ARALING ARTIKULO 1
AWIT BLG. 38 Tutulungan Ka Niya
Magtiwala kay Jehova Para Madaig ang Takot
TAUNANG TEKSTO PARA SA 2024: “Kapag natatakot ako, sa iyo ako nagtitiwala.”—AWIT 56:3.
MATUTUTUHAN
Kung paano natin mapapatibay ang pagtitiwala natin kay Jehova kapag natatakot tayo.
1. Bakit may mga pagkakataong natatakot tayo?
MAY mga pagkakataong natatakot tayo. Siyempre, dahil alam natin ang itinuturo ng Bibliya, hindi na tayo natatakot sa mga patay, sa mga demonyo, at sa mangyayari sa hinaharap. Pero nabubuhay pa rin tayo sa panahong nakakakita tayo ng “nakakatakot na mga bagay,” gaya ng digmaan, krimen, at pagkakasakit. (Luc. 21:11) Baka natatakot din tayo sa mga tao, gaya ng mga nasa gobyerno o mga kapamilya natin na sumasalansang sa tunay na pagsamba. Iniisip naman ng ilan na baka hindi nila makayanan ang mga problema nila ngayon o ang mga posibleng mangyari sa kanila sa hinaharap.
2. Ano ang nangyari kay David habang nasa Gat?
2 May mga pagkakataong natakot si David. Halimbawa, noong tinutugis siya ni Haring Saul para patayin, tumakas si David papunta sa Gat, isang lunsod ng mga Filisteo. Di-nagtagal, nalaman ng hari ng Gat na si Akis na si David ang binanggit sa isang awit na nagpabagsak ng ‘sampu-sampung libong’ Filisteo. Kaya ‘natakot nang husto’ si David. (1 Sam. 21:10-12) Nag-alala siya sa puwedeng gawin sa kaniya ni Akis. Paano nagkaroon ng lakas ng loob si David?
3. Ayon sa Awit 56:1-3, 11, paano nadaig ni David ang takot niya?
3 Sa Awit 56, sinabi ni David ang nararamdaman niya noong nasa Gat siya. Sinabi niya kung bakit siya natatakot. Pero sinabi rin niya kung ano ang nakatulong sa kaniya na madaig iyon. Nang matakot si David, nagtiwala siya kay Jehova. (Basahin ang Awit 56:1-3, 11.) May magagandang dahilan si David para magtiwala kay Jehova. Sa tulong ni Jehova, nakaisip si David ng kakaiba pero epektibong paraan: Nagkunwari siyang baliw! Kaya imbes na patayin siya ni Akis, nairita ito sa kaniya at gusto nitong umalis na lang siya doon. Kaya nakatakas si David.—1 Sam. 21:13–22:1.
4. Paano natin mapapatibay ang pagtitiwala natin kay Jehova? Magbigay ng ilustrasyon.
4 Madadaig din natin ang takot natin kung magtitiwala tayo kay Jehova. Pero paano natin mapapatibay ang pagtitiwala natin sa kaniya, lalo na kapag natatakot tayo? Pag-isipan ito: Kapag nagkasakit ka, baka makaramdam ka ng takot. Pero mababawasan iyon kung magtitiwala ka sa doktor mo. Baka marami na siyang nagamot na may ganoon ding sakit. Pinapakinggan ka niyang mabuti, at alam mong naiintindihan ka niya. Ipinaliwanag niya sa iyo kung paano ka niya gagamutin, at nakita mong naging epektibo iyon sa iba. Mapapatibay rin natin ang pagtitiwala natin kay Jehova kung pag-iisipan natin kung ano na ang mga nagawa niya, ang mga ginagawa niya ngayon, at ang mga gagawin pa niya para sa atin. Iyan ang mga pinag-isipan ni David. Habang pinag-aaralan natin ang ilan sa mga sinabi niya sa Awit 56, pag-isipan kung paano mo rin mapapatibay ang pagtitiwala mo kay Jehova para madaig ang mga ikinakatakot mo.
ANO NA ANG MGA NAGAWA NI JEHOVA?
5. Ano ang pinag-isipan ni David para madaig ang takot niya? (Awit 56:12, 13)
5 Nang manganib ang buhay ni David, pinag-isipan niya kung ano na ang mga nagawa ni Jehova. (Basahin ang Awit 56:12, 13.) Iyan ang lagi niyang ginagawa. Kung minsan, binubulay-bulay niya ang mga nilalang ni Jehova. Ipinapaalala nito sa kaniya kung gaano kalakas ang kapangyarihan ni Jehova at kung gaano Niya kamahal ang mga tao. (Awit 65:6-9) Pinag-iisipan din niya ang mga ginawa ni Jehova para sa iba. (Awit 31:19; 37:25, 26) At inaalala niya kung ano na ang mga nagawa ni Jehova para sa kaniya. Mula pa noong sanggol siya, tinulungan at pinrotektahan na siya ni Jehova. (Awit 22:9, 10) Siguradong lalong nagtiwala si David kay Jehova dahil sa mga nabulay-bulay niya!
6. Kapag natatakot tayo, ano ang makakatulong para mas magtiwala tayo kay Jehova?
6 Kapag natatakot ka, pag-isipan, ‘Ano na ang mga nagawa ni Jehova?’ Bulay-bulayin ang mga nilalang niya. Halimbawa, kung ‘titingnan nating mabuti’ ang pangangalaga ni Jehova sa mga ibon at bulaklak—kahit hindi sila nilalang ayon sa kaniyang larawan at hindi sila sumasamba sa kaniya—titibay ang pagtitiwala natin na pangangalagaan niya rin tayo. (Mat. 6:25-32) Pag-isipan din kung ano na ang mga nagawa ni Jehova para sa mga lingkod niya. Puwede mong pag-aralan ang isang karakter sa Bibliya na may matibay na pananampalataya o basahin ang karanasan ng isang lingkod ni Jehova sa panahon natin.a Isipin din kung ano na ang mga nagawa ni Jehova para sa iyo. Paano ka niya inakay sa katotohanan? (Juan 6:44) Paano niya sinagot ang mga panalangin mo? (1 Juan 5:14) Paano ka nakikinabang araw-araw sa sakripisyong ginawa ng minamahal niyang Anak?—Efe. 1:7; Heb. 4:14-16.
7. Paano nakatulong ang karanasan ni propeta Daniel para madaig ni Vanessa ang takot niya?
7 Nakakatakot ang naranasan ni Vanessa,b isang sister sa Haiti. Isang lalaki sa lugar nila ang araw-araw na tumatawag at nagme-message sa kaniya. Pine-pressure siya ng lalaki na makipagrelasyon sa kaniya. Nang tumanggi si Vanessa, lalo itong naging agresibo at pinagbantaan pa nga siya. “Takot na takot ako,” ang sabi niya. Ano ang ginawa ni Vanessa? Gumawa siya ng mga paraan para maprotektahan ang sarili niya. Tinulungan siya ng isang elder na makontak ang mga pulis. Pero pinag-isipan din ni Vanessa kung paano pinrotektahan ni Jehova ang mga lingkod niya noon. “Si propeta Daniel ang unang naisip ko,” ang sabi ni Vanessa. “Kahit wala siyang kasalanan, inihagis siya sa yungib ng gutom na mga leon. Pero pinrotektahan siya ni Jehova. Sinabi ko kay Jehova na siya na ang bahala sa sitwasyon ko. Pagkatapos n’on, hindi na ako takot.”—Dan. 6:12-22.
ANO ANG MGA GINAGAWA NI JEHOVA NGAYON?
8. Sa ano nakakasigurado si David? (Awit 56:8)
8 Kahit nalagay si David sa panganib noong nasa Gat siya, hindi siya nagpadala sa takot. Inisip niya kung ano ang mga ginagawa ni Jehova para sa kaniya noong panahong iyon. Alam ni David na ginagabayan at pinoprotektahan siya ni Jehova. Alam din niya na naiintindihan ni Jehova ang nararamdaman niya. (Basahin ang Awit 56:8.) Nandiyan din ang tapat na mga kaibigan ni David, gaya ni Jonatan at ng mataas na saserdoteng si Ahimelec. Pinatibay nila siya at tinulungan. (1 Sam. 20:41, 42; 21:6, 8, 9) At kahit gusto siyang patayin ni Haring Saul, nakatakas siya. Sigurado siya na alam na alam ni Jehova ang pinagdadaanan niya at ang epekto nito sa kaniya.
9. Ano ang nakikita ni Jehova sa bawat isa sa atin?
9 Kapag natatakot ka dahil sa mga problema mo, tandaan na nakikita ni Jehova ang mga pinagdadaanan mo at ang epekto nito sa iyo. Halimbawa, nakita ni Jehova, hindi lang ang pagmamalupit ng mga Ehipsiyo sa mga Israelita, kundi pati na ang “hirap na dinaranas nila.” (Ex. 3:7) Sa awit ni David, sinabi niya na nakita ni Jehova, hindi lang ang “pagdurusa” niya, kundi pati na ang “paghihirap ng kalooban” niya. (Awit 31:7) At kapag nagdurusa ang mga lingkod ng Diyos—kahit dahil pa nga ito sa maling mga desisyon nila—“nahihirapan siya.” (Isa. 63:9) Kapag natatakot ka, naiintindihan ni Jehova ang nararamdaman mo at gustong-gusto ka niyang tulungan.
10. Bakit ka sigurado na nagmamalasakit sa iyo si Jehova at na tutulungan ka niyang makayanan ang mga problema?
10 Kapag natatakot ka dahil sa pinagdadaanan mo, baka hindi mo makita kung paano ka tinutulungan ni Jehova. Ano ang puwede mong gawin? Hilingin sa kaniya na tulungan kang makita kung paano ka niya sinusuportahan. (2 Hari 6:15-17) Pagkatapos, pag-isipan: Mayroon bang pahayag o komento sa pulong na nakapagpatibay sa iyo? Mayroon bang publikasyon, video, o original song na nakapagpalakas sa iyo? Mayroon bang nag-share sa iyo ng nakakapagpatibay na punto o teksto? Baka hindi natin masyadong napapahalagahan ang pagmamahal ng mga kapatid at ang espirituwal na pagkain na natatanggap natin. Pero espesyal na mga regalo ito ni Jehova. (Isa. 65:13; Mar. 10:29, 30) Patunay ang mga ito na nagmamalasakit siya sa iyo at na dapat tayong magtiwala sa kaniya.—Isa. 49:14-16.
11. Ano ang nakatulong kay Aida na madaig ang takot niya?
11 Nakita ni Aida, na taga-Senegal, kung paano siya tinulungan ni Jehova noong may pinagdadaanan siya. Panganay siya sa magkakapatid, kaya inaasahan ng mga magulang niya na siya ang magtatrabaho para sa kanila. Pero nang magpasimple ng buhay si Aida para makapagpayunir, nagkaproblema siya sa pinansiyal. Nagalit sa kaniya ang pamilya niya. “Natakot ako na baka hindi ako makatulong sa mga magulang ko at magalit sa akin ang lahat,” ang sabi niya. “Sinisi ko pa nga si Jehova dahil sa nangyari.” Pero may narinig siyang pahayag sa pulong. “Ipinaalala ng speaker na alam ni Jehova ang mga ipinag-aalala o ikinakatakot natin. Unti-unti, sa tulong ng mga elder at ng mga kapatid, naramdaman ko ang pag-ibig ni Jehova. Kapag nananalangin ako sa kaniya, mas nagtitiwala na ako na tutulungan niya ako. At napapanatag ako kapag nakikita kong sinasagot niya ang mga panalangin ko.” Nang bandang huli, nakahanap si Aida ng trabaho na makakasuporta sa pagpapayunir niya, at nakakatulong pa siya sa mga magulang niya at sa iba. “Naging buo ang tiwala ko kay Jehova,” ang sabi niya. “Ngayon, kapag nananalangin ako, madalas na nawawala na ang takot ko.”
ANO PA ANG MGA GAGAWIN NI JEHOVA?
12. Ayon sa Awit 56:9, saan nakakatiyak si David?
12 Basahin ang Awit 56:9. Makikita sa talatang ito kung ano pa ang nakatulong kay David na madaig ang takot niya. Kahit noong nasa panganib pa rin ang buhay niya, binulay-bulay niya ang mga gagawin pa ni Jehova para sa kaniya. Alam ni David na ililigtas siya ni Jehova sa tamang panahon. Isa pa, sinabi ni Jehova na si David ang magiging susunod na hari ng Israel. (1 Sam. 16:1, 13) Para kay David, siguradong matutupad ang lahat ng ipinangako ni Jehova.
13. Ano ang siguradong gagawin ni Jehova para sa atin?
13 Ano ang ipinangako ni Jehova na gagawin niya para sa iyo? Hindi niya sinabing wala tayong mararanasang problema ngayon.c Pero anuman ang mapaharap sa atin sa sistemang ito, aalisin iyon ni Jehova sa bagong sanlibutan. (Isa. 25:7-9) Siguradong kayang-kaya ng Maylalang natin na buhayin ang mga patay, pagalingin tayo, at alisin ang lahat ng umuusig sa atin.—1 Juan 4:4.
14. Ano ang puwede nating pag-isipan?
14 Kapag natatakot ka, pag-isipan ang mga gagawin ni Jehova sa hinaharap. Isipin ang mararamdaman mo kapag wala na si Satanas, kapag napuksa na ang masasama at puro matuwid na ang mga tao, at kapag unti-unti na tayong nagiging perpekto. Ipinakita sa isang pagtatanghal sa panrehiyong kombensiyon noong 2014 kung paano natin puwedeng pag-isipan ang pag-asa natin. Sinabi doon ng isang tatay kung ano ang puwedeng maging laman ng 2 Timoteo 3:1-5 kung hula iyon tungkol sa Paraiso: “Sa bagong sanlibutan ay darating ang pinakamasasayang panahon. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa iba, mga maibigin sa espirituwal na kayamanan, mga di-mapagmapuri sa sarili, mga mapagpakumbaba, mga pumupuri sa Diyos, mga masunurin sa mga magulang, mga mapagpasalamat, mga matapat, may masidhing pagmamahal sa kanilang pamilya, mga bukás sa kasunduan, laging nagsasalita ng mabuti tungkol sa iba, may pagpipigil sa sarili, mga mahinahon, mga maibigin sa kabutihan, mga mapagkakatiwalaan, mga mapagparaya, mga mababa ang pag-iisip, mga maibigin sa Diyos kaysa maibigin sa kaluguran, na inuudyukan ng tunay na makadiyos na debosyon; at manatili kang malapít sa mga taong ito.” Napag-usapan na ba ninyo bilang pamilya o kasama ng ibang kapatid kung ano ang magiging buhay natin sa bagong sanlibutan?
15. Ano ang nakatulong kay Tanja na madaig ang takot niya?
15 Nadaig ni Tanja, isang sister sa North Macedonia, ang takot niya nang pag-isipan niya ang mga pagpapala sa hinaharap. Ayaw na ayaw ng mga magulang niya na mag-aral siya ng Bibliya. Sinabi niya: “Nangyari ang ilan sa mga ikinakatakot ko. Sinasaktan ako ng nanay ko tuwing pagkauwi ko galing sa pulong. Pinagbantaan ako ng mga magulang ko na papatayin nila ako kung magiging Saksi ni Jehova ako.” Nang bandang huli, pinalayas si Tanja sa bahay nila. Ano ang ginawa niya? Sinabi niya: “Inisip ko na magiging masaya ako magpakailanman kung mananatili akong tapat. Inisip ko rin kung paano papalitan ni Jehova sa bagong sanlibutan ang lahat ng puwedeng mawala sa akin sa sistemang ito at na makakalimutan ko na ang lahat ng masasamang nangyari.” Nakapanatiling tapat si Tanja. At sa tulong ni Jehova, nakahanap siya ng matitirhan. Sa ngayon, masayang naglilingkod si Tanja nang buong panahon kasama ang asawa niya.
PATIBAYIN NGAYON ANG PAGTITIWALA MO KAY JEHOVA
16. Ano ang tutulong sa atin na hindi matakot kapag nakita na nating natutupad ang hula sa Lucas 21:26-28?
16 Sa malaking kapighatian, marami ang “mahihimatay sa takot.” Pero mananatiling matatag at malakas ang loob ng mga lingkod ng Diyos. (Basahin ang Lucas 21:26-28.) Bakit hindi tayo matatakot? Kasi natutuhan na nating magtiwala kay Jehova. Sinabi ni Tanja, na binanggit kanina, na nakatulong ang mga naranasan niya noon para maharap ang ibang mahihirap na sitwasyon. “Natutuhan ko na anuman ang sitwasyon natin, puwede tayong pagpalain ni Jehova at tulungang makapagtiis,” ang sabi niya. “Minsan, parang kontrolado ng iba ang mga bagay-bagay. Pero mas malakas si Jehova kaysa sa kanila. At may katapusan din ang mga problema.”
17. Paano makakatulong sa atin ang taunang teksto ngayong 2024? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
17 Sa ngayon, marami tayong puwedeng ikatakot. Pero gaya ni David, huwag tayong magpadaig dito. Panalangin ni David ang taunang teksto natin ngayong 2024: “Kapag natatakot ako, sa iyo ako nagtitiwala.” (Awit 56:3) Ganito ang sinabi ng isang reperensiya sa Bibliya tungkol sa talatang ito: “Hindi nagpokus si David sa mga ikinakatakot niya o sa mga problema niya. Umasa siya sa Manunubos na magliligtas sa kaniya.” Laging isipin ang taunang teksto natin, lalo na kung natatakot ka dahil sa mga problema mo. Pag-isipan ang mga ginawa, ginagawa, at gagawin pa ni Jehova. At gaya ni David, masasabi mo rin: “Sa Diyos ako nagtitiwala; hindi ako natatakot.”—Awit 56:4.
PAANO MO MADADAIG ANG TAKOT KUNG PAG-IISIPAN MO ANG . . .
mga ginawa na ni Jehova?
mga ginagawa ni Jehova ngayon?
mga gagawin pa ni Jehova?
AWIT BLG. 33 Ihagis Mo kay Jehova ang Iyong Pasanin
a May makikita kang nakakapagpatibay na mga impormasyon sa jw.org. I-type sa search bar ang “tularan ang kanilang pananampalataya” o “mga karanasan.” Sa JW Library® app, tingnan ang mga serye ng artikulo na “Tularan ang Kanilang Pananampalataya” o “Kuwento ng Buhay ng mga Saksi ni Jehova.”
b Binago ang ilang pangalan.
c Tingnan ang aklat na Maging Malapít kay Jehova, kab. 7, par. 13-22.
d LARAWAN: Pinag-isipan ni David kung paano siya pinalakas ni Jehova para mapabagsak ang isang oso, kung paano ginagamit ni Jehova si Ahimelec para tulungan siya, at ang pangako sa kaniya na gagawin siyang hari.
e LARAWAN: Pinag-iisipan ng isang brother na nakakulong dahil sa pananampalataya niya kung paano siya tinulungan ni Jehova na maihinto ang paninigarilyo, kung paano siya pinapatibay ngayon gamit ang mga sulat ng mga mahal niya sa buhay, at na bibigyan siya ni Jehova ng buhay na walang hanggan sa Paraiso sa hinaharap.