ at ‘pagbibigay ng unawa’ sa pagbasa ng Kautusan. Iminumungkahi na noon ay hindi lubusang nakauunawa ng Hebreo ang pinabalik na mga tapon at na may naganap na pagpapakahulugan sa wikang Aramaiko. Magkagayunman, ang idiniriin ng teksto ay ang pagpapaliwanag ng diwa at pagkakapit ng mga bagay na itinuturo sa Kautusan.—Ihambing ang Mat 13:14, 51, 52; Luc 24:27; Gaw 8:30, 31.
Sa katunayan, walang binabanggit ang Bibliya na inihinto ng mga tao ang paggamit ng Hebreo bilang kanilang pang-araw-araw na wika. Totoo, may nasumpungan si Nehemias na mga Judiong may mga asawang Asdodita, Ammonita, at Moabita anupat ang mga anak ng mga ito ay hindi “marunong magsalita ng Judio.” Ngunit ang pagbanggit sa bagay na ito may kaugnayan sa pagkagalit ni Nehemias sa mga Judiong nasangkot sa ganitong pakikipag-asawa sa mga di-Israelita ay nagpapakita na tahasang hinahatulan ang gayong kawalang-galang sa wikang Hebreo. (Ne 13:23-27) Hindi ito kataka-taka kung isasaalang-alang ang importansiyang iniuukol sa pagbabasa ng Salita ng Diyos, na nang panahong iyon ay pangunahin nang nasusulat sa wikang Hebreo.
Hindi tinatalakay sa Bibliya ang yugto mula noong matapos ang Hebreong kanon (malamang noong panahon ni Ezra at ni Malakias noong ikalimang siglo B.C.E.) hanggang noong magsimula ang Karaniwang Panahon. Kakaunti rin ang sekular na mga rekord. Ngunit kahit ang mga ito ay hindi sumusuporta sa paniniwala na ipinalit ng mga Judio ang Aramaiko sa Hebreo. Ipinakikita ng katibayan na marami sa mga Apokripal na aklat, gaya ng Judit, Ecclesiasticus (hindi Eclesiastes), Baruc, at Unang Macabeo, ay isinulat sa Hebreo, at na ang mga akdang ito ay karaniwang ipinapalagay na mula pa noong huling tatlong siglo bago ang Karaniwang Panahon. Gaya ng nabanggit na, ang ilan sa di-Biblikal na mga akdang kasama sa Dead Sea Scrolls ay isinulat din sa Hebreo, at Hebreo ang ginamit sa pagtipon sa Judiong Mishnah pagkatapos magsimula ang Karaniwang Panahon.
Dahil dito at sa kaugnay na mga katotohanan, sinasabi ni Dr. William Chomsky na ang teoriyang pinaniniwalaan ng ilang iskolar na Judio at di-Judio, na lubusan nang hinalinhan ng Aramaiko ang Hebreo, ay walang anumang batayan at matagumpay nang napabulaanan. Kung anu’t anuman, mas malamang na ang mga Judio ay nagsalita ng dalawang wika, ngunit Hebreo ang nangibabaw bilang mas pinipiling wika. Gaya ng sabi ni Dr. Chomsky tungkol sa Hebreong ginamit sa Mishnah: “Makikita sa wikang ito ang lahat ng katangian ng isang tipikal na wikang ginagamit ng mga magbubukid, mangangalakal at mga artisano. . . . Salig sa taglay nating katibayan, waring makatuwirang ipasiya na sa pangkalahatan, ang mga Judio ay marunong makipag-usap, noong yugto ng Ikalawang Komonwelt, at lalo na noong huling bahagi niyaon, sa dalawang wikang ito [Hebreo at Aramaiko]. Kung minsa’y ginagamit nila ang isa, at kung minsan naman ay yaong isa pa.”—Hebrew: The Eternal Language, 1969, p. 207, 210.
Gayunman, ang pinakamatibay na ebidensiyang sumusuporta sa pangmalas na ang Hebreo ay nanatiling isang buháy na wika hanggang noong unang siglo ng Karaniwang Panahon ay matatagpuan sa mga pagtukoy ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Hebreo. (Ju 5:2; 19:13, 17, 20; 20:16; Apo 9:11; 16:16) Bagaman sinasabi ng ilang iskolar na ang terminong “Hebreo” sa mga pagtukoy na ito ay dapat kabasahan ng “Aramaiko,” may mabuting dahilan upang maniwala na sa katunayan, ang terminong ito ay kumakapit sa wikang Hebreo, gaya ng ipinakikita sa artikulong ARAMAIKO. Nang sabihin ng manggagamot na si Lucas na si Pablo ay nagsalita sa taong-bayan ng Jerusalem sa “wikang Hebreo,” tila malayong mangyari na wikang Aramaiko o Siryano ang kaniyang tinutukoy. (Gaw 21:40; 22:2; ihambing ang 26:14.) Yamang patiuna nang ipinakita ng Hebreong Kasulatan ang pagkakaiba ng Aramaiko (Siryano) at ng “wika ng mga Judio” (2Ha 18:26) at yamang ang unang-siglong Judiong istoryador na si Josephus, nang talakayin niya ang bahaging ito ng Bibliya, ay bumabanggit na ang “Aramaiko” at “Hebreo” ay magkaibang mga wika (Jewish Antiquities, X, 8 [i, 2]), tila walang dahilan para gamitin ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang “Hebreo” kung Aramaiko o Siryano ang kanilang tinutukoy.
Kinikilala na ang Aramaiko ay malawakang ginagamit sa buong Palestina nang panahong iyon. Ang paggamit ng Aramaikong “Bar” (anak na lalaki), sa halip na Hebreong “Ben,” sa ilang mga pangalan (gaya ng Bartolome at Simon Bar-jonas) ay isang katibayan ng pagiging pamilyar sa Aramaiko. Sabihin pa, may ilang Judio na mayroon ding mga pangalang Griego, gaya nina Andres at Felipe, at hindi naman ito patotoo na Griego ang wikang ginagamit nila sa pagsasalita, kung paanong hindi rin pinatutunayan ng pangalang Latin ni Marcos na Latin ang wikang ginagamit ng kaniyang pamilya. Maliwanag, may apat na wikang ginagamit sa Palestina noong unang siglo ng Karaniwang Panahon: ang tatlong binanggit ng Bibliya na makikita sa karatulang nasa ibabaw ng ulo ng ibinayubay na si Jesus (ang Hebreo, Latin, at Griego [Ju 19:19, 20]) at ang ikaapat, ang Aramaiko. Sa mga ito, walang alinlangan na Latin ang hindi gaanong ginagamit.
Malamang na gumamit si Jesus ng Aramaiko sa ilang pagkakataon, gaya noong nakikipag-usap siya sa babaing Sirofenisa. (Mar 7:24-30) May ilang pananalitang nakatala na binigkas niya ang karaniwang ipinapalagay na nagmula sa Aramaiko. Gayunman, kailangan din ng pag-iingat dito yamang pinagtatalunan din ang pag-uuri-uri sa mga pananalitang ito bilang Aramaiko. Halimbawa, ang mga salitang binigkas ni Jesus habang siya’y nakabayubay sa tulos, “Eli, Eli, lama sabaktani?” (Mat 27:46; Mar 15:34), ay kadalasang itinuturing na Aramaiko, marahil ng isang diyalekto ng mga taga-Galilea. Gayunman, sinasabi ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible: “Nahahati ang opinyon hinggil sa orihinal na wika ng pananalitang ito at kung alin sa Hebreo o Aramaiko ang mas natural na gagamitin mismo ni Jesus. . . . Ipinakikita ng mga dokumento na isang anyo ng Hebreo, na sa paanuman ay naimpluwensiyahan ng Aramaiko, ang posibleng ginagamit sa Palestina noong unang siglo A.D.” (Inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 2, p. 86) Ngunit sa katunayan, ang Griegong transliterasyon ng mga salitang ito, gaya ng iniulat nina Mateo at Marcos, ay hindi sapat para matukoy nang may katiyakan kung ano ang orihinal na wikang ginamit.
Ang isa pang karagdagang katibayan na patuloy na ginamit ang Hebreo noong panahon ng mga apostol ay na sa Hebreo orihinal na isinulat ni Mateo ang kaniyang Ebanghelyo.
Kung gayon, lumilitaw na pangunahin na, ang Hebreo ay nagsimulang humina pagkatapos, at bilang resulta, ng pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito at ng pangangalat ng nalalabing mga tumatahan dito noong taóng 70 C.E. Gayunpaman, patuloy itong ginamit sa mga sinagoga saanman nangalat ang mga Judio. Partikular na mula noong mga ikaanim na siglo C.E., pinagsumikapan ng mga Judiong iskolar na kilala bilang mga Masorete na panatilihin ang kadalisayan ng tekstong Hebreo ng Kasulatan. At lalo na mula noong ika-16 na siglo, nanumbalik ang interes sa sinaunang Hebreo, at nang sumunod na siglo ay nagsimula ang masusing pag-aaral sa ibang mga wikang Semitiko. Nakatulong ito upang maging malinaw ang pagkaunawa sa sinaunang wikang iyon at nagbunga ito ng pinahusay na mga salin ng Hebreong Kasulatan.
Titik at Sulat na Hebreo. Ang alpabetong Hebreo ay binubuo ng 22 katinig; maliwanag na ang ilan sa mga ito ay maaaring kumatawan sa dalawang tunog, anupat nakalilikha ng kabuuang mga 28 tunog. Ang mga tunog ng patinig ay isinisingit ng bumabasa, batay sa konteksto, kung paanong idinaragdag ng taong nagsasalita ng Tagalog ang mga patinig para sa mga daglat na gaya ng “Bb.” (Binibini), “Gng.” (Ginang), at “G.” (Ginoo). Pinaniniwalaan na ang tradisyonal na pagbigkas sa Hebreong Kasulatan ay napanatiling buháy at naipasa niyaong mga nagpakabihasa sa pagbasa ng Kautusan, mga Propeta, at Mga Awit upang makapagturo sa taong-bayan. Pagkatapos, noong ikalawang kalahatian ng unang milenyo C.E., ang mga Masorete ay kumatha ng isang sistema ng mga tuldok at mga gatlang na tinatawag na mga tuldok-patinig, at ang mga ito’y isiningit sa tekstong puro katinig. Karagdagan pa, naglagay rin ng mga tuldik na magpapahiwatig ng pagdiriin, paghinto, kaugnayan sa pagitan ng mga salita at ng mga sugnay, at notasyong pangmusika.
Ang pinakamatatandang inskripsiyong Hebreo na kilala ay itinala sa isang sinaunang sulat na ibang-iba ang anyo kaysa sa hugis-kuwadradong mga titik Hebreo na ginamit sa mga dokumento nang maglaon, gaya niyaong mga dokumentong mula noong unang mga siglo ng Karaniwang Panahon. Ang hugis-kuwadradong istilo na ito ay kadalasang tinatawag na “Aramaiko,” o “Asiryano.” Pinaniniwalaang nagsimula ang pagbabago mula sa sinaunang mga titik Hebreo tungo sa kuwadradong mga titik Hebreo noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya. Subalit, gaya ng sabi ni Ernst Würthwein: “Sa loob ng matagal na panahon, patuloy na ginagamit ang sulat na Matandang Hebreo kasama ng sulat na pakuwadrado. Ang mga baryang mula pa noong yugto ng paghihimagsik ni Bar Kochba (A.D. 132-135) ay may mga titik ng Matandang Hebreo. Kasama sa mga akdang natagpuan sa mga yungib ng Dagat na Patay ang ilang akda na nakasulat sa Matandang Hebreo.”—The Text of the Old Testament, 1979, p. 5.
Sinabi ni Origen, isang Kristiyanong manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E., na sa mas wastong mga kopya ng mga saling Griego ng Hebreong Kasulatan, ang Tetragrammaton, o sagradong pangalan ni Jehova, ay nakasulat sa sinaunang mga titik Hebreo. Pinatunayan ito ng pagkakatuklas sa mga piraso ng mga katad na balumbon na mula pa noong unang siglo C.E., na naglalaman ng mga aklat ng mga “pangalawahing” propeta sa wikang Griego. Sa mga balumbong ito, lumilitaw ang Tetragrammaton sa sinaunang mga titik Hebreo. (Tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1563, Blg. 2-4.) Ang mga piraso na mula noong huling bahagi ng ikalima o maagang bahagi ng ikaanim na siglo C.E. ng bersiyong Griego ni Aquila ay naglalaman din ng banal na pangalang nakasulat sa sinaunang mga titik Hebreo.—Apendise ng Rbi8, p. 1563, Blg. 7, 8.
Sinasabi ni Dr. Horowitz: “Ang alpabeto ng matandang Hebreo ang siyang hiniram ng mga Griego at ipinasa sa Latin, at ang alpabeto ng matandang Hebreo ang pinakakahawig ng Griego.”—How the Hebrew Language Grew, p. 18.
Mga Kalidad at mga Katangian. Ang Hebreo ay isang wikang napakamakahulugan, anupat madaling gamitin sa matingkad na paglalarawan ng mga pangyayari. Ang maiikling pangungusap at payak na mga pangatnig nito ay nagdudulot ng indayog at daloy ng diwa. Ang tulang Hebreo, na bukod sa nabanggit na mga katangian ay kakikitaan din ng paralelismo at ritmo, ay kahanga-hanga sa pagiging makahulugan at nakaaantig.
Ang Hebreo ay sagana sa mga metapora. Halimbawa, ang “baybay-dagat” sa Genesis 22:17, sa literal na Hebreo, ay “labi ng dagat.” Ang iba pang mga pananalita ay ang “mukha ng lupa,” ang “ulo” ng isang bundok, ang “bunganga ng isang yungib,” at katulad na mga pananalitang metaporiko. Ang paggamit ng mga terminong ito na nauugnay sa mga tao ay hindi nagpapahiwatig ng anumang paniniwala sa animismo; makikita ito kung babasahin mismo ang Kasulatan, yamang doon ay sukdulang hinahamak yaong mga sumasamba sa mga punungkahoy at iba pang mga bagay.—Ihambing ang Isa 44:14-17; Jer 10:3-8; Hab 2:19.
Ang bokabularyong Hebreo ay binubuo ng kongkreto, o tahas, na mga salita, mga salitang nagsasangkot sa mga pandamdam ng paningin, pandinig, pandama, panlasa, at pang-amoy. Kaya naman, ang mga salitang ito ay nakalilikha ng mga larawan sa isip ng nakikinig o nagbabasa. Dahil sa katangiang ito ng pagiging kongkreto, o tahas, sinasabi ng ilang iskolar na ang Hebreo ay salat sa mga terminong abstrakto, o basal. Gayunman, tiyak na may mga pangngalang abstrakto sa Biblikal na Hebreo. Halimbawa, ang pangngalang ma·chasha·vahʹ (hinalaw sa salitang-ugat na cha·shavʹ, nangangahulugang “mag-isip”) ay isinasalin sa pamamagitan ng mga terminong abstrakto na gaya ng “kaisipan, likha, pakana.” Ang ba·tachʹ (isang pandiwang nangangahulugang “magtiwala”) ang pinagmulan ng pangngalang beʹtach (katiwasayan). Gayunpaman, karaniwan na, ang mga ideyang abstrakto ay itinatawid sa pamamagitan ng mga pangngalang kongkreto. Halimbawa, isaalang-alang ang pandiwang salitang-ugat na ka·vedhʹ, pangunahin nang nangangahulugang “maging mabigat” (“maging matindi” sa Huk 20:34). Sa Ezekiel 27:25, ang pandiwa ring ito ay isinalin bilang ‘maging maluwalhati,’ samakatuwid nga, sa literal, ‘maging mabigat.’ Sa katulad na paraan, mula sa salitang-ugat na ito ay hinalaw ang pangngalang ka·vedhʹ, tumutukoy sa atay, isa sa pinakamabibigat na panloob na sangkap, at ang pangngalang ka·vohdhʹ, nangangahulugang “kaluwalhatian.” (Lev 3:4; Isa 66:12) Ang paghalaw na ito ng abstrakto mula sa kongkreto ay higit pang inilalarawan ng yadh, nangangahulugang “kamay” at gayundin, “pangangalaga,” “pamamagitan,” o “pamamatnubay” (Exo 2:19; Gen 42:37; Exo 35:29; 38:21); ang ʼaph ay tumutukoy kapuwa sa “butas ng ilong” at sa “galit” (Gen 24:47; 27:45); itinatawid din ng zerohʹaʽ, “bisig,” ang abstraktong ideya ng “lakas” (Job 22:8, 9).
Sa katunayan, dahil sa katangiang ito ng pagiging kongkreto kung kaya mahirap isalin sa ibang wika ang Hebreong Kasulatan. Kapag isinalin nang literal ang mga terminong Hebreo sa ibang mga wika, kadalasang iba ang kahulugan nito. At dahil magkakaiba ang balarila ng mga wika, isang hamon para sa mga tagapagsalin na tularan ang diwa, paraan ng pananalita, at puwersa ng Hebreo, partikular na ng mga pandiwa nito.
Kamangha-mangha ang Hebreo dahil sa kaiklian nito, anupat dahil sa kayarian ay maikli at tuwiran ito. Kung ihahambing, ang Aramaiko, na siyang pinakamalapit sa Hebreo sa lahat ng mga wikang Semitiko, ay walang-sigla, paliguy-ligoy, at masalita. Sa pagsasalin, kadalasa’y kailangang gumamit ng pantulong na mga salita upang mapalitaw ang pagiging buháy, kaakit-akit, at ang madamdaming aksiyon ng pandiwang Hebreo. Bagaman sa paanuman ay nakababawas ito sa kaiklian, lalong higit nitong naitatawid ang kagandahan at katumpakan ng tekstong Hebreo.
Tulang Hebreo. Dahil sa mga katangiang ito, lakip ang mahigpit na kapit nito sa realidad, kung kaya ang Hebreo ay pantanging naaangkop sa pagkatha ng mga tula. Maiikli ang mga taludtod ng tulang Hebreo—ang marami ay dalawa o tatlong salita lamang—anupat ang kabuuang epekto ay matindi. Angkop nga ang naging komento ni Propesor James Muilenburg, isang miyembro ng komite sa pagsasalin ng Revised Standard Version: “Siksik ang pananalita [sa tulang Hebreo], at ang lahat ng pagdiriin ay inilalagay sa mahahalagang salita. Ang tekstong Hebreo ng Awit 23 ay naglalaman lamang ng limampu’t limang salita; makalawang ulit ng bilang na iyan ang ginagamit ng ating makabagong mga saling kanluranin. Ngunit kahit sa mga salin ay hindi nawawala ang katipiran sa salita ng orihinal na Hebreo. . . . Ang tulang Hebreo ay isang wikang buháy ang pananalita. . . . Tinutulungan tayo ng makatang Hebreo na makakita, makarinig, makadama. Ang pisikal na mga pakiramdam ay bago at buháy . . . Ang makata ay nag-iisip sa pamamagitan ng mga larawan, at ang mga larawan ay halaw sa pitak ng pang-araw-araw na buhay na pangkaraniwan sa lahat ng tao.”—An Introduction to the Revised Standard Version of the Old Testament, 1952, p. 63, 64.
Upang ipaghalimbawa ang di-pagpapaliguy-ligoy ng matulaing pananalita ng Hebreo, pansinin ang unang talata ng Awit 23 gaya ng masusumpungan sa Bagong Sanlibutang Salin. Ang mga salitang Tagalog na ginamit upang isalin ang bawat salitang Hebreo ay pinaghihiwalay ng isang guhit na pahilis (/):
Si Jehova/ [ang] aking Pastol./
Hindi ako kukulangin/ ng anuman./
Mapapansin na ang katumbas sa Tagalog ay nangangailangan ng sampung salita upang isalin ang apat na salitang Hebreo. Idinagdag ang “ang” upang magkadiwa ang Tagalog; sa Hebreo, intindido na ito.
Mga pangunahing anyo ng paralelismo. Ang pinakamahalagang pormal na elemento ng tulang Hebreo ay ang paralelismo, o ritmong nalilikha hindi sa pamamagitan ng mga salitang magkatugma (gaya sa Ingles) kundi ng lohikal na kaisipan; tinatawag itong “sense rhythm,” o ritmo ng diwa. Isaalang-alang ang dalawang taludtod ng Awit 24:1:
Kay Jehova ang lupa at ang lahat ng naririto,
Ang mabungang lupain at ang mga tumatahan dito.
Ang mga taludtod na sinipi rito ay sinasabing nasa paralelismong synonymous, samakatuwid nga, inuulit ng ikalawang taludtod ang isang bahagi ng naunang taludtod, ngunit gumagamit ito ng naiibang mga salita. Ang pariralang “Kay Jehova” ay mahalaga sa dalawang taludtod. Gayunman, ang mga terminong “ang lupa” at “ang mabungang lupain” ay magkasingkahulugan sa tula, gaya rin ng “ang lahat ng naririto” at “ang mga tumatahan dito.”
Sumasang-ayon ang karamihan ng makabagong mga iskolar na mayroon pang dalawang pangunahing anyo ng paralelismo:
Sa paralelismong antithetic, gaya ng ipinahihiwatig ng katawagan nito, bawat taludtod ay nagpapahayag ng salungat na mga kaisipan. Inilalarawan ito ng Awit 37:9:
Sapagkat ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin,
Ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa.
Nariyan din ang paralelismong synthetic (o, formal, constructive) kung saan hindi lamang basta inuulit ng ikalawang bahagi ang katulad na kaisipan niyaong nauna o basta nagbibigay ng kasalungat na kaisipan. Sa halip, nagpapalawak ito at nagdaragdag ng bagong kaisipan. Isang halimbawa nito ay ang Awit 19:7-9:
Ang kautusan ni Jehova ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa.
Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan,
na nagpaparunong sa walang-karanasan.
Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid,
na nagpapasaya ng puso;
Ang utos ni Jehova ay malinis,
na nagpapaningning ng mga mata.
Ang pagkatakot kay Jehova ay dalisay,
na nananatili magpakailanman.
Ang mga hudisyal na pasiya ni Jehova ay totoo;
ang mga iyon ay lubos na matuwid.
Pansinin na ang diwa ay kinukumpleto ng ikalawang bahagi ng bawat pangungusap o sugnay; kaya naman, ang buong talata ay isang sintesis, samakatuwid nga, resulta ng paglalahok ng dalawang elemento. Tanging sa pamamagitan ng pumapangalawang mga kalahating taludtod, gaya ng “na nagpapanauli ng kaluluwa” at “na nagpaparunong sa walang-karanasan,” natututuhan ng mambabasa kung paanong ‘sakdal ang kautusan’ at kung paanong ang “paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan.” Sa gayong magkakasunod na paralelismong synthetic, ang hati sa pagitan ng una at ng ikalawang bahagi ay nagsisilbing isang paghinto sa ritmo. Sa gayon, habang napalalawak ang diwa, napananatili rin ang isang tiyak na kayarian ng tula, isang paralelismo ng anyo [form]. Kaya naman kung minsan ay tinatawag itong paralelismong formal o constructive.
Sari-saring anyo ng paralelismo. Marami pang istilo ng paralelismo na iminumungkahi, bagaman ang mga ito’y itinuturing na mga ibang anyo o mga kombinasyon lamang ng paralelismong synonymous, antithetic, at synthetic. Tatlo sa mga iminumungkahi ay ang: emblematic, stairlike, at introverted.
Ang paralelismong emblematic (o comparative) ay gumagamit ng simili o metapora. Isaalang-alang ang Awit 103:12:
Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw,
Gayon kalayo niya inilalagay mula sa atin ang ating mga pagsalansang.
Sa paralelismong stairlike, ginagamit ang dalawa, tatlo, o mahigit pang mga taludtod upang ulitin at palawakin ang diwa ng nauna. Ang Awit 29:1, 2 ay naglalarawan dito:
Mag-ukol kayo kay Jehova, O kayong mga anak ng malalakas,
Mag-ukol kayo kay Jehova ng kaluwalhatian at lakas.
Iukol ninyo kay Jehova ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan.
Mas masalimuot naman ang paralelismong introverted at maaaring binubuo ito ng ilang talata. Pansinin ang halimbawang ito mula sa Awit 135:15-18:
(1) Ang mga idolo ng mga bansa ay pilak at ginto,
(2) Ang gawa ng mga kamay ng makalupang tao.
(3) May bibig sila, ngunit wala silang masalita;
(4) May mga mata sila, ngunit wala silang makita;
(5) May mga tainga sila, ngunit wala silang marinig.
(6) Wala ring espiritu sa kanilang bibig.
(7) Yaong mga gumagawa sa kanila ay magiging tulad nila,
(8) Ang bawat isa na nagtitiwala sa kanila.
Ang paralelismong ito ay ipinaliwanag ni W. Trail sa kaniyang akdang Literary Characteristics and Achievements of the Bible (1864, p. 170): “Dito, ang unang taludtod ay nauugnay sa ikawalo—sa isa ay ang mga idolo ng mga pagano, at sa isa naman ay yaong mga nagtitiwala sa mga idolo. Ang ikalawang taludtod ay nauugnay sa ikapito—sa isa ay ang ginawa, sa isa naman ay ang mga gumawa. Ang ikatlong taludtod ay nauugnay sa ikaanim—sa isa ay may mga bibig ngunit walang salita, sa isa naman ay may mga bibig ngunit walang hininga. Ang ikaapat ay nauugnay sa ikalima, kung saan masasabing pinag-iisa ng paralelismong introverted ang dalawang kalahati nito sa isang paralelismong synthetic—mga matang walang paningin, mga taingang walang pandinig.”
Ang isang nakakatulad ngunit mas simpleng anyo nito ay ang pagbabaligtad ng mga salita sa magkarugtong na mga taludtod, gaya sa Isaias 11:13b (RS):
Ang Efraim ay hindi maninibugho sa Juda,
at ang Juda ay hindi manliligalig sa Efraim.
Balarila
I. Mga pandiwa. Mga pandiwa ang pinakamahalagang bahagi ng pananalita sa wikang Hebreo. Ang pinakasimpleng anyo ng pandiwa ay ang ikatlong panauhang isahang panlalaki sa aspektong perpektibo; ito ang anyong matatagpuan sa mga leksikon. Kadalasan, ang tatlong katinig ng anyong ito ang siyang bumubuo sa salitang-ugat. Ang salitang-ugat ay karaniwan nang may kayariang triliteral, samakatuwid nga, binubuo ng tatlong katinig, na siyang malimit na kaayusan ng mga wikang Semitiko. Sa mga triliteral na salitang-ugat naman nagmumula ang halos lahat ng iba pang mga salita sa wikang iyon.
Ang pandiwang ugat ang pinakasimpleng anyo ng pandiwa. Kadalasa’y tinatawag itong “pure stem.” Mula sa pure stem na ito, anim na iba pang stem, o anyo, ang nalilikha sa pamamagitan ng pagdaragdag ng unlapi, pag-uulit ng ilang titik, at pagbabago ng mga patinig. Ang pitong verbal stem ay kumakatawan sa ideya ng pandiwang ugat sa tatlong antas: simple, intensive, causative.
Upang ipakita ang pagkakaiba-iba sa panauhan, kailanan, at kasarian, may ilang mga unlapi at mga hulapi na ikinakabit sa mga verbal stem.
Aspekto. Sa Ingles, ang mga pandiwa ay partikular na inuuri batay sa panahunan: pangnagdaan, pangkasalukuyan, panghinaharap. Gayunman sa Hebreo, ang kalagayan ng kilos o pangyayari, sa halip na ang panahong kasangkot, ang siyang mahalaga. Ang kilos o pangyayari ay minamalas bilang alinman sa tapos o di-tapos.
Kung ang pandiwa ay naglalahad ng kilos o pangyayaring tapos o naganap na, ito ay nasa aspektong perpektibo. Halimbawa, sinasabi ng Genesis 1:1: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” Ang kilos ay tapos o naganap na; “nilalang” ng Diyos ang langit at ang lupa, samakatuwid nga, natapos niya ang paglalang sa mga iyon.
Kung ang kilos ay minamalas bilang di-tapos, ang pandiwa ay nasa aspektong imperpektibo. Inilalarawan ito ng Exodo 15:1 sa Ingles: “Moses and the sons of Israel proceeded to sing.” Dito, makikita natin na bagaman nagsimula ang kilos (they “proceeded” to sing), hindi pa ito nagwakas at sa gayo’y “imperpektibo,” di-tapos.
Sabihin pa, yamang ang aspektong perpektibo ng Hebreo ay kumakatawan sa kilos o pangyayari na tapos na, natural lamang na nauukol ito sa pangnagdaan. Kaya naman, ang ka·thavʹ (isang tahasang pandiwa [active verb] sa aspektong perpektibo) ay pangunahing nangangahulugang “(he) wrote” at kadalasang isinasalin bilang “(kaniyang) isinulat” o “sumulat (siya).” (2Ha 17:37; 2Cr 30:1; 32:17; Ezr 4:7; Es 8:5) Makikita rin ang ideya ng kilos na natapos sa pangnagdaan sa salin na “had written” (Es 9:23; Job 31:35; Jer 36:27). Gayunman, ang ka·thavʹ ay maaari ring isalin bilang “has written” (2Cr 26:22)—ang tinatawag sa Ingles na present perfect [perpektibong katatapos]. Ginagamit din ang “must write” upang isalin ang pandiwang ito na nasa aspektong perpektibo, at ipinakikita niyaon ang katiyakan ng pagsasakatuparan ng kilos na iyon. (Bil 5:23; Deu 17:18) Ang dalawang huling pagkakasalin na ito ay kapuwa nagpapahiwatig ng kilos na tapos o naganap na, ngunit hindi sa pangnagdaan. Kaya ang tahasang pandiwa sa ganang sarili nito ay hindi laging nagpapahiwatig ng konsepto ng panahon. Maaaring ilarawan ng aspektong perpektibo ang kilos na tapos o naganap sa anumang yugto ng panahon: pangnagdaan, pangkasalukuyan, o panghinaharap; sa kabaligtaran, bagaman maipakikita rin ng imperpektibo ang kilos sa anumang yugto ng panahon, lagi nitong minamalas iyon bilang di-tapos.
Samakatuwid, bagaman maliwanag na nauunawaan ng sinaunang mga Hebreo ang konsepto ng panahon, sa kanilang wika ay pangalawahing importansiya lamang ang ibinibigay rito. Ang The Essentials of Biblical Hebrew, ni K. Yates, ay nagsasabi: “Ang panahon, gaya ng pagkaunawa rito ng karamihan sa makabagong mga wika, ay hindi katulad ng pagkaunawa rito ng mga Semitiko. Sa kaisipang Hebreo, hindi gaanong mahalaga na matiyak kung kailan nangyari ang isang pagkilos. Mahalaga lamang iyon sa palaisip na Indo-aleman, upang maitugma niya ang kilos sa kaniyang labis-labis na pagtantiya ng panahon. Sa pangkalahatan, sapat na sa Semita na maunawaan ang kalagayan ng kilos, kung ito ay tapos o di-tapos, at kung hindi man, may ginagamit silang salita na nagpapakita ng pansamantala o pangkasaysayang kahulugan na magbibigay-linaw sa panahong kasangkot.” (Nirebisa ni J. Owens, 1954, p. 129) Kung Hebreo nga ang orihinal na wikang ginamit sa Eden, gaya ng ipinahihiwatig ng Bibliya, maaaring ang hindi pagdiriin na ito sa panahunan ng pandiwa ay isang repleksiyon ng pangmalas ng tao noong siya’y sakdal pa, nang nasa harap pa ni Adan ang pag-asa sa buhay na walang hanggan at ang buhay ay hindi pa ibinababa sa hamak na 70 o 80 taon. Inilaan ni Jehova ang Hebreo bilang isang tunay na kasiya-siyang paraan ng pakikipagtalastasan sa pagitan ng Diyos at ng mga tao, at maging sa gitna ng mga tao.
Sa pagsasalin sa Ingles, ang panahunan ng pandiwa ay matitiyak batay sa konteksto. Ipinakikita ng konteksto kung ang kilos na inilalahad ay minamalas bilang nangyari na, kasalukuyang nangyayari, o mangyayari pa lamang.
II. Mga pangngalan. Gaya ng nabanggit na, halos lahat ng salita, pati ang mga pangngalan, ay maaaring taluntunin sa isang pandiwang ugat. Makikita ang salitang-ugat kapuwa sa baybay ng pangngalan at sa kahulugan nito.
May dalawang kasarian: panlalaki at pambabae. Ang pambabae ay karaniwang makikilala dahil sa dulo nito na ah (ohth, pangmaramihan) na ikinakabit sa pangngalan, gaya ng ʼish·shahʹ (babae), su·sohthʹ (mga kabayong babae [pambabaing pangmaramihan]).
Ang tatlong kailanan sa Hebreo ay ang isahan, maramihan, at dalawahan. Ang dalawahan (makikilala dahil sa hulaping aʹyim) ay nakaugaliang gamitin para sa mga bagay na magkapares, gaya ng mga kamay (ya·dhaʹyim) at mga tainga (ʼoz·naʹyim).
Hindi rin maiiwasan na ang mga panghalip panao ay ikabit sa mga pangngalan. Kaya naman ang sus ay “kabayo”; ngunit ang su·siʹ, “kabayo ko”; su·seyʹkha, “mga kabayo mo.”
III. Mga pang-uri. Ang mga pang-uri ay halaw rin sa mga pandiwang salitang-ugat. Sa gayon, ang pandiwang ga·dhalʹ (lumaki, maging dakila) ang siyang salitang-ugat ng pang-uring ga·dhohlʹ (dakila). (Ang pamanggit na pantukoy [definite article] sa Hebreo ay ha [ang]. Wala itong balintiyak na pantukoy (indefinite article) [isang].)
Ang pang-uri ay maaaring gamitin sa alinman sa dalawang paraan:
(1) Maaaring ito’y isang pang-uring “predicative.” Sa ganitong kaso, kadalasa’y lumilitaw ito sa unahan ng pangngalang inilalarawan nito at ito’y kasuwato nito sa kasarian at kailanan. Ang pariralang tohv haq·qohlʹ ay literal na isinasalin bilang “maganda ang tinig.”
(2) O, maaari itong gamitin upang maglarawan. Sa ganitong situwasyon, lumilitaw ito pagkatapos ng pangngalan, anupat kasuwato nito hindi lamang sa kasarian at kailanan kundi pati sa katiyakan. Kung gayon, ang haq·qohlʹ hat·tohvʹ (sa literal, “ang tinig ang maganda”) ay nangangahulugang “ang magandang tinig.”
Transliterasyon. Ang transliterasyon ay tumutukoy sa paghahalili ng mga titik Tagalog sa mga titik ng alpabetong Hebreo. Ang Hebreo ay isinusulat mula sa kanan pakaliwa, ngunit para sa mga mambabasa ng Tagalog, tinutumbasan ito ng transliterasyong binabasa mula sa kaliwa pakanan. Ipinakikita ng kalakip na tsart, at ng sumusunod na paliwanag, ang ilan sa pangkalahatang mga alituntuning sinunod sa akdang ito.
Tungkol sa mga katinig. Mapapansin na limang titik ang may pinal na mga anyo. Ang mga ito ay lumilitaw lamang sa dulo ng mga salita. Ang ilang katinig (ת ,פ ,כ ,ד ,ג ,ב) ay mayroong kapuwa malambot at matigas na mga tunog, anupat ang matigas na tunog ay ipinahihiwatig ng isang tuldok sa gitna ng titik (תּ ,פּ ,כּ ,דּ ,גּ ,בּ). Gayunman, kapag may tuldok ang isa sa mga katinig na ito, ipinahihiwatig nito na dapat itong doblehin kung kaagad itong sinusundan ng isang patinig. Kaya ang גַּבַּי ay gab·baiʹ. Ang karamihan sa ibang mga titik (bagaman may iisang tunog lamang) ay dinodoble rin kapag may tuldok sa gitna (halimbawa, ang זּ ay zz). Isang eksepsiyon ay ang titik na he (ה), na kung minsa’y may tuldok sa loob nito (הּ) kapag lumilitaw ito sa dulo ng isang salita; gayunman, ang he ay hindi kailanman dinodoble.
Maaaring gamitin ang mga katinig na waw at yod sa pagbuo ng mga patinig. Ang waw (ו) ay lumilitaw na may patinig na chohʹlem (·) sa ibabaw nito upang makalikha ng tinatawag na hustong anyo ng chohʹlem (וֹ), na sa akdang ito ay tinutumbasan ng transliterasyon na oh. Ang kombinasyong וּ ay nagsisilbing u at sa unahan ng isang salita, ito ay laging tumatayong mag-isa bilang isang pantig; gayunman, kung may inilagay na karagdagang tuldok-patinig sa ibaba ng titik (וַּ), ipinahihiwatig ng tuldok na ang waw ay dapat doblehin. Sa gayon ang בַּוַּי ay baw·waiʹ; ang בּוּז naman ay buz.
Sa pinal na anyo ng kap, ang shewaʼʹ ( ְ) o qaʹmets ( ָ) ay inilalagay sa gitna sa halip na sa ibaba ng titik: ךָ ,ךְ.
Tungkol sa mga patinig. Ang lahat ng mga patinig sa tsart na ito ay lumilitaw sa ilalim maliban sa chohʹlem (·), na inilalagay sa itaas, at sa shuʹreq ( ֹ), na, gaya ng naipakita na, ay lumilitaw sa gitna ng waw (וּ = u).
Tungkol sa mga malapatinig [“half vowels”]. Ang mga ipinakikitang katumbas sa Ingles ay mga pagtaya lamang. Sa bawat kaso, bahagyang-bahagyang tunog lamang ang Hebreong bigkas ng mga malapatinig na ito.
May mga pagkakataong ang shewaʼʹ ay binibigkas at tinutumbasan ng transliterasyon na e. Ngunit karaniwan na, kapag ang shewaʼʹ ay kasunod ng isang maikling patinig o kung ito ay nasa ilalim ng isang katinig na nasa hulihan ng isang pantig, hindi ito binibigkas at itinuturing na isang panghati ng pantig. Sa gayon, ang יִקְטֹל ay yiq·tolʹ.
Mga pantig. Sa Hebreo, ang bawat pantig ay nagsisimula sa isang katinig at naglalaman ng (1) isang buong patinig o (2) isang malapatinig at isang buong patinig. Sa gayon, ang קָטַל ay binubuo ng dalawang pantig, ang isa ay קָ (qa) at ang isa pa ay טַל (tal). Ang dalawang pantig na ito ay may tig-isang buong patinig at nagsisimula sa isang katinig. Sa kabilang dako, ang בְּרִית (berithʹ) ay may iisang pantig yamang iisa lamang ang buong patinig nito (.=i); ang shewaʼʹ, e ( ְ), ay isang malapatinig.
May dalawang malinaw na eksepsiyon sa tuntunin na katinig lamang ang nasa unahan ng isang pantig: (1) Kapag ang isang salita ay nagsisimula sa וּ (u). Kung magkagayon, ang u ay tumatayo bilang hiwalay na pantig. Sa gayon, ang וּבֵן ay u·venʹ; ang וּשְׁמִי ay u·shemiʹ. (2) Kapag may “pahapyaw na paʹthach.” Ito ang patinig na paʹthach ( ַ) na inilalagay sa ilalim ng mga katinig na ע ,ח ,הּ, kapag ang mga ito ay lumilitaw sa dulo ng isang salita; sa ganitong kaso, ang paʹthach ay binibigkas bago ang katinig. Sa gayon, ang רוּחַ ay ruʹach, at hindi ru·chaʹ.
Kung minsan, may isang maliit na guhit na pahalang, tinatawag na maqqeph (־), katulad ng isang gitling sa Tagalog, na lumilitaw sa pagitan ng mga salita. Pinaglalahok nito ang dalawa o higit pang mga salita upang ang mga ito ay ituring na iisang salita anupat ang huling salita lamang ang nananatiling may diin. Sa gayon, ang כָּל־אֲשֶׁר ay kol-ʼasherʹ.
Mga tuldik. Lahat ng mga salitang Hebreo ay nilalagyan ng tuldik sa huling pantig o sa ikalawa sa huling pantig. Karamihan ay tinutuldikan sa huling pantig.
Sa mga transliterasyong ginamit sa akdang ito, ang mga pantig ay pinaghihiwalay ng isang tuldok; ang tuldik ay inilalagay kasunod ng pantig na may diin, anupat ginagamit ang isang tuldik upang magpahiwatig ng pangunahing pagdiriin (ʹ).
[Tsart sa pahina 938]
Simple
Intensive
Causative
(1) Active (qal)
(3) Active (pi‛el
(6) Active (hiphʽil)
(2) Passive (niphʽal)
(4) Passive (puʽal)
(7) Passive (hophʽal)
—
(5) Reflexive (hithpaʽel)
—
[Tsart sa pahina 938]
—
Simple
Intensive
Causative
Active
קָטַל
qa·talʹ
kaniyang pinatay
קִטֵּל
qit·telʹ
kaniyang pinatay (nang malupit)
הִקְטִיל
hiq·tilʹ
kaniyang pinangyaring pumatay
Passive
נִקְטַל
niq·talʹ
siya ay pinatay
קֻטַּל
qut·talʹ
siya ay pinatay (nang malupit)
הָקְטַל
hoq·talʹ
siya ay pinangyaring makapatay
Reflexive
—
הִתְקַטֵּל
hith·qat·telʹ
pinatay niya ang kaniyang sarili
—
[Tsart sa pahina 939]
Titik
Mga Katinig
Katumbas
א
Alep
ʼ
בּ
Bet
b
ב
v
גּ
Gimel
g
ג
gh
דּ
Dalet
d
ד
dh
ה
He
h
ו
Waw
w
ז
Zayin
z
ח
Ket
ch
ט
Tet
t
י
Yod
y
כּ
Kap
k
כ Pinal: ך
—
kh
ל
Lamed
l
מ Pinal: ם
Mem
m
נ Pinal: ן
Nun
n
ס
Samek
s
ע
Ayin
ʽ
פּ
Pe
p
פ Pinal: ף
—
ph
צ Pinal: ץ
Tsade
ts
ק
Kop
q
ר
Res
r
שׂ
Sin
s
שׁ
Shin
sh
תּ
Taw
t
ת
—
th
Mga Buong Patinig
ָ (mahaba)
Qaʹmets
a gaya ng sa Ingles na “awl”
ַ
Paʹthach
a gaya ng sa “father”
ֵ (mahaba)
Tseʹreh
e gaya ng sa “they”
ֶ
Seʹghohl
e gaya ng sa “men”
ִ
Chiʹreq
i gaya ng sa “machine”
ֹ (mahaba)
Chohʹlem
o gaya ng sa “no”
ָ
Qaʹmets Cha·tuphʹ
o gaya ng sa “nor”
ֻ
Qib·butsʹ
u gaya ng sa “full”
ִ
Shuʹreq
u gaya ng sa “cruel”
Mga Malapatinig
ְ
Shewa’ʹ
e malabo, gaya ng sa “average;” o hindi binibigkas, gaya ng sa “made”
ֲ
Cha·tephʹ Paʹthach
a gaya ng sa “hat”
ֱ
Cha·tephʹ Seʹghohl
e gaya ng sa “met”
ֳ
Cha·tephʹ Qaʹmets
o gaya ng sa “not”
Mga Espesyal na Kombinasyon
י ָ = ai
י ַ = ai
י ֵ = eh
י ֶ = ey
י ִ = i
וֹ = oh
וּ = u
יו ָ = av