Mga Tampok sa Bibliya Awit 42 Hanggang 72
Maghintay kay Jehova
Ang mga lingkod ni Jehova ay nakahaharap sa mga pagsubok sa pananampalataya taglay ang pagtitiis sapagkat ang Diyos ay kanilang Kanlungan at Tagapagligtas. Anong inam na ito’y ipinakikita sa Aklat Dos ng Mga Awit! Oo, ang Awit 42 hanggang 72 ay nagpapatunay na tayo’y makapagtitiis kung tayo’y may lakip panalanging maghihintay kay Jehova upang kumilos alang-alang sa atin.
“Maghintay sa Diyos”
Pakisuyong basahin ang Awit 42 hanggang 45. Ang isang itinapong Levita ay nalulungkot sapagkat hindi siya makaparoon sa santuaryo ni Jehova, ngunit siya’y kontento na “maghintay kay Jehova” upang kumilos bilang kaniyang Tagapagligtas. (Awit 42, 43) Pagkatapos ay may pakiusap ukol sa isang nanganganib na bansa, marahil ipinahiwatig ang pagsalakay ng mga Asiryo sa Juda noong kaarawan ni Haring Hezekias. (Awit 44) Pagkatapos, ang isang awit ng maharlikang kasalan ay nakaturo sa Mesiyas, si Jesu-Kristo.—Awit 45.
◆ 42:1—Paanong ang salmista ay tulad ng isang ‘usa na nauuhaw sa tubig’?
May dahilan nga, ang Levitang ito ay itinapon. Kaya’t hindi siya nakasasamba sa santuaryo ni Jehova, at siya’y waring tinutugis at nauuhaw na usa, o usang babae, na humahanap ng tubig sa isang lupain na baog at salat sa tubig. Siya’y ‘nauuhaw,’ o nananabik, kay Jehova at sa pribilehiyo na sumamba sa Diyos sa Kaniyang santuaryo.—Aw 42 Talatang 2.
◆ 45:1—Anong “mainam na bagay” ang pumukaw sa puso ng salmista?
Ang isang bahagi ng awit na ito ay kapit kay Jesu-Kristo. (Awit 45:6, 7; Hebreo 1:8, 9) Kaya’t ang puso ng salmista ay pinukaw ng isang hinaharap na pangyayari—ang pagkatatag ng Mesiyanikong Kaharian noong 1914. Ang mga Saksi ni Jehova, man naman, ay napupukaw na ibalita ang “mainam na bagay na ito.”
Aral para sa Atin: Ang karanasan ng salmista nang siya’y itapon ay dapat pumukaw sa atin na magpakita ng matinding pagpapahalaga sa pagsasamahan na tinatamasa na natin ngayon sa bayan ni Jehova. Kung sakaling tayo’y nakulong dahil sa pag-uusig at pansamantalang nakahiwalay sa kanila, ating mabubulay-bulay ang nakaraang mga kagalakan sa banal na paglilingkod at ating idalangin na tayo’y makapagtiis samantalang ‘naghihintay sa Diyos’ na ibalik tayo sa aktibong pakikisama sa mga sumasamba sa kaniya.—Awit 42:4, 5, 11; 43:3-5.
Ang Ating Maawaing Kanlungan
Basahin ang Awit 46 hanggang 51. Si Jehova, na ating Kanlungan, ang magpapahinto sa mga digmaan. (Awit 46) Siya ay “Hari sa buong lupa,” at ang di-matatalong Protektor na ito ay ating Diyos magpakailanman. (Awit 47, 48) Ang mga naaapi ay kailangang maghintay kay Jehova, subalit lahat ng ‘naghahandog ng pasasalamat bilang kanilang hain’ ay “makakakita ng pagliligtas ng Diyos.” (Awit 49, 50) Sakaling tayo’y magkasala ngunit nagsisisi, gaya ni David sa kaniyang pagkakasala dahil kay Bath-sheba, tayo’y patatawarin ng Diyos buhat sa kasalanan laban sa dugo sapagkat ‘ang isang pusong bagbag at nagsisisi ay hindi niya hahamakin.’—Awit 51.
◆ 46:2—Papaanong “ang lupa’y magbabago”?
Kahit na kung ang mga bundok man ay mapalipat sa dagat dahil sa isang likas na pagbabago ng lupa, ang mga nagtitiwala sa Diyos ay walang dahilan na matakot. Anoman ang mangyari, sila’y makapagtitiwala kay Jehova bilang kanilang Kanlungan.
◆ 51:5—Anong kasalanan ang tinutukoy ni David?
Hindi ibig niyang sabihin na ang relasyon ng mag-asawa, ang paglilihi, at ang panganganak ay kasalanan; hindi rin naman ang tinutukoy niya ay ang anomang espisipikong kasalanan ng kaniyang ina. Bagkus, kaniyang kinikilala ang kaniyang likas na pagkamakasalanan bilang isang inapo ni Adan. (Job 14:4; Roma 5:12) Si David ay kinaawaan ni Jehova hindi lamang dahil sa tipan sa Kaharian kundi gayundin dahil sa siya’y nagsisi.—2 Samuel 7:12-16.
Aral para sa Atin: Ang Awit 46 ay bumabagay sa panahon nang pinagbabantaan ang Jerusalem ng mga taga-Asirya. Sa pagkaalam na ‘ang Diyos ay isang karunungan, isang nakahandang tulong kung panahon ng kahirapan,’ si Haring Hezekias ay nanalangin kay Jehova, at nag lunsod ay makahimalang iniligtas. (2 Hari, kabanata 19) Pagka tayo’y nasa kagipitan ang Diyos ang gawin din natin na ating Kanlungan. Sa paano? Sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kaniya, pagkapit nang mahigpit sa kaniyang Salita, at pananatili sa kaniyang organisasyon.
Tiyak ang Kaligtasan
Basahin ang Awit 52 hanggang 57. Bubunutin ng Diyos ang isang masamang tao ‘buhat sa lupain ng mga nabubuhay’ at kaniyang “pangangalatin ang mga buto” ng sinoman na sumasalansang sa Kaniyang bayan. (Awit 52, 53) Nang siya’y tinutugis ni Saul, si David ay may tiwala na siya’y ililigtas ng Diyos, at nang siya’y maging biktima ng kataksilan, ang kaniyang pasanin ay iniatang niya kay Jehova. (Awit 54, 55) Ang salmista ay kontento na maghintay sa Diyos upang siyang tumapos ng kaniyang mga paghihirap.—Awit 56, 57.
◆ 52:8—Paano ang matuwid ay gaya ng isang punong olibo?
Ang isang punong olibo ay maaaring sumagisag sa pagkamabunga, sa kagandahan, at sa dignidad. (Jeremias 11:16; Hosea 14:6) Sa awit na ito, ang balakyot na kasabuwat na sasapit sa kapahamakan ay ipinakikita na ibang-iba kaysa matuwid na tao na protektado at umuunlad na gaya ng isang mayabong na punong olibo.
◆ 54:1—Bakit sinabi ni David: “Sa pamamagitan ng iyong pangalan ay iligtas mo ako”?
Ang pangalan ng Diyos ay walang mahiwagang lakas kundi ito’y kumakatawan sa Diyos mismo. Samakatuwid sa pamamagitan ng ganitong pagsusumamo, kinilala ni David na si Jehova ay makapagliligtas sa Kaniyang bayan. (Exodo 6:1-8) Bagama’t isiniwalat kay Haring Saul ng mga Zipheo ang pinagtataguan ni David, dahil sa paglusob sa Israel ng mga Filisteo ay napahinto ang paghanap ni Saul kay David. (1 Samuel 23:13-29; Awit 54, superscription) Sa ganoo’y iniligtas ni Jehova si David.
Aral para sa Atin: Ang mga kaaway ni David ay gumawa ng isang hukay upang kahulugan niya. (Awit 57:6) Ang gayong hukay para kahulugan ng isang tao ay maaaring tumukoy sa mapanganib na mga kalagayan o mga intriga na nagsasapanganib sa mga lingkod ni Jehova. Subalit ang mga mananalansang sa bayan ng Diyos ay maaaring masilo ng kanilang sariling mga pakana. Kaya’t kung tayo’y umaasa kay Jehova at nagpapakaingat, ang ating kaligtasan ay tiyak.—Kawikaan 11:21; 26:27.
“Paghihintay Nang Tahimik”
Basahin ang Awit 58 hanggang 64. Dahilan sa pagkabahala sa pang-aapi, hiniling ni David sa panalangin na parusahan ng Diyos ang mga balakyot. (Awit 58, 59) Nang nasa panganib na magapi, siya’y nanalangin na iligtas siya at kaniyang natitiyak na yuyurakan ng Diyos ang mga kaaway. (Awit 60) Si Jehova noon ay kanlungan na para kay David; kaya’t kaniyang mahihintay nang tahimik ang kaligtasan. (Awit 61, 62) Nang mapilitan siya na magtago sa ilang, marahil nang maghimagsik si Absalom, si David ay nakasumpong ng kagalakan ‘sa lilim ng mga pakpak ng Diyos.’ (Awit 63) Ang salmista ay nanalangin din na siya’y iligtas buhat sa “mga manggagawa ng kasamaan” at kaniyang natitiyak na ang matuwid ay makasusumpong ng kanlungan kay Jehova.—Awit 64.
◆ 58:3-5—Paano ngang ang mga balakyot ay gaya ng isang ahas?
Ang kabulaanang, mapanirang mga pangungusap ng balakyot ay maaaring makasira sa marangal na pangalan ng isang biktima niyaon, gaya ng kamandag ng isang ahas na maaaring makamatay. (Awit 140:3; Roma 3:13; Santiago 3:8) Isa pa, ang balakyot ay “bingi na gaya ng kobra na nagtatakip ng kaniyang tainga,” sapagkat sila’y tumatanggi na makinig at tumanggap ng patnubay.
◆ 63:3—Paano ngang ang kagandahang-loob ng Diyos ay “maigi kaysa buhay”?
Ang buhay kung hiwalay sa Diyos ay walang tunay na layunin, subalit ang tapat na pag-ibig ni Jehova na ipinahayag kay David ay nagbigay ng tunay na kabuluhan sa kaniyang buhay. Ang matalik na kaugnayan sa Diyos ay laging nagbibigay ng kabuluhan sa buhay para sa kaniyang sinang-ayunang mga lingkod, ito’y katiyakan sa kanila na tutulungan at papatnubayan sila ng Diyos, at sila’y maaaring umasa sa isang walang hanggang maligayang buhay.
Aral para sa Atin: Si David ay kontento na “maghintay nang tahimik” sa Diyos upang ito ang kumilos alang-alang sa kaniya. (Awit 62:1-7) Yamang napasakop siya sa kalooban ni Jehova, siya’y nakadama ng kasiguruhan at tahimik na nagtitiwala sa Diyos. Kung tayo’y mayroong gayong pagtitiwala kay Jehova, “ang kapayapaan ng Diyos” ang mag-iingat sa ating mga puso at mga pag-iisip samantalang hinihintay natin ang pagliligtas ng Diyos buhat sa mga kaaway at sa mga kapighatian.—Filipos 4:6, 7; Awit 33:20.
Purihin ang Ating Tagapagligtas
Basahin ang Awit 65 hanggang 72. Si Jehova ay pinupuri bilang Bukal ng saganang mga bunga ng halaman, ng saganang mga ulan, ng luntiang mga pastulan, at malalaking kawan ng hayop. (Awit 65) Karapatdapat na umawit “sa ikaluluwalhati ng kaniyang pangalan.” (Awit 66) Siya’y dapat na ipagbunyi, at siya’y pinapuri bilang “isang Diyos ng mga gawang nagliligtas.” (Awit 67, 68) Inihula ang mga pagdurusa ng Mesiyas, at si Jehova ay dinadakila bilang “ang Tagapaglaan ng saklolo” at siyang hihintayin ng salmista na tumulong sa kaniya. (Awit 69-71) Ang gayong pagtitiwala ay gagantihin, sapagkat sa buong lupa ay tinitiyak na darating ang kaunlaran at kaligtasan buhat sa pang-aapi sa pinagpalang panahon ng paghahari ng Mesiyas.—Awit 72.
◆ 68:11—Sino ba ang bumubuo ng “malaking hukbo” ng mga babae?
Pagkatapos na gamitin ni Jehova ang mga kawal na lalaki ng Israel upang pagtagumpayan ang kaaway, ang mga babaing Israelita ang naghayag ng mabuting balita ng tagumpay kasaliw ng musika, awit, at kasabay ng pagsasayaw. (1 Samuel 18:6, 7; ihambing ang Exodo 5:20, 21.) Bilang pagsunod sa Diyos sa kaniyang “salita,” o utos, ang mga lalaki ng Israel ay lumaban sa kaaway na mga bansa ng Lupang Pangako at kanilang tinalo ang mga ito. Kaya naman ang mga babaing Israelita ay nagkaroon ng mabuting balita na ihahayag sa mga selebrasyon ng tagumpay. Sa ngayon, ang mga babaing ministro ay gumaganap ng malaking bahagi bilang mga tagapagbalita ng Kaharian at kanilang inihahayag ang mabuting balita ng “salita” ni Jehova, at kasali na rito ang pagbibigay-babala sa mga bansa na sila ay malapit nang supilin ng Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo.
◆ 69:23—Bakit hiniling sa Diyos na panginigin ang mga balakang ng kaaway?
Pagka ang malalakas na kalamnan sa balakang ay maigting, ito’y lubhang malakas. Subalit nawawalan ito ng lakas pagka ang balakang ay yumuyugyog o nanginginig, marahil dahil sa takot. Sa kaniyang pakiusap na iligtas siya, hiniling ni David sa Diyos na bawian ng lakas ang kaniyang kaaway.
◆ 72:16—Ano ang ibig sabihin ng kasaganaang ito?
‘Mamumungang gaya sa Lebanon’ marahil ay tumutukoy sa pagtatanim ng trigo na totoong lapit-lapit at pagkatataas kung kaya’t nakakatulad ng luntian at malalaking taniman ng Lebanon. Marahil dahil sa tumutubo sa mga tanimang hagdan-hagdan sa itaas ng kabundukan, ang pagkatatangkad at matatabang uhay na siksik sa mga binutil ay maihahambing sa pagkatatangkad at pagkalalaking sedro ng Lebanon. Ito’y nagpapahiwatig ng pambihirang saganang-saganang ani sa panahon ng paghahari ng Mesiyas. At ang bagay na ‘yaong mga nasa lunsod ay mamumukadkad na gaya ng pananim’ ay nagpapatunay na ang mga sakop ni Jesus sa lupa ay magiging pagkarami-rami nga.
Aral para sa Atin: Ang salmista ay nanalangin: “Sapagkat ikaw ang nagpakita sa akin ng maraming kabagabagan at mga kalamidad, harinawang ako’y muling buhayin mo [Jehova].” (Awit 71:20) Bagama’t hindi ang Diyos ang pinagmumulan ng gayong mga kahirapan, kaniyang pinapayagan na tayo’y masubok at makapagbigay ng sagot sa kaniyang Mangungutya, ang Diyablo. (Santiago 1:13; Kawikaan 27:11) Kailanman ay hindi tinutulutan ni Jehova na tayo’y tuksuhin nang higit kaysa ating makakaya at kaniyang matutulungan tayo na makapagtagumpay sa mga pagsubok sa atin upang magkaroon ng matibay na pananampalataya. (1 Corinto 10:13; 1 Pedro 1:6, 7) Ang pinahirang mga Kristiyano ay nakasaksi ng “maraming mga kabagabagan at mga kalamidad” nang sila’y pag-usigin sa sukdulan ng Digmaang Pandaigdig I. Subalit ‘sila’y muling binuhay’ noong 1919, at sila’y nagpatuloy ng paglilingkod sa Kaharian, at nang malaunan ay kasa-kasama na nila ang “malaking pulutong.” (Apocalipsis 7:9) Dahil sa gayong kinalabasan, tiyak na kailangang purihin ang Dakilang Tagapagligtas.
Ang pananampalataya ay kinakailangan upang tayo’y makapaghintay na kumilos ang Diyos alang-alang sa atin. Kakailanganin na tayo’y maghintay nang tahimik sapagkat wala tayong magagawa upang baguhin ang mahihirap na kalagayang kinaroronan natin. Gayunman, tayo’y makapagtitiis, gaya ng mga salmista, kung tayo’y kontento na maghintay kay Jehova.