-
Ginagawa Mo ba ang Kalooban ng Diyos?Ang Bantayan—1994 | Marso 1
-
-
Pagpapanatili ng Kagalakan sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos
Si Haring David ng sinaunang Israel ay isa sa nagsikap na gawin ang kalooban ng Diyos sa buong buhay niya. Sa kabila ng maraming kahirapan at panggigipit sa kaniya, siya’y kinasihan na magsabi: “Aking kinalulugdang gawin ang iyong kalooban, Oh Diyos ko, ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.” (Awit 40:8) Ang paggawa ng kalooban ni Jehova ay naroon sa mismong kaluluwa ni David, sa kaniya mismong pagkatao. Iyan ang lihim ng kaniyang walang-kupas na kagalakan sa paglilingkod kay Jehova. Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay hindi mahirap para kay David. Sa halip, iyon ay isang kaluguran, isang bagay na nanggaling sa kaniyang puso. Sa buong buhay niya, siya’y nagpunyagi upang gawin ang kaniyang buong kaya upang maglingkod sa kaniyang Diyos, si Jehova, bagaman kung minsan ay nagkakasala siya at hindi nakaaabot sa pamantayan.
Manaka-naka, maaaring unti-unting nawawala ang ating kagalakan. Baka tayo’y nahahapo o nasisiraan ng loob. Baka binabagabag tayo ng ating nakalipas, nililigalig tayo ng ating budhi dahil sa ilang pagkakamaling nagawa nang malaon na. Kadalasan, maaari nating madaig ang damdaming ito sa pamamagitan ng lalong puspusang pag-aaral ng Salita ng Diyos. Maaaring maging pakay natin na isulat ang kautusan ng Diyos sa ‘loob ng ating puso,’ gaya ng ginawa ni David. Kung sisikapin nating gawin ang kalooban ng Diyos nang buong kaluluwa, samakatuwid nga, sa pinakamagaling na kaya natin, gagantihin niya tayo nang nararapat dahil siya ay tapat.—Efeso 6:6; Hebreo 6:10-12; 1 Pedro 4:19.
Kapansin-pansin, sa Hebreo 10:5-7, sinipi ni apostol Pablo ang mga salita ni David sa Awit 40:6-8 at ikinapit iyon kay Jesu-Kristo. Sa paggawa ng gayon, tinukoy ni Pablo kung gaano kalapit si Jesus sa kaniyang Ama. Ang salitang Hebreo para sa “kalooban” ay nagpapahiwatig ng ‘kasiyahan, naisin, pabor, o kaluguran.’ Samakatuwid, ganito ang mababasa sa Awit 40:8 tungkol sa Kristo: “Sa paggawa ng iyong kinalulugdan, Oh Diyos ko, ay nasisiyahan ako.”a Si Jesus ay nagnais na gawin kung ano ang nakalulugod sa kaniyang Ama. Higit pa ang ginawa ni Jesus sa hiniling sa kaniya. Ginawa niya ang malapit sa puso ng kaniyang Ama, at siya’y may kagalakan sa paggawa niyaon.
Ang buong buhay ni Jesus ay nakasentro sa pagtuturo sa iba kung ano ang kalooban ng Diyos at ano ang kailangan nilang gawin upang kamtin ang pagpapala ng Diyos. Siya’y isang buong-panahong mangangaral at guro at nakasumpong ng malaking kagalakan sa paggawa niyaon. Sa gayon makatuwiran lamang na habang higit nating ginaganap ang gawain ni Jehova, higit na kagalakan ang tatamuhin natin. Ikaw ba ay makapaglilingkod din nang buong panahon sa gawaing pangangaral upang sumagana rin ang iyong kagalakan?
-