Paglilingkod Bilang Nagtitiwala na mga Kamanggagawa ni Jehova
“Kaniyang ipinakilala sa iyo, Oh makalupang tao, kung ano ang mabuti. At ano naman ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang gumawa nang may katarungan at ibigin ang kaawaan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—MIKAS 6:8.
1. Ano ang batayan sa Kasulatan ng pagsasabing lahat ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay kaniyang “mga kamanggagawa”?
ANG Kristiyanong apostol na si Juan ay sumulat: “Masdan ninyo kung anong uring pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo’y mangatawag na mga anak ng Diyos; at tayo’y gayon nga.” (1 Juan 3:1) At si apostol Pablo ay nagsabi tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang kasamang si Apolos: “Tayo ay mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Corinto 3:9) Ang kapuwa pangungusap na ito ay sinalita ng pinahirang mga tagasunod ni Jesu-Kristo at tungkol ito sa kanila. Subalit sa simulain ang mga ito ay kumakapit sa lahat ng mga tunay na lingkod ng Diyos. Kaya ito’y maihuhulog sa ibang pananalita na nagsasabi: ‘Masdan ninyo kung anong uring pag-ibig ang ipinakita sa atin ng Ama sa bagay na tayo’y nagiging mga kamanggagawa ni Jehova.’
2. Bakit posible para sa mga lingkod ni Jehova na maging kaniyang mga kamanggagawa?
2 Paano nga posible na ang mahihina, at di-sakdal na mga tao ay maging mga kamanggagawa ng Dakilang Maylikha, na walang-hanggan sa kapangyarihan at karunungan, sakdal sa katarungan, at siyang pinaka-sagisag ng pag-ibig? Ito’y posible dahilan sa ang ating unang mga magulang ay ginawa sa larawan at wangis ng Maylikha at ng kaniyang kamanggagawa, ang Salita, o Logos. (Genesis 1:26, 27; Juan 1:1) Samakatuwid ang ating unang mga magulang ay binigyan ng isang sukat ng karunungan, katarungan, kapangyarihan, at pag-ibig. Kaya naman si Jehova ay makapagsasabi sa kaniyang makalupang mga lingkod sa pamamagitan ng propeta: “Kaniyang ipinakilala sa iyo, Oh makalupang tao, kung ano ang mabuti. At ano naman ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang gumawa nang may katarungan at ibigin ang kaawaan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—Mikas 6:8.
3. Ano ang ipinahihiwatig sa Mikas 6:8, at ano ang kahilingan sa isang tao bago siya maging isa sa mga kamanggagawa ni Jehova?
3 Pagka ating nabasa ang mga salitang, “Ano naman ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi . . . ?” waring ipinahihiwatig nito na ang kasunod ay nagsisilbing mainam na sumaryo ng responsabilidad ng ‘makalupang tao’ sa Diyos at sa kaniyang mga kapuwa tao. Kung hanggang saan ang talagang kaganapan nito ay magliliwanag habang ating tinatalakay ito. Mangyari pa, hindi ang sinuman ay maaaring lumakad na kasama ni Jehova. Ang pribilehiyong ito ay para lamang sa mga ‘nakipagkasundo sa kaniya tungkol dito,’ wika nga. (Amos 3:3) Sa paano nga? Sa pamamagitan ng paggawa ng isang walang pasubaling pag-aalay kay Jehova na sinasagisagan ito ng bautismo sa tubig, gaya ng ipinakita sa naunang artikulo. Kung gayon, ano ba ang kahulugan ng Mikas 6:8 para sa mga indibiduwal na ito?
‘Paggawa Nang May Katarungan’
4. Ano ang pangunahing kahulugan ng “gumawa nang may katarungan”?
4 Unang-una, nariyan ang kahilingan na “gumawa nang may katarungan.” Bilang mga kamanggagawa ni Jehovang Diyos, kailangang mayroon tayong mabuting budhi. Ang pangunahing kahulugan ng “gumawa nang may katarungan” ay gumawa ng kung ano ang matuwid, ng kung ano ang hinihiling sa atin ng Diyos. Ito’y nangangahulugan na kailangang tuparin natin ang ating mga obligasyon, na ang pangunahin ay ang pagbibigay kay Jehova ng bukod-tanging debosyon. (Nahum 1:2) Hindi niya pinapayagan na magkaroon siya ng karibal. Talagang tayo’y hindi maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon.—1 Corinto 10:22; Mateo 6:24.
5. Paano ipinakita ni Jesu-Kristo na kaniyang inibig ang katuwiran at kinapootan ang kabalakyutan?
5 Isa pa, upang tayo’y “gumawa nang may katarungan,” kailangang ating ‘ibigin ang katuwiran at kapootan ang kabalakyutan,’ gaya ng ginawa ni Jesu-Kristo. Dahilan sa kaniyang pag-ibig sa katuwiran, siya’y nanatiling “banal, walang sala, hiwalay sa mga makasalanan.” (Awit 45:7; Hebreo 7:26) At dahilan sa kinapootan ni Jesus ang kabalakyutan, taglay niya ang matuwid na pagkapoot nang tuligsain niya ang mapagpaimbabaw at masasakim na mga pinunong relihiyoso noong kaniyang kaarawan.—Mateo 23:13-36; Juan 8:44.
6. Bakit kailangan natin ang higit kaysa lamang pagsang-ayon ng kaisipan na dapat nating iwasan ang anumang bagay na ibinabawal dahil sa iyon ay masama?
6 Gaya ng makikita sa halimbawa ni Jesus, hindi sapat ang umibig sa katuwiran. Kailangan ding kapootan natin—oo, kasuklaman, kamuhian, pandirihan, lubusang tanggihan—ang masama. Dahilan sa ang ating hilig ay masama mula pa sa ating pagkabata at ang ating puso ay magdaraya, traidor, kailangan natin ang higit kaysa lamang pagsang-ayon ng kaisipan na ang masama ay ibinabawal. (Genesis 8:21; Jeremias 17:9) Maliban sa tayo’y matinding sumalansang sa makasalanang mga hilig at mga tukso, tayo’y madadala ng kanilang mga panghihikayat. Kailangang lubusang tanggihan natin ang masama gaya ng ginawa ni Pinehas nang siya’y gumamit ng sibat upang saksakin ang magkapareha na nagkaisa sa imoral na pagsamba kay Baal ng Peor.—Bilang 25:5-8.
7. Ano ang patotoo na hindi ginagamit ni Jehova bilang kaniyang mga kamanggagawa ang sinuman na balakyot?
7 Hindi gusto ni Jehova at hindi niya gagamitin bilang kaniyang mga kamanggagawa ang sinumang mga indibiduwal na balakyot. Ito’y nililiwanag sa Awit 50:16-18, na doo’y mababasa natin: “Ngunit sa balakyot ay sinasabi ng Diyos: ‘Ano ang iyong karapatan upang ipahayag ang aking mga palatuntunan, at upang taglayin mo sa iyong bibig ang aking tipan? Oo, ikaw—ikaw ay napoot sa disiplina, at lagi mong iniwawaksi sa likuran mo ang aking mga salita. Pagka nakakita ka ng magnanakaw, kinalulugdan mo pa siya; at nakibahagi ka sa mga mangangalunya.’”
8. Anong pangyayari ang nagpapakita ng naidudulot na kasiraang-puri pagka tayo’y napadala sa pagkakasala?
8 Baka tayo ay masipag ng paglilingkod kay Jehova, nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Subalit kung tayo’y hindi lubhang maingat na magpigil sa sarili, baka tayo ay magkasala dahilan sa mga kahinaan ng laman at magdulot ng kasiraang-puri sa pangalan ni Jehova. Sa gayon, mga ilang taon na ngayon ang nakalipas isang elder ang nagkasala ng pangangalunya sa isang espirituwal na sister na ang asawa’y di-sumasampalataya. Nang gabi na ianunsiyo ang pagtitiwalag sa dating elder, sádarating sa Kingdom Hall ang galit na galit na asawang lalaki na may dalang baril at pinaputukan niya ang dalawang indibiduwal na nagkasala. Hindi naman napatay ang sinuman sa kanila, subalit kinabukasan ito ay napaulat na balita sa pangharap na pahina ng pinakamalaking peryodiko sa Estados Unidos! Oo, ang gawang masama ay nagdadala ng kasiraan.—Kawikaan 6:32.
9. Sang-ayon sa Kawikaan 4:23, ano ang kailangan nating pakaingatan, at bakit?
9 Samakatuwid, angkop ang payo sa atin: “Higit sa lahat na dapat ingatan, pakaingatan ang puso, sapagkat dinadaluyan ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Oo, kailangang disiplinahin natin ang sarili natin sa mga bagay na binubulaybulay natin sa ating makasagisag na mga puso. Higit at higit, ang telebisyon, mga magasin, at iba pang mga anyo ng media ay nagtatanghal ng malalaswang bagay, kasali na ang pornograpya. Kung gayon, kailangang tayo’y maging lubhang maingat tungkol sa ating pinanonood, pinakikinggan, at binabasa. Ang personal na disiplina sa ating kaisipan ay napakamahalaga! Halimbawa, marahil ay madali na makakuha tayo ng kaluguran sa paggamit sa ating mga isip upang gumuniguni ng mga bagay na may kinalaman sa sekso, na hindi natin pag-iisipan na subuking gawin sa tunay na buhay. (Mateo 5:28) Subalit kadalasan ang gayong kaisipan ay humahantong sa masasamang kilos. Kung gayon, sa halip na ipako ang kaisipan sa gayong mga bagay, ang ipamalas natin ay ang bunga ng banal na espiritu na pagpipigil sa sarili at pagpapako ng isip sa mga bagay na binabanggit sa Filipos 4:8.—Galacia 5:22, 23.
“Ibigin ang Kaawaan”
10, 11. (a) Ano ang pagkakaiba ng tapat at pagkamatapat? (b) Paano ipinakita ng Anak ng Diyos na siya’y kapuwa tapat at matapat?
10 Ang ikalawang kahilingan na binabanggit sa Mikas 6:8 ay na ating “ibigin ang kaawaan.” “Ibigin ang pagkamatapat” ang pagkakasalin dito ng The New English Bible. Sa talababa ng New World Translation Reference Bible ay makikita na ang salitang Hebreo na cheʹsedh, na isinaling “kaawaan,” ay maaari ring isalin na “maibiging awa” o “matapat na pag-ibig.” Sang-ayon sa mga lexicografo, “ang matapat ay nagpapahiwatig ng isang matatag na paglaban sa anumang tukso na magtaksil o maglilo.” “Sa tapat ay idinaragdag pa ng matapat ang ideya na pagnanasang manindigan sa panig ng isa o ng isang bagay at ipaglaban siya o iyon, kahit na sa kabila ng matitinding balakid.” Kapuna-puna, sa Kasulatan ay makikita rin natin ang bahagyang pagkakaiba sa paggamit ng mga salitang ito. Halimbawa, ang terminong “pagkamatapat” ay hindi kailanman ginagamit kaugnay ng mga bagay na walang buhay. Subalit ang salitang “tapat” ay paulit-ulit na ginagamit kaugnay niyaon. Sa gayon, ang buwan ay tinatawag na “isang tapat na saksi sa kalangitan.” (Awit 89:37) Gayundin, ang mga salita ng Diyos ay sinasabi na tapat, samakatuwid baga, maasahan.a (Apocalipsis 21:5; 22:6) Gayunman, ang pagkamatapat ay tanging sa Diyos na Jehova lamang at sa kaniyang sinang-ayunang mga lingkod ginagamit. Kaya naman, tungkol kay Jehova, ating mababasa: “Sa sinumang matapat ay magiging matapat ka.”—2 Samuel 22:26.
11 Ang Anak ng Diyos ay tapat at matapat kay Jehova sa langit. Sa lupa, siya’y dumaan sa mga pagsubok bilang ang taong si Jesu-Kristo. At kaniyang pinatunayan sa pamamagitan ng kaniyang pagsunod na siya’y kapuwa tapat at matapat bilang isang tao. Ito’y ipinakikita ng Hebreo 5:7-9, na kung saan ating mababasa: “Sa mga araw ng kaniyang laman si Kristo ay naghandog ng mga pagsusumamo at pati mga paghiling sa Isa na nakapagligtas sa kaniya buhat sa kamatayan, kasabay ng matinding pagtangis at mga luha, at siya’y dininig dahil sa kaniyang banal na takot. Bagaman siya’y Anak, gayunma’y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis; at nang siya’y mapaging sakdal siya ang gumawa ng walang-hanggang kaligtasan ng lahat na sumusunod sa kaniya.”
Mga Pagsubok sa Pagkamatapat
12. Kung minsan, ano ang maaaring maging pagsubok sa ating pagkamatapat, at paano naapektuhan ang iba ng gayong mga pagsubok?
12 Ang pagkamatapat sa Diyos na Jehova ay nangangailangan na tayo rin naman ay maging matapat sa kaniyang mga lingkod sa lupa, ang ating mga kapuwa Kristiyano. Ito’y nililiwanag ni apostol Juan nang kaniyang ipaalaala sa atin: “Siyang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakikita, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.” (1 Juan 4:20) Dahil sa mga di-kasakdalan ng iba ay baka masubok ang ating pagkamatapat sa bagay na ito. Halimbawa, baka ang iba’y nasugatan ang damdamin, kaya nakikitaan sila ng kahinaan sa kanilang pagkamatapat sa organisasyon ni Jehova sa pamamagitan ng hindi nila pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Ang isa pang pagsubok sa ating pagiging matapat sa ating mga kapatid ay pagka yaong mga ginagamit ni Jehova upang manguna ay nagkamali ng pagpapasiya. Manaka-naka, ang gayong mga pagkakamali ay ginagamit ng iba bilang isang pagdadahilan upang maghinanakit at humiwalay sa nakikitang organisasyon ni Jehova. Subalit may katuwiran ba sila sa kanilang ginawang iyon? Walang wala!
13. Bakit ang paghiwalay sa organisasyon ni Jehova ay walang katuwiran, at sa ano maaaring mahulog ang gayong mga di-matapat?
13 Bakit ang gayong mga tao ay walang katuwiran ng pag-alis sa organisasyon ng Diyos? Sapagkat sa atin ay tinitiyak ng kaniyang Salita: “Saganang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig sa kautusan [ni Jehova], at sila’y walang kadahilanang ikatitisod.” (Awit 119:165) Isa pa, sa atin ay iniutos na tayo’y “magkaroon ng maningas na pag-iibigan, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8; Kawikaan 10:12) Gayundin, ipagpalagay natin na ang isang tao’y hihiwalay sa bayan ni Jehova. Saan pa siya makapupunta? Hindi baga napapaharap sa kaniya ang ganoon ding suliranin na napaharap sa mga apostol ni Jesus nang kaniyang tanungin sila kung ibig din naman nila na iwan siya? Tama naman ang sagot ni apostol Pedro: “Panginoon, kanino pa kami magsisiparoon? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 6:68) Wala nang ibang mapupuntahan pa kundi ang “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon o dili kaya’y mahuhulog ka sa mga kamay ng pulitikal na “mabangis na hayop” ni Satanas. (Apocalipsis 13:1; 18:1-5) Marami sa mga di-nanatiling matapat at umalis sa nakikitang organisasyon ni Jehova ang nahulog sa pakikiisa sa lapastangan-sa-Diyos na “Babilonyang Dakila.”
“Maging Mahinhin sa Paglakad na Kasama ng Iyong Diyos”
14, 15. (a) Ano ang kahulugan ng salitang Ingles na “modest” (“mahinhin” ang pagkasalin sa Tagalog)? (b) Anong kahulugan ng “mahinhin” ang tinutukoy natin dito, at sa anong mga dahilan? (c) Bakit ang mga Kristiyano ay may ‘katamtamang pagkakilala sa kanilang mga kakayahan o halaga’?
14 Ang salitang Ingles na “modest” (“mahinhin” ang pagkasalin sa Tagalog) ay mayroong maraming kahulugan. Ito’y maaaring tumukoy sa isang bagay na di-nakatatawag-pansin, o “limitado ang laki, halaga, o saklaw.” O dili kaya ay maaaring tumukoy ito sa “kalinisang-asal na hinihiling ng matinong pananamit at pag-uugali.” (1 Timoteo 2:9) At nariyan din ang kahulugan ng “mahinhin” na lalong higit na tinutukoy natin, samakatuwid nga, ang pagkakilala sa mga limitasyon ng isa o “ang katamtamang pagkakilala sa mga kakayahan o halaga ng isa.” Kailanman ay hindi tayo magiging isa sa mga kamanggagawa ni Jehova kung tayo’y may napakataas na opinyon ng ating sarili, itinatawag-pansin ang ating sarili sa halip na ang Diyos na Jehova ang pangunahing itawag-pansin.
15 Ang pagkakaroon ng ‘katamtamang pagkakilala sa ating mga kakayahan o halaga’ ang malinaw na siyang kahulugan na dapat nating ikapit sa salitang Hebreo na isinaling “mahinhin” sa Mikas 6:8. Ito’y makikita buhat sa paraan ng pagkagamit sa salita sa natatanging iba pang paglitaw nito sa Kasulatang Hebreo. Sa Kawikaan 11:2 ay ipinakikita ang kaibahan nito hindi sa seksuwal na karumihan kundi sa kapalaluan, na resulta ng totoong napakataas na pagpapahalaga sa sarili. Doon ay mababasa natin: “Dumating baga ang kapalaluan? Darating din ang kahihiyan; ngunit ang karunungan ay nasa mahihinhin.” Ang kahinhinan ay kasama ng pagkatakot kay Jehova, na iniugnay din sa karunungan. (Awit 111:10) Ang isang taong mahinhin ay natatakot kay Jehova sapagkat natatalos niya ang napakalaking agwat sa pagitan niya at ng Diyos, sa pagitan ng katuwiran at kapangyarihan ni Jehova at ng kaniyang sariling di-kasakdalan at mga kahinaan. Sa gayon, isinasagawa ng taong mahinhin ang gawain ng kaniyang sariling kaligtasan taglay ang takot at panginginig.—Filipos 2:12.
16. Ano ang mga ilang teksto na nagpapakita kung bakit ang mga Kristiyano ay dapat maging mahinhin?
16 Napakarami ngang mga dahilan kung bakit ang mga kamanggagawa ni Jehova ay dapat na maging mahinhin! Anuman ang karunungan, ang lakas na marahil ay ipinagkaloob sa atin, o gaano man ang taglay nating materyal na kayamanan, tayo’y walang dahilan na maghambog. (Jeremias 9:23) Bakit wala? Dahilan sa simulain na binabanggit sa 1 Corinto 4:7: “Sino ang gumawa upang ikaw ay mapatangi sa iba? Oo nga, ano ba ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? Kung gayon na tinanggap mo pala, bakit mo ipinagmamapuri na para bang hindi mo tinanggap?” Tayo ay wala rin namang anumang dahilan na magmapuri dahilan sa mga ibinubunga ng ating ministeryo, sapagkat ano ba ang ating mababasa sa 1 Corinto 3:6, 7? Doon ay sinabi ni Pablo: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpalago; anupa’t walang anuman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig, kundi ang Diyos na siyang nagpapalago.” Ang mga salita ni Jesus sa Lucas 17:10 ay dapat ding tumulong sa atin na maging laging mahinhin, sapagkat sinabi niya: “Pagka nagawa na ninyo ang lahat ng bagay na ipinagagawa sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan. Tinupad lamang namin ang nararapat naming gawin.’”
17. Bakit ang kahinhinan ang talagang landas ng karunungan?
17 Ang kahinhinan ang talagang landas ng karunungan. Dahil sa kahinhinan ay kontento na tayo saanman tayo bigyan ng pribilehiyo na maglingkod. Kung tayo’y mahinhin, hindi tayo magiging ambisyoso na magpasikat kundi tayo’y makukontento na maging “isang nakabababa.” (Lucas 9:48) Kung gayon, tayo’y magkakaroon ng saloobin ng salmista, na nagsabi: “Ang isang araw sa iyong mga looban ay mabuti kaysa isang libo saanman. Aking minagaling na maging tagabantay-pinto sa bahay ng aking Diyos kaysa tumahan sa mga tolda ng kabalakyutan.” (Awit 84:10) Isa pa, kung tayo’y mahinhin, tataglayin natin ang pag-ibig na magpapakilos sa atin na manguna sa paggalang sa iba.—Roma 12:10.
Ang Kahinhinan ay Nababagay sa Kabataan
18. (a) Bakit ang kahinhinan ay lalong higit na nababagay sa mga kabataan? (b) Ang pangangailangan ng kahinhinan ay pinatutunayan ng anong ulat tungkol sa modernong-panahong mga kabataan?
18 Lalong higit na nababagay na ang mga kabataang Kristiyano’y magbihis ng kahinhinan na nagsisilbing adorno sa kanila. Anong inam na halimbawa sa kanila si Elihu! Bagama’t taglay niya ang mga tamang kasagutan, siya ay magalang na naghintay hanggang sa makapagsalita ang nakatatandang mga lalaki. (Job 32:6, 7) Malimit, ang mga kabataan ay mahilig na magtiwala sa sarili, anupa’t hindi nila gaanong nakikilala ang kanilang mga limitasyon. Dahilan sa sila’y may malalakas na pangangatawan at mayroong kaunting kaalaman, baka kanilang minamaliit ang hinirang na matatanda. Subalit ang kaalaman ay hindi kasingkahulugan ng karunungan, na tumutukoy sa pagkakapit ng kaalaman. Narito ang halimbawa ng malungkot na ulat na resulta ng ginagawa ng modernong mga kabataan sa Estados Unidos. Doon, 63 porsiyento ng mga inaaresto dahil sa malulubhang krimen ay mga kabataan na may edad na hanggang 24 anyos, at 30 porsiyento ng mga naaaresto ay wala pang edad 18. Iniulat din na “ang mga tsuper na lasing o nasa ilalim ng impluwensiya ng droga ang pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga Amerikanong edad 15-24.” Sa bansang iyan, “parami nang parami ang mga pag-aasawa ng mga tin-edyer na humahantong sa diborsiyo,” samantalang iniulat na “ang pag-aasawang malamang na tumagal ay kung ang babae at ang lalaki ay may edad-edad na sa pagharap nila sa dambana.”
19. Anong payo ng Kasulatan ang makabubuting isapuso ng mga kabataan?
19 Kung gayon, anong laking karunungan nga ang payo ng Salita ng Diyos! Angkop naman, ipinapayo nito sa mga kabataan na igalang ang kanilang ama at ang kanilang ina, at maging masunurin sa kanila sa lahat ng bagay. (Efeso 6:1-3; Colosas 3:20) Lalong higit na dapat isapuso ng mga kabataan ang matalinong payo: “Magtiwala ka kay Jehova ng buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:5, 6.
20. Anong gantimpala ang maaasahan ng lahat ng nag-alay at bautismadong mga tao kung susundin nila ang payo ng Mikas 6:8?
20 Anong gantimpala ang maaasahan nating lahat kung, pagkatapos na ipakita ang pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng pag-aalay at bautismo sa tubig, tayo’y ‘gumagawa nang may katarungan, nagpapakita ng matapat na pag-ibig, at mahinhin sa paglakad kasama ng ating Diyos’? Pinakamahalaga sa lahat, sasaatin ang pagsang-ayon ni Jehova dahilan sa naabot natin ang kaniyang mga kahilingan at sa gayo’y pagagalakin natin ang kaniyang puso sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bahagi sa pagbanal sa kaniyang dakila at kakila-kilabot na pangalan. (Kawikaan 27:11) At, mapatutunayan natin sa ating sariling buhay ang katotohanan ng simulain na “ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”—1 Timoteo 4:8.
[Talababa]
a Sa kanlurang panig ng Estados Unidos, mayroong isang geyser na sa loob ng maraming taon, sa katamtaman, ay nagbubuga ng singaw minsan sa bawat 65 minuto. Kaya ang itinawag doon ay Old Faithful.
Ano ba ang Iyong mga Sagot?
◻ Kasuwato ng Mikas 6:8, ano ba ang kailangan upang “gumawa nang may katarungan”?
◻ Ano ang kaugnayan ng pagiging matapat kay Jehova at ng kaugnayan natin sa ating mga kapuwa Kristiyano?
◻ Bakit tayo dapat maging ‘mahinhin sa paglakad na kasama ng Diyos’?
◻ Bakit ang kahinhinan ay lalong higit na nababagay sa mga kabataang Kristiyano?
[Larawan sa pahina 17]
Pinakaiingatan mo ba ang iyong puso sa pamamagitan ng maingat na pagpili ng pinanonood, pinakikinggan, at binabasa mo?
[Larawan sa pahina 18]
Alam ni Pedro na wala nang ibang mapupuntahan pa dahilan sa taglay ni Jesus ang “mga salita ng buhay na walang-hanggan.” Ikaw ba ay may katulad din na determinasyon na manatiling matapat sa organisasyon ni Jehova?