“Sa Pamamagitan ng Iyong Liwanag ay Nakakakita Kami ng Liwanag”
ANG liwanag ay isang bagay na madalas nating ipagwalang-bahala hanggang sa mawalan ng kuryente at magdilim sa ating lugar. Mabuti na lamang, ang ating makalangit na “planta ng kuryente”—ang araw—ay ganap na maaasahan. At dahil sa liwanag na nanggagaling sa araw, tayo ay nakakakita, nakakakain, nakahihinga, at nabubuhay.
Yamang ang liwanag ay kailangan upang mabuhay, hindi tayo dapat magtaka na mabasa sa Genesis na ang liwanag ay lumitaw sa unang araw ng paglalang. “Ang Diyos ay nagpasimulang magsabi: ‘Magkaroon ng liwanag.’ Sa gayon ay nagkaroon ng liwanag.” (Genesis 1:3) Malaon nang kinikilala ng mapitagang mga lalaki tulad ni Haring David ang bagay na si Jehova ang bukal ng buhay at ng liwanag. “Nasa iyo ang bukal ng buhay,” isinulat ni David. “Sa pamamagitan ng iyong liwanag ay nakakakita kami ng liwanag.”—Awit 36:9.
Kumakapit ang mga salita ni David kapuwa sa literal at makasagisag na paraan. Ganito ang sabi ng Encyclopædia Britannica: “Ang liwanag ay tiyak na siyang dahilan ng kakayahang makakita.” Pagkatapos ay idinagdag nito: “Mas maraming impormasyon ang nakararating sa utak ng tao sa pamamagitan ng mata kaysa sa anumang iba pang sangkap na pandamdam.” Yamang ang malaking bahagi ng natututuhan natin ay nakasalalay sa kaloob na paningin—na nangangailangan ng liwanag upang gumana nang maayos—ang liwanag ay ginagamit din sa Kasulatan sa makasagisag na paraan.
Kaya naman, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ako ang liwanag ng sanlibutan. Siya na sumusunod sa akin ay hindi sa anumang paraan lalakad sa kadiliman, kundi magtataglay ng liwanag ng buhay.” (Juan 8:12) Ang makasagisag na liwanag na tinutukoy ni Jesus ay ang mensahe ng katotohanan na ipinangaral niya, na maaaring magbigay-liwanag sa isip at puso ng kaniyang mga tagapakinig. Pagkaraan ng maraming taon ng espirituwal na kadiliman, sa wakas ay mauunawaan na ng mga alagad ni Jesus ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at ang pag-asa ng Kaharian. Ito ay tunay na “liwanag ng buhay,” yamang maaaring umakay sa buhay na walang hanggan ang kaalamang iyan. “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan,” sabi ni Jesus bilang panalangin sa kaniyang makalangit na Ama, “ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Huwag sana nating ipagwalang-bahala ang espirituwal na liwanag na ito!