Manganlong kay Jehova
“Sa iyo, Oh Jehova, nanganganlong ako.”—AWIT 31:1.
1. Papaano nagpapahayag ang Awit 31 ng pagtitiwala sa kakayahan ni Jehova na magligtas?
ISANG matamis na tinig ang umaawit tungkol sa isang tao na, bagaman hapo ang isip at katawan, ay nanganganlong kay Jehova. Ang pananampalataya ay nagtatagumpay, ang sabi ng liriko ng banal na awit na iyan. Sa naghihintay na mga bisig ng Makapangyarihan-sa-lahat, ang taong ito ay nanganganlong buhat sa humahabol na mga mang-uusig. “Sa iyo, Oh Jehova, nanganganlong ako,” ang sabi ng kaniyang awit. “Oh huwag nawa akong mapahiya kailanman. Sa iyong katuwiran ay iligtas mo ako.”—Awit 31:1.
2. (a) Tayo’y makapagtitiwala kay Jehova bilang ating moog batay sa anong dalawang saligan? (b) Anong uri ng Diyos si Jehova?
2 Ang salmista ay may kaisa-isang kanlungan—ang pinakamagaling! Bagaman ang ibang mga bagay ay mapag-aalinlanganan, gayunman ay nananatili ang katotohanang ito: si Jehova ang kaniyang moog, ang kaniyang kuta. Ang kaniyang pagtitiwala ay nakasalalay sa dalawang matibay na saligan. Una, ang kaniyang pananampalataya, na hindi ilalagay ni Jehova sa kahihiyan, at ikalawa, ang katuwiran ni Jehova, na nangangahulugang hindi Niya iiwan nang permanente ang Kaniyang lingkod. Si Jehova ay hindi isang Diyos na humihiya sa kaniyang tapat na mga lingkod; siya’y hindi sumisira sa pangako. Bagkus, siya ay isang Diyos ng katotohanan at tagapagbigay-ganti sa mga taimtim na nagtitiwala sa kaniya. Sa bandang huli, ang pananampalataya ay gagantihin! Darating ang kaligtasan!—Awit 31:5, 6.
3. Papaano pinupuri ng salmista si Jehova?
3 Sa paglikha ng kaniyang musika na taglay ang pabagu-bagong himig mula sa mapapanglaw na pagdadalamhati at kaabahan at pagkatapos ay paakyat sa mga himig na pumupukaw ng pagtitiwala, ang salmista ay nakasusumpong ng panloob na kalakasan. Kaniyang pinupuri si Jehova sa Kaniyang tapat na pag-ibig. “Purihin si Jehova,” anang awit niya, “sapagkat ipinakilala niya sa akin ang kaniyang kahanga-hangang kagandahang-loob sa isang bayan na nasa kagipitan.”—Awit 31:21.
Buong Lakas na Koro ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
4, 5. (a) Anong buong lakas na koro ang inaawit sa pagpuri kay Jehova ngayon, at papaano nila ginawa iyan noong nakalipas na taon ng paglilingkod? (Tingnan ang tsart sa pahina 12-15.) (b) Sa anong paraan ipinakikita ng bilang ng mga dumalo sa Memoryal na marami pang mga taong handang makisali sa koro ng mga tagapagbalita ng Kaharian? (Tingnan ang tsart.) (c) Anong grupo sa inyong kongregasyon ang maaaring nasa kalagayang makisali sa koro?
4 Sa ngayon, ang mga salita ng awit na iyan ay muli na namang nagkaroon ng karagdagang kahulugan. Ang mga awit ng papuri kay Jehova ay hindi mapipigil ng sinumang balakyot na mananalansang, ng anumang likas na kapahamakan, o ng anumang kapighatian sa kabuhayan; tunay, ang kagandahang-loob ni Jehova ay naging kahanga-hanga sa kaniyang bayan. Sa buong daigdig noong nakaraang taon ng paglilingkod, isang buong lakas na koro, na ang pinakamataas ay binubuo ng 4,709,889 sa 231 lupain, ang umawit ng mensahe ng Kaharian ng Diyos. Ang makalangit na pamahalaan ni Jehova sa ilalim ni Kristo Jesus ay isang kanlungan na hindi magdudulot sa kanila ng pagkabigo. Noong nakaraang taon, ang mga tagapagbalitang ito ng Kaharian buhat sa 73,070 kongregasyon ay gumugol ng kabuuang 1,057,341,972 oras sa pangangaral ng ebanghelyo. Ang resulta ay 296,004 na tao na sinagisagan ang kanilang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. At anong kahanga-hangang sorpresa ang tinamasa ng lahat ng nagsidalo sa Banal na Pagtuturo na Internasyonal na Kombensiyong ginanap sa Kiev, Ukraine, noong nakaraang Agosto. Kanilang nasaksihan ang isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova, nasaksihan ang pinakamalaking naiulat na maramihang pagbabautismo sa tunay na mga Kristiyano! Gaya ng inihula sa Isaias 54:2, 3, ang bayan ng Diyos ay dumarami sa paraan na wala pang katulad.
5 Gayunman, karagdagang nakahandang mga mamamayan ng Kaharian ng Diyos ang naghihintay ng kanilang pagkakataon na makisali sa koro. Noong nakaraang taon, ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus ay dinaluhan ng isang nakapanggigilalas na kabuuang bilang na 11,865,765 katao. Inaasahan na marami sa mga ito ang magiging kuwalipikado na umawit ng awit ng Kaharian sa bahay-bahay sa taon na ito ng paglilingkod. Tiyak na ang pag-asang iyan ay pupukaw ng pagkagalit ng kaaway ng katotohanan, si Satanas na Diyablo!—Apocalipsis 12:12, 17.
6, 7. Ipaliwanag kung papaanong sa tulong ni Jehova ay napagtagumpayan ng isang taong interesado ang panliligalig ng mga demonyo.
6 Sisikapin ni Satanas na hadlangan ang iba sa pagsali sa buong lakas na korong iyon. Halimbawa, nasusumpungan ng mga mamamahayag sa Thailand ang dumaraming tao na nililigalig ng mga demonyo. Gayunman, marami sa mga taimtim na taong iyon ang napalaya sa tulong ni Jehova. Pagkatapos dumalaw upang mag-usyoso sa isang doktor sa kulam, isang lalaki ay sumailalim sa kapangyarihan ng mga demonyo nang may sampung taon. Kaniyang sinikap na makaalpas sa kanilang kapangyarihan sa tulong ng isang klerigo, ngunit hindi siya nakaranas ng talagang pagbuti ng kaniyang kalagayan. Isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova ang nagsimula ng pakikipag-aral ng Bibliya sa lalaki at tinuruan siya buhat sa Bibliya ng tanging paraan upang makalaya buhat sa kapangyarihan ng mga demonyo—kumuha ng tumpak na kaalaman sa katotohanan, sumampalataya sa Diyos na Jehova, at magsumamo sa kaniya sa panalangin.—1 Corinto 2:5; Filipos 4:6, 7; 1 Timoteo 2:3, 4.
7 Nang gabi pagkatapos ng talakayang ito, ang taong iyon ay nanaginip na doon ang kaniyang amang patay na ay nagbanta sa kaniya kung hindi siya babalik sa pagiging isang espiritista. Ang kaniyang pamilya ay nagsimulang magdusa. Palibhasa’y hindi nila mahikayat, nagpatuloy ang lalaki sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya at nagsimulang dumalo sa mga pulong. Sa isa sa mga pag-aaral na iyon, ipinaliwanag ng payunir na kung minsan ang mga bagay na ginagamit sa mga ritwal ng espiritismo ay makapagbubukas ng daan sa mga demonyo upang ligaligin ang mga tao na nagsisikap makalaya buhat sa kanilang kapangyarihan. Naalaala ng lalaki na siya ay may kaunting langis na kaniyang ginamit bilang isang galíng. Natanto niya ngayon na kailangang itapon na niya iyon. Magbuhat nang itapon iyon, hindi na siya muling ginambala ng masasamang espiritu. (Ihambing ang Efeso 6:13; Santiago 4:7, 8.) Mainam ang pagsulong nila ng kaniyang maybahay sa kanilang pag-aaral at sila’y regular na dumadalo sa mga pulong para sa pagtuturo ng Bibliya.
8, 9. Ano pang mga hadlang ang napagtagumpayan ng ilang tagapagbalita ng Kaharian?
8 Ang iba pang mga hadlang ay maaaring magpahina sa taginting ng mabuting balita. Dahilan sa napakalubhang suliranin sa ekonomiya sa Ghana, may mga manggagawa na pansamantalang nawalan ng trabaho. Ang gastos sa pamumuhay ay biglang tumaas nang napakalaki, anupat naging isang tunay na suliranin na makabili ng kahit na lamang mga pangangailangan sa buhay. Papaano ito hinaharap ng bayan ni Jehova? Sa pamamagitan ng pagtitiwala, hindi sa kanilang sarili, kundi kay Jehova. Halimbawa, isang araw isang lalaki ang nag-iwan ng isang nakadikit na sobre sa reception desk ng tanggapang pansangay. Nasa loob ng sobre ang 100.000 cedi sa Ghana, na noon ay katumbas ng $200 sa E.U., o tatlong buwang pinakamababang sahod. Ang sobre ay nanggaling sa isang di-kilalang nagregalo, subalit sa pambalot ay may nakasulat na ganito: “Nawalan ako ng trabaho, ngunit pinaglaanan naman ako ni Jehova ng isa pa. Ako’y nagpapasalamat sa kaniya at sa kaniyang Anak, si Kristo Jesus. Upang makatulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian bago sumapit ang wakas, inilalakip ko rito ang isang maliit na abuloy.”—Ihambing ang 2 Corinto 9:11.
9 Ang pagdalo sa mga pulong ay tumutulong upang masanay yaong mga sumasali sa napakalakas na koro ng papuri kay Jehova. (Ihambing ang Awit 22:22.) Sa gayon, sa timugang bahagi ng Honduras, may isang kongregasyon na tinatawag na El Jordań. Ano ba ang lubhang natatangi tungkol sa munting grupong ito? Iyon ay ang kanilang laging pagdalo sa mga pulong. Sa 19 na mamamahayag, 12 ang kinakailangang tumawid sa isang maluwang na ilog upang makadalo sa mga pulong linggu-linggo. Ito ay hindi isang malaking suliranin kung panahon ng tag-araw, yamang sila’y nakatatawid sa ilog sa pamamagitan ng malalaking bato na nagsisilbing tawiran. Subalit, kung panahon ng tag-ulan ay nagbabago ang mga kalagayan. Ang dating di-nakababahalang ilog ay nagiging isang malakas na agos na tumatangay sa lahat ng madaanan nito. Upang mapagtagumpayan ang ganitong hadlang, ang mga kapatid ay kailangang mahuhusay sa paglangoy. Bago tumawid, ang kanilang mga damit para sa pulong ay inilalagay sa isang tina (batyang metal) at pagkatapos ay tatakpan iyon ng isang bag na plastic. Ang tina ay ginagamit ng pinakamalakas na manlalangoy bilang isang boya at siya ang nangunguna sa grupo sa pagtawid. Pagkatapos na makatawid nang ligtas sa kabilang pampang, sila’y nagpapatuyo ng kanilang sarili, nagbibihis, at dumarating sa Kingdom Hall nang masaya at nakasisilaw ang kalinisan!—Awit 40:9.
Isang Moog na Ating Matatahanan
10. Bakit tayo makababaling kay Jehova kung mga panahon ng kaigtingan?
10 Ikaw man ay nasa ilalim ng tuwirang pag-atake ng mga demonyo o nakadarama ng kaigtingan buhat sa ibang mga pinagmumulan, si Jehova ay maaaring maging iyong moog. Manawagan ka sa kaniya sa panalangin. Siya’y puspusang nakikinig kahit na sa pinakamahinang mga daing ng kaniyang bayan. Iyan ay napatunayan ng salmista at siya’y sumulat: “Ikiling mo sa akin ang iyong pakinig. Iligtas mo akong madali. Maging matibay na kanlungan ka nawa sa akin, bahay na sanggalangan upang iligtas ako. Sapagkat ikaw ang aking malaking bato at aking moog; at alang-alang sa iyong pangalan ay aakayin mo ako at papatnubayan mo ako. Huhugutin mo ako sa silo na kanilang lihim na inilagay ukol sa akin, sapagkat ikaw ang aking kuta.”—Awit 31:2-4.
11. Ipaliwanag kung bakit ang kuta ni Jehova ay hindi isang pansamantalang lugar.
11 Si Jehova ay naglalaan hindi lamang ng isang pansamantalang kanlungan kundi ng isang di-malulusob na kuta na kung saan makatatahan tayo nang may kapanatagan. Ang kaniyang pangunguna at patnubay ay hindi nagdulot ng kabiguan sa kaniyang bayan. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay mawawalang kabuluhan ang lahat ng tusong mga pakana ni Satanas at ng kaniyang mga alipores. (Efeso 6:10, 11) Habang buong puso tayong nagtitiwala kay Jehova, ilalayo niya tayo buhat sa mga silo ni Satanas. (2 Pedro 2:9) Noong nakalipas na apat na taon, ang pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay nabuksan sa mga 35 bansa. Gayundin, sa mga lugar sa daigdig na kung saan ang panlipunan, pangkabuhayan, o pulitikal na mga kalagayan ay humahadlang sa pangangaral ng mabuting balita, ang ilang tulad-tupang mga tao ay lumipat sa mga lugar na kung saan sila’y mas madaling mararating. Ang Hapón ay isa sa gayong mga lugar.
12. Papaano ginawang kaniyang matibay na moog si Jehova ng isang payunir sa Hapón?
12 Sa Hapón ay dumagsa ang dayuhang mga manggagawa buhat sa ibayong dagat, at naitatag ang maraming kongregasyon na may mga wikang banyaga. Ang karanasan ng isang kapatid na lalaki sa isang kongregasyong Hapones ay nagpapakita kung gaano kabunga ang larangang ito na may mga wikang banyaga. Nais niyang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan. Gayunman, siya’y nagdaraos na ng sampung pag-aaral sa Bibliya sa lugar na kinaroroonan niya. Isa sa kaniyang mga kaibigan ang pabirong nagsabi: “Kung pupunta ka kung saan lalong malaki ang pangangailangan, kailangang magdaos ka roon ng 20 pag-aaral sa Bibliya!” Tumanggap siya ng isang atas at siya’y naparoon sa Hiroshima. Gayunman, makalipas ang apat na buwan, siya’y nagkaroon ng iisang pag-aaral sa Bibliya. Isang araw siya’y dumalaw sa isang lalaking taga-Brazil na walang alam na wika kundi Portuges. Yamang hindi alam ng kapatid kung papaano makikipag-usap sa nasabing lalaki, siya’y bumili ng isang aklat-aralin sa wikang Portuges. Pagkatapos matuto ng ilang simpleng mga kataga sa pakikipag-usap, siya’y muling dumalaw sa lalaki. Nang siya’y batiin ng kapatid sa wikang Portuges, namangha ang lalaki at, taglay ang masayang ngiti, binuksan ang pinto at inanyayahan siyang pumasok. Isang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan. Hindi nagtagal at ang kapatid ay nagdaraos ng kabuuang 22 pag-aaral, 14 sa wikang Portuges, 6 sa Kastila, at 2 sa Hapones!
Pangangaral Nang May Pagtitiwala
13. Bakit hindi dapat subukin ninuman na tayo’y hiyain sa paglilingkod kay Jehova?
13 Ang bayan ni Jehova ay may pagtitiwalang umaawit ng awiting pang-Kaharian taglay ang buong pananampalataya na si Jehova ang kanilang kanlungan. (Awit 31:14) Sila’y hindi mapapahiya—hindi sila hahamakin ni Jehova, sapagkat kaniyang tutupdin ang kaniyang Salita. (Awit 31:17) Ang Diyablo at ang kaniyang pangkat ng mga demonyo ang mapapahiya. Yamang ang bayan ni Jehova ay sinugo upang mangaral ng isang mensahe na hindi dapat ikahiya, sila’y hindi napipilitang mangaral dahilan sa hinihiya sila ng ibang mga tao. Hindi sa ganiyang paraan pinupukaw ni Jehova, o ng kaniyang Anak, ang kaniyang bayan upang sumamba sa Kaniya. Pagka ang puso ng mga tao ay lipos ng pananampalataya at pagpapahalaga sa kabutihan at maibiging-awa ni Jehova, ang mabuting kalagayan ng kanilang puso ang nag-uudyok sa kanilang bibig na magsalita. (Lucas 6:45) Samakatuwid, gaano mang panahon ang ating ginugugol sa paglilingkod bawat buwan, lalo na kung ang panahong iyon ay kumakatawan sa pinakamagaling na magagawa natin, iyon ay mabuti, hindi nakahihiya. Hindi ba ang kusing ng biyuda ay lubusang pinahalagahan ni Jesus at ng kaniyang Ama?—Lucas 21:1-4.
14. Ano ang maikukomento mo tungkol sa pagpapayunir? (Tingnan din ang tsart.)
14 Para sa isang lumalaking bilang ng mga mamamahayag, sa pagiging buong-kaluluwa sa kanilang pagsamba ay kasali ang paglilingkod bilang mga payunir—890,231 ang pinakamataas na bilang noong nakaraang taon! Kung mapapanatili ang pagsulong ng nakaraang taon, ang bilang na ito ay malamang na lumampas sa 1,000,000. Ang sumusunod na karanasan ay nagpapakita kung papaanong ang isang kapatid na babae sa Nigeria ay pumasok sa pagpapayunir. Ganito ang isinulat niya: “Nang ako’y malapit nang makatapos sa paaralang sekondarya, ako’y tumulong sa pagluluto para sa mga estudyante sa paaralan sa pagpapayunir ng mga Saksi ni Jehova. May nakilala ako roon na dalawang sister na mas matanda pa kaysa aking lola. Nang matuklasan ko na sila’y mga payunir na nag-aaral doon, naisip ko, ‘Kung ang dalawang iyon ay nakapagpapayunir, ano ang nakahahadlang sa akin?’ Kaya nang makatapos na ako sa pag-aaral, ako rin ay naging isang regular pioneer.”
15. Papaano makapagbibigay-daan ang impormal na pagpapatotoo upang ang iba’y manganlong kay Jehova?
15 Hindi lahat ay makapagpapayunir, ngunit sila’y makapagpapatotoo. Sa Belgium isang 82-taóng-gulang na sister ang namimili noon ng karne. Napansin niya na ang asawang babae ng magkakarne ay lubhang nababahala dahilan sa kamakailang pulitikal na mga kaguluhan. Kaya ang tract na Ano ang Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova? ay palihim na inilagay ng sister sa mga salaping papel na ibinayad ng sister sa kaniyang pinamilí. Nang bumalik sa tindahan ang sister, ang asawa ng magkakarne, na hindi nag-atubili saglit man, ay nagtanong kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa isang posibleng ikatlong digmaang pandaigdig. Siya’y dinalhan ng sister ng aklat na Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Paano Mo Masusumpungan? Makalipas ang ilang araw, nang ang sister ay pumunta sa tindahan, ang maybahay ng magkakarne ay nagharap ng ilan pang mga katanungan. Naawa ang sister sa babaing ito; kaniyang inalukan siya ng pag-aaral sa Bibliya, at ito naman ay tinanggap. Ngayon, nais ng maybahay ng magkakarne na pabautismo. Kumusta naman ang magkakarne? Kaniyang binasa ang tract at ngayon ay nag-aaral na rin ng Bibliya.
‘Isang Kabang-Yaman ng Kabutihan’
16. Papaano nagtabi si Jehova ng isang kabang-yaman ng kabutihan para sa kaniyang bayan?
16 Sa maigting na mga huling araw na ito, hindi ba “ipinakilala [ni Jehova] ang kagila-gilalas na kagandahang-loob” sa mga nanganganlong sa kaniya? Tulad ng isang maibigin, nagsasanggalang na ama, si Jehova ay naglaan ng isang kabang-yaman ng kabutihan para sa kaniyang makalupang mga anak. Pinauulanan niya sila ng kaligayahan sa harap ng lahat ng nagmamasid, gaya ng sinasabi ng salmista: “Anong pagkasagana ng iyong kabutihan, na iyong iningatan para sa kanila na nangatatakot sa iyo! Na iyong ginawa sa kanila na nanganganlong sa iyo, sa harap ng mga anak ng mga tao.”—Awit 31:19, 21.
17-19. Sa Ghana, ano ang mabuting resulta ng pagpapakasal ng isang lalaking matanda na?
17 Samakatuwid, ang makasanlibutang mga tao ay nakakasaksi sa pagkamatapat ng mga sumasamba kay Jehova, at sila’y nanggigilalas. Halimbawa, sa Ghana isang 96-taóng-gulang na lalaki ang nagtungo sa tanggapan ng tagapagrehistro sa kasal at hiniling na mairehistro ang kaniyang pakikisama sa isang babae nang di-kasal sa loob ng 70 taon. Ang opisyal sa pagkakasal ay nabigla at nagtanong: “Talaga po bang iyan ang ibig ninyong gawin? Sa edad po ninyong iyan?”
18 Nagpaliwanag ang lalaki: “Ibig kong maging isa sa mga Saksi ni Jehova at makibahagi sa pinakamahalagang gawain bago sumapit ang wakas ng sanlibutan—ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang gawaing ito ang umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan. Sumusunod ang mga Saksi ni Jehova sa batas ng bayan, kasali na ang batas sa pagpaparehistro ng kasal. Kaya pakisuyong gawin na ninyo ang pagrerehistro para sa akin.” Naumid ang dila ng opisyal. Siya’y nagpatuloy na gawin ang pagrerehistro, at ang matandang lalaki ay masayang lumisan dahil ngayon ay kasal na siya nang legal.—Ihambing ang Roma 12:2.
19 Pagkatapos, pinag-isipan ng tagapagrehistro ng kasal ang mga bagay na kaniyang narinig. “Mga Saksi ni Jehova . . . pinakamahalagang gawain . . . ang wakas ng sanlibutan . . . Kaharian ng Diyos . . . buhay na walang-hanggan.” Palibhasa’y nalilito kung ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito sa buhay ng isang 96-anyos na lalaki, kaniyang ipinasiya na hanapin ang mga Saksi upang suriin pa ang bagay na iyon. Siya’y pumayag na pagdausan ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya at mabilis na sumulong. Sa ngayon, ang tagapagrehistrong ito ng kasal ay isa nang bautisadong Saksi. Sa gayon, pagka tayo’y sumunod kay Jehova maging sa mga bagay na itinuturing ng iba na maliliit lamang, baka magbunga ito ng di-kawasang kabutihan sa ating sarili at sa mga nakakakita sa ating asal.—Ihambing ang 1 Pedro 2:12.
20. Sa Myanmar, papaano umakay sa isang mabuting pagpapatotoo ang pagkamatapat ng isang kabataang sister?
20 Ang mga nakatatanda na hinayaang hubugin sila ng katotohanan upang maging mga taong mapagtapat ay nagpapakita ng mabuting halimbawa para sa mga kabataan sa magdarayang sanlibutang ito. Sa Myanmar ay may gayong isang kabataang sister. Siya’y galing sa isang dukha at pangkaraniwang pamilya na may sampung anak. Ang ama, na isang pensiyonado, ay isang regular pioneer. Isang araw sa paaralan, ang sister ay nakasumpong ng isang singsing na diyamante, na agad niyang dinala sa kaniyang guro. Sa klase nang sumunod na araw, ibinida ng guro kung papaano natagpuan ang singsing at ibinigay upang ibalik sa may-ari. Pagkatapos ay hiniling niya sa batang sister na tumayo sa harap ng buong klase at ipaliwanag kung bakit niya ginawa ito, palibhasa’y alam niya na ang ibang mga bata ay maaaring magpasiyang itago iyon. Ipinaliwanag ng sister na siya’y isang Saksi ni Jehova at hindi gusto ng kaniyang Diyos ang pagnanakaw o anumang uri ng pagdaraya. Nabalitaan iyon sa buong paaralan, kaya ang ating kabataang sister ay nagkaroon ng mabuting pagkakataon na magpatotoo sa mga guro at pati sa mga estudyante.
21. Habang ang mga kabataan ay nagtitiwala kay Jehova, papaano siya ipinakikilala ng kanilang paggawi?
21 Sa Belgium isang guro ang bumanggit sa isang klase ng isang kapuna-punang bagay tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Napansin niya ang paggawi ng isa sa kaniyang mga estudyante, na isa ring kabataang sister, at ang sabi: “Ngayon ako ay may naiibang opinyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Dahil sa maling palagay ay naakay ako na isiping sila’y mga taong hindi mapagparaya sa iba. Sila’y napatunayang siyang pinakamapagparaya, bagaman hindi ikinukompromiso ang kanilang mga simulain.” Bawat taon ay nagbibigay ng gantimpala ang mga guro sa kanilang pinakamagagaling na estudyante. Ang isa rito ay ang gantimpala para sa kurso sa tuntunin ng moralidad. Sa loob ng tatlong sunud-sunod na taon, ang gantimpala para sa tatlong pinakamataas na marka ay ibinigay ng gurong ito sa mga anak ng mga Saksi ni Jehova. Iyon ay madalas na nangyayari sa mga taong nagtitiwala kay Jehova.—Awit 31:23.
22. Ano ang matagumpay na pagwawakas ng Awit 31, at papaano iyan tumutulong sa atin sa katapusang mga araw ng sistemang ito ng mga bagay?
22 Ang Awit 31 ay umaalingawngaw na taglay ang matagumpay na pagwawakas: “Kayo’y maglakasloob, at harinawang magpakatibay ang inyong puso, lahat kayong naghihintay kay Jehova.” (Awit 31:24) Kung gayon, samantalang tayo’y nakaharap sa katapusang mga araw ng balakyot na sistema ni Satanas, sa halip na tayo’y iwan, si Jehova ay magpapakalapit-lapit sa atin at ilalagay sa atin ang kaniyang sariling lakas. Si Jehova ay tapat at hindi nabibigo. Siya ang ating kanlungan; siya ang ating moog.—Kawikaan 18:10.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit tayo makapagtitiwalang gawing ating kanlungan si Jehova?
◻ Ano ang patotoo na may isang buong lakas na koro na umaawit ng papuri sa Kaharian taglay ang lakas ng loob?
◻ Bakit tayo makapagtitiwala na hindi mahuhuli ng lambat ni Satanas ang bayan ni Jehova?
◻ Anong kabang-yaman ang inilaan ni Jehova para sa mga nanganganlong sa kaniya?
[Chart sa pahina 12-15]
1993 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Yaong mga nanganganlong kay Jehova ay bumubuo ng isang buong lakas na koro ng mga tagapagbalita ng Kaharian—4,709,889!
1. Senegal
2. Brazil
3. Chile
4. Bolivia