CHAKAL
[sa Heb., tan].
Isang uri ng asong ligáw na may mahaba at patulis na nguso, mabalahibong buntot, at kahawig na kahawig ng sorra. Matatagpuan pa rin ang hayop na ito (Canis aureus) sa Palestina. Bagaman ang chakal ay nananalakay at pumapatay ng mga ibon at pati ng mga kordero, at sa katunayan ay kumakain ng kahit ano, pati prutas, ang pangunahing kinakain nito ay mga bagay na nabubulok at mga bangkay. Kaya naman kapaki-pakinabang ang hayop na ito, yamang ang mga bangkay ay maaaring pamugaran ng mikrobyo. Ang mga chakal ay karaniwang naninila sa gabi, nang mag-isa, pares-pares, o sa maliliit na pangkat. Kapag araw, kadalasa’y natutulog sila sa mga tiwangwang na dako, sa mga butas sa lupa, sa mga yungib, sa abandonadong mga gusali, o sa mga guho.
Yamang ang mga chakal ay naninirahan sa mga lugar na ilang, liblib, at tulad-disyerto pa nga, ginamit ng Kasulatan ang teritoryo ng chakal upang sumagisag sa kalagayan ng lubos na pagkatiwangwang, na hindi tinatahanan ng tao. Sa iba’t ibang hula, ginamit ang paglalarawang ito upang magpahayag ng pagkatiwangwang sa Jerusalem, mga lunsod ng Juda, Hazor, Babilonya, at Edom. (Jer 9:11; 10:22; 49:33; 51:37; Isa 34:5, 13; Mal 1:3) Binanggit din ng Bibliya ang nagdadalamhating paghagulhol, o pagpapalahaw, ng chakal. (Isa 13:22; Mik 1:8) Ang alulong ng chakal ay nagsisimula sa paglubog ng araw at ito’y isang mahabang paghagulhol, mga tatlo o apat na ulit, anupat ang tono ng bawat alulong ay mas mataas nang kaunti kaysa sa sinundan nito. Ang paghagulhol ay natatapos sa sunud-sunod na maiikli, malalakas at matitinis na kahol.
Sa Kasulatan, paulit-ulit na tinutukoy ang chakal sa makatalinghagang tagpo. Bilang paglalarawan sa kaniyang kaawa-awang kalagayan, ibinulalas ni Job na siya’y naging “kapatid ng mga chakal.” (Job 30:29) Hinggil sa kahiya-hiyang pagkatalo ng bayan ng Diyos, ang salmista, na marahil ay tinutukoy ang lugar na pinangyarihan ng pagbabaka kung saan nagtitipon ang mga chakal upang kainin ang mga napatay (ihambing ang Aw 68:23), ay nagdalamhati: “Dinurog mo kami sa dako ng mga chakal.” (Aw 44:19) Dahil sa pagkubkob ng Babilonya sa Jerusalem noong 607 B.C.E. nagkaroon ng matinding taggutom, anupat may-kalupitang pinakitunguhan ng mga ina ang sarili nilang supling. Sa gayo’y ipinakita ni Jeremias ang kaibahan ng kalupitan “ng aking bayan” kung ihahambing sa pangangalaga ng mga inang chakal.—Pan 4:3, 10.
Dahil sa matitinding tagtuyot sa lupain ng Juda nang mawala ang pagpapala ni Jehova, ang mga sebra ay inilarawang sumisinghot ng hangin, samakatuwid nga, humihingal, tulad ng mga chakal. (Jer 14:1, 2, 6) Samantala, hinggil sa pagsasauli ng kaniyang bayan, ipinangako ni Jehova na ang tinatahanang dako ng mga chakal ay magkakaroon ng damo, mga tambo, at mga halamang papiro. At dahil sa paglalaan ni Jehova ng tubig para sa kaniyang bayan sa ilang, ang mga hayop na gaya ng chakal ay luluwalhati sa kaniya.—Isa 35:7; 43:20, 21.