PANG-EENGKANTO
Ang salitang Hebreo na ʼit·timʹ ay ginamit sa Isaias 19:3 upang tumukoy sa “mga engkantador” ng Ehipto. Ang salitang Hebreo na cheʹver (isinaling “engkanto”) ay tumutukoy sa isang pormula sa mahika na binibigkas, inaawit, o isinusulat bilang engkanto, o orasyon, upang ‘gayumahin’ ang isang tao. (Aw 58:5; Isa 47:9, 12) Maliwanag na ang “mga palamuting kabibi na humihiging” na pag-aari, at walang alinlangang isinusuot, ng mga anak na babae ng Sion ay mga anting-anting, anupat ang salitang Hebreo para sa mga ito (lecha·shimʹ) ay halaw sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “bulong; engkanto.” (Isa 3:20; ihambing ang 2Sa 12:19; Aw 58:5.) Ang gayong mga espiritistikong gawain ay kasama sa “mga karima-rimarim na bagay” na ipinagbawal ni Jehova sa kaniyang bayan. (Deu 18:9-11) Kilalang-kilala ang sinaunang mga Babilonyo, mga Ehipsiyo, at iba pa sa kanilang pagtitiwala sa mga anting-anting at sa pang-eengkanto.—Isa 19:3; 47:9, 12.
Pang-eengkanto ng Ahas. Ang tinatawag na snake charming o pang-eengkanto ng ahas ay maaaring maging isang anyo ng espiritismo at nagmula sa sinaunang kulto ng mga sumasamba sa serpiyente. Diumano’y ineengkanto ng engkantador ang serpiyente, na karaniwa’y isang kobra, at tila nahahalina ito sa musikang tinutugtog, kadalasa’y sa isang plawta o pipa. Hindi bingi o mahina ang pandinig ng mga ahas gaya ng akala ng iba. Sa halip, gaya ng ipinahihiwatig ng Awit 58:4, 5, naririnig nila ang tinig ng mga engkantador at gayundin ang musika nito. Baka akalain ng isa na maaaring sanayin ang ahas gaya ng pagsasanay sa isang hayop o ibon, sa pamamagitan ng paglalagay nito sa isang basket na may takip, pagtugtog ng banayad na musika, mabilis na pagtatakip sa basket kapag nagtangkang tumakas ang ahas, hanggang sa tuluyan itong matutong tumayo nang tuwid at sumunod sa musika nang hindi nagtatangkang tumakas. Bagaman maaaring totoo ito sa ilang kaso, lumilitaw na kadalasa’y kasangkot ang espiritismo sa pang-eengkanto ng ahas.
Pinatutunayan ng pagbanggit ng Bibliya sa espiritistikong gawaing ito na ginagawa na ito noon pa mang sinaunang panahon.—Aw 58:4, 5; Ec 10:11; Isa 3:3; Jer 8:17.