“Paglalayag sa Dagat sa Panahong Maunos”
HINDI mo ba mamalasin ang gayong pakikipagsapalaran na di-napapanahon, mangmang, at maaaring kapaha-pahamak pa nga? Gayunman, sinusuong ng ilan ang gayong kalagayan sa makasagisag na paraan. Paano? Ganito ang sabi ng Ingles na awtor noong ika-17 siglo na si Thomas Fuller: “Huwag kang kumilos kapag ikaw ay galit na galit. Katulad ito ng paglalayag sa dagat sa panahong maunos.”
Ang pagtaguyod ng isang landasin ng pagkilos samantalang di-mapigil ang galit ay maaaring magkaroon ng kalunus-lunos na resulta. Ito’y pinatutunayan ng isang pangyayaring nakaulat sa Bibliya. Ang reaksiyon nina Simeon at Levi, mga anak ng sinaunang patriyarkang si Jacob, sa paghalay sa kanilang kapatid na si Dina ay ang pagsalakay nila na may mapaghiganting pagngangalit. Ang resulta ay lansakang pagpaslang at pandarambong. Hindi kataka-taka na hatulan ni Jacob ang kanilang balakyot na gawa, sa pagsasabing: “Kayo ay nagdala ng sumpa sa akin anupat ginawa ninyo akong isang alingasaw sa mga nananahanan sa lupain.”—Genesis 34:25-30.
May katalinuhang iminumungkahi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang kabaligtaran nito. Sabi nito: “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit; huwag kang mag-init na hahantong lamang sa paggawa ng masama.” (Awit 37:8) Maiiwasan ang mabibigat na kasalanan sa pamamagitan ng pagsunod sa payong ito.—Eclesiastes 10:4; tingnan din ang Kawikaan 22:24, 25.