Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Yamang ang Awit 37:29 ay isinalin na “ang matuwid ay magmamana ng lupain, at tatahan doon magpakailanman,” iyon ba ay tumutukoy lamang sa palagiang pananahan ng Israel sa Lupang Pangako?
Hindi, ang interpretasyong iyan ay magiging isang walang batayan na limitasyon ng kinasihang pangakong ito. Ang Awit 37 ay nagbibigay sa mga taong matuwid ng pag-asa na mabuhay magpakailanman sa ating lupa.
Ang binanggit na pagkasalin ng Awit 37:29 ay kuha sa King James Version. Kagaya rin ng maraming iba pang mga bersiyon, ang pagkasalin nito sa Hebreo na ’eʹrets ay “lupain.” Ang ’eʹrets ay maaaring tumutukoy sa isang tiyak na rehiyon o lugar o sa teritoryo ng isang bansa, tulad halimbawa ng “lupain ng Shinar” o “ang lupain ng Ehipto.”—Genesis 10:10, 11; 21:21; Awit 78:12; Jeremias 25:20.
Sa gayon ang Awit 37:11, 29 ay maaaring nagsasabi na ang mga Israelita ay marahil naging permanenteng mga mananahan at dapat nga silang maging gayon sa Lupang Pangako. Kasuwato ng tipan ng Diyos kay Abraham, sila’y maaari sanang nanatili sa teritoryong iyon na ibinigay sa kanila ng Diyos, sa sali’t-salinlahi kasabay ng pagtatamasa nila ng kaniyang mga pagpapala roon. Datapuwat, hindi nagkagayon, sapagkat ang mga Israelita ay hindi nagtapat sa Diyos.—Genesis 15:18-21; 17:8; Deuteronomio 7:12-16, 22; 28:7-14; 31:7; Josue 21:43-45.
Gayunman, walang dahilang ibinibigay ang Kasulatan upang ang ’eʹrets sa Awit 37:11, 29 ay tumukoy lamang sa lupain na ibinigay sa mga Israelita.
Sang-ayon sa A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament (Gesenius, Brown, Driver, at Briggs; 1951) ang ’eʹrets ay nangangahulugan ng: “1. a. lupa, buong lupa ([naiiba] sa isang bahagi) . . . b. lupa, [naiiba] sa langit, kalawakan ng langit . . . c. lupa=mga nananahan sa lupa . . . 2. lupain=a. bansa, teritoryo . . . b. distrito, rehiyon . . . 3. a. ground, ibabaw ng ground . . . b. lupain, na pag-aanihan.” Ang Old Testament Word Studies ni William Wilson ay nagsasabi tungkol sa ’eʹrets: “Ang lupa sa pinakamalawak na kahulugan, kapuwa yaong mga bahaging tinatahanan at di tinatahanan; kung may kasamang salita na nagbibigay ng limitasyon dito, ginagamit ito na tumukoy sa isang bahagi ng ibabaw ng lupa, ng isang lupain o bansa.” Samakatuwid ang una at pangunahing kahulugan ng salitang Hebreo ay ang ating planeta, o globo, ang lupa.
Mahalagang pansinin, nang ang Awit 37:11, 29 ay isalin sa Griego sa Septuagint, ang Hebreong ’eʹrets ay isinalin sa Griego na ge, na “tumutukoy sa lupa bilang lupain o lupa na mapaghahalamanan.” Ang ge ay siyang salitang ginagamit sa mahalagang hula ni Jesus sa Mateo 5:5: “Maligaya ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.”
Tiyak na si Jesus, sa pagsipi sa pangako na nasa Awit 37:11, ay hindi tumutukoy lamang sa Lupang Pangako. Ang kaniyang pinahirang mga tagasunod ay magiging mga makalangit na haring-saserdote na kasama niya upang sila’y sama-samang mamahala sa buong makalupang globo. (Apocalipsis 5:10) Gayundin naman, ang maaamo na magtatamo ng buhay na walang hanggan bilang mga tao ay tutulong upang isauli ang mga kalagayang mala-Paraiso sa buong lupa. (Apocalipsis 21:4; Genesis 1:28) Samakatuwid, tayong lahat ay makakaasa sa kamangha-manghang katuparan sa hinaharap ng pangako na: “Sapagkat ang mabubuti ay magmamana ng lupa, at sa ibabaw nito ay tatahan sila magpakailanman.”—Awit 37:29, Fenton.