“Ang Batas ni Jehova” ay Hindi Mabibigo
“Tutukuyin ko ang batas ni Jehova; sinabi niya sa akin: ‘Ikaw ang aking anak . . . Humingi ka sa akin, upang maibigay ko ang mga bansa bilang iyong mana.’”—AWIT 2:7, 8.
1. Anong pagkakaiba ang makikita sa layunin ng Diyos at ng mga bansa?
ANG Diyos na Jehova ay may layunin para sa sangkatauhan at sa lupa. Mayroon ding layunin ang mga bansa. Pero kaylaki ng pagkakaiba ng mga layuning ito! Dapat nating asahan ito, sapagkat sinabi ng Diyos: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.” Tiyak na matutupad ang layunin ng Diyos sapagkat nagpatuloy siya sa pagsasabi: “Kung paanong ang bumubuhos na ulan, at ang niyebe, ay lumalagpak mula sa langit at hindi bumabalik sa dakong iyon, malibang diligin muna nito ang lupa at patubuan iyon at pasibulan, at maibigay ang binhi sa manghahasik at ang tinapay sa kumakain, magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”—Isaias 55:9-11.
2, 3. Ano ang nililiwanag sa ikalawang awit, ngunit anong mga tanong ang bumabangon?
2 Ang bagay na matutupad ang layunin ng Diyos hinggil sa kaniyang Mesiyanikong Hari ay niliwanag sa ikalawang awit. Kinasihan ng Diyos ang kompositor nito, si Haring David ng sinaunang Israel, upang ihula na magkakaroon ng kapansin-pansing panahon kapag nagkagulo ang mga bansa. Ang kanilang mga tagapamahala ay titindig laban sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Pinahiran. Gayunman, inawit din ng salmista: “Tutukuyin ko ang batas ni Jehova; sinabi niya sa akin: ‘Ikaw ang aking anak . . . Humingi ka sa akin, upang maibigay ko ang mga bansa bilang iyong mana at ang mga dulo ng lupa bilang iyong sariling pag-aari.’”—Awit 2:7, 8.
3 Ano ang kahulugan para sa mga bansa ng “batas ni Jehova”? Paano ito nakaaapekto sa sangkatauhan sa pangkalahatan? Sa katunayan, ano ang kahulugan ng mga pangyayaring ito para sa lahat ng may-takot sa Diyos na mga mambabasa ng ikalawang awit?
Nagkakagulo ang mga Bansa
4. Paano mo ibubuod ang pangunahing mga punto ng Awit 2:1, 2?
4 Bilang pagtukoy sa mga pagkilos ng mga bansa at ng kanilang mga tagapamahala, pinasimulan ng salmista ang kaniyang komposisyon sa pamamagitan ng pag-awit: “Bakit nagkakagulo ang mga bansa at ang mga liping pambansa ay patuloy na bumubulung-bulong ng walang-katuturang bagay? Ang mga hari sa lupa ay tumitindig at ang matataas na opisyal ay nagpipisan na tila iisa laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran.”—Awit 2:1, 2.a
5, 6. Ang mga liping pambansa ay “patuloy na bumubulung-bulong” ng anong “walang-katuturang bagay”?
5 Anong “walang-katuturang bagay” ang ‘patuloy na ibinubulung-bulong’ ng makabagong-panahong mga liping pambansa? Sa halip na tanggapin ang Pinahiran ng Diyos—ang Mesiyas, o Kristo—ang mga bansa ay “patuloy na bumubulung-bulong,” o nagbubulay-bulay, sa pagpapanatili ng kanilang sariling awtoridad. Ang mga salitang ito ng ikalawang awit ay nagkaroon din ng katuparan noong unang siglo C.E. nang magtulungan ang mga awtoridad na Judio at Romano para patayin ang Haring Itinalaga ng Diyos, si Jesu-Kristo. Gayunman, nagsimula ang malaking katuparan nito noong 1914 nang iluklok si Jesus bilang makalangit na Hari. Mula noon, wala kahit isang pulitikal na organisasyon sa lupa ang kumilala sa Haring iniluklok ng Diyos.
6 Ano ang ibig sabihin nang itanong ng salmista kung ‘bakit ang mga liping pambansa ay bumubulung-bulong ng walang-katuturang bagay’? Ang layunin nila ang walang katuturan; ito ay walang saysay at nakatalagang mabigo. Hindi nila kayang magdulot ng kapayapaan at pagkakaisa sa daigdig na ito. Gayunman, ang kanilang pagkilos ay umabot pa nga sa punto na salansangin nila ang pamamahala ng Diyos. Sa katunayan, sila ay nagkakaisang tumindig nang may pagkapoot at nagpisan-pisan laban sa Kataas-taasan at sa kaniyang Pinahiran. Kaylaking kamangmangan!
Ang Matagumpay na Hari ni Jehova
7. Sa panalangin, paano ikinapit ng sinaunang mga tagasunod ni Jesus ang Awit 2:1, 2?
7 Ikinapit ng mga tagasunod ni Jesus ang mga salita ng Awit 2:1, 2 sa kaniya. Palibhasa’y pinag-usig dahil sa kanilang pananampalataya, nanalangin sila: “Soberanong Panginoon [na Jehova], ikaw ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng bagay na nasa mga ito, at sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nagsabi sa pamamagitan ng bibig ng aming ninunong si David, na iyong lingkod, ‘Bakit nagulo ang mga bansa at ang mga bayan ay nagbulay-bulay ng walang-katuturang mga bagay? Ang mga hari sa lupa ay tumindig at ang mga tagapamahala ay nagpisan na tila iisa laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran.’ Kaya nga, kapuwa sina Herodes [Antipas] at Poncio Pilato kasama ang mga tao ng mga bansa at kasama ang mga tao ng Israel ay totoo ngang nagkatipon sa lunsod na ito laban sa iyong banal na lingkod na si Jesus, na iyong pinahiran.” (Gawa 4:24-27; Lucas 23:1-12)b Oo, may sabuwatan noong unang siglo laban sa pinahirang lingkod ng Diyos na si Jesus. Gayunman, magkakaroon ng isa pang katuparan ang awit na ito pagkalipas ng maraming siglo.
8. Paano kumakapit ang Awit 2:3 sa makabagong-panahong mga bansa?
8 Nang magkaroon ang sinaunang Israel ng taong hari, gaya ni David, ang paganong mga bansa at mga tagapamahala ay nagpisan laban sa Diyos at sa kaniyang pinahiran na nakaluklok sa trono. Ngunit kumusta naman sa ating panahon? Ayaw sundin ng makabagong-panahong mga bansa ang mga kahilingan ni Jehova at ng Mesiyas. Sa gayon, inilalarawan sila na sinasabi: “Lagutin natin ang kanilang mga panggapos at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin!” (Awit 2:3) Anumang pagbabawal na ipinataw ng Diyos at ng kaniyang Pinahiran ay sasalansangin ng mga tagapamahala at mga bansa. Sabihin pa, anumang mga pagsisikap na lagutin ang gayong mga panggapos at itapon ang gayong mga panali ay magiging walang saysay.
Inilalagay Sila ni Jehova sa Kaalipustaan
9, 10. Bakit inilalagay ni Jehova ang mga bansa sa kaalipustaan?
9 Hindi nababahala si Jehova sa anumang pagsisikap ng mga tagapamahala ng mga bansa na magtatag ng kanilang sariling soberanya. Nagpapatuloy ang ikalawang awit: “Ang mismong Isa na nakaupo sa langit ay magtatawa; ilalagay sila ni Jehova sa kaalipustaan.” (Awit 2:4) Isinasakatuparan ng Diyos ang kaniyang layunin na para bang bale-wala ang mga tagapamahalang ito. Tinatawanan niya ang kanilang kapangahasan at inilalagay sila sa kaalipustaan. Hayaan silang magyabang hinggil sa nais nilang gawin. Katatawanan lamang sila para kay Jehova. Tinatawanan niya ang kanilang walang-saysay na pagsalansang.
10 Sa iba niyang mga awit, tinukoy ni David ang kaaway na mga tao at mga bansa at umawit: “Ikaw, O Jehova na Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel. Gumising ka upang ibaling ang iyong pansin sa lahat ng mga bansa. Huwag kang magpakita ng lingap sa sinumang mapanakit na mga traidor. Lagi silang bumabalik sa kinagabihan; tumatahol silang gaya ng aso at lumilibot sa lunsod. Narito! Pinabubukal nila ang kanilang bibig; mga tabak ang nasa kanilang mga labi, sapagkat sino ang nakikinig? Ngunit pagtatawanan mo sila, O Jehova; ilalagay mo sa kaalipustaan ang lahat ng mga bansa.” (Awit 59:5-8) Tinatawanan ni Jehova ang paghahambog at kalituhan ng mga bansa sa kanilang mangmang na landasin laban sa kaniya.
11. Ano ang mangyayari kapag sinikap ng mga bansa na salungatin ang layunin ng Diyos?
11 Ang mga salita ng Awit 2 ay nagpapatibay sa ating pananampalataya na kayang harapin ng Diyos ang anumang hamon. Makapagtitiwala tayo na lagi niyang naisasakatuparan ang kaniyang kalooban at hindi niya kailanman pinababayaan ang kaniyang matatapat na lingkod. (Awit 94:14) Kaya naman, ano ang mangyayari kapag ang mga bansa ay gumawa ng mga pagsisikap na salungatin ang layunin ni Jehova? Ayon sa awit na ito, “magsasalita [ang Diyos] sa kanila sa kaniyang galit,” na parang dumadagundong na kulog. Bukod diyan, “sa kaniyang matinding pagkayamot,” na para bang isang nakasisindak na kidlat, “liligaligin niya sila.”—Awit 2:5.
Iniluklok ang Hari ng Diyos
12. Kumakapit ang Awit 2:6 sa anong pagluluklok sa trono?
12 Ang sumunod na sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng salmista ay walang pagsalang nakaligalig sa mga bansa. Ipinahayag ng Diyos: “Ako, ako nga, ang nagluklok ng aking hari sa Sion, na aking banal na bundok.” (Awit 2:6) Ang Bundok Sion ay isang burol sa Jerusalem kung saan iniluklok si David bilang hari ng buong Israel. Ngunit hindi mauupo ang Mesiyanikong Hari sa isang trono sa lunsod na iyon o sa iba pang dako sa lupa. Sa katunayan, iniluklok na ni Jehova si Jesu-Kristo bilang kaniyang piniling Mesiyanikong Hari sa makalangit na Bundok Sion.—Apocalipsis 14:1.
13. Anong pakikipagtipan ang ginawa ni Jehova sa kaniyang Anak?
13 Nagsalita ngayon ang Mesiyanikong Hari. Sinabi niya: “Tutukuyin ko ang batas ni Jehova [na nakipagtipan sa kaniyang Anak para sa Kaharian]; sinabi niya [ng Diyos na Jehova] sa akin: ‘Ikaw ang aking anak; ako, ngayon, ako ay naging iyong ama.’” (Awit 2:7) Tinukoy ni Kristo ang tipan ng Kaharian nang sabihin niya sa kaniyang mga apostol: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian.”—Lucas 22:28, 29.
14. Bakit masasabing taglay ni Jesus ang di-matututulang karapatan sa pagkahari?
14 Gaya ng inihula sa Awit 2:7, kinilala ni Jehova si Jesus bilang Kaniyang Anak noong bautismuhan ito at sa pamamagitan ng pagbuhay muli rito tungo sa espiritung buhay. (Marcos 1:9-11; Roma 1:4; Hebreo 1:5; 5:5) Oo, ang Hari sa makalangit na Kaharian ay ang bugtong na Anak ng Diyos. (Juan 3:16) Bilang maharlikang inapo ni Haring David, taglay ni Jesus ang di-matututulang karapatan sa pagkahari. (2 Samuel 7:4-17; Mateo 1:6, 16) Ayon sa awit na ito, sinabi ng Diyos sa kaniyang Anak: “Humingi ka sa akin, upang maibigay ko ang mga bansa bilang iyong mana at ang mga dulo ng lupa bilang iyong sariling pag-aari.”—Awit 2:8.
15. Bakit hinihiling ni Jesus na maging mana niya ang mga bansa?
15 Ang Hari—ang mismong Anak ng Diyos—ang may hawak ng posisyon na pangalawa kay Jehova. Si Jesus ay isa na subok, matapat, at maaasahan ni Jehova. Bukod diyan, si Jesus ang tagapagmana bilang Panganay ng Diyos. Tunay nga, si Jesu-Kristo “ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Ang dapat lamang niyang gawin ay humiling at ‘ibibigay sa kaniya ng Diyos ang mga bansa bilang kaniyang mana at ang mga dulo ng lupa bilang kaniyang sariling pag-aari.’ Ginagawa ni Jesus ang kahilingang ito bilang isa na ‘may pagkagiliw sa mga anak ng mga tao’ at dahil sa kaniyang matinding pagnanais na isagawa ang kalooban ng kaniyang makalangit na Ama para sa lupa at sa sangkatauhan.—Kawikaan 8:30, 31.
Ang Batas ni Jehova Laban sa mga Bansa
16, 17. Ayon sa Awit 2:9, ano ang naghihintay sa mga bansa?
16 Yamang ang ikalawang awit ay natutupad na ngayon, sa panahon ng di-nakikitang pagkanaririto ni Jesu-Kristo, ano ang naghihintay sa mga bansa? Malapit nang isakatuparan ng Hari ang kapahayagan ng Diyos: “Babaliin mo sila [ang mga bansa] sa pamamagitan ng isang setrong bakal, dudurugin mo silang gaya ng sisidlan ng magpapalayok.”—Awit 2:9.
17 Ang mga setro ng mga hari noong sinaunang panahon ay mga simbolo ng maharlikang awtoridad. Ang ilang setro ay gawa sa bakal, gaya ng binanggit sa awit na ito. Ang paglalarawang ginamit dito ay nagpapahiwatig kung gaano kadali ang gagawing pagwasak ng Haring si Kristo sa mga bansa. Ang isang malakas na hampas ng bakal na setro ay dudurog sa sisidlang luwad ng magpapalayok, anupat lubusang mawawasak ito.
18, 19. Upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos, ano ang kailangang gawin ng mga hari sa lupa?
18 Kailangan bang masaksihan ng mga tagapamahala ng bansa ang gayong mapangwasak na pagdurog? Hindi, sapagkat ang salmista ay namamanhik sa kanila sa mga salitang ito: “Ngayon, O mga hari, gumamit kayo ng kaunawaan; hayaan ninyong maituwid kayo, O mga hukom sa lupa.” (Awit 2:10) Hinihiling sa mga hari na sila’y makinig at gumamit ng kaunawaan. Dapat nilang isaalang-alang ang kawalang-saysay ng kanilang mga plano, na kabaligtaran ng gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan.
19 Upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos, kinakailangang baguhin ng mga hari sa lupa ang kanilang landasin. Pinapayuhan sila na ‘maglingkod kay Jehova nang may takot at magalak nang may panginginig.’ (Awit 2:11) Ano ang mangyayari kung kikilos sila nang gayon? Sa halip na makaranas ng kaguluhan, o kalituhan ng pag-iisip, maaari silang magsaya sa pag-asang ilalaan sa kanila ng Mesiyanikong Hari. Kailangang itakwil ng mga tagapamahala ng lupa ang pagmamapuri at pagpapalalo na ipinakikita nila sa kanilang pamamahala. Karagdagan pa, kailangan silang magbago kaagad at magpakita ng kaunawaan hinggil sa di-mapapantayang kahigitan ng soberanya ni Jehova at sa di-mahahadlangang kapangyarihan ng Diyos at ng kaniyang Mesiyanikong Hari.
“Hagkan Ninyo ang Anak”
20, 21. Ano ang kahulugan ng ‘hagkan ang anak’?
20 Ipinaaabot ngayon ng Awit 2 ang isang maawaing paanyaya sa mga tagapamahala ng mga bansa. Sa halip na magpisan-pisan sa pagsalansang, pinapayuhan sila: “Hagkan ninyo ang anak, upang hindi Siya [ang Diyos na Jehova] magalit at hindi kayo malipol mula sa daan, sapagkat ang kaniyang galit ay madaling magliyab.” (Awit 2:12a) Dapat sundin ang Soberanong Panginoong Jehova kapag naglalabas siya ng batas. Nang iluklok ng Diyos ang kaniyang Anak sa trono, dapat sana’y tumigil na ang mga tagapamahala sa lupa sa ‘pagbulung-bulong ng walang-katuturang bagay.’ Dapat sana’y kaagad nilang kinilala ang Hari at naging ganap na masunurin sa kaniya.
21 Bakit kailangang ‘hagkan ang anak’? Nang kathain ang awit na ito, ang paghalik ay isang kapahayagan ng pagkakaibigan at ginagawa ito para tanggapin ang mga panauhin sa tahanan ng isa, kung saan maaari nilang tamasahin ang pagkamapagpatuloy ng may-bahay. Ang paghalik ay maaari ring isang gawa ng katapatan. (1 Samuel 10:1) Sa talatang ito ng ikalawang awit, inuutusan ng Diyos ang mga bansa na hagkan, o tanggapin, ang kaniyang Anak bilang pinahirang Hari.
22. Dapat pakinggan ng mga tagapamahala ng mga bansa ang anong babala?
22 Yaong mga ayaw kumilala sa awtoridad ng piniling Hari ng Diyos ay nang-iinsulto kay Jehova. Hindi nila kinikilala ang pansansinukob na soberanya ng Diyos na Jehova at ang kaniyang awtoridad at kakayahang pumili ng Hari na siyang pinakamahusay na tagapamahala para sa sangkatauhan. Masusumpungan ng mga tagapamahala ng mga bansa na biglang-biglang sasapit sa kanila ang poot ng Diyos, habang sinisikap nilang ipatupad ang kanilang sariling mga plano. “Ang kaniyang galit ay madaling magliyab,” o mabilis na mag-alab at di-mahahadlangan. Dapat tanggapin ng mga tagapamahala ng mga bansa ang babalang ito nang may pasasalamat at kumilos kasuwato nito. Ang paggawa ng gayon ay nangangahulugan ng buhay.
23. May panahon pa para sa mga indibiduwal upang gawin ang ano?
23 Ang madulang awit na ito ay nagtatapos: “Maligaya ang lahat ng nanganganlong sa kaniya [kay Jehova].” (Awit 2:12b) May panahon pa ang mga indibiduwal upang humanap ng kanlungan. Totoo iyan maging sa indibiduwal na mga tagapamahala na sumusuporta sa mga plano ng mga bansa. Maaari silang tumakas tungo kay Jehova, na naglalaan ng kanlungan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Subalit kailangan silang kumilos bago durugin ng Mesiyanikong Kaharian ang sumasalansang na mga bansa.
24. Paano tayo magkakaroon ng higit na kasiya-siyang buhay maging sa maligalig na sanlibutang ito?
24 Kung masikap tayong mag-aaral ng Kasulatan at ikakapit sa ating buhay ang payo nito, maaari tayong magkaroon ng higit na kasiya-siyang buhay maging sa maligalig na sanlibutang ito sa ngayon. Ang pagkakapit ng maka-Kasulatang payo ay nagdudulot ng mas maliligayang ugnayang pampamilya at kalayaan mula sa maraming alalahanin at pangamba na sumasalot sa daigdig. Ang pagsunod sa mga tagubilin ng Bibliya ay nagbibigay ng katiyakan na nakalulugod tayo sa Maylalang. Wala nang iba pa maliban sa Soberano ng Sansinukob ang makagagarantiya sa “buhay ngayon at yaong darating” matapos niyang pawiin sa lupa ang mga sumasalansang sa katuwiran sa pamamagitan ng kanilang pagtatakwil sa pamamahala ng Kaharian.—1 Timoteo 4:8.
25. Yamang “ang batas ni Jehova” ay hindi mabibigo, ano ang maaasahan nating magaganap sa ating panahon?
25 “Ang batas ni Jehova” ay hindi mabibigo. Bilang ating Maylalang, alam ng Diyos ang pinakamabuti para sa sangkatauhan at isasakatuparan niya ang kaniyang layunin na pagpalain ang masunuring mga tao ng kapayapaan, kasiyahan, at namamalaging katiwasayan sa ilalim ng Kaharian ng kaniyang minamahal na Anak. Hinggil sa ating panahon, sumulat si propeta Daniel: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Kung gayon, tiyak na ngayon na ang panahon para ‘hagkan ang Anak’ at paglingkuran ang Soberanong Panginoon, si Jehova!
[Mga talababa]
a Noong una, si Haring David ang “pinahiran,” at “ang mga hari sa lupa” ay mga tagapamahalang Filisteo na nagpisan ng kanilang mga hukbo laban sa kaniya.
b Ipinakikita rin ng iba pang teksto sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na si Jesus ang Pinahiran ng Diyos na tinutukoy sa ikalawang awit. Maliwanag ito mula sa paghahambing ng Awit 2:7 sa Gawa 13:32, 33 at Hebreo 1:5; 5:5. Tingnan din ang Awit 2:9 at Apocalipsis 2:27.
Paano Mo Sasagutin?
• Anong “walang-katuturang bagay” ang ‘patuloy na ibinubulung-bulong’ ng mga liping pambansa?
• Bakit inilalagay ni Jehova ang mga bansa sa kaalipustaan?
• Ano ang batas ng Diyos laban sa mga bansa?
• Ano ang kahulugan ng ‘hagkan ang anak’?
[Larawan sa pahina 16]
Umawit si David hinggil sa matagumpay na Mesiyanikong Hari
[Larawan sa pahina 17]
Ang mga tagapamahala at ang bayan ng Israel ay nagsabuwatan laban kay Jesu-Kristo
[Larawan sa pahina 18]
Si Kristo ay iniluklok bilang Hari sa makalangit na Bundok Sion