DIGMAAN
Pakikipag-alit na may kalakip na mga pagkilos na nilayong sumupil o lumipol sa itinuturing na mga kaaway. Maraming salitang Hebreo ang nauugnay sa pakikipagdigma; ang isa sa mga ito, mula sa pandiwang salitang-ugat na qa·ravʹ, ay pangunahin nang nangangahulugang “lumapit,” samakatuwid nga, upang makipaglaban. Ang pangngalang Griego na poʹle·mos ay nangangahulugang “digmaan”; at ang pandiwang stra·teuʹo ay mula sa salitang-ugat na tumutukoy sa isang nagkakampong hukbo.
Sinasabi ng Bibliya na si Nimrod ay ‘humayo patungong Asirya,’ maliwanag na isang pagsalakay, patungo sa teritoryo ni Asur na anak ni Sem. Doon ay nagtayo si Nimrod ng mga lunsod. (Gen 10:11) Noong mga araw naman ni Abraham, sinakop ni Kedorlaomer, hari ng Elam, ang maraming lunsod (lumilitaw na pawang nasa palibot ng timugang dulo ng Dagat na Patay) sa loob ng 12 taon, anupat pinilit niya ang mga ito na paglingkuran siya. Nang maghimagsik ang mga ito, nakipagdigma sa kanila si Kedorlaomer at ang kaniyang mga kaalyado, anupat nilupig nila ang mga hukbo ng Sodoma at Gomorra, kinuha ang mga pag-aari ng mga ito, at binihag ang pamangkin ni Abraham na si Lot at ang sambahayan nito. Dahil dito, tinipon ni Abraham ang kaniyang 318 sinanay na mga lingkod at, kasama ang kaniyang tatlong kakampi, tinugis niya si Kedorlaomer at nabawi niya ang mga bihag at ang mga bagay na dinambong. Gayunman, hindi kumuha si Abraham ng anumang samsam para sa kaniyang sarili. Ito ang unang rekord ng isang digmaan na ipinakipaglaban ng isang lingkod ng Diyos. May pagsang-ayon ni Jehova ang pakikipagdigmang ito ni Abraham upang mabawi ang kaniyang kapuwa lingkod ni Jehova, sapagkat nang bumalik si Abraham, pinagpala siya ni Melquisedec, saserdote ng Kataas-taasang Diyos.—Gen 14:1-24.
Pakikipagdigmang Ipinag-utos ng Diyos. Si Jehova ay “tulad-lalaking mandirigma,” “Diyos ng mga hukbo,” at “makapangyarihan sa pagbabaka.” (Exo 15:3; 2Sa 5:10; Aw 24:8, 10; Isa 42:13) Bilang ang Maylalang at Kataas-taasang Soberano ng sansinukob, hindi lamang siya may karapatan, kundi mayroon din siyang pananagutang udyok ng katarungan, na maglapat ng kamatayan o magbigay ng awtorisasyon na patayin ang mga tampalasan, na makipagdigma laban sa lahat ng mga mapagmatigas na tumatangging sumunod sa kaniyang matuwid na mga kautusan. Kaya naman makatarungan ang ginawa ni Jehova nang pawiin niya ang mga balakyot noong panahon ng Baha, nang wasakin niya ang Sodoma at Gomorra, at nang puksain niya ang mga hukbo ni Paraon.—Gen 6:5-7, 13, 17; 19:24; Exo 15:4, 5; ihambing ang 2Pe 2:5-10; Jud 7.
Ginamit ng Diyos ang Israel bilang tagapuksa. Iniatas ni Jehova sa mga Israelita ang sagradong tungkulin na magsilbing kaniyang mga tagapuksa sa Lupang Pangako na pinagdalhan niya sa kanila. Bago iniligtas ang Israel mula sa Ehipto, walang karanasan ang bansang iyon sa pakikipagdigma. (Exo 13:17) Sa pamamagitan ng Kaniyang matagumpay na pangunguna sa Israel laban sa “pitong bansa na higit na matao at makapangyarihan” kaysa sa kanila, dinakila ng Diyos ang kaniyang pangalan bilang si “Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel.” Pinatunayan nito na “hindi sa pamamagitan ng tabak ni sa pamamagitan man ng sibat nagliligtas si Jehova, sapagkat kay Jehova ang pagbabaka.” (Deu 7:1; 1Sa 17:45, 47; ihambing ang 2Cr 13:12.) Binigyan din nito ang mga Israelita ng pagkakataong ipakita ang pagkamasunurin nila sa mga utos ng Diyos, kahit hanggang sa puntong isapanganib nila ang kanilang buhay para sa pakikipagdigmang ipinag-utos ng Diyos.—Deu 20:1-4.
Hindi dapat sumalakay sa labas ng mga hangganang itinakda ng Diyos. Gayunman, mahigpit na iniutos ng Diyos sa Israel na hindi sila dapat makipagdigma o manakop sa labas ng teritoryong ipinagkaloob niya sa kanila at na hindi sila dapat makipaglaban sa alinmang bansa maliban doon sa mga ipinag-utos niyang labanan nila. Hindi sila dapat makipaghidwaan sa mga bansa ng Edom, Moab, o Ammon. (Deu 2:4, 5, 9, 19) Ngunit nang maglaon ay sinalakay sila ng mga bansang ito at napilitan silang ipagtanggol ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pakikipagdigma. Tinulungan naman sila ng Diyos sa bagay na iyon.—Huk 3:12-30; 11:32, 33; 1Sa 14:47.
Noong kapanahunan ng mga Hukom, nang sikaping ipagmatuwid ng hari ng Ammon ang mga pagsalakay nito laban sa Israel sa pamamagitan ng may-kabulaanang pagpaparatang na kinuha ng Israel ang lupain ng mga Ammonita, pinasinungalingan ni Jepte ang mga sinabi nito sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa kaniya ng mga pangyayari sa kasaysayan. Pagkatapos ay nakipaglaban si Jepte sa mga mananalakay na ito, batay sa simulain na ‘ang bawat isa na itataboy ni Jehova sa harap namin ay itataboy namin.’ Hindi papayag si Jepte na isuko sa kaninumang manlulusob ang isa mang pulgada ng bigay-Diyos na lupain ng Israel.—Huk 11:12-27; tingnan ang JEPTE.
Pinabanal na pakikipagdigma. Noong sinauna, nakaugalian nang pabanalin ang mga hukbong pandigma bago makipagbaka ang mga ito. (Jos 3:5; Jer 6:4; 51:27, 28) Sa panahon ng pakikipagdigma, ang mga hukbo ng Israel, pati ang mga di-Judio (halimbawa, si Uria na Hiteo, na malamang ay isang tinuling proselita), ay kailangang manatiling malinis sa seremonyal na paraan. Sa panahon ng kampanyang pangmilitar, hindi sila maaaring makipagtalik, kahit sa sarili nilang asawa. Dahil dito, walang mga patutot na susunud-sunod sa hukbo ng Israel. Bukod diyan, ang kampo mismo ay kailangang panatilihing malinis mula sa karungisan.—Lev 15:16, 18; Deu 23:9-14; 2Sa 11:11, 13.
Kapag kinailangang parusahan ang di-tapat na Israel, ang banyagang mga hukbong nagpapasapit ng pagkapuksa ay minamalas bilang ‘pinabanal,’ sa diwa na ‘ibinukod’ sila ni Jehova upang ilapat nila ang kaniyang matuwid na mga kahatulan. (Jer 22:6-9; Hab 1:6) Sa katulad na paraan, ang mga hukbong militar (pangunahin na ang mga Medo at mga Persiano) na nagpasapit ng pagkapuksa sa Babilonya ay tinukoy ni Jehova bilang “aking mga pinabanal.”—Isa 13:1-3.
Dahil sa kanilang kasakiman, sinasabing ang mga bulaang propeta sa Israel ay ‘nagpapabanal ng digmaan’ laban sa sinumang hindi naglalagay ng anuman sa kanilang mga bibig. Tiyak na may-pagbabanal-banalan nilang inangkin na pinahihintulutan ng Diyos ang kanilang mga paniniil, kabilang na rito ang pakikibahagi nila sa pag-uusig at maging sa pagpatay sa tunay na mga propeta at mga lingkod ng Diyos.—Mik 3:5; Jer 2:8; Pan 4:13.
Pangangalap. Sa utos ni Jehova, ang matitipunong lalaki ng Israel na 20 taóng gulang at pataas ay kinalap para sa paglilingkod militar. Ayon kay Josephus, naglingkod ang mga ito hanggang sa edad na 50 taon. (Jewish Antiquities, III, 288 [xii, 4]) Hindi tinanggap ang mga matatakutin at mahihina ang loob sapagkat ang pakikipagdigma ng Israel ay pakikipagdigma ni Jehova, at maaaring manghina ang loob ng hukbo kung may mga kasama roon na kakikitaan ng mahinang pananampalataya at takot. Pinalaya naman sa paglilingkod militar ang mga lalaking katatapos pa lamang magpatayo ng isang bagong bahay, gayundin yaong mga nagtanim ng isang ubasan at hindi pa nakikinabang sa bunga nito. Ang mga eksemsiyong ito ay salig sa karapatan ng isang lalaki na tamasahin ang bunga ng kaniyang paggawa. Ang bagong-kasal na lalaki ay malaya sa paglilingkod militar sa loob ng isang taon. Sa panahong ito, ang lalaking iyon ay maaaring magkaroon ng isang tagapagmana at maaari rin niyang makita ang pagsilang nito. Dito ay isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang pagkabahala at konsiderasyon para sa pamilya. (Bil 1:1-3, 44-46; Deu 20:5-8; 24:5) Ang mga Levita, na nag-asikaso sa paglilingkod sa santuwaryo, ay malaya sa paglilingkod militar, anupat ipinakikita nito na itinuring ni Jehova na mas mahalaga ang espirituwal na kapakanan ng bayan kaysa sa depensa militar.—Bil 1:47-49; 2:32, 33.
Mga kautusan may kinalaman sa pagsalakay at pagkubkob sa mga lunsod. Tinagubilinan ni Jehova ang Israel tungkol sa pamamaraang militar na susundin nila sa pananakop sa Canaan. Lilipulin ang pitong bansa ng Canaan, na binanggit sa Deuteronomio 7:1, 2, kasama ang mga babae at mga bata. Itatalaga sa pagkapuksa ang kanilang mga lunsod. (Deu 20:15-17) Ayon sa Deuteronomio 20:10-15, binabalaan muna ang ibang mga lunsod at iniharap sa kanila ang mga kundisyon ng pakikipagpayapaan. Kung susuko ang lunsod, hindi papatayin ang mga tumatahan doon at puwersahan silang pagtatrabahuhin. Ang pagkakataong ito na sumuko, kasama ang katiyakan na hindi sila papatayin at na hindi gagahasain o momolestiyahin ang kanilang kababaihan, ay isang pangganyak upang sumuko sa hukbo ng Israel ang mga lunsod na iyon, sa gayo’y maiiwasan ang pagdanak ng dugo. Kung hindi susuko ang lunsod na iyon, papatayin ang lahat ng kalalakihan niyaon. Pinapatay ang mga lalaki upang huwag makapaghimagsik ang lunsod na iyon sa bandang huli. Pinaliligtas “ang mga babae at ang maliliit na bata.” Tiyak na ang “mga babae” na tinutukoy rito ay mga birhen yamang ipinakikita ito ng Deuteronomio 21:10-14, kung saan ang potensiyal na mga kasintahang babae na maaaring makuha sa digmaan ay inilalarawang nagdadalamhati para sa kanilang mga magulang, hindi para sa kanilang mga asawa. Gayundin, mas maaga rito, nang matalo ng Israel ang Midian, espesipikong sinasabi na mga birhen lamang ang pinaligtas. Dahil mga birhen lamang ang pinaligtas, ito’y nagsilbing proteksiyon sa Israel laban sa huwad na pagsamba at proteksiyon din laban sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik. (Bil 31:7, 17, 18) (Tungkol sa pagiging makatarungan ng utos ng Diyos laban sa mga bansang Canaanita, tingnan ang CANAAN, CANAANITA [Pananakop ng Israel sa Canaan].)
Ang mga punungkahoy na pinagkukunan ng pagkain ay hindi dapat putulin upang gawing mga kayariang pangubkob. (Deu 20:19, 20) Sa kainitan ng pagbabaka, pinipilay ang mga kabayo ng kaaway upang lumpuhin ang mga ito; pagkatapos ng pagbabaka, tiyak na pinapatay ang mga ito.—Jos 11:6.
Hindi Lahat ng Pakikipagdigma ng Israel ay Wasto. Ang paglihis ng Israel tungo sa landasin ng kawalang-katapatan ay may kasamang mga labanan na sa totoo ay mga pag-aagawan lamang ng kapangyarihan. Ganito ang kaso ng pakikipagdigma ni Abimelec laban sa Sikem at Tebez noong panahon ng mga Hukom (Huk 9:1-57), gayundin ng pakikipagdigma ni Omri laban kina Zimri at Tibni, na naging dahilan upang matibay siyang maitatag sa pagkahari sa sampung-tribong kaharian. (1Ha 16:16-22) Karagdagan pa, sa halip na manalig kay Jehova para sa proteksiyon laban sa kanilang mga kaaway, ang mga Israelita ay nagsimulang magtiwala sa kapangyarihang militar, sa mga kabayo at sa mga karo. Kaya naman noong panahon ni Isaias, ang lupain ng Juda ay “punô ng mga kabayo” at “walang takda ang dami ng kanilang mga karo.”—Isa 2:1, 7.
Sinaunang Estratehiya at mga Taktika sa Pakikipagdigma. Kung minsan, bago sumalakay ay nagsusugo muna ng mga tiktik upang alamin ang mga kalagayan sa lupain. Hindi isinusugo ang gayong mga tiktik upang magpasimula ng kaguluhan, paghihimagsik, o subersibong mga lihim na kilusan. (Bil 13:1, 2, 17-19; Jos 2:1; Huk 18:2; 1Sa 26:4) Ginagamit noon ang pantanging mga tunog ng trumpeta para pisanin ang mga hukbo, para manawagan sa pakikipagdigma, at para maghudyat ng nagkakaisang pagkilos. (Bil 10:9; 2Cr 13:12; ihambing ang Huk 3:27; 6:34; 7:19, 20.) Kung minsan, ang mga hukbo ay hinahati-hati at ikinakalat upang sumalakay mula sa iba’t ibang panig, o upang magsagawa ng mga operasyon ng pagpapain kasabay ang pananambang. (Gen 14:15; Jos 8:2-8; Huk 7:16; 2Sa 5:23, 24; 2Cr 13:13) Noong isang pagkakataon, sa utos ni Jehova, ang mga mang-aawit ng papuri sa Diyos ay inilagay sa dakong harapan, sa unahan ng mga hukbong sandatahan. Nang araw na iyon, ipinakipaglaban ng Diyos ang Israel, anupat nilito niya ang kampo ng kaaway upang magpatayan ang mga kawal ng kaaway.—2Cr 20:20-23.
Sa kalakhang bahagi, ang labanan ay manu-mano, tao laban sa tao. Iba’t ibang uri ng sandata ang ginamit—mga tabak, mga sibat, mga diyabelin, mga palaso, mga batong panghilagpos, at iba pa. Noong panahong sinasakop ng Israel ang Lupang Pangako, hindi sila nanalig sa mga kabayo at mga karo; nagtiwala sila sa kapangyarihan ni Jehova na magligtas. (Deu 17:16; Aw 20:7; 33:17; Kaw 21:31) Noong bandang huli na lamang gumamit ng mga kabayo at mga karo ang mga hukbo ng Israel, gaya ng mga Ehipsiyo at ng iba pa. (1Ha 4:26; 20:23-25; Exo 14:6, 7; Deu 11:4) Kung minsan, ang mga hukbong banyaga ay nasasangkapan ng mga karong pandigma na may mga lingkaw na bakal na nakausli mula sa mga ehe ng mga ito.—Jos 17:16; Huk 4:3, 13.
Sa paglipas ng mga siglo, nagbago ang mga taktika sa pakikipagdigma. Sa pangkalahatan, hindi pinagbuhusan ng pansin ng Israel ang paggawa ng mas mahuhusay na kasangkapang pansalakay sa digmaan, bagaman inasikaso nila nang husto ang pagpapatibay ng depensa. Nakilala si Haring Uzias ng Juda sa paggawa ng “mga makinang pandigma, na likha ng mga inhinyero,” ngunit ang mga ito ay pangunahin nang para sa pagtatanggol ng Jerusalem. (2Cr 26:14, 15) Upang masalakay ang mas mataas at mas mahinang bahagi ng pader ng isang lunsod, ang mga hukbong Asiryano at Babilonyo, partikular na, ay nakilala sa kanilang mga pader na pangubkob at sa kanilang mga muralyang pangubkob. Ang mga muralyang ito ay nagsilbing mga dahilig kung saan isinasampa ang mga toreng may mga pambundol; nakikipaglaban naman ang mga mamamana at mga tagapagpahilagpos mula sa mga toreng ito. Kasama sa mga ito ang iba pang mga uri ng mga makinang pangubkob, kabilang na ang pagkalaki-laking mga panghagis ng bato. (2Ha 19:32; Jer 32:24; Eze 4:2; Luc 19:43) Kasabay nito, sinisikap naman ng mga tagapagtanggol ng lunsod na pigilan ang pagsalakay sa pamamagitan ng kanilang mga mamamana, mga tagapaghilagpos, at mga kawal na naghahagis ng mga piraso ng nagliliyab na kahoy mula sa kanilang mga pader at mga tore at mula sa mga makinang panghagis ng mga suligi sa loob ng lunsod. (2Sa 11:21, 24; 2Cr 26:15; 32:5) Kapag sinasalakay ang mga kutang may pader, isa sa mga unang pinagsisikapang gawin ay ang putulin ang suplay ng tubig ng lunsod, samantalang kadalasan nama’y sinasarhan ng mga tumatahan sa lunsod na kukubkubin ang mga bukal ng tubig sa palibot ng lunsod upang hindi magamit ng mga mananalakay ang mga ito.—2Cr 32:2-4, 30.
Kapag natalo nila ang kaaway, kung minsan ay sinasarhan ng mga nagtagumpay ang mga balon at mga bukal sa lugar na iyon at kinakalatan nila ng mga bato ang lupa, anupat may mga pagkakataong hinahasikan nila ng asin ang lupa.—Huk 9:45; 2Ha 3:24, 25; tingnan ang ARMAS, BALUTI; KUTA.
Humula si Jesus ng mga Digmaan. Si Jesus, ang taong mapayapa, ay nagsabi na “ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mat 26:52) Ipinahayag niya kay Pilato na, kung ang Kaharian niya ay nagmula sa sanlibutang ito, lumaban sana ang kaniyang mga tagapaglingkod upang hindi siya maibigay sa mga Judio. (Ju 18:36) Gayunman, inihula niya na dahil itinakwil siya ng Jerusalem bilang ang Mesiyas, sa kalaunan ay kukubkubin ito at ititiwangwang, anupat sa panahong iyon ang “mga anak” nito (ang mga tumatahan doon) ay isusubsob sa lupa.—Luc 19:41-44; 21:24.
Nang malapit na siyang mamatay, nagbigay si Jesus ng mga hula na kumakapit sa salinlahing iyon at pati sa panahon ng pasimula ng kaniyang pagkanaririto taglay ang kapangyarihan ng Kaharian: “Makaririnig kayo ng mga digmaan at mga ulat ng mga digmaan; tiyakin ninyo na hindi kayo masindak. Sapagkat ang mga bagay na ito ay kailangang maganap, ngunit hindi pa ang wakas. Sapagkat ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.”—Mat 24:6, 7; Mar 13:7, 8; Luc 21:9, 10.
Nakikipagdigma si Kristo Bilang “Hari ng mga Hari.” Isinisiwalat ng Bibliya na ang binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo, taglay ang ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa’ na ipinagkaloob sa kaniya ng kaniyang Ama, ay makikipagbaka sa isang pakikipagdigma na pupuksa sa lahat ng mga kaaway ng Diyos at magtatatag ng walang-hanggang kapayapaan, gaya ng ipinahihiwatig ng kaniyang titulo na “Prinsipe ng Kapayapaan.”—Mat 28:18; 2Te 1:7-10; Isa 9:6.
Ang apostol na si Juan ay nagkaroon ng isang pangitain tungkol sa mga bagay na magaganap pagkatapos na mailuklok si Kristo sa trono sa langit. Inihula ng mga salita ng Awit 2:7, 8 at 110:1, 2 na ang Anak ng Diyos ay aanyayahang ‘hingin kay Jehova ang mga bansa bilang kaniyang mana,’ at na tutugon naman si Jehova sa pamamagitan ng pagsusugo sa kaniya upang ‘manupil sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’ (Heb 10:12, 13) Inilarawan ng pangitain ni Juan ang isang digmaan sa langit kung saan pinangunahan ni Miguel, samakatuwid nga, si Jesu-Kristo (tingnan ang MIGUEL Blg. 1), ang mga hukbo ng langit sa isang digmaan laban sa Dragon, si Satanas na Diyablo. Humantong ang digmaang iyon sa paghahagis sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel patungo sa lupa. Ang digmaang iyon ay karaka-rakang kasunod ng ‘pagsilang ng batang lalaki’ na mamamahala sa mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal. (Apo 12:7-9) Pagkatapos ay ipinatalastas ng isang malakas na tinig sa langit: “Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo.” Nagdulot ito ng kaginhawahan at kagalakan sa mga anghel; ngunit nagbadya ito ng mga kabagabagan, kabilang na rito ang digmaan, para sa lupa, sapagkat ganito ang pagpapatuloy ng kapahayagan: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”—Apo 12:10, 12.
Pagkatapos na ihagis si Satanas sa lupa, pangunahin niyang pinuntirya ang mga lingkod ng Diyos sa lupa, ang mga nalalabi sa ‘binhi ng babae,’ “na tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” Pinasimulan ni Satanas laban sa kanila ang isang pakikipagdigmang may kalakip na espirituwal na pakikipagbaka at aktuwal na pag-uusig, na naging dahilan pa nga ng kamatayan ng ilan. (Apo 12:13, 17) Inilalarawan ng sumunod na mga kabanata ng Apocalipsis (13, 17-19) ang mga ahente at mga kasangkapan na ginagamit ni Satanas laban sa kanila, gayundin ang matagumpay na kalalabasan para sa mga banal ng Diyos sa ilalim ng kanilang Lider na si Jesu-Kristo.
“Digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Ang ika-19 na kabanata ng Apocalipsis ay nagbibigay sa atin ng pananaw hinggil sa pinakamalaking digmaan sa buong kasaysayan ng tao, anupat nakahihigit sa alinmang digmaan na nasaksihan ng mga tao kailanman. Sa unang bahagi ng pangitain, tinatawag iyon na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Nakahanay laban kay Jehova at sa Panginoong Jesu-Kristo bilang Kumandante ng mga hukbo ng Diyos, na mga hukbo ng langit, ay ang makasagisag na “mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo” na nagtipon sa dako ng digmaang ito dahil sa “mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo.” (Apo 16:14; 19:19) Sa pagbabakang ito, hindi inilalarawang nakikibahagi ang makalupang mga lingkod ng Diyos. Ang makalupang mga hari “ay makikipagbaka sa Kordero, ngunit, dahil sa siya ay Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, dadaigin sila ng Kordero.” (Apo 17:14; 19:19-21; tingnan ang HAR–MAGEDON.) Pagkatapos ng labanang ito, si Satanas na Diyablo mismo ay igagapos sa loob ng isang libong taon, “upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa hanggang sa matapos ang isang libong taon.”—Apo 20:1-3.
Kapag tapos na ang digmaang ito, ang lupa ay magtatamasa ng kapayapaan sa loob ng isang libong taon. Ang awit na nagsasabing “Pinatitigil [ni Jehova] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy,” ay unang natupad noong magpasapit ang Diyos ng kapayapaan sa lupain ng Israel nang wasakin niya ang mga kasangkapang pandigma ng kaaway. Kapag natalo na ni Kristo sa Har–Magedon ang mga promotor ng digmaan, tatamasahin hanggang sa dulo ng makalupang globong ito ang lubos at kasiya-siyang kapayapaan. (Aw 46:8-10) Ang mga taong pagkakalooban ng walang-hanggang buhay ay yaong mga pumukpok na sa ‘kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at sa kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos’ at hindi na ‘nag-aaral pa ng pakikipagdigma.’ “Sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”—Isa 2:4; Mik 4:3, 4.
Aalisin na ang banta ng digmaan magpakailanman. Ipinakikita rin ng pangitain sa Apocalipsis na sa katapusan ng isang libong taon, ibabalik si Satanas na Diyablo mula sa kaniyang pagkakagapos sa kalaliman at muli niyang uudyukan ang marami upang makipagdigma laban sa mga nananatiling matapat sa Diyos. Ngunit hindi ito magdudulot ng anumang pinsala, sapagkat ‘bababa ang apoy mula sa langit’ at lalamunin nito ang mga kaaway na iyon, sa gayon ay maaalis ang lahat ng banta ng digmaan magpakailanman.—Apo 20:7-10.
Kristiyanong Pakikipagdigma. Bagaman ang Kristiyano ay hindi pisikal na nakikipagdigma laban sa dugo at laman (Efe 6:12), nakikipagdigma naman siya sa isang espirituwal na pakikipaglaban. Inilalarawan ng apostol na si Pablo ang pagdidigmaan sa loob ng isang Kristiyano sa pagitan ng “kautusan ng kasalanan” at ng “kautusan ng Diyos,” o ‘kautusan ng pag-iisip’ (ang pag-iisip ng Kristiyano na kasuwato ng Diyos).—Ro 7:15-25.
Napakahirap ang pakikipagdigmang ito ng isang Kristiyano, anupat kailangan ang buong-sikap na pagpupunyagi upang magwagi ang isang tao. Ngunit makapagtitiwala siya na siya’y magtatagumpay dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo at sa tulong ng espiritu ng Diyos. (Ro 8:35-39) Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa pakikipaglabang ito: “Magpunyagi kayo nang buong-lakas upang makapasok sa makipot na pinto” (Luc 13:24), at ipinayo naman ng apostol na si Pedro: “Patuloy na umiwas mula sa mga pagnanasa ng laman, na siya mismong nakikipagbaka [o, “gumagawa ng paglilingkod militar” (stra·teuʹon·tai)] laban sa kaluluwa.”—1Pe 2:11, Int; ihambing ang San 4:1, 2.
Laban sa mga balakyot na espiritu. Bukod sa pakikipagdigmang ito laban sa kautusan ng kasalanan, ang isang Kristiyano ay may pakikipaglaban sa mga demonyo, palibhasa’y sinasamantala ng mga ito ang mga hilig ng laman sa pamamagitan ng pagtukso sa Kristiyano upang magkasala. (Efe 6:12) Sa pakikipagdigmang ito, inuudyukan din ng mga demonyo yaong mga nasa ilalim ng kanilang impluwensiya upang tuksuhin o salansangin at pag-usigin ang mga Kristiyano sa layuning sirain nila ang kanilang katapatan sa Diyos.—1Co 7:5; 2Co 2:11; 12:7; ihambing ang Luc 4:1-13.
Laban sa mga bulaang turo. Binanggit din ng apostol na si Pablo ang isang pakikipagdigma na ipinakikipaglaban niya at ng kaniyang mga kasamahan, habang isinasagawa nila ang kanilang atas bilang itinalagang mga tagapangalaga sa kongregasyong Kristiyano. (2Co 10:3) Ang kongregasyon sa Corinto ay may-kasamaang inimpluwensiyahan ng mga lalaking pangahas, tinatawag ni Pablo na “mga bulaang apostol,” na lumikha ng mga pagkakabaha-bahagi o mga sekta sa kongregasyon dahil sa pagbibigay nila ng di-nararapat na atensiyon sa mga personalidad. (2Co 11:13-15) Sa diwa, naging mga tagasunod sila ng mga taong gaya nina Apolos, Pablo, at Cefas. (1Co 1:11, 12) Naiwala ng mga miyembro ng kongregasyon ang espirituwal na pangmalas, na ang mga lalaking ito ay mga kinatawan lamang ni Kristo, anupat may-pagkakaisang naglilingkod sa iisang layunin. Sila’y naging makalaman. (1Co 3:1-9) Minalas nila ang mga lalaki sa kongregasyon ‘ayon sa kung ano ang mga ito sa laman,’ ang kanilang kaanyuan, likas na mga kakayahan, mga personalidad, at iba pa, sa halip na igalang sila bilang mga taong espirituwal. Hindi nila kinilala ang pagkilos ng espiritu ng Diyos sa kongregasyon, at na ang naisasagawa ng mga taong gaya nina Pablo, Pedro, at Apolos ay sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, ukol sa Kaniyang kaluwalhatian.
Kaya naman naudyukan si Pablo na sumulat sa kanila: “Tunay ngang isinasamo ko na kapag naririyan ako ay huwag sana akong gumamit ng katapangan taglay ang pagtitiwalang iyon na inaasahan kong gamitin upang makagawa ng may-tapang na mga hakbangin laban sa ilan na tumataya sa amin na para bang lumalakad kami ayon sa kung ano kami sa laman. Sapagkat bagaman lumalakad kami sa laman, hindi kami nakikipagdigma ayon sa kung ano kami sa laman. Sapagkat ang mga sandata ng aming pakikidigma ay hindi makalaman, kundi makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos para sa pagtitiwarik ng mga bagay na matibay ang pagkakatatag. Sapagkat itinitiwarik namin ang mga pangangatuwiran at bawat matayog na bagay na ibinangon laban sa kaalaman sa Diyos; at dinadala namin sa pagkabihag ang bawat kaisipan upang gawin itong masunurin sa Kristo.”—2Co 10:2-5.
Sumulat si Pablo kay Timoteo, na iniwan niya sa Efeso upang mangalaga sa kongregasyon doon: “Ang utos na ito ay ipinagkakatiwala ko sa iyo, anak, Timoteo, ayon sa mga panghuhula na tuwirang tumutukoy sa iyo, upang sa pamamagitan ng mga ito ay maipagpatuloy mo ang mainam na pakikipagdigma; na nanghahawakan sa pananampalataya at sa isang mabuting budhi.” (1Ti 1:18, 19) Hindi lamang napaharap si Timoteo sa mga pakikipagbaka dahil sa makasalanang laman at dahil sa pagsalansang ng mga kaaway ng katotohanan kundi kinailangan din niyang makipagdigma laban sa pagpasok ng huwad na doktrina at niyaong mga nais magpasamâ sa kongregasyon. (1Ti 1:3-7; 4:6, 11-16) Patitibayin ng kaniyang mga pagkilos ang kongregasyon laban sa apostasya na alam ni Pablo na mangyayari kapag wala na ang mga apostol. (2Ti 4:3-5) Kaya naman isang tunay na pakikipaglaban ang kailangang harapin ni Timoteo.
Nagawang sabihin ni Pablo kay Timoteo: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.” (2Ti 4:7) Naingatan ni Pablo ang kaniyang katapatan kay Jehova at kay Jesu-Kristo sa pamamagitan ng tamang paggawi at paglilingkod sa kabila ng pagsalansang, pagdurusa, at pag-uusig. (2Co 11:23-28) Nagampanan din niya ang pananagutan ng kaniyang katungkulan bilang isang apostol ng Panginoong Jesu-Kristo, anupat ipinakipaglaban niya ang pakikidigma upang maingatang malinis at walang batik ang kongregasyong Kristiyano, gaya ng isang malinis na birhen, at bilang “isang haligi at suhay ng katotohanan.”—1Ti 3:15; 1Co 4:1, 2; 2Co 11:2, 29; ihambing ang 2Ti 2:3, 4.
Ang materyal na suporta ng Diyos sa Kristiyano. Sa pakikipagdigma ng isang Kristiyano, minamalas ng Diyos ang Kristiyano bilang Kaniyang kawal at, samakatuwid, pinaglalaanan niya siya ng kinakailangang materyal na mga bagay. May kinalaman sa awtoridad ng isa na naglilingkod sa iba bilang ministro, nagpaliwanag ang apostol: “Sino nga ang kailanma’y naglilingkod bilang isang kawal sa kaniyang sariling gastos?”—1Co 9:7.
Ang mga Kristiyano at ang mga Digmaan ng mga Bansa. Mula’t sapol, ang mga Kristiyano ay nag-iingat ng mahigpit na neutralidad may kinalaman sa makalamang pakikipagdigma sa pagitan ng mga bansa, mga grupo, o anumang uri ng mga paksiyon. (Ju 18:36; Efe 6:12) Para sa mga halimbawa ng saloobin ng unang mga Kristiyano sa bagay na ito, tingnan ang HUKBO, I (Yaong mga Kilala Bilang Unang mga Kristiyano).
Iba Pang Pagkagamit. Sa awit nina Barak at Debora, pagkatapos ng tagumpay laban sa hukbo ni Jabin, hari ng Canaan, inaalaala ang isang pangyayari na nagsasaad ng isang simulain: “Pumili sila [ang Israel] ng mga bagong diyos. Noon nagkaroon ng digmaan sa mga pintuang-daan.” (Huk 5:8) Karaka-raka, matapos nilang iwan si Jehova upang bumaling sa huwad na pagsamba, bumangon ang problema, anupat ginipit sila ng kaaway sa mismong mga pintuang-daan ng kanilang mga lunsod. Kasuwato ito ng kapahayagan ng salmista: “Malibang si Jehova ang magbantay sa lunsod, walang kabuluhan ang pananatiling gising ng bantay.”—Aw 127:1.
Sa Eclesiastes 8:8, sumulat si Solomon: “Walang taong may kapangyarihan sa espiritu upang pigilan ang espiritu; . . . ni mayroon mang pagpapauwi mula sa digmaan.” Sa araw ng kamatayan, hindi mapipigilan ng taong naghihingalo ang espiritu, o puwersa ng buhay, upang huwag muna itong bumalik sa Diyos na Tagapagbigay at Bukal nito anupat tatagal pa ang kaniyang buhay. Hindi makokontrol ng mga taong namamatay ang araw ng kamatayan ni mapipigilan man nila ang pagdating nito. Anumang pagsisikap ang gawin ng mga tao, hindi sila maaaring umuwi mula sa digmaang ipinakikipaglaban ng kaaway na Kamatayan laban sa buong sangkatauhan. Hindi maaaring kumuha ang taong makasalanan ng ibang taong makasalanan na hahalili sa kaniya sa kamatayan at sa gayon ay maipagpapaliban niya ito. (Aw 49:6-9) Posible lamang ang pagkahango mula rito dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. ‘Kung paanong ang kasalanan ay namahala bilang hari kasama ang kamatayan, sa gayunding paraan ang di-sana-nararapat na kabaitan ay mamamahala bilang hari sa pamamagitan ng katuwiran tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon.’—Ro 5:21.