KUBOL
Isang silungan na tulad-bubong, yari sa mga sanga at mga dahon ng punungkahoy, at kung minsan ay may sahig na kahoy na nakataas mula sa lupa; sa Hebreo, suk·kahʹ (sokh sa Pan 2:6), at sa Griego naman, ske·neʹ. (Gaw 15:16) Kapag panahon ng taunang Kapistahan ng mga Kubol sa Jerusalem, ang mga kubol ay itinatayo sa mga bubungan ng bahay, sa mga looban, sa mga liwasan, maging sa bakuran ng templo, at sa tabi ng mga daan malapit sa Jerusalem. Mga sanga ng punong alamo, punong olibo, at puno ng langis, pati mga dahon ng palma at ng mabangong mirto ang ginagamit sa mga ito. Ito ay upang ipaalaala sa Israel na pinatahan sila ni Jehova sa mga kubol noong ilabas niya sila mula sa Ehipto.—Lev 23:34, 40-43; Ne 8:15; tingnan ang KAPISTAHAN NG MGA KUBOL.
Ginamit din sa maraming praktikal na layunin ang mga kubol. Gumawa si Jacob ng mga kubol na mapagsisilungan ng kaniyang kawan, at ang ipinangalan niya sa dakong iyon ay Sucot, nangangahulugang “Mga Kubol.” (Gen 33:17) Gumamit ng mga kubol ang mga hukbo na nasa parang, partikular na ang mga opisyal.—1Ha 20:12, 16.
Noon, karaniwan nang nagtatayo ng kubol, o kubo, sa isang ubasan o sa gitna ng bukid upang may masilungan ang bantay mula sa init ng araw habang nagmamanman siya laban sa mga magnanakaw o mga hayop. (Isa 1:8) Sa lilim nito nanananghalian ang mga mang-aani anupat nakatitipid sila ng oras na maaaksaya lamang kung uuwi pa sila mula sa bukid. Dahil sa masinsin at makapal na dahon sa bubong nito, hindi nababasâ ng ulan ang mga nakasilong dito. (Isa 4:6) Gayong uri ng kubol ang ginawa ni Jonas para sa kaniyang sarili upang magsilbing proteksiyon niya sa init ng araw habang hinihintay niya kung ano ang mangyayari sa Nineve, na laban dito ay humula siya.—Jon 4:5.
Makasagisag na mga Paggamit. Sa pamamagitan ng ilustrasyon, isinaysay ni Isaias ang tiwangwang na kalagayan ng Jerusalem ayon sa paningin ni Jehova, anupat inihalintulad niya ito sa isang kubol sa ubasan, na kabaligtaran ng isang matao at maunlad na lunsod. (Isa 1:8) Inilalarawan naman ni Jehova ang kaniyang sarili bilang tumatahan sa isang kubol ng mga ulap kapag pansamantala siyang bumababa mula sa langit tungo sa lupa. Doon nagkukubli ang kaniyang maringal na omnipotensiya, at mula roon lumalabas ang mga dagundong ng kulog. (Aw 18:9, 11; 2Sa 22:10, 12; Job 36:29) Inihahalintulad ni David sa “kubol” ni Jehova ang dakong kublihan niyaong mga nagtitiwala kay Jehova.—Aw 31:20.
Tinukoy ni Amos na muling itatayo ang “kubol ni David na nakabuwal.” (Am 9:11) Ipinangako ni Jehova kay David na ang kaharian ni David ay magiging matatag hanggang sa panahong walang takda. May kinalaman sa pagbagsak ng kaharian ng Juda at ng huling hari nito na si Zedekias na mula sa linya ni David, kinasihan si Ezekiel na humula: “Kagibaan, kagibaan, kagibaan ang gagawin ko roon. Kung tungkol din dito, hindi nga iyon aariin ninuman hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan, at ibibigay ko iyon sa kaniya.” (Eze 21:27) Mula noong panahong iyon, wala nang hari mula sa linya ni David ang umupo sa “trono ni Jehova” sa Jerusalem. (1Cr 29:23) Ngunit noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., itinawag-pansin ni Pedro na si Jesu-Kristo ay mula sa linya ni David at na ang isa na talagang tinukoy ng Diyos bilang ang permanenteng Hari. Ipinabatid ni Pedro sa mga Judiong nagkakatipon noon sa Jerusalem na, sa kanila mismong kapanahunan, ibinangon ni Jehova si Jesus at ginawa itong kapuwa Panginoon at Kristo. (Gaw 2:29-36) Nang maglaon, sinabi ng alagad na si Santiago na ang hula ni Amos ay natutupad sa pagtitipon ng mga alagad ni Kristo (mga tagapagmana ng Kaharian) kapuwa mula sa mga Judio at mula sa mga bansang Gentil.—Gaw 15:14-18; Ro 8:17.