Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Ikalawang Aklat ng mga Awit
BILANG mga lingkod ni Jehova, alam nating daranas tayo ng mga pagsubok. “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din,” ang sulat ni apostol Pablo. (2 Timoteo 3:12) Ano ang tutulong sa atin na mabata ang mga pagsubok at pag-uusig, sa gayo’y pinatutunayan ang ating katapatan sa Diyos?
Ang ikalawa sa limang koleksiyon ng mga awit ay makatutulong sa atin. Ipinakikita sa atin ng Awit 42 hanggang 72 na kung nais nating mabata nang matagumpay ang mga pagsubok, dapat tayong magtiwala nang lubusan kay Jehova at matutong maghintay sa kaniyang pagliligtas. Anong pagkahala-halagang aral nga para sa atin! Ang mensahe ng Ikalawang Aklat ng Mga Awit, tulad ng iba pang bahagi ng Salita ng Diyos, ay talagang “buháy at may lakas” maging sa ngayon.—Hebreo 4:12.
SI JEHOVA ANG ATING “KANLUNGAN AT KALAKASAN”
Nasa pagkatapon ang isang Levita. Palibhasa’y nalulungkot dahil hindi siya makapunta sa santuwaryo ni Jehova upang sumamba, inaliw niya ang kaniyang sarili, na sinasabi: “Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko, at bakit ka nababagabag sa loob ko? Maghintay ka sa Diyos.” (Awit 42:5, 11; 43:5) Pinag-uugnay ng talatang ito na ilang beses inulit ang tatlong taludtod ng Awit 42 at 43 sa isang tula. Ang Awit 44 ay isang pagsamo alang-alang sa Juda—isang nababagabag na bansa, marahil ay pinagbabantaang salakayin ng Asirya noong panahon ni Haring Hezekias.
Ang Awit 45, isang awit tungkol sa kasal ng isang hari, ay hula hinggil sa Mesiyanikong Hari. Inilalarawan ng sumunod na tatlong awit si Jehova bilang “kanlungan at kalakasan,” “isang dakilang Hari sa buong lupa,” at “matibay na kaitaasan.” (Awit 46:1; 47:2; 48:3) Kayganda ng pagkakapahayag ng Awit 49 kung saan sinasabing walang tao ang “sa paanuman ay makatutubos sa kaniyang kapatid”! (Awit 49:7) Ang unang walong awit ng ikalawang koleksiyon ay ipinalalagay na isinulat ng mga anak ni Kora. Ang ikasiyam, ang Awit 50, ay komposisyon ni Asap.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
44:19—Ano ang “dako ng mga chakal”? Marahil ay tinutukoy ng salmista ang isang dako ng digmaan, kung saan ang mga napatay ay kinakain ng mga chakal.
45:13, 14a—Sino ang “anak na babae ng hari” na “ihahatid sa hari”? Siya ang anak na babae ng “Haring walang-hanggan,” ang Diyos na Jehova. (Apocalipsis 15:3) Kumakatawan siya sa niluwalhating kongregasyon ng 144,000 Kristiyano, na inampon ni Jehova bilang kaniyang mga anak sa pamamagitan ng pagpahid sa kanila ng kaniyang espiritu. (Roma 8:16) Ang ‘anak na babaing’ ito ni Jehova, na “nahahandang gaya ng isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki,” ay ihahatid sa kasintahang lalaki—ang Mesiyanikong Hari.—Apocalipsis 21:2.
45:14b, 15—Kanino kumakatawan “ang mga dalaga”? Sila ang “malaking pulutong” ng mga tunay na mananamba, na sumasama at sumusuporta sa pinahirang nalabi. Yamang sila ang mga “lumabas mula sa malaking kapighatian” nang buháy, naririto sila sa lupa kapag natapos na ang kasal ng Mesiyanikong Hari sa langit. (Apocalipsis 7:9, 13, 14) Sa okasyong iyon, malilipos sila ng “pagsasaya at kagalakan.”
45:16—Sa anong paraan magkakaroon ng mga anak na hahalili sa mga ninuno ng hari? Nang isilang si Jesus sa lupa, mayroon siyang makalupang mga ninuno. Magiging mga anak niya sila kapag binuhay niya silang muli sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari. Ang ilan sa kanila ay mapapabilang sa mga hihirangin bilang “mga prinsipe sa buong lupa.”
50:2—Bakit tinawag na “kasakdalan ng kariktan” ang Jerusalem? Hindi ito dahil sa hitsura ng lunsod. Kundi dahil ginamit ito ni Jehova at binigyan ng karingalan sa pamamagitan ng paglalagay rito ng kaniyang templo at ng kabisera ng kaniyang pinahirang mga hari.
Mga Aral Para sa Atin:
42:1-3. Gaya ng babaing usa sa tigang na rehiyon na nananabik sa tubig, pinananabikan ng Levita si Jehova. Gayon na lamang katindi ang kalungkutan ng lalaki dahil hindi siya makasamba kay Jehova sa Kaniyang santuwaryo anupat ‘ang kaniyang mga luha ay naging pagkain niya araw at gabi’—nawalan siya ng ganang kumain. Hindi ba’t dapat nating linangin ang matinding pagpapahalaga sa pagsamba kay Jehova kasama ng mga kapananampalataya?
42:4, 5, 11; 43:3-5. Kung pansamantalang mapahiwalay tayo sa kongregasyong Kristiyano dahil sa ilang bagay na wala tayong kontrol, mapalalakas tayo ng masasayang alaala ng pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano noon. Bagaman sa pasimula ay maaaring magpasidhi ito ng ating kalungkutan, ipagugunita rin nito sa atin na ang Diyos ay ating kanlungan at na kailangan nating maghintay sa kaniya para sa kaginhawahan.
46:1-3. Anumang kalamidad ang maranasan natin, dapat na lubos tayong magtiwala na ang “Diyos ay kanlungan at kalakasan para sa atin.”
50:16-19. Ang sinumang nagsasalita nang may panlilinlang at gumagawa ng buktot na mga bagay ay walang karapatang kumatawan sa Diyos.
50:20. Sa halip na pag-usapan ang mga pagkakamali ng iba, dapat nating palampasin ang mga ito.—Colosas 3:13.
‘SA DIYOS AY MAGHINTAY KA NANG TAHIMIK, O KALULUWA KO’
Nagsisimula ang grupong ito ng mga awit sa taos-pusong pananalangin ni David pagkatapos nilang magkasala ni Bat-sheba. Ipinakikita ng Awit 52 hanggang 57 na ililigtas ni Jehova ang mga naghahagis ng kanilang pasanin sa kaniya at naghihintay sa kaniya para sa kaligtasan. Gaya ng ipinahayag sa Awit 58-64, sa lahat ng kaniyang mga kabagabagan, ginawang kanlungan ni David si Jehova. Umawit siya: “Sa Diyos nga ay maghintay ka nang tahimik, O kaluluwa ko, sapagkat nagmumula sa kaniya ang aking pag-asa.”—Awit 62:5.
Ang matalik na pakikipagkaibigan sa ating Tagapagligtas ay dapat magpakilos sa atin na ‘umawit ukol sa kaluwalhatian ng kaniyang pangalan.’ (Awit 66:2) Si Jehova ay pinupuri bilang bukas-palad na tagapaglaan sa Awit 65, bilang isang Diyos ng mga gawa ng pagliligtas sa Awit 67 at 68, at bilang Tagapaglaan ng pagtakas sa Awit 70 at 71.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
51:12—Kaninong “nagkukusang espiritu” ang hiniling ni David na alalayan? Hindi ito tumutukoy sa pagkukusa ng Diyos na tulungan si David ni sa banal na espiritu man ni Jehova, kundi sa mismong espiritu ni David—sa hilig ng kaniyang kaisipan. Hinihiling niya sa Diyos na ikintal sa kaniya ang pagnanais na gawin ang tama.
53:1—Bakit “hangal” ang taong nagkakaila sa pag-iral ng Diyos? Ang kahangalan dito ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng katalinuhan. Inilarawan sa Awit 53:1-4 ang pagkasira ng moral na siyang dahilan ng pagiging hangal ng taong iyon.
58:3-5—Paanong ang mga balakyot ay gaya ng ahas? Ang mga kasinungalingang sinasabi nila sa iba ay tulad ng kamandag ng serpiyente. Sinisira nito ang mabuting pangalan ng kanilang mga biktima kung paanong nilalason ng kamandag ng ahas ang katawan ng isa. “Tulad ng kobra na nagtatakip ng tainga nito,” ang balakyot ay hindi nakikinig sa patnubay o pagtutuwid.
58:7—Paano ‘nalulusaw na parang nasa tubig na umaagos’ ang balakyot? Maaaring naiisip ni David ang mga tubig sa ilang agusang libis sa Lupang Pangako. Bagaman lumalaki ang tubig sa gayong mga libis dahil sa biglang pagbaha, mabilis namang naglalaho ang tubig na ito. Ipinananalangin ni David ang mabilis na paglaho ng mga balakyot.
68:13—Paanong ‘ang mga pakpak ng kalapati ay nabalutan ng pilak at ang mga bagwis nito ng manilaw-nilaw na luntiang ginto’? May mga kalapating kulay abuhing-asul na ang mga balahibo ay kumikinang sa liwanag. Ang kanilang balahibo ay parang kumikinang na metal sa ginintuang liwanag ng araw. Marahil ay inihahambing ni David ang matagumpay na mga mandirigmang Israelita mula sa digmaan sa isang kalapati—matayog lumipad at maningning ang hitsura. Gaya ng sinasabi ng ilang iskolar, ang paglalarawan ay maaari ding kumapit sa gawang-sining, isang tropeo, na nakuha bilang samsam. Anuman iyon, tinutukoy ni David ang mga tagumpay na ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan laban sa kanilang mga kaaway.
68:18—Sino ang “mga kaloob sa anyong mga tao”? Sila ang mga lalaking nabihag noong panahon ng pananakop sa Lupang Pangako. Ang mga lalaking ito nang maglaon ay inatasang tumulong sa mga Levita sa kanilang gawain.—Ezra 8:20.
68:30—Ano ang ibig sabihin ng kahilingang “sawayin mo ang mabangis na hayop na nasa mga tambo”? Sa makasagisag na paraan, tinukoy ni David ang mga kaaway ng bayan ni Jehova bilang mababangis na hayop at hiniling niya sa Diyos na sawayin sila, o pigilan ang kanilang kapangyarihan na maminsala.
69:23—Ano ang ibig sabihin ng ‘pangatugin ang mga balakang’ ng kaaway? Ang mga kalamnan sa may balakang ay mahalaga sa pagsasagawa ng mabibigat na gawain, gaya ng pagbubuhat at pagdadala ng mabibigat na pasan. Ang nangangatog na mga balakang ay nagpapahiwatig ng kawalan ng lakas. Ipinanalangin ni David na mawalan sana ng lakas ang kaniyang mga kaaway.
Mga Aral Para sa Atin:
51:1-4, 17. Ang pagkakasala ay hindi kinakailangang sumira sa ating kaugnayan sa Diyos na Jehova. Kung magsisisi tayo, makapagtitiwala tayong pagpapakitaan niya tayo ng awa.
51:5, 7-10. Kung nagkasala tayo dahil sa ating minanang kasalanan, makapagsusumamo tayo kay Jehova ukol sa kapatawaran. Dapat din tayong manalangin sa kaniya na linisin tayo, ibalik tayo sa mabuting kalagayan, tulungan tayong alisin ang makasalanang mga hilig mula sa ating puso, at bigyan tayo ng matatag na saloobin.
51:18. Dahil sa mga kasalanan ni David, naisapanganib ang kapakanan ng buong bansa. Kaya nanalangin siya sa Diyos para pagpakitaan ng kabutihang-loob ang Sion. Kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan, kadalasang nagdudulot ito ng upasala sa pangalan ni Jehova at sa kongregasyon. Kailangang manalangin tayo sa Diyos na tulungan tayong ayusin ang pinsalang nagawa natin.
52:8. Tayo ay “magiging gaya ng mayabong na punong olibo sa bahay ng Diyos”—malapít kay Jehova at mabunga sa paglilingkod sa kaniya—kung susundin natin siya at handa nating tanggapin ang kaniyang disiplina.—Hebreo 12:5, 6.
55:4, 5, 12-14, 16-18. Ang pakikipagsabuwatan ng kaniya mismong anak na si Absalom at ang pagtataksil ng pinagkakatiwalaang tagapayo na si Ahitopel ang dahilan ng matinding kirot ng damdamin ni David. Gayunman, hindi nito nabawasan ang pagtitiwala ni David kay Jehova. Hindi natin dapat hayaang pahinain ng kaigtingan ang ating pagtitiwala sa Diyos.
55:22. Paano natin inihahagis ang ating pasanin kay Jehova? Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng (1) pananalangin sa kaniya, (2) pagbaling sa kaniyang Salita at organisasyon para sa patnubay at suporta, at (3) paggawa ng lahat ng makatuwirang hakbang upang ayusin ang kalagayan.—Kawikaan 3:5, 6; 11:14; 15:22; Filipos 4:6, 7.
56:8. Alam ni Jehova hindi lamang ang ating kalagayan kundi kung ano rin naman ang epekto ng kalagayang ito sa ating damdamin.
62:11. Hindi na kailangang umasa ang Diyos sa iba pang pinagmumulan ng enerhiya. Siya mismo ang pinagmumulan ng lakas. ‘Ang kalakasan ay nauukol sa kaniya.’
63:3. ‘Ang maibiging-kabaitan ng Diyos ay mas mabuti kaysa sa buhay’ sapagkat kung wala ito, ang buhay ay walang kabuluhan at walang layunin. Isang katalinuhan para sa atin na linangin ang pakikipagkaibigan kay Jehova.
63:6. Ang gabi—tahimik at walang pang-abala—ay maaaring maging mainam na panahon para magbulay-bulay.
64:2-4. Maaaring sirain ng nakapipinsalang tsismis ang mabuting pangalan ng isang taong inosente. Hindi natin dapat pakinggan o ikalat ang gayong tsismis.
69:4. Upang mapanatili natin ang kapayapaan, makabubuti kung minsan na ‘magsauli’ sa pamamagitan ng paghingi ng tawad, kahit na hindi tayo kumbinsido na tayo ang nagkamali.
70:1-5. Dinirinig ni Jehova ang ating mga pagsusumamo lalung-lalo na kapag kailangang-kailangan natin ang kaniyang tulong. (1 Tesalonica 5:17; Santiago 1:13; 2 Pedro 2:9) Maaaring ipahintulot ng Diyos na magpatuloy ang isang pagsubok, subalit bibigyan niya tayo ng karunungan upang maharap ang situwasyon at ng lakas upang mabata ito. Hindi niya hahayaang matukso tayo nang higit sa ating matitiis.—1 Corinto 10:13; Hebreo 10:36; Santiago 1:5-8.
71:5, 17. Si David ay nagkaroon ng tibay ng loob dahil nagtiwala siya kay Jehova sa kaniyang kabataan—bago pa man niya makaharap ang higanteng Filisteo na si Goliat. (1 Samuel 17:34-37) Dapat magtiwala kay Jehova ang mga kabataan sa lahat ng kanilang ginagawa.
“Punuin Nawa ng Kaniyang Kaluwalhatian ang Buong Lupa”
Ang huling awit sa ikalawang koleksiyon ng mga awit, ang Awit 72, ay tungkol sa pamamahala ni Solomon, na lumalarawan sa mga kalagayang iiral sa ilalim ng paghahari ng Mesiyas. Kamangha-manghang mga pagpapala nga ang inilalarawan doon—saganang kapayapaan, wakas ng paniniil at karahasan, saganang butil sa lupa! Mapapabilang kaya tayo sa mga magtatamasa nito at ng iba pang mga pagpapala ng Kaharian? Oo kung, gaya ng salmista, nasisiyahan tayong maghintay kay Jehova, na ginagawa siyang ating kanlungan at kalakasan.
“Ang mga panalangin ni David . . . ay nagwakas” sa pananalitang: “Pagpalain nawa ang Diyos na Jehova, ang Diyos ng Israel, na siyang tanging gumagawa ng mga kamangha-manghang gawa. At pagpalain nawa ang kaniyang maluwalhating pangalan hanggang sa panahong walang takda, at punuin nawa ng kaniyang kaluwalhatian ang buong lupa. Amen at Amen.” (Awit 72:18-20) Buong puso rin nating pagpalain si Jehova at purihin ang kaniyang maluwalhating pangalan.
[Larawan sa pahina 9]
Alam mo ba kung sino ang inilalarawan ng “anak na babae ng hari”?
[Larawan sa pahina 10, 11]
Ang Jerusalem ay tinatawag na “kasakdalan ng kariktan.” Alam mo ba kung bakit?