Makakatulong Ba Talaga sa Akin ang Sinasabi ng Bibliya?
Ang sagot ng Bibliya
Oo. (Roma 15:4) Tingnan ang ilang teksto sa Bibliya na nakatulong sa iba na makayanan ang mahihirap na sitwasyon at mga negatibong emosyon.
Sa artikulong ito
Mabigat na problema
Awit 23:4: “Kahit na lumalakad ako sa napakadilim na lambak, hindi ako natatakot dahil kasama kita.”
Ibig sabihin: Kung mananalangin ka sa Diyos at magpapagabay sa kaniyang Salita, ang Bibliya, mahaharap mo ang mga problema.
Filipos 4:13: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”
Ibig sabihin: Bibigyan ka ng Diyos ng lakas para makayanan ang mga problema.
Pagkamatay ng mahal sa buhay
Eclesiastes 9:10: “Wala nang gawain, pagpaplano, kaalaman, o karunungan sa Libingan.”
Ibig sabihin: Hindi naghihirap ang mga patay at hindi rin nila tayo masasaktan. Wala na silang alam.
Gawa 24:15: “Bubuhaying muli ng Diyos ang mga [patay].”
Ibig sabihin: Kayang buhayin ng Diyos ang mga namatay nating mahal sa buhay.
Sobrang pagkakonsensiya
Awit 86:5: “Ikaw, O Jehova,a ay mabuti at handang magpatawad; sagana ang iyong tapat na pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa iyo.”
Ibig sabihin: Pinapatawad ng Diyos ang mga totoong nagsisisi at determinadong hindi na ulitin ang mga pagkakamali nila.
Awit 103:12: “Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon niya inilalayo sa atin ang mga kasalanan natin.”
Ibig sabihin: Kapag nagpatawad ang Diyos, hindi na niya ulit inuungkat ang kasalanan natin o ginagamit iyon para parusahan tayo.
Kalungkutan
Awit 31:7: “Nakita mo ang pagdurusa ko; alam mo ang paghihirap ng kalooban ko.”
Ibig sabihin: Nakikita ng Diyos ang lahat ng pinagdadaanan mo. Naiintindihan niya ang nararamdaman mo—kahit hindi iyon naiintindihan ng iba.
Awit 34:18: “Si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob.”
Ibig sabihin: Nangangako ang Diyos na tutulungan ka niya kapag malungkot ka. Papalakasin ka niya para makayanan ang lungkot na nararamdaman mo.
Pagkakasakit
Awit 41:3: “Aalalayan siya ni Jehova sa banig ng karamdaman.”
Ibig sabihin: Tutulungan ka ng Diyos na makayanan ang matinding pagkakasakit. Bibigyan ka niya ng kapanatagan ng isip, lakas, kakayahang magtiis, at karunungan para makagawa ng mga tamang desisyon.
Isaias 33:24: “At walang nakatira doon ang magsasabi: ‘May sakit ako.’”
Ibig sabihin: Nangangako ang Diyos na sa hinaharap, magkakaroon na ng magandang kalusugan ang lahat ng tao.
Stress at pag-aalala
Awit 94:19: “Noong maraming gumugulo sa isip ko, pinayapa mo ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.”
Ibig sabihin: Kapag nai-stress, matutulungan tayo ng Diyos na maging kalmado kung aasa tayo sa kaniya.
1 Pedro 5:7: ‘Ihagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.’
Ibig sabihin: Nagmamalasakit sa atin ang Diyos kaya gusto niyang ipanalangin natin sa kaniya ang mga problema natin.
Digmaan
Awit 46:9: “Pinatitigil niya ang mga digmaan sa buong lupa.”
Ibig sabihin: Malapit nang tapusin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng digmaan.
Awit 37:11, 29: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan dahil sa lubos na kapayapaan. . . . Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.”
Ibig sabihin: Magiging masaya ang mabubuting tao dahil magiging payapa na sa buong lupa magpakailanman.
Masyadong pag-iisíp sa mga mangyayari sa hinaharap
Jeremias 29:11: “‘Alam na alam ko ang gusto kong gawin para sa inyo,’ ang sabi ni Jehova. ‘Bibigyan ko kayo ng kapayapaan, at hindi ng kapahamakan, para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan at pag-asa.’”
Ibig sabihin: Tinitiyak sa atin ng Diyos na magkakaroon tayo ng magandang kinabukasan.
Apocalipsis 21:4: “Papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot. Ang dating mga bagay ay lumipas na.”
Ibig sabihin: Nangangako ang Diyos na aalisin niya ang lahat ng masasamang bagay na nakikita at nararanasan natin ngayon.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”