Lumakad sa Daan ng Katapatan
“Sa ganang akin, lalakad ako sa aking katapatan.”—AWIT 26:11.
1, 2. (a) Bakit ang katapatan ng tao ay mahalagang bahagi ng usapin hinggil sa pagkasoberano ng Diyos? (b) Paano maipakikita ng matatalinong nilalang na nasa panig sila ng pagkasoberano ni Jehova?
NANG maghimagsik si Satanas sa hardin ng Eden, ibinangon niya ang pansansinukob na usapin hinggil sa karapatan ng Diyos na mamahala sa lahat ng Kaniyang mga nilalang. Pagkalipas ng ilang panahon, inangkin niya na maglilingkod lamang ang mga tao sa Diyos kung makikinabang sila sa paggawa ng gayon. (Job 1:9-11; 2:4) Kaya, ang katapatan ng tao ay naging mahalagang bahagi ng usapin hinggil sa pagkasoberano ni Jehova sa sansinukob.
2 Bagaman ang pagkasoberano ng Diyos ay hindi nakadepende sa katapatan ng kaniyang mga nilalang, maipakikita ng mga tao at ng mga espiritung anak ng Diyos kung saan sila nakapanig sa usaping ito. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa landasin ng katapatan o kaya’y hindi. Kung gayon, ang katapatan ng isang indibiduwal ay isang matibay na batayan sa paghatol sa kaniya.
3. (a) Ano ang gusto nina Job at David na siyasatin at hatulan ni Jehova? (b) Anu-anong tanong ang bumabangon tungkol sa katapatan?
3 May-pagtitiwalang sinabi ni Job: ‘Titimbangin ako ni Jehova sa hustong timbangan at malalaman ng Diyos ang aking katapatan.’ (Job 31:6) Hiniling ni Haring David ng sinaunang Israel kay Jehova na siyasatin ang kaniyang katapatan nang manalangin siya: “Hatulan mo ako, O Jehova, sapagkat ako ay lumakad sa aking katapatan, at kay Jehova ako nagtiwala, upang hindi ako sumuray.” (Awit 26:1) Mahalaga na tayo rin ay lumakad sa daan ng katapatan! Ngunit ano nga ba ang katapatan, at ano ang ibig sabihin ng lumakad sa daan nito? Ano ang tutulong sa atin upang manatili sa landas ng katapatan?
“Ako ay Lumakad sa Aking Katapatan”
4. Ano ba ang katapatan?
4 Ang katapatan ay nangangahulugan ng pagiging mabuti, walang-kapintasan, matuwid, at walang-pagkukulang. Gayunman, hindi lamang paggawa ng tama ang nasasangkot sa katapatan. Ito ay kagalingan sa moral o ang pagiging ganap ng debosyon ng puso sa Diyos. Pinagdudahan ni Satanas ang motibo ni Job nang sabihin niya sa Diyos: “Upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo [si Job] hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.” (Job 2:5) Bukod sa wastong pagkilos, kailangan sa katapatan ang tamang motibo ng puso.
5. Ano ang nagpapakita na hindi naman tayo kailangang maging sakdal para makapanatiling tapat?
5 Subalit hindi naman kailangan ang kasakdalan para makapanatiling tapat. Si Haring David ay di-sakdal at nakagawa ng ilang malulubhang pagkakamali noong nabubuhay siya. Ngunit tinutukoy siya sa Bibliya bilang isang lalaki na lumakad “taglay ang katapatan ng puso.” (1 Hari 9:4) Bakit? Sapagkat inibig ni David si Jehova. Ang debosyon ng kaniyang puso ay sa Diyos. Inamin niya nang bukal sa loob ang kaniyang mga pagkakamali, tinanggap ang saway, at itinuwid ang kaniyang mga daan. Tunay nga, makikita ang katapatan ni David sa kaniyang buong-pusong debosyon at pag-ibig sa kaniyang Diyos, si Jehova.—Deuteronomio 6:5, 6.
6, 7. Ano nasasangkot sa paglakad sa katapatan?
6 Hindi lamang nasasangkot ang katapatan sa isang aspekto ng paggawi ng tao, tulad ng debosyon sa relihiyon. Saklaw nito ang buong paraan ng ating pamumuhay. “Lumakad” si David sa kaniyang katapatan. “Ang pandiwang ‘lumakad’ ay nangangahulugan ng ‘landasin ng pamumuhay’ o ‘istilo ng pamumuhay,’ ” ang sabi ng The New Interpreter’s Bible. Tungkol sa mga “walang pagkukulang sa kanilang lakad,” umawit ang salmista: “Maligaya yaong mga tumutupad sa . . . mga paalaala [ng Diyos]; buong puso nila siyang hinahanap. Tunay ngang hindi sila nagsagawa ng kalikuan. Sa kaniyang mga daan ay lumakad sila.” (Awit 119:1-3) Kahilingan sa katapatan ang palaging pagtiyak na magawa ang kalooban ng Diyos at paglakad sa kaniyang daan.
7 Upang makalakad sa katapatan, mahalaga ang matapat na debosyon sa Diyos, maging sa di-kaayaayang mga kalagayan. Kapag tayo ay nagbabata sa ilalim ng mga pagsubok, nananatiling matatag sa kabila ng mga kapighatian, o lumalaban sa mga tukso ng di-makadiyos na sanlibutan, nakikita ang ating katapatan. ‘Napasasaya natin ang puso ni Jehova’ dahil may naisasagot siya sa isa na tumutuya sa kaniya. (Kawikaan 27:11) May mabuting dahilan tayo kung gayon na magpasiya gaya ni Job: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!” (Job 27:5) Ipinakikita ng ika-26 na Awit kung ano ang tutulong sa atin upang makalakad sa katapatan.
“Dalisayin Mo ang Aking mga Bato at ang Aking Puso”
8. Ano ang matututuhan mo mula sa pakiusap ni David na suriin ni Jehova ang kaniyang mga bato at ang kaniyang puso?
8 Nanalangin si David: “Suriin mo ako, O Jehova, at ilagay mo ako sa pagsubok; dalisayin mo ang aking mga bato at ang aking puso.” (Awit 26:2) Matatagpuan ang mga bato natin sa kaloob-loobang bahagi ng ating katawan. Sa makasagisag na paraan, kumakatawan ang mga bato sa kaibuturan ng isip at damdamin ng isang tao. At ang makasagisag na puso naman ay kumakatawan sa buong panloob na pagkatao—sa kaniyang motibo, damdamin, at talino. Nang hilingin ni David kay Jehova na suriin siya, idinadalangin niya na saliksikin at siyasatin ang kaibuturan ng kaniyang isip at damdamin.
9. Sa anong paraan dinadalisay ni Jehova ang ating makasagisag na mga bato at puso?
9 Nakiusap si David na dalisayin sana ang kaniyang mga bato at ang kaniyang puso. Paano dinadalisay ni Jehova ang ating panloob na pagkatao? Umawit si David: “Pagpapalain ko si Jehova, na nagpapayo sa akin. Tunay nga, kapag gabi ay itinutuwid ako ng aking mga bato.” (Awit 16:7) Ano ang kahulugan nito? Nangangahulugan ito na ang payo ng Diyos ay nanuot sa kaloob-loobang mga bahagi ng pagkatao ni David at namalagi roon, anupat itinutuwid ang kaibuturan ng kaniyang isip at damdamin. Mangyayari rin ito sa atin kung may-pagpapahalaga nating bubulay-bulayin ang payong tinatanggap natin sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, ng mga kinatawan niya, at ng kaniyang organisasyon at hahayaan itong manuot sa kaibuturan ng ating kalooban. Ang regular na pananalangin kay Jehova upang dalisayin tayo sa ganitong paraan ay tutulong sa atin na lumakad sa katapatan.
‘Ang Iyong Maibiging-Kabaitan ay Nasa Harap Ko’
10. Ano ang tumulong kay David upang lumakad sa katotohanan ng Diyos?
10 “Ang iyong maibiging-kabaitan ay nasa harap ng aking mga mata,” ang sabi pa ni David, “at lumakad ako sa iyong katotohanan.” (Awit 26:3) Alam na alam ni David ang mga gawa ng maibiging-kabaitan ng Diyos, at may-pagpapahalaga niyang binubulay-bulay ang mga ito. “Pagpalain mo si Jehova, O kaluluwa ko,” ang awit niya, “at huwag mong limutin ang lahat ng kaniyang ginagawa.” Bilang pag-alaala sa mga “ginagawa” ng Diyos, sinabi pa ni David: “Si Jehova ay naglalapat ng mga gawang katuwiran at ng mga hudisyal na pasiya para sa lahat ng mga dinadaya. Ipinaalam niya ang kaniyang mga daan kay Moises, ang kaniyang mga pakikitungo sa mga anak ni Israel.” (Awit 103:2, 6, 7) Marahil, iniisip ni David ang pandaraya ng mga Ehipsiyo sa mga Israelita noong panahon ni Moises. Kung gayon nga, ang pagbubulay-bulay kung paano ipinaalam ni Jehova ang kaniyang mga paraan ng pagliligtas kay Moises ay malamang na nakaantig sa puso ni David at nagpatibay sa kaniyang determinasyong lumakad sa katotohanan ng Diyos.
11. Ano ang makatutulong sa atin na lumakad sa daan ng katapatan?
11 Ang regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagbubulay-bulay sa ating natututuhan ay tutulong din sa atin na lumakad sa daan ng katapatan. Halimbawa, ang pag-alaala sa pagtakas ni Jose sa imoral na panrarahuyo ng asawa ni Potipar ay tiyak na magpapatibay-loob sa atin na tumakas sa nakakatulad na panrarahuyo sa dakong pinagtatrabahuhan natin, sa paaralan, o saanman. (Genesis 39:7-12) Paano naman kapag natutukso tayo sa mga oportunidad na yumaman o maging tanyag at makapangyarihan sa daigdig na ito? Nariyan ang halimbawa sa atin ni Moises, na tumanggi sa mga kaluwalhatian ng Ehipto. (Hebreo 11:24-26) Ang pagsasaisip sa pagbabata ni Job ay tiyak na tutulong sa atin na maging determinadong manatiling matapat kay Jehova sa kabila ng mga sakit at mga kasawian. (Santiago 5:11) Paano naman kung maging biktima tayo ng pag-uusig? Aba, ang paggunita sa karanasan ni Daniel sa yungib ng mga leon ay magpapalakas ng ating loob!—Daniel 6:16-22.
“Hindi Ako Umupong Kasama ng mga Taong Bulaan”
12, 13. Anong uri ng mga kasama ang dapat nating iwasan?
12 Sa pagtukoy sa isa pang salik na nagpatibay sa kaniyang katapatan, sinabi ni David: “Hindi ako umupong kasama ng mga taong bulaan; at hindi ako pumapasok na kasama ng mga mapagpakunwari. Kinapopootan ko ang kongregasyon ng mga manggagawa ng kasamaan, at hindi ako umuupong kasama ng mga balakyot.” (Awit 26:4, 5) Hindi talaga uupo si David kasama ng mga balakyot. Kinapopootan niya ang masasamang kasama.
13 Kumusta naman tayo? Tumatanggi ba tayong makisama sa mga taong bulaan sa mga programa sa telebisyon, video, pelikula, site sa Internet, o sa iba pang paraan? Lumalayo ba tayo sa mga mapagpakunwari? Ang ilan na kasama natin sa paaralan o sa dakong pinagtatrabahuhan natin ay maaaring magkunwaring nakikipagkaibigan sa atin para sa tusong mga layunin. Talaga bang gusto nating maging malapít sa mga hindi lumalakad sa katotohanan ng Diyos? Bagaman nag-aangkin silang taimtim, maaari ring ikubli ng mga apostata ang kanilang intensiyon na ilayo tayo sa paglilingkod kay Jehova. Paano naman kung may ilan sa kongregasyong Kristiyano na nagtataguyod ng dobleng pamumuhay? Nagkukunwari rin sila. Si Jayson, na naglilingkod na ngayon bilang ministeryal na lingkod, ay may gayong mga kaibigan noong kabataan pa siya. Tungkol sa kanila, sinabi niya: “Isang araw, sinabi sa akin ng isa sa kanila: ‘Hindi importante kung ano ang ginagawa natin ngayon dahil kapag dumating ang bagong sistema, mamamatay lang naman tayo. Hindi na natin malalaman kung ano ang hindi natin naranasan.’ Ang gayong uri ng pananalita ang nagmulat ng aking mata. Ayaw kong mamatay kapag dumating ang bagong sistema.” May-katalinuhang pinutol ni Jayson ang kaniyang pakikisama sa gayong mga indibiduwal. “Huwag kayong palíligaw,” ang babala ni apostol Pablo. “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Napakahalaga nga na iwasan natin ang masasamang kasama!
‘Ipapahayag Ko ang Lahat ng Iyong mga Kamangha-manghang Gawa’
14, 15. Paano tayo ‘makalalakad sa palibot ng altar ni Jehova’?
14 “Huhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala, at lalakad ako sa palibot ng iyong altar, O Jehova,” ang sabi pa ni David. Bakit? “Upang maiparinig nang malakas ang pasasalamat, at upang ipahayag ang lahat ng iyong mga kamangha-manghang gawa.” (Awit 26:6, 7) Nais ni David na manatiling malinis sa moral upang masamba niya si Jehova at maipahayag ang kaniyang debosyon sa Diyos.
15 Ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa tunay na pagsamba sa tabernakulo at nang maglaon, maging sa templo, ay “isang makasagisag na paglalarawan at isang anino ng makalangit na mga bagay.” (Hebreo 8:5; 9:23) Inilalarawan ng altar ang kalooban ni Jehova na tanggapin ang hain ni Jesu-Kristo para sa katubusan ng sangkatauhan. (Hebreo 10:5-10) Hinuhugasan natin ang ating mga kamay sa kawalang-sala at ‘lumalakad sa palibot ng altar ni Jehova’ sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing iyon.—Juan 3:16-18.
16. Paano tayo nakikinabang sa pagpapahayag sa iba tungkol sa kamangha-manghang mga gawa ng Diyos?
16 Kapag iniisip natin ang lahat ng nagawa ng pantubos, hindi ba napupuspos ang ating puso ng pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang bugtong na Anak? Kung gayon, taglay ang pasasalamat sa ating puso, ipahayag natin sa iba ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos—mula sa paglalang sa tao sa hardin ng Eden hanggang sa ganap na pagsasauli sa lahat ng bagay sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Genesis 2:7; Gawa 3:21) At tiyak na isang espirituwal na proteksiyon para sa atin ang gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad! (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ang pagiging abala rito ay tumutulong sa atin na manatiling malinaw ang ating pag-asa sa hinaharap, matibay ang ating pananampalataya sa mga pangako ng Diyos, at masigla ang ating pag-ibig kay Jehova at sa mga kapuwa tao.
“Iniibig Ko ang Tahanan sa Iyong Bahay”
17, 18. Ano ang dapat nating maging saloobin sa Kristiyanong mga pagpupulong?
17 Ang tabernakulo, pati na ang altar nito para sa mga hain, ang sentro ng pagsamba kay Jehova sa Israel. Sa pagpapahayag sa kaniyang pagkalugod sa dakong iyon, nanalangin si David: “Jehova, iniibig ko ang tahanan sa iyong bahay at ang dako na tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.”—Awit 26:8.
18 Gustung-gusto ba nating magtipon sa mga lugar kung saan natututo tayo tungkol kay Jehova? Bawat Kingdom Hall, pati na ang regular na programa nito sa espirituwal na pagtuturo, ay nagsisilbing sentro ng tunay na pagsamba sa komunidad. Bukod dito, mayroon tayong taunang mga kombensiyon, pansirkitong asamblea, at araw ng pantanging asamblea. Tinatalakay sa gayong mga pulong ang “mga paalaala” ni Jehova. Kung natututuhan nating ‘lubhang ibigin ang mga iyon,’ masasabik tayong dumalo sa mga pulong at magiging atentibo tayo habang naroroon. (Awit 119:167) Tunay ngang nakagiginhawa na makasama ang mga kapananampalatayang interesado sa ating personal na kapakanan at tumutulong sa atin na manatiling lumalakad sa katapatan!—Hebreo 10:24, 25.
‘Huwag Mong Kunin ang Aking Buhay’
19. Anu-anong kasalanan ang ayaw gawin ni David?
19 Palibhasa’y lubusang nababatid ang mga epekto ng paglihis mula sa paglakad sa katotohanan ng Diyos, nakiusap si David: “Huwag mong kuning kasama ng mga makasalanan ang aking kaluluwa, ni ang aking buhay na kasama ng mga taong may pagkakasala sa dugo, na sa kanilang mga kamay ay may mahalay na paggawi, at ang kanilang kanang kamay ay punô ng panunuhol.” (Awit 26:9, 10) Ayaw ni David na mapabilang sa mga taong di-makadiyos na may mahalay na paggawi o nanunuhol.
20, 21. Ano ang maaaring umakay sa atin sa daan ng mga di-makadiyos?
20 Ang daigdig sa ngayon ay binabaha ng imoral na mga gawain. Itinataguyod ng telebisyon, mga magasin, at pelikula ang “mahalay na paggawi.” (Galacia 5:19) Ang ilan ay nalulong sa pornograpya, na kadalasang nauuwi sa imoral na paggawi. Ang mga kabataan ang lalo nang madaling maapektuhan ng gayong mga impluwensiya. Sa ilang lupain, kaugalian na ang pagde-date, at ginigipit ang mga tin-edyer para mag-isip na kailangan silang makipag-date. Maraming kabataan ang nagkakaroon ng romantikong relasyon sa iba, kahit napakabata pa nila para mag-asawa. Upang sapatan ang kanilang tumitinding seksuwal na mga pagnanasa, di-nagtatagal ay nasasangkot sila sa imoral na paggawi hanggang sa punto na magkasala sila ng pakikiapid.
21 Hindi rin ligtas ang mga adulto sa masasamang impluwensiya. Ang di-tapat na mga kaugalian sa negosyo at ang hilig na magpasiya nang may kasakiman ay nagpapahiwatig ng kawalan ng katapatan. Ang paglakad sa mga daan ng sanlibutan ay maglalayo lamang sa atin mula kay Jehova. “Kapootan [natin] ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan” at patuloy na lumakad sa daan ng katapatan.—Amos 5:15.
“O Tubusin Mo Ako at Pagpakitaan Mo Ako ng Lingap”
22-24. (a) Anong pampatibay-loob ang masusumpungan mo sa pangwakas na mga salita sa Awit 26? (b) Anong silo ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
22 Winakasan ni David ang kaniyang mga salita sa Diyos sa pagsasabi: “Sa ganang akin, lalakad ako sa aking katapatan. O tubusin mo ako at pagpakitaan mo ako ng lingap. Ang paa ko ay tatayo nga sa patag na dako; sa gitna ng mga nagkakatipong karamihan ay pagpapalain ko si Jehova.” (Awit 26:11, 12) Ang determinasyon ni David na manatiling tapat ay may kalakip na pakiusap na tubusin siya. Tunay ngang nakapagpapatibay-loob ito! Sa kabila ng ating makasalanang kalagayan, tutulungan tayo ni Jehova kung determinado tayong lumakad sa daan ng katapatan.
23 Ipakita nawa ng ating paraan ng pamumuhay na iginagalang at pinahahalagahan natin ang pagkasoberano ng Diyos sa bawat aspekto ng ating buhay. Bawat isa sa atin ay makahihiling kay Jehova sa panalangin na suriin at dalisayin ang kaibuturan ng ating isip at damdamin. Mapananatili natin sa ating harapan ang kaniyang katotohanan sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral sa kaniyang Salita. Kung gayon, iwasan natin ang masasamang kasama at pagpalain si Jehova sa gitna ng mga nagkakatipong karamihan. Masigasig nawa tayong makibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad, anupat hindi kailanman hinahayaang maisapanganib ng sanlibutan ang ating napakahalagang kaugnayan sa Diyos. Habang ginagawa natin ang ating buong makakaya upang lumakad sa daan ng katapatan, makapagtitiwala tayo na pagpapakitaan tayo ng lingap ni Jehova.
24 Yamang nasasangkot sa katapatan ang lahat ng aspekto ng buhay, kailangan tayong magbantay laban sa isang nakamamatay na silo—ang pag-abuso sa inuming de-alkohol. Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit wastong mahahatulan ang matatalinong nilalang batay sa kanilang katapatan?
• Ano ba ang katapatan, at ano ang nasasangkot sa paglakad sa mga daan nito?
• Ano ang tutulong sa atin na lumakad sa daan ng katapatan?
• Upang mapanatili ang katapatan, sa anu-anong panganib tayo dapat magbantay at umiwas?
[Larawan sa pahina 14]
Palagi mo bang hinihiling kay Jehova na suriin ang kaibuturan ng iyong isip?
[Larawan sa pahina 14]
Pinananatili mo bang nasa harap ng iyong mga mata ang mga gawa ng maibiging-kabaitan ni Jehova?
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang pananatili nating tapat sa ilalim ng mga pagsubok ay nagpapasaya sa puso ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 17]
Sinasamantala mo ba ang mga paglalaan ni Jehova upang tulungan kang lumakad sa daan ng katapatan?