Pag-unawa sa Kung Bakit Naparito ang Mesiyas
“Nasumpungan namin ang Mesiyas.”—JUAN 1:41.
1. Anong nakapanggigilalas na pahayag ang nasusulat sa Bibliya, at kailan ito ginawa?
ISANG Judiong nagngangalang Andres ang gumawa ng ganiyang nakapanggigilalas na pahayag sa kaniyang kapatid mahigit na 1,950 taon na ang nakaraan. Iyo bang nadarama ang kagalakan sa kaniyang mga salita, na isinulat ng Kristiyanong apostol na si Juan? Ang di-malilimot na taóng iyan ay tinukoy ng isang mananalaysay na Kristiyano, si Lucas, bilang “ang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Caesar.” Ang ika-15 taon ni Tiberio, mula ng panahon ng kaniyang proklamasyon bilang emperador Romano, ay nagsimula noong Setyembre 28 C.E. at natapos noong Setyembre 29 C.E.—Lucas 3:1-3, 21, 22; Juan 1:32-35, 41.
2. Papaanong nakapokus sa taóng 29 C.E ang hula ni Daniel?
2 Ang taon ng paglitaw ng Mesiyas ay wastong inihula. Eksaktong 483 taon ang lumipas sapol nang ibigay ang utos ng haring si Artaxerxes ng Persiya na muling itayo ang Jerusalem, na noon ay nasa ika-20 taon ng kaniyang paghahari, 455 B.C.E.a (Nehemias 2:1-8) Inihula ng propetang si Daniel “na mula sa pagbibigay ng utos na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng Mesiyas na Lider, magiging pitong sanlinggo, at animnapu’t dalawang sanlinggo.” (Daniel 9:25) Samakatuwid, isang yugto na 7 + 62 = 69 na makahulang sanlinggo ang maghihiwalay sa dalawang mahalagang pangyayaring ito. Ang animnapu’t siyam na literal na sanlinggo ay katumbas ng 483 araw. Sang-ayon sa makahulang alituntunin na “isang araw ay katumbas ng isang taon,” ang Mesiyas ay lilitaw makalipas ang 483 taon, sa 29 C.E.—Ezekiel 4:6.
3. (a) Ano ang ibig sabihin ng titulong “Mesiyas”? (b) Anong mga hula ang tinupad ng Mesiyas?
3 Makatuwiran nga, na noong taóng 29 C.E., “ang mga tao ay naghihintay” sa Mesiyas. (Lucas 3:1, 15) Ang titulong “Mesiyas” ay may kaparehong kahulugan na “Kristo” sa Griego; kapuwa ang ibig sabihin ay “Pinahirang Isa.” (Juan 1:41) Ang masigasig na katanungan ng maraming Judio ay, ‘Sino ang papahiran ng Diyos na Jehova bilang hari na maghahari hindi lamang sa Israel kundi sa buong sangkatauhan?’ Sa pamamagitan ng hula, ang pagpipilian ay sa isang inapo lamang ng apo-sa-tuhod ni Abraham na si Juda. Isa pa, ang Mesiyas ay magiging tagapagmana sa trono ng naging hari sa Juda na si David at isisilang sa bayan ng Bethlehem na tinubuan ni David.—Genesis 17:5, 6; 49:10; Awit 132:11; Daniel 7:13, 14; Mikas 5:2; Juan 7:42.
Hindi Pagkakamalan na Siya Nga
4, 5. (a) Ano ang nangyari noong mahalagang taóng 29 C.E.? (b) Sa anong di-pagkakamalang paraan nakilala ang isang hinirang bilang Mesiyas?
4 Nang mahalagang taóng iyon, 29 C.E., ganito ang nangyari: “Dumating ang salita ng Diyos kay Juan na anak ni Zacarias sa ilang. Kaya’t siya’y napasabuong lupain sa palibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo bilang sagisag ng pagsisisi ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.” (Lucas 3:2, 3) Ang ministeryo ni Juan ang naghanda sa nagsising mga Judio na tanggapin ang napipintong pagparito ng Mesiyas. Isa pa, si Juan ay binigyan ni Jehova ng isang tanda. Kaniyang aabangan ang isa na “makikita [niya] na binababaan ng espiritu at mananahan sa kaniya.”—Juan 1:33.
5 Pagkatapos bautismuhan si Jesus ng Nasaret, nakita ni Juan ang di-mapagkakamalang pagpapahid na ito. Si Jesus ay hindi pinahiran ng langis, gaya ng kaniyang makalupang ninunong si David, kundi ng banal na espiritu ng Diyos na Jehova. (1 Samuel 16:13; Gawa 10:38) Kasabay nito, ang mismong tinig ng Diyos ay nagsabi: “Ito ang aking sinisintang Anak, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:16, 17) Gaya ng pinatotohanan nang malaunan ni Juan: “Namasdan ko ang espiritung bumababa na waring kalapati mula sa langit, at dumapo ito sa kaniya. At namasdan ko ito, at nagpatunay ako na ito nga ang Anak ng Diyos.”—Juan 1:32, 34.
6. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita para sa atin ni Andres at ni Juan?
6 Sa ganiyang mga salita, ang kaniyang mga alagad ay may katapatang ipinakilala ni Juan Bautista kay Jesus, na siya’y tinawag din na “ang Kordero ng Diyos na umaalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29) Dalawang alagad ang mabilis na tumugon. Pagkatapos ng isang araw na pakikisama kay Jesus, sila’y lubusang nakumbinsi. Ang pangalan ng isa ay Andres, na may kasabikang naghanap sa kaniyang kapatid, si Simon Pedro. Ang isa pang alagad ay si Juan na anak ni Zebedeo, na naging ang minamahal na apostol ni Jesus. Pagkatapos magpatotoo tungkol sa Mesiyas sa loob ng halos 70 taon, ang Juan na ito ay napukaw na isulat ang binanggit na impormasyon para sa ating kapakinabangan. Ang kaniya bang halimbawa at yaong kay Andres ay pumupukaw ng iyong puso? Ikaw ba ay kasinsabik nila at ng ibang “mga apostol ng Kordero” ng pagbabalita ng nakapananabik na mga katotohanan tungkol sa Mesiyas?—Apocalipsis 1:9; 21:14; Juan 1:35-41; Gawa 5:40-42.
Pinahiran Bilang Hari at Mataas na Saserdote
7. Bakit hindi makapaglilingkod si Jesus bilang isang saserdote sa templo sa Jerusalem?
7 Yamang isinilang sa bansang Judio, si Jesus ay “ipinanganak sa ilalim ng kautusan.” (Galacia 4:4) Samakatuwid, yamang galing sa angkan ni Juda, siya’y hindi makapaglilingkod bilang isang saserdote sa tipikong templo ni Jehova, na ang mga saserdote ay mga inapo ni Aaron ng angkan ni Levi. “Ang ating Panginoon ay lumitaw mula kay Juda, na tungkol sa angkang yao’y walang sinalitang anuman si Moises hinggil sa mga saserdote,” ang ipinaalaala ni apostol Pablo sa mga kapuwa Kristiyano.—Hebreo 7:14.
8. Ano ang inilarawan ng makalupang templo ni Jehova?
8 Si apostol Juan ay sumulat: “Ang tunay na ilaw na nagbibigay ng liwanag sa bawat uri ng tao ay pumaparito sa sanlibutan.” (Juan 1:6-9) Sa pagbabautismo kay Jesus, para bang isang malaking espirituwal na templo ang umiral, ngayon ay mayroon nang isang espirituwal na mataas na saserdote na makapagliligtas sa sangkatauhan buhat sa pagkaalipin sa sanlibutan ni Satanas ng espirituwal na kadiliman.—Hebreo 8:1-5; 9:24.
9, 10. (a) Ano ang ibig sabihin ng mga salita ni Jesus na, “Hain at handog ay hindi mo ibig” at, “Ipinaghanda mo ako ng isang katawan”? (b) Ano ba ang personal na nadama ni Jesus tungkol dito?
9 Si Jesus ay nanalangin nang panahon ng kaniyang bautismo. Nakasulat sa Bibliya ang ilan sa kaniyang makahulugang mga salita, na nang malaunan ay sinipi ni apostol Pablo: “ ‘Hain at handog ay hindi mo ibig, ngunit ipinaghanda mo ako ng isang katawan. Sa mga buong handog na sinusunog at handog ukol sa kasalanan ay hindi ka nalugod.’ Nang magkagayo’y sinabi mo, ‘Narito! Ako’y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin) upang gawin ang iyong kalooban, Oh Diyos.’ ”—Hebreo 10:5-7; Lucas 3:21.
10 Sa gayon, ikinapit ni Jesus sa kaniyang sarili ang hula sa Awit 40:6-8, na tungkol sa layunin ni Jehova na wakasan ang mga haing hayop na inihahandog ng mga saserdoteng Aaroniko sa templo sa Jerusalem. Hindi “kinalugdan” ni Jehova ang mga handog na iyon, sapagkat mayroon lamang inilalarawan at hindi lubusang makatubos sa tao sa kasalanan. Sa gayon, si Jehova ay naghanda ng isang sakdal na katawang tao para ihandog ni Jesus bilang hain. Ang buhay ng kaniyang makalangit na Anak ay inilipat ng Diyos sa bahay-bata ng isang birheng Judio. Sa gayon ay isinilang si Jesus na walang bahid-dungis ng kasalanan ni Adan. Siya’y isang sakdal na tao na Anak ng Diyos, na ang buhay ay makatutubos sa tao sa kasalanan. (Lucas 1:30-35) Gaya ng inihula ng Awit 40:8, taus-puso ang pagnanasa ni Jesus na gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. “Sa nasabing ‘kalooban’ tayo’y pinagiging-banal sa pamamagitan ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo nang minsanan at magpakailanman.”—Hebreo 10:10, 11.
11. Anong hula ang tinupad ng kamatayan ng Mesiyas, at papaano ‘pinatigil niyaon ang hain’?
11 Ang hain ni Jesus na buhay-tao na inihandog nang minsanan at magpakailanman ang pumawi sa pangangailangan ng karagdagang mga handog sa tipikong templo sa Jerusalem. Isa pa, ang kaniyang kamatayan ay naganap noong Araw ng Paskuwa 33 C.E. Iyan ay mga tatlo at kalahating taon pagkatapos ng kaniyang bautismo. Ang tatlo at kalahating taon ay makakatumbas ng kalahati ng isang makahulang sanlinggo. (Bilang 14:34) Kaya ang mga bagay ay lumabas na gaya ng eksaktong inihula ni Daniel tungkol sa pagputol sa Mesiyas: “Sa kalahati ng sanlinggo ay kaniyang ipatitigil ang hain at ang kaloob na handog.” (Daniel 9:26, 27) Bagaman ang tipikong pagkasaserdote sa Jerusalem ay nagpatuloy hanggang sa mawasak ang templo noong 70 C.E., ang mga hain na inihandog ng mga saserdote noong mga taóng iyon ay hindi na nagkaroon ng anumang halaga, yamang hinalinhan na ng nakahihigit na hain ni Jesus.—Mateo 23:37, 38.
12. Papaanong ang pagkasaserdote ni Jesus ay nakahihigit kaysa kay Aaron?
12 Si Aaron ang una sa isang mahabang pagkakasunud-sunod ng matataas na saserdoteng Israelita. Pagkatapos na siya’y pahiran ng sagradong langis, siya’y naghintay sa tabernakulo nang pitong araw bago binigyan ng kapangyarihan na maglingkod bilang mataas na saserdote. (Levitico 8:12, 33) Sa katulad na paraan, si Jesus ay dumaan sa panahon ng paghihintay bago binigyan ng kapangyarihang mamagitan para sa sangkatauhan. Iyan ay mula noong panahon na siya’y pahiran bilang Mataas na Saserdote hanggang sa kaniyang pagkabuhay-muli. Di-tulad ni Aaron, ang walang-kamatayang Anak ng Diyos ay hindi nangangailangan ng mga kahalili, at siya’y naglilingkod bilang kapuwa Saserdote at Hari “gaya ni Melquisedek.”—Awit 110:1-4; Genesis 14:18-20; Hebreo 6:20; 7:1-3, 11-17, 23-25.
13. (a) Anong mabigat na pananagutan ang nakaatang sa matataas na saserdote ng Israel? (b) Papaano isinabalikat ni Jesu-Kristo ang lalong malaking pananagutan?
13 Sa sinaunang Israel, ang pangunahing pananagutan para sa tamang pagtuturo tungkol sa relihiyon ay nakaatang sa mataas na saserdote. (Levitico 10:8-11; Malakias 2:7) Kaya naman ipinakilala ni Jesus ang matuwid na mga kahilingan ni Jehova para sa lahat ng ibig magmana ng Kaharian at ng buhay na walang-hanggan. (Mateo 6:9, 10, 33; 7:28, 29; 11:12; 25:34, 46) Nang siya’y nasa isang sinagoga sa Nasaret, binasa ni Jesus at ikinapit sa kaniyang sarili ang hula: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat kaniyang pinahiran ako upang maghayag ng mabuting balita.” Sa gayon, pagkatapos gumugol ng panahon sa Capernaum, sinabi niya: “At sa mga ibang lunsod ay kailangang ihayag ko ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat ako’y sinugo ukol dito.” (Lucas 4:18, 19, 43; Isaias 61:1, 2) Si Jesus ay nagsanay din ng 70 sa kaniyang mga tagasunod upang palawakin ang gawaing ito ng pangangaral ng Kaharian, at kaniyang inihula na sila’y gagawa ng lalong dakilang mga gawa kaysa ginawa niya. (Lucas 10:1-9; Juan 14:12) Ito ang naglatag ng saligan para sa isang pambuong-daigdig na kampanya sa pagtuturo ng Bibliya na pangangasiwaan ni Jesus sa pamamagitan ng ‘tapat na alipin,’ na binubuo ng kaniyang pinahirang mga tagasunod.—Mateo 24:45-47; 28:19, 20.
Pangunahing Tagapagbangong-Puri ng Soberanya ni Jehova
14. (a) Bakit ang mataas na saserdote ng Israel ay pumapasok sa Kabanal-banalan sa taunang Araw ng Katubusan? (b) Ano ang inilarawan ng mabangong kamangyan?
14 Ang pinakamahalagang dahilan kung bakit naparito sa lupa ang Anak ng Diyos ay hindi upang iligtas ang sangkatauhan. Bagkus, iyon ay upang lutasin ang nakasisirang-puring mga isyu na ibinangon ni Satanas tungkol sa soberanya ni Jehova. Tayo’y makapagkakaroon ng matalinong unawa rito sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa taunang Araw ng Katubusan sa Israel, na ang tipikong mataas na saserdote ay pumapasok nang maraming beses sa Kabanal-banalan. Sa unang pagpasok ay may dala siyang mabangong kamangyan, na ibinubuhos sa isang insensaryo na punô ng nag-aapoy na baga. (Levitico 16:12-16) Ito’y isang mainam na larawan ng ginawa sa lupa ng antitipikong Mataas na Saserdote bago siya umakyat sa langit upang humarap kay Jehova na taglay ang halaga ng kaniyang inihandog na hain bilang tao.b (Hebreo 9:24) Gaya ng ipinakikita ng paggamit ng kamangyan, ang landas ng katapatan na nilakaran ni Jesus ay punô ng taimtim na mga panalangin, ng nag-aapoy na sigasig ukol sa dalisay na pagsamba, at isang matinding pag-ibig kay Jehova. (Awit 141:2; Marcos 1:35; Juan 2:13-17; 12:27, 28; 14:30, 31; Hebreo 5:7) Si Jesus ay nagtagumpay sa pananatili sa walang-kapintasang katapatan sa kabila ng lahat ng tusong pagsubok, paglibak, at marahas na pag-uusig sa kaniya ni Satanas at ng kaniyang mga ahente.—Kawikaan 27:11; Mateo 22:15-18; Marcos 14:60-65; 15:16-32; Lucas 4:13, 29; Juan 8:44, 59.
15. Papaano natin maipakikita ang ating pasasalamat kay Jehova sa paglalaan ng gayong napakainam na mataas na saserdote? (Hebreo 10:21-26)
15 Dahil sa pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova, si Jesus ay ginantimpalaan ng pagkabuhay-muli tungo sa walang-kamatayang buhay sa langit. Anong laki ng dapat nating ipagpasalamat kay Jehova sa paglalaan sa atin ng gayong napakainam na Mataas na Saserdote! “Yamang tayo’y may isang dakilang mataas na saserdote na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Diyos, ingatan nating matibay ang ating pagpapakilala sa kaniya.” (Hebreo 4:14) Taimtim ba ang iyong hangaring sumunod sa halimbawa ni Jesus ng katapatan, ano man ang gawin ng Diyablo? Kung gayon, ikaw ay makapagtatamo ng tulong, at ikaw ay makapagtatagumpay. Iyan ay dahilan sa ang pinakamagaling na tulong ay maaaring makamtan. “Ang ating mataas na saserdote ay hindi isang walang-pagkahabag sa ating mga kahinaan, kundi isang subók na sa lahat ng paraan na gaya natin, ngunit walang kasalanan. Magsilapit nga tayo nang may kalayaan ng pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na awa, upang tayo’y magtamo ng habag at makasumpong ng di-sana-nararapat na awa na tutulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.”—Hebreo 4:15, 16; 5:7-10; Filipos 4:13; 1 Juan 2:1, 2.
Kailangang Magbago sa Dating Paniwala
16. Ano ang mga inaasahan ng unang mga alagad ng Mesiyas kung tungkol sa kaniyang pamamahala sa Kaharian?
16 Ang tunay na Mesiyas ay agad nakilala ni Andres at ni Juan, ngunit sila at ang iba pang mga unang alagad ay malaki ang dapat matutuhan. (Juan 16:12, 13) Tulad ng maraming mga Judiong relihiyoso noon, kanilang inaasahan na ang Mesiyanikong Kaharian ay magsisimulang maghari noon at na palalayain nito ang bansang Israel at ang kabisera nito, ang Jerusalem, buhat sa pananakop ng mga Gentil. (Lucas 2:38; 3:15; 19:11; 23:51; 24:21) Subalit, anong walang-hanggang kapakinabangan ang idudulot niyan sa makasalanang sangkatauhan?
17, 18. Bakit ibinigay ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa “isang mahal na tao”?
17 Upang alisin ang kasalanan at kamatayan buhat sa kaniyang mga sakop sa Kaharian sa hinaharap, ang kailangan ay mamatay muna ang Mesiyas gaya ng isang inihaing kordero. (Juan 1:29; Isaias 53:7, 12) Nang salitain ni Jesus ang isang hula tungkol sa kung papaano mangyayari ito at kung papaano siya bubuhaying-muli, si Pedro ay tumugon: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; malayong mangyari ito sa iyo.” (Mateo 16:21, 22) Gayunman, alam ni Jesus na “hindi nauunawaan [ng kaniyang mga alagad] ang sinabi niya.”—Marcos 9:31, 32; ihambing ang Mateo 17:22, 23.
18 Sa kaniyang huling pagparoon sa Jerusalem, si Jesus ay nagsalita nang lalong malinaw. (Mateo 20:18, 19) Kaniya ring ipinakita ang malaking kapakinabangan na idudulot ng kaniyang kamatayan, na nagsasabi: “Ang Anak ng tao ay naparito . . . upang ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Ang mga maling inaasahan ang humadlang sa kaniyang mga alagad sa pagkaunawa nito. Iniulat ni Lucas: “Malapit na siya sa Jerusalem at kanilang inaakala na ang kaharian ng Diyos ay mahahayag kapagdaka.” Upang iwasto ang kanilang iniisip, si Jesus ay nagbigay ng isang ilustrasyon na doo’y kaniyang inihalintulad ang kaniyang sarili sa “isang mahal na tao” na kinailangan munang maglakbay upang tumungo “sa isang malayong lupain upang tumanggap ng kapangyarihan sa kaharian.” (Lucas 19:11, 12) Ang “lupain” na iyon ay tumutukoy sa langit, kung saan umakyat si Jesus pagkatapos na siya’y mamatay at buhaying-muli.
19. (a) Anong maling inaasahan ng mga alagad ni Jesus ang ipinahayag pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli? (b) Anong pagbabago sa kaugnayan ng Diyos sa mga tao ang naganap noong Pentecostes 33 C.E.? (Hebreo 8:7-9, 13)
19 Subalit, mga ilang saglit bago umakyat sa langit si Jesus, ang kaniyang mga alagad ay nagtanong: “Panginoon, isasauli mo baga ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” (Gawa 1:6) Sila ba’y itinakuwil ni Jesus dahil sa ganitong pagtatanong? Hindi, kaniyang ipinaliwanag na hindi pa napapanahon iyon at na sila’y dapat maging abala sa mahalagang gawaing pagpapatotoo tungkol sa tunay na Mesiyas. (Gawa 1:7, 8) Ang ipinakipagtipang kaugnayan ng Diyos sa likas na Israel ay matatapos hindi na magtatagal. Samakatuwid, ang hinaharap na Mesiyanikong Kaharian ay hindi na isasauli sa di-tapat na makalupang bansang iyan. Sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumasalansang sa kaniya: “Ang kaharian ng Diyos ay aalisin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga ng mga bunga niyan.” (Mateo 21:43) Sampung araw matapos umakyat si Jesus sa langit, isinilang ang bansang iyon. Ibinuhos ang banal na espiritu sa 120 alagad ni Jesus, at sa gayo’y pinahiran sila upang maging “mga banal” ng Diyos at “kasama ni Kristo na mga tagapagmana” sa dumarating na Mesiyanikong Kaharian.—Daniel 7:13, 14, 18; Roma 1:7; 8:1, 16, 17; Gawa 2:1-4; Galacia 6:15, 16.
20. Sa kabila ng pagkakaroon ng ilang maling inaasahan, ano ba ang ginawa ng unang-siglong mga tapat na Kristiyano?
20 Kahit na pagkatapos na sila’y pahiran, ang unang-siglong mga Kristiyano ay may mga maling inaasahan. (2 Tesalonica 2:1, 2) Ngunit sa halip na mabugnot at huminto, sila’y mapakumbabang tumanggap ng pagtutuwid. Pagkatapos tumanggap ng kapangyarihan sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos, may kagalakang tinanggap nila ang atas na magpatotoo at “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa.”—Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8; Colosas 1:23.
21. Anong mga tanong ang isasaalang-alang sa ating susunod na artikulo?
21 Kumusta naman sa ating ika-20 siglo? Ang modernong-panahong mga lingkod ba ni Jehova ay gising sa pagkatatag ng Mesiyanikong Kaharian ni Jehova? At katulad ng kanilang unang-siglong mga kapananampalataya, kailangan bang ang kanilang mga inaasahan ay iwasto sa ilang mga kaparaanan?
[Mga talababa]
a Ang The Encyclopedia Americana at ang Great Soviet Encyclopedia ay nagkakaisa na natapos noong 424 B.C.E. ang paghahari ni Artaxerxes. Kailan ba ito nagsimula? Noong 474 B.C.E. Bilang umaalalay dito, isang arkeolohikong inskripsiyon ang may petsa na ika-50 taon ni Artaxerxes; isa pa ang nagpapakita na siya’y hinalinhan noong kaniyang ika-51 taon. Kung bibilang ng pabalik na kumpletong 50 taon mula 424 B.C.E., tayo’y papatak sa petsang 474 B.C.E. bilang pasimula ng kaniyang paghahari. Samakatuwid, ang ika-20 taon ni Artaxerxes, nang ibigay ang utos, ay 19 na buong mga taon sa kaniyang paghahari, samakatuwid nga, 455 B.C.E. Para sa higit pang mga detalye, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 616, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan ang The Watchtower ng Abril 1, 1974, pahina 222.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ba ang ibig sabihin ng titulong “Mesiyas”?
◻ Anong mahalagang pangyayari ang naganap noong taóng 29 C.E.?
◻ Papaanong pinangyari ng Mesiyas na ‘huminto ang hain sa kalahati ng sanlinggo’?
◻ Magbuhat nang siya’y pahiran, anong pananagutan ang isinabalikat ni Jesus?
◻ Ano ba ang pangunahing layunin ng unang pagparito ng Mesiyas, at papaano ito dapat makaapekto sa atin?
[Larawan sa pahina 13]
Ang unang pagpasok ng mataas na saserdote sa Kabanal-banalan ay lumarawan sa isang bagay na lalong mahalaga kaysa kaligtasan ng sangkatauhan