PAGBABAYAD-SALA
Ang salitang Ingles na “atonement” (pagbabayad-sala) ay hinalaw sa pananalitang “at one” (kaisa) at, ayon sa pagkakagamit nito sa Bibliya, nangangahulugan ito ng pagtatakip ng mga kasalanan. Ang mga terminong may kaugnayan sa pagbabayad-sala ay maraming beses na lumilitaw sa Hebreong Kasulatan, lalo na sa mga aklat ng Levitico at Mga Bilang. Ang salitang Hebreo para sa pagbabayad-sala ay ka·pharʹ, at malamang na ang orihinal na kahulugan nito ay “takpan,” bagaman iminumungkahi rin ng iba ang “punasan.”
Ang Pangangailangan ng Tao Ukol sa Pagbabayad-Sala. Kailangan ng tao ang pantakip sa kasalanan, o pagbabayad-sala, dahil sa minanang kasalanan (1Ha 8:46; Aw 51:5; Ec 7:20; Ro 3:23), na kagagawan mismo ng tao at hindi ng Diyos. (Deu 32:4, 5) Nang maiwala ni Adan ang buhay na walang hanggan bilang sakdal na tao, nagpamana siya ng kasalanan at kamatayan sa kaniyang mga supling (Ro 5:12), kung kaya sumailalim sa hatol na kamatayan ang mga inapo ni Adan. Dahil dito, upang muling matamo ng sangkatauhan ang pagkakataong magtamasa ng buhay na walang hanggan, kailangan ang eksaktong pambayad-sala para sa naiwala ni Adan, kasuwato ng legal na simulaing inilakip ni Jehova nang maglaon sa Kautusang Mosaiko, samakatuwid nga, mata para sa mata.—Deu 19:21.
Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang “pagbabayad-sala” ay may pangunahing ideya na “pantakip” o “pamalit,” at yaong ibinibigay bilang pamalit, o “pantakip,” para sa isang bagay ay dapat na kaparehung-kapareho nito. Samakatuwid, anumang bagay na ihahalili sa isang bagay na nawala ay dapat na maging “kaisa” ng bagay na iyon, anupat lubusang tinatakpan ang bagay na nawala bilang eksaktong katumbas niyaon. Dapat ay walang labis at walang kulang. Walang di-sakdal na tao ang makapaglalaan ng gayong pantakip o pambayad-sala upang maisauli ang sakdal na buhay-tao sa sinuman o sa buong sangkatauhan. (Aw 49:7, 8) Upang sapat na maipagbayad-sala ang naiwala ni Adan, kailangang mailaan ang isang handog ukol sa kasalanan na eksaktong katumbas ng halaga ng isang sakdal na buhay-tao.
Nagtatag ang Diyos na Jehova ng isang kaayusan ng pagbabayad-sala para sa mga Israelita na lumalarawan sa isang lalong dakilang paglalaan ukol sa pagbabayad-sala. Si Jehova at hindi ang tao ang dapat kilalaning nagtakda at nagsiwalat ng pamamaraan ukol sa pagbabayad-sala na tatakip sa minanang kasalanan at maglalaan ng kaginhawahan mula sa ibinunga nitong hatol na kamatayan.
Mga Haing Pambayad-Sala. Gaya ng iniutos ng Diyos, ang mga Israelita ay naghain ng mga handog ukol sa kasalanan upang magbayad-sala. (Exo 29:36; Lev 4:20) May partikular na kahulugan ang taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, kung kailan ang mataas na saserdote ng Israel ay naghahandog ng mga haing hayop at nagbabayad-sala para sa kaniyang sarili, para sa ibang mga Levita, at para sa di-makasaserdoteng mga tribo ng Israel. (Lev 16) Ang mga hayop na inihahain ay dapat na walang dungis, na nagpapahiwatig na kailangang sakdal ang kanilang inilalarawan. Gayundin, malaking halaga ang nasasangkot sa pagbabayad-sala sapagkat buhay mismo ng inihahandog ang ibinibigay, anupat ibinubuhos ang dugo nito upang magbayad-sala. (Lev 17:11) Ang mga handog ukol sa kasalanan na inihandog ng mga Israelita at ang iba’t ibang bahagi ng taunang Araw ng Pagbabayad-Sala ay tiyak na nagkintal sa kanilang isip ng kalubhaan ng kanilang pagiging makasalanan at ng malaking pangangailangan nila na lubusang maipagbayad-sala. Gayunman, ang mga haing hayop ay hindi lubusang makapagbabayad-sala para sa kasalanan ng tao dahil ang mga hayop ay nakabababa sa tao, na binigyan ng kapamahalaan sa mga hayop.—Gen 1:28; Aw 8:4-8; Heb 10:1-4; tingnan ang HANDOG, MGA; PAGBABAYAD-SALA, ARAW NG.
Katuparan kay Kristo Jesus. Malinaw na iniuugnay ng Kristiyanong Griegong Kasulatan kay Jesu-Kristo ang lubos na pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng tao. Sa kaniya natupad ang mga sagisag at mga anino ng Kautusang Mosaiko, yamang siya mismo ang Isa na inilalarawan ng iba’t ibang haing hayop. Bilang isang taong sakdal at walang kasalanan, si Jesus ang handog ukol sa kasalanan para sa lahat ng inapo ni Adan na sa kalaunan ay tutubusin mula sa minanang kasalanan at kamatayan. (2Co 5:21) Si Kristo ay “naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan nang walang hanggan” (Heb 10:12), at walang alinlangang siya “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Ju 1:29, 36; 1Co 5:7; Apo 5:12; 13:8; ihambing ang Isa 53:7.) Ang kapatawaran ay nakasalalay sa pagbubuhos ng dugo (Heb 9:22), at tinitiyak sa mga Kristiyanong lumalakad sa liwanag na ‘nililinis tayo ng dugo ni Jesus na Anak ng Diyos mula sa lahat ng kasalanan.’—1Ju 1:7; Heb 9:13, 14; Apo 1:5.
Ang sakdal na buhay-tao ni Jesus na inihandog bilang hain ang siyang antitipikong handog ukol sa kasalanan. Ito ang mahalagang bagay na nagsasakatuparan ng pagbili sa sangkatauhan, anupat tumutubos sa kanila mula sa minanang kasalanan at kamatayan. (Tit 2:13, 14; Heb 2:9) Si Kristo mismo ang nagsabi: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos [sa Gr., lyʹtron] na kapalit ng marami.” (Mar 10:45; tingnan ang PANTUBOS.) Ang kaniyang hain ay naging eksaktong pambayad-sala sa naiwala ng makasalanang si Adan, yamang si Jesus ay sakdal at sa gayo’y katumbas ni Adan bago nagkasala ang unang tao.—1Ti 2:5, 6; Efe 1:7.
Ginawang posible ang pakikipagkasundo. Ang kasalanan ng tao ay lumilikha ng paghihiwalay sa pagitan ng Diyos at ng tao, sapagkat hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang kasalanan. Maaayos lamang ang hidwaan sa pagitan ng tao at ng kaniyang Maylalang kung matutugunan ang kahilingan para sa isang tunay na “pantakip,” o pambayad-sala, para sa gayong kasalanan. (Isa 59:2; Hab 1:13; Efe 2:3) Ngunit ginawang posible ng Diyos na Jehova ang pakikipagkasundo sa pagitan niya at ng makasalanang sangkatauhan sa pamamagitan ng sakdal na taong si Jesu-Kristo. Kaya naman isinulat ng apostol na si Pablo: “Nagbubunyi rin tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ay tinanggap natin ngayon ang pakikipagkasundo.” (Ro 5:11; tingnan ang PAKIKIPAGKASUNDO.) Upang matamo ang lingap ni Jehova, kailangang tanggapin ang paglalaan ng Diyos ukol sa pakikipagkasundo sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Sa pamamagitan lamang nito posibleng maabot ang isang kalagayang katulad ng kay Adan bago siya nagkasala. Nakita ang pag-ibig ng Diyos nang gawin niyang posible ang gayong pakikipagkasundo.—Ro 5:6-10.
Natugunan ang katarungan dahil sa pampalubag-loob. Gayunman, kailangan pa ring matugunan ang katarungan. Bagaman nilalang na sakdal ang tao, naiwala niya ang kalagayang ito dahil sa kasalanan, kung kaya si Adan at ang kaniyang mga supling ay sumailalim sa kahatulan ng Diyos. Upang matugunan ang katarungan at ang mga simulain ng katuwiran, kinailangang ilapat ng Diyos ang sentensiyang nasa kaniyang kautusan laban sa masuwaying si Adan. Subalit udyok ng pag-ibig, nagtakda ang Diyos ng isang kaayusan ng paghahalili na makatutugon sa katarungan, kung saan ang nagsisising mga supling ng makasalanang si Adan ay maaaring patawarin at makipagpayapaan sa Diyos nang hindi nilalabag ang katarungan. (Col 1:19-23) Kaya naman ‘isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.’ (1Ju 4:10; Heb 2:17) Ang pampalubag-loob ay yaong bagay na nagpapalubag-loob o nagpapangyaring mabigyan ng lingap ang isa. Inaalis ng pampalubag-loob na hain ni Jesus ang dahilan upang hatulan ng Diyos ang tao anupat ginagawang posible na mapagkalooban siya ng lingap at awa ng Diyos. Sa kaso ng espirituwal na Israel at ng lahat ng iba pang gustong makinabang sa pampalubag-loob na ito, inaalis nito ang paratang na kasalanan at ang ibinunga niyaon na hatol na kamatayan.—1Ju 2:1, 2; Ro 6:23.
Ang ideya ng paghahalili ay itinatampok ng ilang teksto sa Bibliya na may kaugnayan sa pagbabayad-sala. Halimbawa, sinabi ni Pablo na “si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan” (1Co 15:3), at na “sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa na kapalit natin [na mga Judio], sapagkat nasusulat: ‘Isinumpa ang bawat tao na nakabayubay sa tulos.’” (Gal 3:13; Deu 21:23) Ganito naman ang komento ni Pedro: “Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa tulos, upang tayo ay matapos na sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran. At ‘sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay napagaling kayo.’” (1Pe 2:24; Isa 53:5) Isinulat din ni Pedro: “Si Kristo man ay namatay nang minsanan may kinalaman sa mga kasalanan, isang taong matuwid ukol sa mga di-matuwid, upang maakay niya kayo sa Diyos.”—1Pe 3:18.
Kailangan ang pananampalataya dahil sa maibiging paglalaang ito. Nagpakita ng pag-ibig ang Diyos at si Kristo sa pamamagitan ng paglalaan ng lubusang pagbabayad-sala para sa minanang mga kasalanan ng tao. (Ju 3:16; Ro 8:32; 1Ju 3:16) Gayunman, upang makinabang doon, ang isang tao ay dapat na magpakita ng tunay na pagsisisi at manampalataya. Halimbawa, hindi kinalulugdan ni Jehova ang mga hain ng Juda kapag mali ang kanilang saloobin. (Isa 1:10-17) Isinugo ng Diyos si Kristo “bilang isang handog para sa pagpapalubag-loob sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo.” (Ro 3:21-26) Yaong mga nananampalataya at tumatanggap sa paglalaan ng Diyos para sa pagbabayad-sala sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay maaaring maligtas; yaon namang mga nagtatakwil dito ay hindi maliligtas. (Gaw 4:12) At “kung sinasadya [ng sinuman na] mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom.”—Heb 10:26-31.