‘Magkaroon Ka ng Masidhing Kaluguran kay Jehova’
“Magkaroon ka . . . ng masidhing kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.”—AWIT 37:4.
1, 2. Sino ang Pinagmumulan ng tunay na kaligayahan, at paano itinawag-pansin ni Haring David ang bagay na ito?
“MALIGAYA yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, . . . maligaya ang mga maawain, . . . maligaya ang mga mapagpayapa.” Kasama ang anim pang ibang paglalarawan sa mga maligaya, ang mga pananalitang ito ang siyang bumubuo sa nakatatawag-pansing pambungad sa tanyag na Sermon sa Bundok ni Jesus, gaya ng iniulat ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo. (Mateo 5:3-11) Ang mga salita ni Jesus ay nagbibigay ng katiyakan na maaaring matamo ang kaligayahan.
2 Itinatawag-pansin ng isang sagradong awit na kinatha ni Haring David ng sinaunang Israel ang Pinagmumulan ng tunay na kaligayahan, si Jehova. “Magkaroon ka . . . ng masidhing kaluguran kay Jehova,” ang sabi ni David, “at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.” (Awit 37:4) Ngunit ano ang magpapangyari na maging “masidhing kaluguran” ang pagkilala kay Jehova at ang pag-alam sa maraming aspekto ng kaniyang personalidad? Paanong ang pagsasaalang-alang sa nagawa niya at gagawin pa sa pagtupad ng kaniyang layunin ay nagbibigay sa iyo ng pag-asang matanggap “ang mga kahilingan ng iyong puso”? Ang maingat na pagsasaalang-alang sa Awit 37, talata 1 hanggang 11, ay naglalaan ng mga sagot.
“Huwag Kang Mainggit”
3, 4. Gaya ng iniulat sa Awit 37:1, anong payo ang ibinibigay ni David, at bakit angkop na sundin ito sa ngayon?
3 Nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” at napakaraming kabalakyutan. Nakita na natin ang katuparan ng mga salita ni apostol Pablo: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama, nanlíligaw at naililigaw.” (2 Timoteo 3:1, 13) Kaydali ngang maapektuhan ng waring tagumpay at kasaganaan ng mga taong balakyot! Maaari tayong magambala ng lahat ng ito, anupat pinalalabo ang ating espirituwal na paningin. Pansinin kung paano tayo binabalaan ng pambungad na mga salita ng Awit 37 sa potensiyal na panganib na ito: “Huwag kang mag-init dahil sa mga manggagawa ng kasamaan. Huwag kang mainggit sa mga gumagawa ng kalikuan.”
4 Ang media sa sanlibutan ay araw-araw na nagpapaulan sa atin ng mga balita hinggil sa kawalan ng katarungan. Ang di-matapat na mga negosyante ay nakalulusot sa pandaraya. Pinagsasamantalahan ng mga kriminal ang mahihina. Ang mga mamamaslang ay hindi nahuhuli o naparurusahan. Ang lahat ng gayong mga halimbawa ng pagpilipit sa katarungan ay maaaring pumukaw ng galit at bumagabag sa kapayapaan ng ating isip. Maaari pa ngang pumukaw ng inggit ang waring tagumpay ng mga manggagawa ng kasamaan. Ngunit bubuti ba ang situwasyon kung magagalit tayo? Ang pagkainggit ba sa waring mga bentahang natatamasa ng balakyot ay makapagpapabago sa kahihinatnan nila? Hinding-hindi! At talagang hindi tayo kailangang “mag-init.” Bakit hindi?
5. Bakit inihahalintulad ang mga manggagawa ng kasamaan sa damo?
5 Sumasagot ang salmista: “Sapagkat gaya ng damo ay mabilis silang malalanta, at gaya ng luntiang bagong damo ay maglalaho sila.” (Awit 37:2) Maaaring magandang tingnan ang bagong luntiang damo, ngunit di-magtatagal ay malalanta at mamamatay ang mga ito. Gayon ang mga manggagawa ng kasamaan. Ang kanilang waring kasaganaan ay hindi permanente. Kapag namatay sila, ang kayamanan nila na nakuha sa masamang paraan ay hindi makatutulong sa kanila. Sa dakong huli ay ilalapat sa bawat isa ang katarungan. “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” ang sulat ni Pablo. (Roma 6:23) Ang mga manggagawa ng kasamaan at ang lahat ng di-matuwid ay tatanggap sa dakong huli ng kanilang “kabayaran” at wala nang iba. Tunay ngang isang walang-pakinabang na paraan ng pamumuhay!—Awit 37:35, 36; 49:16, 17.
6. Anong aral ang makukuha natin sa Awit 37:1, 2?
6 Kung gayon, dapat ba nating hayaang bagabagin tayo ng panandaliang kasaganaan ng mga manggagawa ng kasamaan? Ito ang aral sa unang dalawang talata sa Awit 37: Huwag hayaang maging dahilan ang kanilang tagumpay upang lumihis ka mula sa iyong piniling landasin na paglingkuran si Jehova. Sa halip, panatilihing nakatuon ang iyong pansin sa espirituwal na mga pagpapala at mga tunguhin.—Kawikaan 23:17.
“Magtiwala Ka kay Jehova at Gumawa Ka ng Mabuti”
7. Bakit dapat tayong magtiwala kay Jehova?
7 “Magtiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti,” ang himok sa atin ng salmista. (Awit 37:3a) Kapag nalipos tayo ng kabalisahan o ng pag-aalinlangan pa nga, ang ating pagtitiwala ay kailangang matatag na nakasalig kay Jehova. Siya ang Isa na nagbibigay ng ganap na espirituwal na katiwasayan. “Ang sinumang tumatahan sa lihim na dako ng Kataas-taasan,” ang sulat ni Moises, “ay makasusumpong ng kaniyang matutuluyan sa pinakalilim ng Makapangyarihan-sa-lahat.” (Awit 91:1) Kapag binabagabag ng pagdami ng katampalasanan sa sistemang ito ng mga bagay, lalo nating kailangang manalig kay Jehova. Kapag natapilok tayo, malulugod tayo kung tutulong sa atin ang isang kaibigan. Gayundin naman, kapag nagsisikap tayong lumakad nang tapat, kailangan natin ang tulong ni Jehova.—Isaias 50:10.
8. Paano tayo matutulungan ng pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano na maiwasan ang labis na pagkabagabag sa kasaganaan ng balakyot?
8 Ang isang lunas sa pagkabagabag sa kasaganaan ng balakyot ay maging abala sa paghanap at pagtulong sa tulad-tupang mga tao na magkaroon ng tumpak na kaalaman sa layunin ni Jehova. Sa harap ng dumaraming kabalakyutan, kailangan tayong maging lubusang abala sa pagtulong sa iba. “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba,” ang sabi ni apostol Pablo, “sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” Ang ‘pinakamabuti’ na magagawa natin ay ibahagi sa iba ang maluwalhating mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang ating pangmadlang pangangaral ay tunay na isang “hain ng papuri.”—Hebreo 13:15, 16; Galacia 6:10.
9. Ipaliwanag ang payo ni David na “tumahan ka sa lupa.”
9 “Tumahan ka sa lupa,” ang sabi pa ni David, “at makitungo ka nang may katapatan.” (Awit 37:3b) Ang “lupa” noong panahon ni David ay ang teritoryo na ibinigay ni Jehova sa Israel, ang Lupang Pangako. Noong panahon ng paghahari ni Solomon, ang mga hangganan nito ay mula sa Dan sa hilaga hanggang sa Beer-sheba sa timog. Ito ang tahanan ng Israel. (1 Hari 4:25) Sa ngayon, saanman tayo nakatira sa lupa, inaasam-asam natin ang panahon na ang buong planeta ay magiging isang paraiso sa bagong sanlibutan ng katuwiran. Samantala, nananahan tayo nang tiwasay sa espirituwal na paraan.—Isaias 65:13, 14.
10. Ano ang resulta kapag tayo ay ‘nakitungo nang may katapatan’?
10 Ano ang magiging resulta kapag tayo ay ‘nakitungo nang may katapatan’? Ipinaaalaala sa atin ng kinasihang kawikaan: “Ang taong may tapat na mga gawa ay tatanggap ng maraming pagpapala.” (Kawikaan 28:20) Ang ating tapat na pagtitiyaga sa pangangaral ng mabuting balita saanman tayo nakatira at kaninuman tayo mangaral ay tiyak na gagantimpalaan ni Jehova. Halimbawa, si Frank at ang kaniyang asawang si Rose ay nagpayunir sa isang bayan sa hilagang Scotland 40 taon na ang nakalilipas. Ang iilang nagpakita ng interes sa katotohanan doon ay nanlamig. Palibhasa’y di-nasiraan ng loob, pinasimulan ng mag-asawang payunir na ito ang gawaing pangangaral at paggawa ng alagad. Ngayon ay may isa nang maunlad na kongregasyon sa bayang iyon. Ang katapatan ng mag-asawang ito ay tunay na pinagpala ni Jehova. “Ang pinakamalaking pagpapala,” ang mapagpakumbabang paliwanag ni Frank, “ay ang pananatili namin sa katotohanan at pagiging kapaki-pakinabang kay Jehova.” Oo, kapag tayo ay ‘nakikitungo nang may katapatan,’ tumatanggap at nagpapahalaga tayo sa maraming pagpapala.
‘Magkaroon Ka ng Masidhing Kaluguran kay Jehova’
11, 12. (a) Paano tayo ‘magkakaroon ng masidhing kaluguran kay Jehova’? (b) Anong tunguhin ang maaari mong itakda may kaugnayan sa personal na pag-aaral, at ano ang maaaring maging resulta nito?
11 Upang mapatibay ang ating kaugnayan kay Jehova at mapanatili ang ating pagtitiwala sa kaniya, kailangan tayong ‘magkaroon ng masidhing kaluguran kay Jehova.’ (Awit 37:4a) Paano natin magagawa iyon? Bagaman maaaring mahirap itong gawin, sa halip na labis na pagbuhusan ng pansin ang ating sariling situwasyon, si Jehova ang pinagtutuunan natin ng pansin. Ang isang paraan upang magawa ito ay gumugol ng panahon upang basahin ang kaniyang Salita. (Awit 1:1, 2) Nakalulugod ba sa iyo ang pagbabasa mo ng Bibliya? Makalulugod ito kung magbabasa ka taglay ang tunguhing matuto nang higit pa tungkol kay Jehova. Bakit hindi huminto sandali matapos basahin ang isang bahagi at tanungin ang sarili, ‘Ano ang itinuturo sa akin ng tekstong ito tungkol kay Jehova?’ Baka makatulong sa iyo kung mayroon kang kuwaderno o papel na magagamit kapag nagbabasa ng Bibliya. Sa tuwing hihinto ka upang bulay-bulayin ang kahulugan ng iyong binasa, sumulat ng isang parirala na magpapaalaala sa iyo sa isa sa kaakit-akit na mga katangian ng Diyos. Sa isa pang salmo ay inawit ni David: “Ang mga pananalita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, O Jehova na aking Bato at aking Manunubos.” (Awit 19:14) Ang ganitong pagtutuon natin ng pansin sa Salita ng Diyos ay “kalugud-lugod” kay Jehova at kaayaaya sa atin.
12 Paano tayo makapagtatamo ng kaligayahan mula sa ating pag-aaral at pagbubulay-bulay? Maaari nating maging tunguhin na matuto nang higit hangga’t maaari tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga daan. Ang mga publikasyon na gaya ng Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman at Maging Malapít kay Jehovaa ay naglalaan sa atin ng maraming impormasyon na maaari nating bulay-bulayin nang may pagpapahalaga. Tinitiyak naman ni David sa matuwid na “ibibigay [ni Jehova] sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.” (Awit 37:4b) Ang ganitong uri ng pagtitiwala ang malamang na nag-udyok kay apostol Juan upang isulat ang mga salitang: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya. Karagdagan pa, kung alam nating pinakikinggan niya tayo may kinalaman sa anumang ating hinihingi, alam natin na tatanggapin natin ang mga bagay na hiningi yamang hiningi natin sa kaniya ang mga iyon.”—1 Juan 5:14, 15.
13. Nito lamang nakalipas na mga taon, anong paglawak ng gawaing pangangaral ng Kaharian ang napansin sa maraming lupain?
13 Bilang mga tagapag-ingat ng katapatan, ang ating pinakadakilang kaluguran ay ang makita ang pagbabangong-puri ng pagkasoberano ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Hindi ba nag-uumapaw sa kagalakan ang ating puso kapag nababalitaan natin ang pagkalaki-laking gawaing pangangaral na isinasakatuparan ng ating mga kapatid sa mga lupain na dating nasa ilalim ng totalitaryo o diktadurang pamamahala? Sabik nating inaasam ang higit pang kalayaan na maaaring maranasan bago ang wakas ng sistemang ito. Marami sa mga lingkod ni Jehova na naninirahan sa kanluraning mga bansa ang puspusang nakikibahagi sa pangangaral sa mga estudyante, mga lumikas, at sa iba pa na pansamantalang naninirahan sa kanluran at nagtatamasa ng kalayaan sa pagsamba. Marubdob nating hangad na sa pag-uwi ng mga indibiduwal na ito, patuloy nilang pasikatin ang liwanag ng katotohanan maging sa waring karimlan na hindi malagos ng paningin.—Mateo 5:14-16.
“Igulong Mo kay Jehova ang Iyong Lakad”
14. Ano ang katibayan na mapananaligan natin si Jehova?
14 Tunay ngang nakagiginhawang malaman na ang ating mga pangamba at ang waring mapaniil na mga pabigat sa atin ay maaaring maalis! Paano? “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya,” ang sabi ni David, anupat sinabi pa, “at siya mismo ang kikilos.” (Awit 37:5) Sa ating mga kongregasyon, marami tayong katibayan na mapananaligang suporta si Jehova. (Awit 55:22) Yaong mga nasa buong-panahong ministeryo, sila man ay mga payunir, naglalakbay na tagapangasiwa, misyonero, o boluntaryong naglilingkod sa Bethel, ay pawang makapagpapatotoo sa pagiging mapananaligan ng pangangalaga ni Jehova. Bakit hindi makipag-usap sa isa na kakilala mo at magtanong kung paano sila tinulungan ni Jehova? Tiyak na makaririnig ka ng maraming karanasan na nagpapakita na maging sa mahihirap na panahon, hindi maikli ang kamay ni Jehova. Lagi niyang inilalaan ang mga pangangailangan sa buhay.—Awit 37:25; Mateo 6:25-34.
15. Paano sumisikat ang katuwiran ng bayan ng Diyos?
15 Kung tayo ay mananalig kay Jehova at lubos na magtitiwala sa kaniya, mararanasan natin ang mga sinabi pa ng salmista: “Tiyak na palalabasin niyang gaya ng liwanag ang iyong katuwiran, at ang iyong katarungan na gaya ng katanghaliang tapat.” (Awit 37:6) Bilang mga Saksi ni Jehova, madalas tayong sinisiraan. Ngunit binubuksan ni Jehova ang mga mata ng tapat-pusong mga tao upang tulungan silang matanto na ang ating pangmadlang ministeryo ay udyok ng pag-ibig kay Jehova at sa kapuwa. Kasabay nito, ang ating matuwid na paggawi, bagaman sinisiraan ng marami, ay hindi maikakaila. Pinalalakas tayo ni Jehova sa kabila ng lahat ng uri ng pagsalansang at pag-uusig. Bilang resulta, ang katuwiran ng bayan ng Diyos ay sumisikat na gaya ng araw sa katanghaliang tapat.—1 Pedro 2:12.
‘Manatili Kang Tahimik at Maghintay Nang May Pananabik’
16, 17. Kasuwato ng Awit 37:7, panahon na ngayon para sa ano, at bakit?
16 Ang sumunod na sinabi ng salmista ay: “Manatili kang tahimik sa harap ni Jehova at hintayin mo siya nang may pananabik. Huwag kang mag-init sa sinumang nagtatagumpay sa kaniyang lakad, sa taong nagsasagawa ng kaniyang mga kaisipan.” (Awit 37:7) Idiniriin dito ni David ang pangangailangang maghintay tayo nang may pagtitiis sa pagkilos ni Jehova. Bagaman ang wakas ng sistemang ito ay hindi pa dumating, hindi ito dahilan para magreklamo. Hindi ba’t nakita natin na ang awa at pagtitiis ni Jehova ay lubhang mas dakila kaysa sa una nating inakala? Maipakikita ba natin ngayon na maghihintay rin tayo nang may pagtitiis habang nananatili tayong abala sa pangangaral ng mabuting balita bago dumating ang wakas? (Marcos 13:10) Ngayon na ang panahon upang umiwas sa padalus-dalos na mga pagkilos na maaaring mag-alis ng ating kagalakan at espirituwal na katiwasayan. Ngayon na ang panahon upang lalong labanan nang matindi ang nakasasamang impluwensiya ng sanlibutan ni Satanas. At ngayon na ang panahon upang panatilihin ang kadalisayan sa moral at huwag kailanman isapanganib ang ating matuwid na katayuan kay Jehova. Patuloy nating iwaksi ang imoral na mga kaisipan at iwasan ang di-angkop na mga paggawi sa mga di-kasekso o maging sa mga kasekso.—Colosas 3:5.
17 “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit,” ang payo ni David sa atin. “Huwag kang mag-init na hahantong lamang sa paggawa ng masama. Sapagkat ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:8, 9) Oo, makaaasa tayo nang may pagtitiwala sa panahon—na ngayo’y kaylapit na—na papawiin ni Jehova mula sa lupa ang lahat ng katiwalian at yaong mga may kagagawan nito.
“Kaunting Panahon na Lamang”
18, 19. Anong pampatibay-loob ang nakukuha mo mula sa Awit 37:10?
18 “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na.” (Awit 37:10) Tunay ngang pinatitibay-loob tayo ng mga salitang iyon habang papalapit tayo sa wakas ng sistemang ito at sa pagtatapos ng kapaha-pahamak na paghiwalay kay Jehova! Anumang uri ng pamahalaan o awtoridad na ginawa ng tao ay lubhang nabigo. At ngayon ay malapit na tayo sa panahon ng pagbabalik ng pamamahala ng Diyos, ang tunay na teokrasya, ang Kaharian ni Jehova sa mga kamay ni Jesu-Kristo. Ganap na susupilin nito ang mga gawain sa daigdig at aalisin ang lahat ng sumasalansang sa Kaharian ng Diyos.—Daniel 2:44.
19 Sa bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, kahit na maghanap ka ay hindi ka makasusumpong ng isang “balakyot.” Sa katunayan, sinumang maghihimagsik doon laban kay Jehova ay agad na aalisin. Walang sinumang sumasalakay sa kaniyang pagkasoberano o tumatangging magpasakop sa makadiyos na awtoridad ang mapupunta roon. Ang lahat ng iyong kapitbahay ay magkakaisa sa kanilang hangaring palugdan si Jehova. Tunay ngang katiwasayan ang idudulot nito—walang mga kandado, walang mga rehas, walang anumang sisira sa ganap na pagtitiwala at kaligayahan!—Isaias 65:20; Mikas 4:4; 2 Pedro 3:13.
20, 21. (a) Sinu-sino “ang maaamo” sa Awit 37:11, at saan sila nakasusumpong ng “kasaganaan ng kapayapaan”? (b) Anong mga pagpapala ang mapapasaatin kung tutularan natin ang Dakilang David?
20 Kung magkagayon, “ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:11a) Ngunit sinu-sino ang “maaamo” na ito? Ang salitang isinaling “maaamo” ay galing sa salitang-ugat na nangangahulugang “pahirapan, ibaba, hamakin.” Oo, “ang maaamo” ay yaong mga mapagpakumbabang naghihintay kay Jehova upang ituwid ang lahat ng kawalang-katarungan na ipinaranas sa kanila. “Makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11b) Maging sa ngayon ay nakasusumpong tayo ng saganang kapayapaan sa espirituwal na paraiso na kaugnay ng tunay na kongregasyong Kristiyano.
21 Bagaman hindi pa napawi ang mga paghihirap, sinusuportahan natin ang isa’t isa at inaaliw ang mga nanlulumo. Bilang resulta, ang tunay na panloob na kasiyahan ay naitataguyod sa gitna ng bayan ni Jehova. Ang mga kapatid na lalaki na hinirang bilang mga pastol ay maibiging naglilingkod para sa ating espirituwal—at kung minsan ay maging sa pisikal—na mga pangangailangan, anupat tinutulungan tayong mabata ang paghihirap alang-alang sa katuwiran. (1 Tesalonica 2:7, 11; 1 Pedro 5:2, 3) Tunay ngang mahalagang pag-aari ang kapayapaang ito! Mayroon din tayong pag-asa na buhay na walang hanggan sa mapayapang Paraiso na napakalapit na. Kung gayon, tularan nawa natin ang Dakilang David, si Kristo Jesus, na naudyukang maglingkod nang tapat hanggang sa wakas dahil sa kaniyang sigasig kay Jehova. (1 Pedro 2:21) Sa paggawa nito, patuloy tayong magiging maligaya, anupat pinupuri ang isa na sa kaniya ay nagkakaroon tayo ng masidhing kaluguran, ang ating Diyos, si Jehova.
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Masasagot Mo Ba?
• Anong mga aral ang natutuhan mo sa Awit 37:1, 2?
• Paano ka ‘magkakaroon ng masidhing kaluguran kay Jehova’?
• Ano ang katibayan na makapananalig tayo kay Jehova?
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga Kristiyano ay ‘hindi naiinggit sa mga gumagawa ng kalikuan’
[Larawan sa pahina 10]
“Magtiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti”
[Larawan sa pahina 11]
Magkaroon ng masidhing kaluguran kay Jehova sa pamamagitan ng pagkatuto nang higit hangga’t maaari tungkol sa kaniya
[Larawan sa pahina 12]
“Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa”