PAGKAKAMALI, PAGHAHANAP NG PAGKAKAMALI
Ang pagkakamali ay isang pagpapabaya, pagkukulang, depekto, di-kasakdalan; maaari itong mangahulugan ng hindi paggawa ng tama; gayundin ng pananagutan dahil sa pagkabigong gawin ang isang bagay o dahil sa isang masamang gawa. (Exo 5:16; Aw 50:20; Mat 18:15) Sa Bibliya, ang pagkakamali ay kadalasang tumutukoy sa isang dahilan upang masisi ang isa o sa isang partikular na sanhi upang di-sang-ayunan ang isa.
Paghahanap ng Pagkakamali. Ang pananalitang “kakitaan o humanap ng pagkakamali” ay lumilitaw kapuwa sa Hebreo at Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa Hebreo ay salin ito ng pandiwang riv, na nangangahulugang “makipaglaban” sa pisikal, berbal, o legal na paraan. Kaya naman, iyon ay isinasalin bilang ‘makipagtalo,’ ‘makipaglaban,’ at ‘ipakipaglaban ang usapin sa batas’ (Gen 26:20; Deu 33:7; 1Sa 24:15), gayundin “kakitaan ng pagkakamali” o ‘maghanap ng kamalian.’—Ne 5:7; 13:11, 17, 25; Aw 103:9; tingnan ang PAGTATALO, PAG-AAWAY.
Ang salitang Griego na ai·tiʹa, na lumilitaw sa pananalitang “kakitaan o humanap ng pagkakamali,” ay isinasalin din bilang “dahilan,” “paratang,” at “saligan.” (Gaw 13:28; 25:18; Mat 19:3) Pagkatapos niyang siyasatin si Jesu-Kristo salig sa mga paratang na iniharap ng mga Judio, si Pilato ay walang nasumpungang katibayan ng pagkakasala sa kaniya at tatlong ulit niyang ipinatalastas sa mga Judio: “Wala akong masumpungang pagkakamali sa kaniya.” (Ju 18:38; 19:4, 6) Ang “kakitaan o humanap ng pagkakamali” ay salin din ng Griegong memʹpho·mai, na nangangahulugang “sisihin; masisi.”—Ro 9:19; Heb 8:8.
Mga Pakikitungo ni Jehova sa May-Pagkukulang na Sangkatauhan. Ang mga gawa ng Diyos na Jehova ay sakdal, walang pagkukulang (sa Heb., ta·mimʹ, tumutukoy sa bagay na malusog, sakdal, walang pagkukulang), gaya rin naman ng lahat ng kaniyang mga salita at mga pagkilos. (Deu 32:4, tlb sa Rbi8) Dahil dito at dahil sa kaniyang pagiging makapangyarihan-sa-lahat, maaari niyang sabihin, gaya noong itinutuwid niya si Job: “Ang isa bang mapaghanap ng pagkakamali [sa literal, isa na nagpaparusa, nagtutuwid, dumidisiplina] ay dapat na makipagtalo sa Makapangyarihan-sa-lahat?” (Job 40:1, 2) Sinasabi ng apostol na si Pablo na ang Diyos ay may karapatang makitungo sa kaniyang mga nilalang sa paraang kinalulugdan Niya, kung paanong ang isang magpapalayok ay gumagawa ng iba’t ibang sisidlan ayon sa nais niya. Ang Diyos ay nagpaparaya sa “mga sisidlan ng poot” nang may layunin, gaya ng ginawa niya kay Paraon, samantalang kinaaawaan naman niya ang “mga sisidlan ng awa,” at hindi natin makatuwirang makukuwestiyon ang pagkilos ng Diyos sa bagay na ito.—Ro 9:14-24.
Sa kabilang dako naman, ang mga lakad at mga gawa ng tao ay kadalasan nang may pagkukulang. Kasalanan at kamalian ang minana ng lahat ng tao mula kay Adan. (Ro 5:12; Aw 51:5) Ngunit “nalalaman” ni Jehova, na walang pagkukulang, “ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok,” at siya ay maawain. (Aw 103:13, 14) Itinuring niya ang tapat at masunuring si Noe bilang “walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon.” (Gen 6:9) Iniutos niya kay Abraham, “Lumakad ka sa harap ko at ikaw ay maging walang pagkukulang.” (Gen 17:1) Bagaman ang mga lalaking ito ay di-sakdal at namatay, sila’y itinuring ni Jehova, na ‘tumitingin sa kung ano ang nasa puso,’ bilang walang pagkukulang (1Sa 16:7; ihambing ang 2Ha 20:3; 2Cr 16:9.) Iniutos niya sa Israel: “Maging walang pagkukulang ka kay Jehova na iyong Diyos.” (Deu 18:13; 2Sa 22:24) Inilaan niya ang kaniyang walang-pagkukulang na Anak (Heb 7:26) bilang isang haing pantubos, at salig dito ay maaari Niyang tawaging “matuwid,” o walang pagkukulang yaong mga nananampalataya at sumusunod, samantalang kasabay nito ay pinananatili ang kaniyang posisyon bilang ang matuwid at walang-pagkukulang na Hukom.—Ro 3:25, 26; tingnan ang KASAKDALAN; KATAPATAN.
Ang Tipang Kautusan. Sinabi ng apostol na si Pablo na ang Kautusan ay “espirituwal” at “mainam” (Ro 7:14; 1Ti 1:8) at, pagkatapos niyang talakayin ang ikasampung utos nito, sinabi niya na “ang Kautusan ay banal, at ang utos ay banal at matuwid at mabuti.” (Ro 7:7-12) Kung gayon, bakit sinabi rin niya: “Sapagkat kung ang unang tipan na iyon ay walang kakulangan [o, walang kapintasan], hindi na sana naghanap ng dako para sa ikalawa”? (Heb 8:7) Ipinaliwanag ni Pablo: “Kinakikitaan nga niya [ni Jehova, sa pamamagitan ni Jeremias] ng pagkakamali [o, sinisisi] ang mga tao.” (Heb 8:8, 9; ihambing ang Jer 31:31, 32.) Sa iba pang teksto, ipinakita niya na may kawalang-kakayahan sa Kautusan, palibhasa’y “mahina ito dahil sa laman.” (Ro 8:3) Gayundin, ipinakita niya sa lohikal na paraan na ang kasakdalan ay hindi matatamo sa pamamagitan ng Levitikong pagkasaserdote, na kinailangang palitan kasama ang kautusang umuugit dito; na “ang Kautusan ay walang anumang pinasakdal”; at na “hindi kayang pasakdalin” ng mga kaloob at mga hain nito “ang taong gumagawa ng sagradong paglilingkod may kinalaman sa kaniyang budhi.”—Heb 7:11, 12, 19; 9:9.
Pakikitungo sa mga Pagkakamali ng Bawat Isa. Pinapayuhan tayo ng Bibliya na “patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.” (Col 3:13) Kung sisingilin tayo sa lahat ng ating pagkakamali, lahat tayo ay mahahatulan. Maraming pagkakamali ang maaaring palampasin at walang alinlangan na hindi dapat naisin ng isang Kristiyano na ihayag pa sa iba ang mga pagkakamali ng kaniyang mga kapatid. Sinasabi ng Kasulatan hinggil sa taong balakyot: “Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong sariling kapatid, nagbubunyag ka ng pagkakamali laban sa anak ng iyong ina.”—Aw 50:16, 20.
Gayunman, tinuruan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad hinggil sa dapat nilang gawin may kinalaman sa ilang malulubhang pagkakasala. Bilang unang hakbang, ipinayo niya: “Kung ang kapatid mo ay magkasala, pumaroon ka at ihayag ang kaniyang pagkakamali [sa literal, “sawayin siya”] na ikaw at siya lamang. Kung makinig siya sa iyo, natamo mo ang iyong kapatid.” Pagkatapos nito ay binalangkas ni Jesus ang mga hakbang na dapat gawin kung mabigo ang unang pagsisikap na ito.—Mat 18:15-17; tingnan din ang Gal 6:1.
Isang Walang Pagkukulang na Ministeryo. Ang apostol na si Pablo, na lubhang nagpapasalamat at nagpapahalaga sa maluwalhating kayamanan ng ministeryo, ay nagsikap na luwalhatiin ang ministeryong ito sa pamamagitan ng maingat na pagbabantay sa bawat aspekto ng kaniyang buhay at paggawi. Sinabi niya sa kaniyang liham sa kongregasyon sa Corinto: “Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang ang aming ministeryo ay huwag makitaan ng pagkakamali.” (2Co 6:3) Yaong mga kumukuwestiyon sa pagka-apostol ni Pablo ay kabilang sa kongregasyon doon at lagi nilang hinahanapan ng pagkakamali at sinisiraang-puri si Pablo upang maliitin siya at sirain ang awtoridad niya sa kongregasyon bilang apostol. Palibhasa’y nababatid niya ito at nalalaman din niya ang panganib na baka hanapan sila ng pagkakamali at magkaroon ng suliranin sa salapi, tiniyak niya sa kongregasyon na isusugo niya si Tito at ang isa pang mapagkakatiwalaang kapatid na inatasan ng mga kongregasyon upang mag-asikaso sa mga abuloy. “Sa gayon,” isinulat ni Pablo, “iniiwasan namin na ang sinumang tao ay makakita sa amin ng pagkakamali may kaugnayan sa saganang abuloy na ito na pangangasiwaan namin.”—2Co 8:16-21.