Nakaririnig na mga Kobra sa Sri Lanka
“Binging gaya ng mga kobra na nagtatakip ng kaniyang pakinig, at hindi nakaririnig ng tinig ng mga engkantador.”—Awit 58:4, 5.
Sa The New York Times, ng Enero 10, 1954, sa ilalim ng pamagat na “Ang mga Ahas ba’y ‘Naeengkanto’ ng Musika?” ang sumusunod na ulat tungkol sa Awit 58:4, 5 ay nasumpungan: “Si Dr. David I. Macht, mananaliksik na parmakologo sa Mount Sinai Hospital sa Baltimore [E.U.A.], ay isa sa nangungunang awtoridad sa daigdig may kaugnayan sa kamandag ng ahas na kobra. (Ang kamandag ng kobra ay isang tinatanggap na panggamot, sa mga sakit sa dugo, halimbawa.) Iniulat ni Dr. Macht na sa paggawa ng pananaliksik sa mga kobra at sa kamandag ng kobra nakilala niya ang maraming manggagamot na Hindu, edukado, at mula sa iba’t ibang bahagi ng India. Ang lahat ay sumasang-ayon na ang mga kobra ay tumutugon sa ilang musikal na tono, mula sa mga musikal na pito o tipano. Ang ilang anyo ng musika ay nakapupukaw sa mga hayop ng higit kaysa ibang anyo, ulat ng mga manggagamot. Ang mga batang Indian, na naglalaro paglubog ng araw sa lalawigan, ay binabalaan pa nga na huwag kumanta baka maakit ang mga kobra sa kanilang himig, aniya. Si Dr. Macht ay nagkomento na si Shakespeare, na paulit-ulit na tumukoy sa mga ahas na bingi . . . ay inuulit lamang ang isang karaniwang maling pagkaunawa. Sa kabilang panig naman si Dr. Macht ay nagsabi, ang salmista ay tama sa pagsasabi, sa Awit 58:5, Talatang 5, na ang mga ahas ay nakaririnig.”
Sa katulad na paraan, sa isang artikulong inilathala sa Alemang magasin tungkol sa mga hayop na Grzimeks Tier, Sielmanns Tierwelt (Mga Hayop ng Grzimek, Daigdig ng mga Hayop ng Sielmann), Hulyo 1981, mga pahina 34 at 35, binabanggit ng awtor ang tungkol sa isang kobra na nakatira sa isang punsó sa kaniyang lupa sa Sri Lanka. Hiniling niya ang isang engkantador ng ahas na hulihin ang mailap na ahas at pasayawin ito. Ang awtor ay nag-uulat: “Pakatapos kong tiyakin sa aking bisita na talagang may kobrang nakatira roon, naupo siya sa harap ng punsó at nagsimulang patugtugin ang kaniyang tipano. Pagkaraan ng mahabang panahon—hindi na ako naniniwalang may anumang mangyayari—inilabas ng kobra ang ulo nito mga ilang centimetro mula sa butas. Bago pa maibuka ng ahas ang bibig nito mabilis na sinunggaban ng engkantador ang ulo nito sa pagitan ng kaniyang hinlalaki at dalawang daliri.” Pagkatapos ay aktuwal na pinasayaw ng Indian ang ahas.
Kaya nga, may katibayan na ang mga kobra ay “nakaririnig sa tinig ng mga engkantador.”—New World Translation of the Holy Scriptures—With References, Apendise 7A, pahina 1583.