Inilalaan Nila ang Kanilang Sarili
“ANG iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili.” (Awit 110:3) May pantanging kahulugan ang mga salitang iyan sa 46 na estudyante ng ika-118 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Paano kaya nila inihanda ang kanilang sarili upang makapag-aral sa paaralang ito, na sumasanay sa potensiyal na mga misyonero sa paglalaan ng espirituwal na mga pangangailangan ng mga tao sa banyagang mga lupain? Sina Mike at Stacie, kabilang sa ika-118 klase, ay nagpaliwanag: “Nakatulong sa amin ang pasiya naming mamuhay nang simple upang mabawasan ang mga pang-abala at mapanatiling nakatuon ang pansin sa espirituwal na mga bagay. Determinado kaming huwag pabayaan ang espirituwal na mga tunguhin dahil lamang sa aming tagumpay sa negosyo.” Katulad nina Mike at Stacie, kusang-loob na inilaan ng iba pang mga estudyante ng klaseng ito ang kanilang sarili at ngayon ay naglilingkod bilang mga tagapaghayag ng Kaharian sa apat na kontinente.
Noong Sabado, Marso 12, 2005, halatang-halata na tuwang-tuwa sa pakikinig ang 6,843 dumalo sa programa ng gradwasyon. Si Theodore Jaracz, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang nagsilbing tsirman. Matapos ang mainit na pagtanggap sa mga panauhing naroroon mula sa 28 lupain, nagtuon siya ng pansin sa kahalagahan ng edukasyon sa Bibliya. Bilang pagsipi kay William Lyon Phelps, isang Amerikanong edukador, sinabi ng tagapagsalita: “Ang bawat isa na may lubusang kaalaman sa Bibliya ay tunay na matatawag na edukado.” Bagaman maaaring kapaki-pakinabang ang sekular na edukasyon, mas nakahihigit ang edukasyon sa Bibliya. Tinutulungan nito ang mga tao na kumuha ng kaalaman sa Diyos, na umaakay sa buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Pinuri ni Brother Jaracz ang mga nagsipagtapos dahil sa kanilang pagnanais na magkaroon ng mas malaking bahagi sa pangglobong programa ng pagtuturo sa Bibliya na isinasagawa sa mahigit na 98,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.
Napapanahong Pampatibay-Loob sa mga Nagsipagtapos
Pagkatapos ng pambungad na pananalita ng tsirman, ipinahayag naman ni William Samuelson ang paksang “Kung Paano Ka Magiging Kagaya ng Mayabong na Punong Olibo sa Bahay ng Diyos,” na nakasalig sa Awit 52:8. Ipinaliwanag niya na sa Bibliya, ang punong olibo ay ginagamit sa makasagisag na paraan bilang simbolo ng pagkamabunga, kagandahan, at dangal. (Jeremias 11:16) Inihahambing ang mga estudyante sa mga punong olibo, sinabi ng tagapagsalita: “Kayo ay ituturing ni Jehova na nagtataglay ng kagandahan at dangal habang may-katapatan ninyong isinasagawa ang inyong pangangaral ng Kaharian sa lugar na pinag-atasan sa inyo bilang misyonero.” Kung paanong kailangan ng punong olibo ang mahahabang ugat upang malampasan ang panahon ng tagtuyot, kailangan ding patibayin ng mga estudyante ang kanilang espirituwal na mga ugat upang mabata nila ang pagwawalang-bahala, pagsalansang, o ang iba pang mga pagsubok na maaaring mapaharap sa kanila habang naglilingkod sa banyagang lupain.—Mateo 13:21; Colosas 2:6, 7.
Ipinahayag ni John E. Barr, isa sa tatlong miyembro ng Lupong Tagapamahala na nakibahagi sa programa, ang paksang “Kayo ang Asin ng Lupa.” (Mateo 5:13) Ipinaliwanag niya na kung paanong hindi nabubulok ang pagkain dahil sa literal na asin, ang pangangaral ng mga misyonero tungkol sa Kaharian ng Diyos ay may nagliligtas-buhay na epekto rin sa mga nakikinig, anupat ipinagsasanggalang sila mula sa moral at espirituwal na pagkabulok. Pagkatapos, parang isang ama na hinimok ni Brother Barr ang mga nagsipagtapos na “panatilihin ang kapayapaan” sa pakikitungo sa iba. (Marcos 9:50) “Linangin ang mga bunga ng espiritu, at tiyaking laging may kagandahang-loob at makonsiderasyon ang inyong paggawi at pananalita,” ang payo ng tagapagsalita.
Ang temang “Manatiling Naglalayag sa Malalim na Tubig” ang itinampok naman ni Wallace Liverance, isa sa mga instruktor sa Gilead. Kung paanong ang barko na naglalayag sa malalim na tubig ay makauugit sa tamang direksiyon, ang pagkaunawa sa “malalalim na bagay ng Diyos”—mga katotohanan tungkol sa layunin ng Diyos at kung paano ito isasakatuparan—ay makatutulong sa isa na sumulong sa espirituwal. (1 Corinto 2:10) Ang pananatili sa mababaw na espirituwal na tubig sa pamamagitan ng pagiging kontento sa “panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos” ay hahadlang sa ating pagsulong at maaari pa ngang maging dahilan ng “pagkawasak may kinalaman sa [ating] pananampalataya.” (Hebreo 5:12, 13; 1 Timoteo 1:19) “Palakasin nawa kayo ng ‘lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos’ sa inyong mga atas bilang misyonero,” ang pangwakas na pananalita ni Brother Liverance.—Roma 11:33.
Nagpahayag naman si Mark Noumair, isa pang instruktor sa Gilead, hinggil sa paksang “Magiging Karapat-dapat Ka ba sa Iyong Pamana?” Sa loob ng mahigit 60 taon, nagkaroon ng kredibilidad at isang napakahusay na reputasyon ang Watchtower Bible School of Gilead dahil sa ‘bunton ng mabuting patotoo’ na ibinigay ng mga nagtapos sa paaralang ito. (Genesis 31:48) Ang pamanang ito ng Gilead ay ipinasa sa mga estudyante ng ika-118 klase. Pinasigla ni Brother Noumair ang mga estudyante na tularan ang sinaunang mga Tekoita noong panahon ni Nehemias at mapagpakumbabang makipagtulungan sa lokal na kongregasyon at sa mga kapuwa misyonero. Pinayuhan silang iwasan ang saloobin ng mapagmapuring “mga taong mariringal” na binanggit ni Nehemias at sa halip ay maging handang gumawa nang tahimik at hindi naghahangad na maging tanyag.—Nehemias 3:5.
Nakapagtuturong mga Karanasan at Panayam
Ang sumunod na bahagi ng programa ay pinamagatang “Ang Salita ng Diyos ay Patuloy na Lumago.” (Gawa 6:7) Sa ilalim ng patnubay ng instruktor sa Gilead na si Lawrence Bowen, isinadula ng mga estudyante ang kanilang mga karanasan sa ministeryo sa larangan samantalang nag-aaral sa paaralan. Ipinakita ng mga karanasan na masigasig na inihayag ng mga estudyante ang Salita ng Diyos at saganang pinagpala ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap.
Pinangasiwaan ni Richard Ashe ang pakikipanayam sa mga miyembro ng pamilyang Bethel na gumaganap ng malaking papel kaugnay ng paaralan. Ipinaunawa ng kanilang mga komento ang suportang inilalaan ng pamilyang Bethel upang tulungan ang mga estudyante sa Gilead na lubos na makinabang sa kanilang pag-aaral. Pagkatapos ay nakipag-usap naman si Geoffrey Jackson sa ilang nagtapos na noon sa Gilead. Itinampok nila ang napakaraming pagkakataon na inilalaan ng buhay-misyonero upang mapuri at maparangalan si Jehova. Ganito ang komento ng isa: “Inoobserbahan ng mga tao ang lahat ng ginagawa mo bilang misyonero. Sila ay nakikinig, nagmamasid, at nakaaalaala.” Kaya naman pinasigla ang mga estudyante na maging palaisip sa pagbibigay ng mabuting halimbawa sa lahat ng panahon. Ang praktikal na payong ito ay walang-alinlangang magiging lubhang kapaki-pakinabang sa hinaharap.
Ibinigay ni Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang huling pahayag na pinamagatang “Humayo Kayo Bilang mga Tagapagdala ng ‘Tubig na Buháy.’ ” (Juan 7:38) Binanggit niya na sa nakalipas na limang buwan, nakinabang nang malaki ang mga estudyante sa pag-inom sa malalim na Salita ng katotohanan mula sa Diyos. Ngunit ano ang gagawin ng mga misyonero sa impormasyong natamo nila? Hinimok ni Brother Lett ang mga nagsipagtapos na ibahagi nang walang pag-iimbot ang espirituwal na tubig na ito upang ang iba ay magkaroon sa kanilang sarili ng ‘isang bukal ng tubig na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.’ (Juan 4:14) Sinabi pa ng tagapagsalita: “Huwag ninyong kalimutan kailanman na ibigay kay Jehova, ‘ang bukal ng tubig na buháy,’ ang karangalan at kaluwalhatian na nararapat sa kaniya. Maging matiyaga kapag tinuturuan ang mga lumabas sa Babilonyang Dakila na sinalot ng tagtuyot.” (Jeremias 2:13) Nagwakas si Brother Lett sa paghimok sa mga nagsipagtapos na masiglang tularan ang espiritu at ang kasintahang babae at patuloy na sabihin: “ ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.”—Apocalipsis 22:17.
Winakasan ni Brother Jaracz ang programa sa pamamagitan ng pagpapatalastas sa mga pagbating natanggap mula sa iba’t ibang lupain. Pagkatapos nito, binasa ng isang miyembro ng nagtapos na klase ang isang liham ng pasasalamat.
Mailalaan mo ba ang iyong sarili upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan? Kung gayon, itaguyod ang espirituwal na mga tunguhin, gaya ng ginawa ng nagsipagtapos na mga estudyanteng ito. Tamasahin ang kagalakan at kasiyahang nadarama kapag masaya at kusang-loob na inilalaan ng isang tao ang kaniyang sarili sa paglilingkod sa Diyos—bilang misyonero sa isang banyagang bansa o bilang isang ministro na naglilingkod malapit sa kaniyang tinubuang-bayan.
[Kahon sa pahina 13]
ESTADISTIKA NG KLASE
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 8
Bilang ng mga bansang magiging atas: 19
Bilang ng mga estudyante: 46
Katamtamang edad: 33.0
Katamtamang taon sa katotohanan: 16.5
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12.9
[Larawan sa pahina 15]
Ang Ika-118 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Brockmeyer, A.; Moloney, S.; Symonds, N.; Lopez, Y.; Howard, C. (2) Jastrzebski, T.; Brown, D.; Hernandez, H.; Malagón, I.; Jones, A.; Connell, L. (3) Howard, J.; Lareau, E.; Shams, B.; Hayes, S.; Brown, O. (4) Burrell, J.; Hammer, M.; Mayer, A.; Kim, K.; Stanley, R.; Rainey, R. (5) Jastrzebski, P.; Zilavetz, K.; Ferris, S.; Torres, B.; Torres, F. (6) Connell, J.; Hernandez, R.; Moloney, M.; Malagón, J.; Shams, R.; Hayes, J. (7) Ferris, A.; Hammer, J.; Stanley, G.; Kim, C.; Symonds, S.; Lopez, D.; Burrell, D. (8) Brockmeyer, D.; Mayer, J.; Rainey, S.; Zilavetz, S.; Jones, R.; Lareau, J.