-
Lumapit sa Diyos sa PanalanginMasayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
Lumapit sa Diyos sa Panalangin
Naghahanap ka ba ng gabay sa buhay? May mga tanong ka ba na gusto mong masagot? Kailangan mo ba ng pampatibay-loob? Gusto mo bang mapalapít kay Jehova? Matutulungan ka ng panalangin. Pero paano ba dapat manalangin? Pinapakinggan ba ng Diyos ang lahat ng panalangin? Ano ang dapat mong gawin para pakinggan ng Diyos ang panalangin mo? Talakayin natin.
1. Kanino dapat manalangin, at ano ang puwedeng ipanalangin?
Itinuro ni Jesus na sa Ama lang niya tayo dapat manalangin. Nanalangin si Jesus kay Jehova: “Manalangin kayo sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit . . .’” (Mateo 6:9) Kapag nananalangin tayo kay Jehova, tumitibay ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya.
Puwede nating ipanalangin ang halos lahat ng bagay. Pero siyempre, para sagutin ito ng Diyos, dapat na ayon ito sa gusto niyang ipanalangin natin. “Anuman ang hingin natin ayon sa kalooban [ng Diyos] ay ibibigay niya.” (1 Juan 5:14) Sinabi ni Jesus ang mga puwede nating ipanalangin. (Basahin ang Mateo 6:9-13.) Bukod sa mga problema natin, dapat nating pasalamatan ang Diyos sa mga ibinibigay niya sa atin. At puwede rin nating ipanalangin na tulungan niya ang iba.
2. Paano tayo dapat manalangin?
Pinapasigla tayo ng Bibliya na “ibuhos [sa Diyos] ang laman ng puso” natin. (Awit 62:8) Kaya dapat na ang panalangin natin ay mula sa puso. Kapag nananalangin tayo, puwede itong gawing malakas o tahimik, at wala itong espesipikong posisyon pero dapat na kagalang-galang. Puwede tayong manalangin kahit kailan at kahit saan.
3. Paano sinasagot ng Diyos ang mga panalangin?
Iba-iba ang paraan ng pagsagot niya sa mga panalangin. Ginagamit ni Jehova ang kaniyang Salita, ang Bibliya, para sagutin ang mga tanong natin. Ang pagbabasa nito ay “nagpaparunong sa walang karanasan.” (Awit 19:7; basahin ang Santiago 1:5.) Puwede niya tayong bigyan ng kapayapaan ng isip kapag may mga problema tayo. At puwede niyang gamitin, o pakilusin, ang mga lingkod niya para tulungan tayo sa panahong kailangan natin.
PAG-ARALAN
Pag-aralan kung paano mananalangin sa paraang gusto ng Diyos. At alamin ang maitutulong sa iyo ng panalangin.
4. Mga panalanging pinapakinggan ng Diyos
Paano natin malalaman kung papakinggan ng Diyos ang panalangin natin? Panoorin ang VIDEO.
Gusto ni Jehova na manalangin tayo sa kaniya. Basahin ang Awit 65:2. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa tingin mo, gusto ba ng “Dumirinig ng panalangin” na manalangin ka sa kaniya? Bakit iyan ang sagot mo?
Kung gusto nating pakinggan ng Diyos ang mga panalangin natin, dapat nating isabuhay ang mga pamantayan niya. Basahin ang Mikas 3:4 at 1 Pedro 3:12. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano tayo makakasigurado na papakinggan ni Jehova ang mga panalangin natin?
Kapag may digmaan, parehong ipinapanalangin ng magkalaban na manalo sila. Tama kayang sagutin ng Diyos ang ganitong panalangin?
5. Dapat tayong manalangin mula sa puso
Itinuturo sa mga tao na puwede silang manalangin nang paulit-ulit gamit ang pare-parehong salita. Pero iyan ba ang gusto ng Diyos? Basahin ang Mateo 6:7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano natin maiiwasan na ‘paulit-ulit ang sinasabi’ natin kapag nananalangin?
Mag-isip ng isang pagpapala na natatanggap mo araw-araw. Pagkatapos, ipagpasalamat mo iyon kay Jehova. Gawin mo iyan araw-araw sa loob ng isang linggo para iba-iba ang ipapanalangin mo.
6. Regalo ng Diyos ang panalangin
Paano ka matutulungan ng panalangin lalo na kapag may problema ka? Panoorin ang VIDEO.
Ipinapangako ng Bibliya na magkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip kapag nananalangin tayo. Basahin ang Filipos 4:6, 7. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Hindi laging naaalis ng panalangin ang mga problema natin, pero paano ito makakatulong?
Ano ang ilang bagay na gusto mong ipanalangin?
Alam mo ba?
Ang salitang “amen” ay nangangahulugang “mangyari nawa” o “tiyak nga.” Mula pa noong panahon ng Bibliya, sinasabi na ang “amen” sa dulo ng panalangin.—1 Cronica 16:36.
7. Magbigay ng panahon sa pananalangin
Minsan, sa sobrang busy natin, nakakalimutan na nating manalangin. Gaano kahalaga kay Jesus ang pananalangin? Basahin ang Mateo 14:23 at Marcos 1:35. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang ginawa ni Jesus para laging makapanalangin?
Kailan ka puwedeng manalangin?
MAY NAGSASABI: “Wala naman talagang naitutulong ang panalangin, pinapagaan lang nito ang loob mo.”
Ano ang sasabihin mo?
SUMARYO
Ang panalanging mula sa puso ay naglalapít sa atin sa Diyos, at nagbibigay ng kapayapaan ng isip at ng lakas na kailangan natin para mapasaya si Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo?
Kanino tayo dapat manalangin?
Paano tayo dapat manalangin?
Ano ang maitutulong sa iyo ng pananalangin?
TINGNAN DIN
Alamin ang sagot sa karaniwang mga tanong tungkol sa panalangin.
“Pitong Bagay na Dapat Mong Malaman Tungkol sa Panalangin” (Ang Bantayan, Oktubre 1, 2010)
Alamin kung bakit dapat kang manalangin at kung paano mas magiging makabuluhan ang panalangin mo.
Kanino lang dapat manalangin? Tingnan ang itinuturo ng Bibliya.
“Dapat Ba Akong Manalangin sa mga Santo?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Sa music video, pansinin kung mahalaga ba kung saan o kailan dapat manalangin.
-
-
Patuloy na Patibayin ang Kaugnayan Mo kay JehovaMasayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
4. Laging makipag-usap at makinig sa best Friend mo
Naging kaibigan ka ni Jehova dahil sa pananalangin at pag-aaral mo ng Bibliya. Paano ito makakatulong para mas mapalapít ka pa sa kaniya?
Basahin ang Awit 62:8. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Para mapatibay mo ang pakikipagkaibigan kay Jehova, ano ang puwede mong pasulungin sa paraan mo ng pananalangin at sa mga sinasabi mo sa kaniya?
Basahin ang Awit 1:2 at talababa. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Para mapatibay mo ang pakikipagkaibigan kay Jehova, paano ka mas makikinabang sa pagbabasa mo ng Bibliya?
Ano ang magagawa mo para mas makinabang ka sa personal na pag-aaral ng Bibliya? Para magkaideya ka, panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang gusto mong gayahin sa napanood mo?
Anong mga paksa ang gusto mong pag-aralan?
-