“Panahon ng Pagtahimik”
“KUNG ang pagsasalita ay pilak, ginto naman ang pagtahimik.” Ganiyan ang sabi sa isang kawikaan na nagmula sa Silangan. Ayon sa Brewer’s Dictionary of Phrase and Fable, ang katumbas nito sa wikang Hebreo ay, “Kung ang isang salita ay isang siklo, ang katahimikan ay dalawang siklo.” At sumulat ang matalinong hari ng Israel na si Solomon: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, isang panahon nga para sa bawat pangyayari sa silong ng langit . . . panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.”—Ecles. 3:1, 7.
Kailan ba angkop na manahimik? Ang salitang “tahimik” at ang iba’t ibang anyo nito ay mahigit 100 beses na lumitaw sa Bibliya. Ipinakikita ng Kasulatan na kailangan tayong manahimik sa ilang kadahilanan. Talakayin natin ang tatlo sa mga ito: pagpapakita ng paggalang, pagpapakita ng karunungan at kaunawaan, at kailangan sa pagbubulay-bulay.
Pagpapakita ng Paggalang
Ang pagtahimik ay tanda ng paggalang. Sinabi ni propeta Habakuk: “Si Jehova ay nasa kaniyang banal na templo. Tumahimik ka sa harap niya, buong lupa!” (Hab. 2:20) Ang mga tunay na mananamba ay dapat “maghintay, nang tahimik nga, sa pagliligtas ni Jehova.” (Panag. 3:26) Umawit ang salmista: “Manatili kang tahimik sa harap ni Jehova at hintayin mo siya nang may pananabik. Huwag kang mag-init sa sinumang nagtatagumpay sa kaniyang lakad.”—Awit 37:7.
Maaari ba nating purihin si Jehova kahit na walang salita? Kung minsan, manghang-mangha tayo sa kagandahan ng mga nilalang ni Jehova anupat wala tayong maisip na salita para mailarawan ang ating nadarama. Ang pagbubulay-bulay sa gayong mga bagay ay isang paraan upang purihin ang Maylalang. Ganito ang sinabi ng salmistang si David sa isa sa kaniyang mga awit: “Para sa iyo ay may papuri—katahimikan—, O Diyos, sa Sion; at sa iyo ay tutuparin ang panata.”—Awit 65:1.
Yamang nararapat si Jehova sa ating paggalang, dapat din nating igalang ang kaniyang sinasabi. Halimbawa, nang magpaalam ang propeta ng Diyos na si Moises sa bansang Israel, pinayuhan niya at ng mga saserdote ang lahat ng nakikinig sa kanila: “Tumahimik . . . at makinig ka sa tinig ni Jehova na iyong Diyos.” Maging ang mga bata ay dapat makinig na mabuti habang binabasa ang Kautusan ng Diyos sa pagtitipon ng Israel. Sinabi ni Moises: “Tipunin mo ang bayan, ang mga lalaki at ang mga babae at ang maliliit na bata . . . upang matuto sila.”—Deut. 27:9, 10; 31:11, 12.
Angkop nga na makinig nang may paggalang ang mga mananamba ni Jehova sa ngayon sa mga tagubiling napapakinggan nila sa mga Kristiyanong pagpupulong, pati na sa mga kombensiyon! Hindi ba kawalan ng paggalang sa Salita ng Diyos at sa kaniyang organisasyon kung nagdadaldalan tayo habang ipinahahayag ang mahahalagang katotohanan sa Bibliya? Oo, ito ang panahon upang tumahimik at makinig.
Pagpapakita rin ng paggalang ang pakikinig na mabuti kapag nakikipag-usap tayo sa iba. Halimbawa, ganito ang sinabi ng patriyarkang si Job sa kaniyang mga tagapag-akusa: “Turuan ninyo ako, at ako naman ay tatahimik.” Handang makinig at manahimik si Job kapag sila’y nagsasalita. At nang siya naman ang magsasalita, hiniling niya: “Tumahimik kayo sa harap ko, upang ako ay makapagsalita.”—Job 6:24; 13:13.
Pagpapakita ng Karunungan at Kaunawaan
Sinasabi ng Bibliya: “Ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan [o karunungan].” “Ang taong may malawak na kaunawaan ang siyang nananatiling tahimik.” (Kaw. 10:19; 11:12) Isaalang-alang kung paano ipinakita ni Jesus ang karunungan at kaunawaan sa pamamagitan ng pananahimik. Yamang alam ni Jesus na mawawalan ng saysay ang anumang sasabihin niya sa kaniyang mga kaaway, “si Jesus ay nanatiling tahimik.” (Mat. 26:63) Nang litisin si Jesus sa harap ni Pilato, “hindi siya sumagot.” Minabuti niya na ang kaniyang reputasyon ang magsilbing sagot sa mga ipinaparatang sa kaniya.—Mat. 27:11-14.
Isang karunungan kung tayo rin ay mananahimik kapag tayo ay pinupukaw na magalit. Sinabi ng isang kawikaan: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay sagana sa kaunawaan, ngunit ang walang pagtitimpi ay nagtatanyag ng kamangmangan.” (Kaw. 14:29) Kapag nasa maigting na situwasyon, maaari tayong makapagsalita nang hindi pinag-iisipan. Sa gayon, baka makapagbitiw tayo ng masasakit na salita na pagsisisihan natin sa dakong huli at mawala ang ating kapayapaan ng isip.
Pagpapakita rin ng karunungan kung maingat tayo sa pagsasalita kapag masasamang tao ang kausap natin. Kapag tinutuya tayo sa ating ministeryo, baka makabubuting manahimik na lamang tayo. Bukod diyan, isang karunungan kung mananahimik tayo kapag may nagbibiro nang malaswa o nagmumura sa harap natin. Sa gayon, nalalaman nila na hindi natin nagugustuhan ang kanilang sinasabi. (Efe. 5:3) Sumulat ang salmista: “Maglalagay ako ng busal bilang bantay sa aking bibig, hangga’t may sinumang balakyot sa harap ko.”—Awit 39:1.
Hindi isinisiwalat ng isang tunay na Kristiyanong may “malawak na kaunawaan” ang kompidensiyal na mga bagay. (Kaw. 11:12) Dapat ikapit ng mga elder ang simulaing ito upang hindi mawala ang tiwala sa kanila ng mga miyembro ng kongregasyon.
Bagaman hindi masalita ang isang tao, maaari siyang makapagbigay ng magandang impresyon sa iba. Ganito ang isinulat ni Sydney Smith, isang manunulat na Ingles noong ika-19 na siglo, tungkol sa isa sa kaniyang kakontemporaryo: “Dahil alam niya kung kailan dapat tumahimik, masarap siyang kausap.” Oo, kapag nakikipag-usap sa isang kaibigan dapat alam natin kung kailan tayo makikinig at magsasalita. Masarap kausap ang taong marunong tumahimik at makinig.
“Dahil sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang, ngunit ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan,” ang babala ni Solomon. (Kaw. 10:19) Kaya kapag kaunti lang ang iyong sinabi, kaunti lang din ang iyong mali. Totoo, “kahit ang mangmang, kapag nanatiling tahimik, ay ituturing na marunong; ang sinumang nagtitikom ng kaniyang mga labi, bilang may unawa.” (Kaw. 17:28) Kung gayon, taimtim nating ipanalangin kay Jehova na ‘bantayan ang pinto ng ating mga labi.’—Awit 141:3.
Kailangan sa Pagbubulay-bulay
May kinalaman sa taong nagtataguyod ng katuwiran, sinasabi ng Bibliya na “sa kautusan [ng Diyos] ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:2) Ganito naman ang mababasa natin sa Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino: “Sa kautusan niya nagbubulay-bulay siya araw at gabi.” Kailan natin magagawa ang ganitong pagbubulay-bulay?
Si Isaac, anak ng patriyarkang si Abraham, ay “naglalakad sa labas upang magbulay-bulay sa parang nang sumasapit na ang gabi.” (Gen. 24:63) Pumili siya ng oras at lugar na tahimik para magbulay-bulay. Si Haring David man ay nagbulay-bulay sa katahimikan ng gabi. (Awit 63:6) Maging ang sakdal na si Jesus ay nagsikap ding mag-ukol ng panahon para magbulay-bulay, malayo sa ingay ng mga tao anupat nagpunta sa mga bundok, disyerto, at ibang mga lugar para makapag-isa.—Mat. 14:23; Luc. 4:42; 5:16.
Hindi maikakaila ang kabutihang dulot ng katahimikan. Nagbibigay ito ng pagkakataon para masuri natin ang ating sarili—isang mainam na paraan para mapasulong ang ating pagkatao. Nagdudulot din ito ng kapayapaan ng isip. Nakatutulong ang pagbubulay-bulay para malinang natin ang kahinhinan at kapakumbabaan at mapahalagahan kung ano talaga ang mahalaga sa buhay.
Bagaman mabuti ang pananahimik, mayroon din namang “panahon ng pagsasalita.” (Ecles. 3:7) Abala sa ngayon ang mga tunay na mananamba sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa “buong tinatahanang lupa.” (Mat. 24:14) Habang dumarami sila, lalong lumalakas ang masayang tinig nila ng papuri sa Diyos. (Mik. 2:12) Kung gayon, maging isa sana tayo sa masisigasig na naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian at ng kamangha-manghang mga gawa ng Diyos. Habang nakikibahagi tayo sa mahalagang gawaing ito, dapat na makita sa ating pamumuhay na mahalaga ang pagtahimik sa tamang panahon.
[Larawan sa pahina 3]
Dapat tayong makinig na mabuti sa ating mga Kristiyanong pagpupulong
[Larawan sa pahina 4]
Baka makabubuting manahimik kapag may nanunuya sa atin sa ministeryo
[Larawan sa pahina 5]
Kailangan ang katahimikan para makapagbulay-bulay