Nakikinig ba ang Diyos Pagka Nananalangin Ka?
ANG isang pangulo ay nagpapasiya kung ang isang bagay ay ipagagawa niya sa kaniyang kinatawan o siya mismo ang gagawa niyaon. Sa katulad na paraan, ang Soberanong Hari ng sansinukob ay maaaring pumili kung gaano ang kaniyang personal na pagkasangkot sa anumang bagay. Itinuturo ng Kasulatan na minabuti ng Diyos na isangkot nang personal ang kaniyang sarili sa ating mga panalangin at sa gayon ay iniuutos sa atin na sa kaniya ipahatid ang mga ito.—Awit 66:19; 69:13.
Ang gayong panig na pinili ng Diyos sa bagay na ito ay nagsisiwalat ng kaniyang personal na interes sa mga panalangin ng kaniyang mga lingkod na tao. Imbes na sirain ang loob ng kaniyang mga lingkod sa paglapit sa kaniya sa bawat maisip at pagkabalisa, kaniyang pinapayuhan sila: “Manalanging walang-patid,” “magmatiyaga ng pananalangin,” “ipapasan ang iyong pasanin kay Jehova mismo,” “ilagak [sa Diyos] ang lahat ng inyong kabalisahan.”—1 Tesalonica 5:17; Roma 12:12; Awit 55:22; 1 Pedro 5:7.
Kung hindi nais ng Diyos na bigyang-pansin ang mga panalangin ng kaniyang mga lingkod, hindi sana siya magsasaayos ng ganiyang paglapit sa kaniya at manghihimok na malayang gamitin ito. Ito, kung gayon, na ang Diyos na ang nagpapakilala sa kaniyang mga lingkod na siya’y napakadaling lapitan, ay isang dahilan sa pagtitiwala na talagang siya’y nakikinig. Oo, kaniyang pinakukundanganan ang mga panalangin ng bawat isa sa kaniyang mga lingkod.
Hindi dapat kaligtaan na malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay nakikinig sa panalangin. Halimbawa, si apostol Juan ay sumulat: “Ito ang ating pagtitiwala sa kaniya, na, anuman ang hingin natin sa kaniya ayon sa kaniyang kalooban, kaniyang dinirinig tayo.” (1 Juan 5:14) Tinukoy ni Haring David ang Diyos na Jehova bilang ang “Dumirinig ng panalangin” at may pagtitiwalang nagsabi: “Kaniyang dinirinig ang aking tinig.”—Awit 55:17; 65:2.
Kaya bagaman ang gawang pananalangin ay walang alinlangang nagdudulot ng kapakinabangan sa ganang sarili, ipinakikita ng Kasulatan na higit pa ang kasangkot pagka nananalangin ang isang taong matuwid. May isang nakikinig. Ang nakikinig na iyan ay ang Diyos.—Santiago 5:16-18.
Mga Panalangin na Dininig
Ang Bibliya ay maraming pag-uulat tungkol sa mga taong ang mga panalangin ay, sa katunayan, dininig at sinagot ng Diyos. Ang kanilang mga karanasan ay malinaw na nagpapatotoo na ang kapakinabangan sa panalangin ay higit pa kaysa nakapagpapagaling na epekto na pag-uuri-uri at pagpapahayag ng mga kaisipan ng isa. Ang mga ito ay higit pa ang nasasaklaw kaysa personal na mga pagsisikap ng isang tao kasuwato ng kaniyang mga panalangin.
Halimbawa, nang dumating sa kaniya ang pakana ni Absalom na agawin ang paghahari sa Israel, si Haring David ay nanalangin: “Oh Jehova, isinasamo ko sa iyo, na iyong gawing kamangmangan ang payo ni Ahithophel [ang tagapayo ni Absalom]!” Hindi biru-birong kahilingan, sapagkat “ang payo ni Ahithophel . . . ay gaya ng kung ang isang lalaki ay nagsisiyasat sa salita ng tunay na Diyos. Gayon lahat ang payo ni Ahithophel.” Pagkatapos nito ay tinanggihan ni Absalom ang ipinayo ni Ahithophel na pamamaraan ng pagbabagsak kay Haring David. Bakit? “Si Jehova mismo ay nagbigay ng utos na biguin ang ipinayo ni Ahithophel bagaman mabuti, upang si Jehova ang magdala ng kasakunaan kay Absalom.” Maliwanag, ang panalangin ni David ay dininig.—2 Samuel 15:31; 16:23; 17:14.
Sa katulad na paraan, pagkatapos magsumamo si Hezekias sa Diyos na pagalingin siya sa kaniyang may taning na karamdaman, siya’y gumaling. Ito ba’y dahil lamang sa kaginhawahan na idinulot sa isip ni Hezekias bunga ng kaniyang pagkapanalangin? Hindi nga! Ang mensahe ni Jehova kay Hezekias, na ibinigay sa pamamagitan ni propeta Isaias, ay: “Narinig ko ang iyong panalangin. Nakita ko ang iyong mga luha. Narito pagagalingin kita.”—2 Hari 20:1-6.
Si Daniel, na ang panalangin ay sinagot nang mas huli kaysa kaniyang inaasahan, ay binigyan ng katiyakan ng anghel ni Jehova: “Ang iyong mga salita ay dininig.” Ang mga panalangin ng iba, tulad niyaong kay Ana, ng mga alagad ni Jesus, at ng punong hukbo na si Cornelio, ay sinagot sa mga paraan na hindi maibibigay ang kapurihan sa kakayahan lamang ng tao. Kung gayon, ang Bibliya ay malinaw na nagtuturo na ang mga panalangin na kasuwato ng kalooban ng Diyos ay tinanggap, dininig, at sinagot ng Diyos.—Daniel 10:2-14; 1 Samuel 1:1-20; Gawa 4:24-31; 10:1-7.
Subalit papaano sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng kaniyang tapat na mga lingkod sa ngayon?
Mga Kasagutan sa mga Panalangin
Ang mga panalangin na binanggit na ay sinagot sa madula, kahima-himalang mga paraan. Gayunman, pakisuyong alalahanin na maging noong sinaunang panahon sa Bibliya, ang pinakamalimit na mga kasagutan sa mga panalangin ay hindi agad-agad nahalata. Ito’y dahilan sa ang mga ito ay may kaugnayan sa pagbibigay ng moral na kalakasan at kaliwanagan, na nagbibigay sa mga lingkod ng Diyos ng lakas na manatili sa isang matuwid na landas. Lalo na para sa mga Kristiyano, ang mga sagot sa mga panalangin ay tungkol sa mga bagay na espirituwal ang karamihan, hindi mga gawang nakapanggigilalas o kahima-himala.—Colosas 1:9.
Kaya, huwag kang masiraan ng loob kung ang iyong mga panalangin ay hindi sa tuwina sinasagot sa paraan na iyong inaasahan o nais mo. Halimbawa, imbes na alisin ang isang bagay na nagsisilbing pagsubok, maaaring ang gawin ng Diyos ay bigyan ka ng “kapangyarihang higit kaysa karaniwan” upang matiis iyon. (2 Corinto 4:7; 2 Timoteo 4:17) Huwag nating hahamakin ang halaga ng gayong lakas, ni tayo man ay manghihinuha na hindi naman pala talagang sinagot ni Jehova ang ating panalangin.
Pag-isipan ang kaso ng walang iba kundi ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Sa kaniyang pagkabahala na huwag sana siyang mamatay na waring isang mamumusong, si Jesus ay nanalangin: “Ama, kung ibig mo, alisin mo sa akin ang sarong ito.” Ang ganito bang panalangin ay may pagsang-ayong dininig ng Diyos? Oo, gaya ng pinatunayan sa Hebreo 5:7. Ang kaniyang Anak ay hindi binawian ni Jehova ng kahilingan na mamatay sa isang pahirapang tulos. Sa halip, “isang anghel mula sa langit ang nagpakita sa kaniya at pinalakas siya.”—Lucas 22:42, 43.
Isang madula, kahima-himalang kasagutan ba? Sa kaninuman sa atin, magiging gayon nga! Subalit sa Diyos na Jehova, na pinagmumulan ng gayong lakas, ito ay hindi isang himala. At si Jesus, sapol sa kaniyang maagang buhay sa langit, ay nakaranas ng maraming pagkakataon na nagpakita sa mga tao ang mga anghel. Kaya ang pagpapakita ng isang anghel ay hindi magkakaroon ng matinding epekto sa kaniya hindi gaya sa atin. Gayumpaman, ang anghel na ito, na maliwanag na kilala ni Jesus nang personal dahil sa Siya’y naroroon na bago naging tao rito, ay tumulong upang palakasin Siya para sa napipintong pagsubok.
Sa pagsagot sa mga panalangin ng kaniyang tapat na mga lingkod sa ngayon, malimit na nagbibigay si Jehova ng kinakailangang lakas upang makapagtiis. Ang ganitong pag-alalay ay maaaring nasa anyo ng pampatibay-loob buhat sa mga kapananampalataya na mga kasamahan natin mismo. Tatanggihan kaya ninuman sa atin ang pampatibay-loob na iyon, baka sabihin pa natin na yamang ang ating mga kapuwa lingkod ay hindi nakararanas ng mga pagsubok na katulad ng sa atin, sila’y wala sa kalagayan na magpalakas sa atin? Maaaring ginawa sana ni Jesus ang gayon sa anghel na nagpakita sa kaniya. Ngunit sa halip kaniyang tinanggap ang pampatibay-loob bilang sagot ni Jehova sa kaniyang panalangin at sa gayo’y natupad niya nang may katapatan ang kalooban ng kaniyang Ama. Tayo man ay magnanais na tanggapin nang buong-giliw ang lakas na ibinibigay ng Diyos bilang sagot sa ating mga panalangin. Alalahanin din naman na ang gayong mga panahon ng matiyagang pagtitiis ay kadalasan sinusundan ng saganang mga pagpapala.—Eclesiastes 11:6; Santiago 5:11.
Magtiwala na Nakikinig ang Diyos
Huwag mawawalan ng tiwala sa bisa ng panalangin kung hindi ka sinasagot kaagad. Ang mga kasagutan sa ilang panalangin, tulad niyaong para sa personal na kaginhawahan buhat sa paghihirap o para sa karagdagang pananagutan sa paglilingkod sa Diyos ng isang tao, ay baka maghintay pa para sa tama at pinakamagaling na panahon na alam ng Diyos kung kailan. (Lucas 18:7, 8; 1 Pedro 5:6) Kung ikaw ay nananalangin tungkol sa isang bagay na totoong interesado ka, ipakita sa Diyos sa pamamagitan ng iyong katiyagaan na ang iyong hangarin ay matindi, ang iyong motibo ay dalisay at tunay. Si Jacob ay nagpakita ng ganitong diwa nang, pagkatapos na makipagbuno nang matagal sa isang anghel, sinabi niya: “Hindi kita pakakawalan hangga’t ako’y hindi mo muna binabasbasan.” (Genesis 32:24-32) Tayo’y kailangang may nakakatulad na pagtitiwala na kung tayo’y patuloy na hihingi, tayo’y tatanggap ng isang pagpapala sa takdang panahon.—Lucas 11:9.
Isang pangkatapusang paalaala. Ang pakikinig sa atin ng Soberano ng sansinukob ay isang mahalagang pribilehiyo. Dahilan dito, maingat bang nakikinig tayo pagka ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ay nakikipag-usap sa atin tungkol sa kaniyang mga kahilingan? Habang ang ating mga panalangin ay naglalapít nang lalong malapit sa atin sa ating Maylikha, nanaisin natin na magbigay ng matamang pansin sa lahat ng bagay na sasabihin niya sa atin.
[Larawan sa pahina 6]
Ang Diyos ay nakikinig sa mga panalangin. Tayo ba’y nakikinig sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang Salita?