SORRA
[sa Heb., shu·ʽalʹ; sa Gr., a·loʹpex; sa Ingles, fox].
Tulad-asong hayop na makikilala dahil sa patulis na mukha, malalaking tainga na patayo at patatsulok, at mabalahibong buntot. Bantog ang sorra sa katusuhan nito, at marahil ito ang katangiang ipinahihiwatig ni Jesu-Kristo nang tukuyin niya si Haring Herodes bilang ang “sorrang iyon.” (Luc 13:32) Para makatakas sa mga kaaway nito, mas umaasa ang sorra sa katusuhan nito kaysa sa kaniyang tulin, bagaman iniulat na sa maiikling distansiya ay nakaaabot ito sa bilis na mahigit sa 70 km/oras (43 mi/oras).
Sa ngayon, hindi laging kinikilala ng mga taga-Sirya at Palestina ang pagkakaiba ng chakal at ng sorra, at naniniwala ang maraming iskolar na malamang na saklaw ng katawagang Hebreo na shu·ʽalʹ kapuwa ang sorra (Vulpes vulpes) at ang chakal (Canis aureus). Maraming tagapagsalin ng Bibliya ang gumamit ng “chakal” bilang salin ng shu·ʽalʹ sa ilang paglitaw nito.
Nang babalaan ni Jesu-Kristo ang isang lalaki na nagnanais na sumunod sa kaniya, itinawag-pansin niya na ang mga sorra ay may mga lungga, ngunit ang Anak ng tao ay walang lugar na mapaghihigan ng kaniyang ulo. (Mat 8:20; Luc 9:58) Maliban sa likas na mga awang o mga lunggang iniwan ng o inagaw sa ibang hayop, ang mga sorra ay karaniwan nang naghuhukay sa lupa ng mga butas na nagsisilbing mga lungga nila.
Ayon sa mga naturalista, ang sorra ay hindi naman pusakal na magnanakaw ng manok gaya ng sinasabi ng iba. Kumakain ito ng mga insekto, mga rodent at iba pang maliliit na hayop, mga ibon, bangkay, damo, at mga prutas. (Sol 2:15) Iniulat ng ika-18 siglong naturalista na si F. Hasselquist na sa Betlehem at sa ibang mga lugar, kinailangang hadlangan ang pananalakay ng mga sorra sa mga ubasan kapag hinog na ang mga ubas. (Voyages and Travels in the Levant, London, 1766, p. 184) Ipinapalagay ng marami na chakal ang tinutukoy sa Awit 63:10, na nagsasabing ang mga sorra ay kasamang kakain doon sa mga napatay. Ngunit hindi naman mali ang salin na “mga sorra” kung iisipin na kumakain din ng bangkay ang mga sorra.
Ipinahihiwatig ng Kasulatan na ang mga sorra ay tumatahan sa tiwangwang na mga lugar, pati sa mga guho, na malayo sa tirahan ng mga tao. (Pan 5:18; Eze 13:4) Binanggit din nito ang paggamit ni Samson ng 300 sorra upang sunugin ang mga halamang butil, mga ubasan, at mga taniman ng olibo ng mga Filisteo (Huk 15:4, 5) at ang pagtuya ni Tobia na Ammonita na ‘kayang gibain ng isang sorra ang pader ng Jerusalem’ na muling itinatayo ng nakabalik na mga Judio.—Ne 4:3.