LIDER, TAONG MAHAL, PRINSIPE
May ilang salitang Hebreo na maaaring isalin sa iba’t ibang paraan bilang “lider,” “taong mahal,” at “prinsipe.” Ang mga salitang pinakamalimit lumitaw ay ang mga sumusunod:
Ang na·ghidhʹ, nangangahulugang “lider,” ay ikinakapit kina Saul at David may kaugnayan sa pagkakatalaga nila bilang mga hari sa Israel at kay Hezekias naman bilang hari ng Juda, taglay ang pananagutang pastulan ang bayan ni Jehova. (1Sa 9:16; 25:30; 2Sa 5:2; 2Ha 20:5) Pinili ni Jehova ang tribo ni Juda upang maging lider ng 12 tribo ng Israel, at sa Juda nanggaling ang makaharing dinastiya ni David.—1Cr 28:4; Gen 49:10; Huk 1:2.
Sa Daniel 9:25 at Isaias 55:4, tinutukoy si Jesus bilang “Mesiyas na Lider” at “lider at kumandante sa mga liping pambansa.” Pinayuhan niya ang kaniyang mga alagad: “Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider [ka·the·ge·tesʹ] ay iisa, ang Kristo.” (Mat 23:10) Sa kongregasyong Kristiyano, tanging si Jesu-Kristo ang nararapat magtaglay ng titulong “Lider,” sapagkat hindi naman isang taong di-sakdal ang lider ng mga tunay na Kristiyano; si Kristo ang sinusundan nila. Bagaman may mga “nangunguna” sa paglilingkod sa Diyos, hindi sila binibigyan ng titulong “lider” o tinatawag man nang gayon, at susundan lamang ang kanilang halimbawa kung tumutulad sila kay Kristo.—1Co 11:1; Heb 13:7.
Ang na·dhivʹ, nangangahulugang “taong mahal,” “isa na nagkukusa,” “isa na bukas-palad,” ay ginagamit sa Bilang 21:18, anupat kahanay ng terminong “mga prinsipe,” para sa mga nagkusa sa Israel na humukay ng isang balon sa ilang. Inilalarawan din nito ang mga kusang-loob na nag-abuloy sa pagtatayo ng tabernakulo. (Exo 35:5) Ayon sa pagkakagamit sa Job 12:21, nagpapahiwatig ito ng mga posisyong prominente at makapangyarihan.—Tingnan din ang Aw 83:9-11.
Ang salitang Hebreo na cho·rimʹ, nangangahulugang “mga taong mahal,” ay ginagamit para sa ilang maimpluwensiyang lalaki na nasa isang lunsod ng sampung-tribong kaharian ng Israel (1Ha 21:8, 11) at para sa mga Judio na humawak ng awtoridad sa ilalim ng Imperyo ng Persia. (Ne 5:7; 13:17) Marami sa mga taong mahal ng Juda at Jerusalem, kabilang si Daniel at ang kaniyang mga kasamahan, ang dinala ni Haring Nabucodonosor sa pagkatapon sa Babilonya noong 617 B.C.E., at ang iba naman ay pinatay niya noong 607 B.C.E.—Jer 27:20; 39:6; Dan 1:3, 6.
Ang sar, nangangahulugang “prinsipe,” “pinuno,” ay hinalaw sa isang pandiwa na nangangahulugang “mamuno.” (Huk 9:22, tlb sa Rbi8) Bagaman madalas itong isinasalin bilang “prinsipe,” hindi ito laging tumutukoy sa anak ng hari o sa isang taong maharlika. Ang mga ulo ng mga tribo ng Israel ay tinatawag na “mga prinsipe.” (1Cr 27:22) Ganiyan din ang titulong ibinigay sa mga may mataas na katungkulan sa ilalim ni Paraon ng Ehipto at ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya. (Gen 12:15; Jer 38:17, 18, 22; Es 3:12) Maaari ring taguriang sar ang isang pinuno ng hukbo. (Ne 2:9) Sa Daniel 8:11, 25, si Jehova ay tinatawag na “Prinsipe ng hukbo” at “Prinsipe ng mga prinsipe.” Si Miguel na arkanghel ‘ang dakilang prinsipe na nakatayo alang-alang sa mga anak ng bayan ni Daniel.’ (Dan 12:1) Binabanggit sa Daniel 10:13, 20 ang di-nakikitang mga demonyong prinsipe na namamahala sa mga kapangyarihang pandaigdig ng Persia at ng Gresya.—Ihambing ang Efe 6:12.
Ang Awit 45, na ang talata 6 at 7 ay ikinakapit ng apostol na si Pablo kay Kristo Jesus (Heb 1:8, 9), ay may pananalitang: “Ang magiging kahalili ng iyong mga ninuno ay ang iyong mga anak, na aatasan mo bilang mga prinsipe sa buong lupa.” (Aw 45:16) Nasusulat naman tungkol kina Abraham, Isaac, at Jacob, mga lalaking kabilang sa linya ng angkan ng mga ninuno ni Kristo: “Sa pananampalataya ang lahat ng mga ito ay namatay, bagaman hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako, ngunit nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at malugod na inasahan ang mga iyon.” (Heb 11:8-10, 13) Sa pamamahala ni Kristo, hindi lamang siya magkakaroon ng nakabababang mga hari at mga saserdote sa langit (Apo 20:6) kundi magkakaroon din siya ng ‘malaprinsipeng’ mga kinatawan sa lupa na magsasagawa ng mga utos ng hari. (Ihambing ang Heb 2:5, 8.) Maliwanag na ang Isaias 32:1, 2 ay bahagi ng isang Mesiyanikong hula at inilalarawan nito ang mga pakinabang na idudulot ng gayong “mga prinsipe” sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.—Tingnan ang PINUNO; TAGAPAMAHALA; ULO (Posisyon ng Pamamahala).