Kaaliwan Para sa Mga Inaapi
NAPANSIN mo ba na sa buong buhay mo ay may ilang salitang madalas na maulit sa mga ulo ng balita? Sawang-sawa ka na bang makabasa ng gayong mga salita tulad ng digmaan, krimen, kapahamakan, gutom, at pagdurusa? Subalit, may isang salita na kapuna-punang wala sa mga balita. Gayunman, iyon ay isang salitang lumalarawan sa isang bagay na lubhang kailangan ng sangkatauhan. Ang salitang iyon ay “kaaliwan.”
Ang “umaliw” ay nangangahulugang “magbigay ng lakas at pag-asa” at “ibsan ang dalamhati o suliranin ng” isa. Dahil sa lahat ng kaligaligang pinagdaanan ng sanlibutan sa ika-20 siglo, talagang kailangan ang pag-asa at na maibsan ang pagdadalamhati. Totoo, ang ilan sa atin ngayon ay nagtatamasa ng higit na kaginhawahan sa buhay kaysa sa naisip kailanman ng ating mga ninuno. Ito ay pangunahin nang dahil sa siyentipikong pag-unlad. Subalit hindi tayo naaliw ng siyensiya at teknolohiya sa diwa na naalis ang lahat ng sanhi ng pagdurusa ng sangkatauhan. Ano ang mga sanhing ito?
Maraming siglo na ang nakaraan bumanggit ang pantas na taong si Solomon tungkol sa isang pangunahing sanhi ng pagdurusa nang sabihin niya: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Hindi nagawang baguhin ng siyensiya at teknolohiya ang hilig ng tao na dominahan ang kaniyang kapuwa. Sa ika-20 siglo, humantong ito sa malulupit na diktadura sa mga bansa at sa kakila-kilabot na mga digmaan sa pagitan ng mga bansa.
Sapol noong 1914 ay mahigit sa isang daang milyon katao ang nasawi bunga ng digmaan. Isip-isipin ang hinagpis ng tao na inilalarawan ng bilang na ito—milyun-milyong nagdadalamhating mga pamilya ang nangangailangan ng kaaliwan. At ang mga digmaan ay humahantong sa iba pang uri ng pagdurusa bukod sa marahas na kamatayan. Sa katapusan ng ikalawang digmaang pandaigdig, may mahigit sa 12 milyong refugee sa Europa. Sa mga nakaraang taon, mahigit sa isa at kalahating milyon ang tumakas buhat sa mga lugar ng digmaan sa Timog-silangang Asia. Ang paglalabanan sa Balkans ay nagtaboy sa mahigit sa dalawang milyon upang lisanin ang kanilang mga tahanan—sa maraming kalagayan ay upang matakasan ang “paglilinis ng lahi.”
Tunay na kailangan ng mga refugee ng kaaliwan, lalo na yaong mga napilitang umalis sa kanilang tahanan na taglay lamang ang mga pag-aaring mabubuhat nila, anupat hindi alam kung saan patutungo o kung ano ang magiging kinabukasan nila at ng kanilang pamilya. Kabilang ang gayong mga tao sa pinakakaawa-awang mga biktima ng pang-aapi; nangangailangan sila ng kaaliwan.
Sa mas mapayapang mga lugar sa lupa, milyun-milyon ang namumuhay na halos mga alipin ng sistema ng ekonomiya sa daigdig. Totoo, ang ilan ay sagana sa materyal na mga bagay. Subalit ang karamihan ay nakikipagpunyagi sa araw-araw upang mabuhay. Marami ang naghahanap ng disenteng tirahan. Dumarami ang walang trabaho. Inihula ng isang Aprikanong pahayagan na “ang daigdig ay patungo sa walang-katulad na krisis ng kawalang-trabaho, anupat lampas sa 1.3 bilyon katao pa ang maghahanap ng trabaho sa taong 2020.” Tiyak nga na ang mga naaapi sa kabuhayan ay nangangailangan ng “lakas at pag-asa”—ng kaaliwan.
Bilang tugon sa mahihirap na kalagayan, ang ilan ay bumabaling sa paggawa ng krimen. Mangyari pa, lumilikha lamang ito ng paghihirap sa kanilang mga biktima, at ang mataas na bilang ng mga krimen ay nakadaragdag sa pagkadama ng kaapihan. Ganito ang mababasa sa isang kamakailang ulo ng balita sa The Star, isang pahayagan sa Johannesburg, Timog Aprika: “Isang araw sa buhay ng ‘pinakamapanganib na bansa sa daigdig.’ ” Inilarawan ng artikulo ang isang pangkaraniwang araw sa loob at palibot ng Johannesburg. Sa araw na iyon, apat na katao ang pinaslang at walo naman ang inagawan ng kanilang sasakyan. Labimpitong panloloob ang iniulat sa isang lugar ng mayayaman sa labas ng lunsod. Karagdagan, may ilang nakawan na ginamitan ng baril. Ayon sa pahayagan, inilarawan ito ng pulisya bilang isang “medyo tahimik” na araw. Mauunawaan naman, yaong mga kamag-anak ng mga pinaslang at yaong nilooban ang tahanan at ninakawan ng kotse ay nakadama ng labis na kaapihan. Kailangan nila ng katiyakan at pag-asa—ng kaaliwan.
Sa ilang lupain, may mga magulang na nagbebenta ng kanilang mga anak upang maging tagapagbili ng aliw. Isang bansa sa Asia na dinarayo ng mga turista dahil sa “sex tours” ang iniulat na may dalawang milyong nagbibili ng aliw, na marami sa mga ito ang binili o kinidnap na mga bata. Mayroon pa bang mga taong inaapi nang higit kaysa sa kahabag-habag na mga biktimang ito? Sa pagtalakay sa napakasamang negosyong ito, iniulat ng magasing Time ang tungkol sa isang komperensiya noong 1991 ng mga organisasyon ng mga kababaihan sa Timog-silangang Asia. Doon, tinaya na “30 milyong kababaihan ang ipinagbili sa buong daigdig mula noong kalagitnaan ng dekada ng 1970.”
Sabihin pa, hindi na kailangan pang ipagbili sa prostitusyon ang mga bata upang maging biktima. Dumarami ang pisikal na inaabuso o hinahalay pa nga ng mga magulang at kamag-anak sa kanilang sariling tahanan. Maaaring taglayin ng gayong mga bata ang mga pilat sa kanilang damdamin sa loob ng mahabang panahon. Tiyak, bilang mga kaawa-awang biktima ng pang-aapi, kailangan nila ng kaaliwan.
Isang Sinaunang Estudyante Tungkol sa Pang-aapi
Nagimbal si Haring Solomon sa lawak ng nagawang pang-aapi ng tao. Sumulat siya: “Pumihit ako, at aking nakita ang lahat ng pang-aapi na ginagawa sa ilalim ng araw, at, narito! ang mga luha ng mga inaapi, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa siping ng mga umaapi sa kanila ay may kapangyarihan, ngunit wala silang mang-aaliw.”—Eclesiastes 4:1.
Kung natanto ng pantas na hari 3,000 taon ang nakaraan na talagang kailangang-kailangan ng mga inaapi ang isang mang-aaliw, ano kaya ang sasabihin niya ngayon? Gayunpaman, batid ni Solomon na walang di-sakdal na tao, kasali na siya, ang makapaglalaan ng kaaliwang kailangan ng sangkatauhan. Isa na mas dakila ang kailangan upang baliin ang kapangyarihan ng mga mang-aapi. Mayroon kayang gayong persona?
Sa Bibliya, bumabanggit ang Awit 72 tungkol sa isang dakilang mang-aaliw para sa lahat ng tao. Ang salmo ay isinulat ng ama ni Solomon, si Haring David. Sa inskripsiyon nito ay mababasa: “Hinggil kay Solomon.” Maliwanag, isinulat iyon ng matanda nang si Haring David tungkol sa Isa na magmamana ng kaniyang trono. Ang Isang ito, ayon sa salmo, ay magdudulot ng permanenteng ginhawa mula sa pang-aapi. “Sa kaniyang mga araw ay mamumukadkad ang mga matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan. At magkakaroon siya ng mga sakop mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat at . . . hanggang sa mga dulo ng lupa.”—Awit 72:7, 8.
Malamang, nang isulat ni David ang mga salitang ito, nasa isip niya ang kaniyang anak na si Solomon. Ngunit natanto ni Solomon na hindi niya kayang paglingkuran ang sangkatauhan sa paraan na inilarawan sa salmo. Natupad niya ang mga salita ng salmo sa isang maliit na paraan at sa kapakanan ng bansang Israel lamang, hindi para sa kapakinabangan ng buong lupa. Maliwanag, itinuturo ng kinasihang makahulang salmong ito ang isa na mas dakila kaysa kay Solomon. Sino iyon? Iyon ay walang iba kundi si Jesu-Kristo.
Nang ipatalastas ng anghel ang kapanganakan ni Jesus, sinabi niya: “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama.” (Lucas 1:32) Bukod dito, tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “isang higit pa kaysa kay Solomon.” (Lucas 11:31) Mula nang buhaying-muli si Jesus sa kanang kamay ng Diyos, naroon na siya sa langit, sa dako na doo’y matutupad niya ang mga salita sa Awit 72. Isa pa, tumanggap siya ng kapangyarihan at awtoridad mula sa Diyos upang baliin ang pamatok ng mga umaapi sa tao. (Awit 2:7-9; Daniel 2:44) Kaya si Jesus ang isa na tutupad sa mga salita ng Awit 72.
Malapit Nang Magwakas ang Pang-aapi
Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na malapit nang magkatotoo ang kalayaan buhat sa lahat ng anyo ng pang-aapi sa tao. Ang walang-katumbas na pagdurusa at pang-aapi na nasaksihan sa ika-20 siglong ito ay inihula ni Jesus bilang bahagi ng tanda na maghuhudyat ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Bukod sa ibang bagay, inihula niya: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Nagsimulang matupad ang bahaging ito ng hula nang sumiklab ang unang digmaang pandaigdig noong 1914. “Dahil sa paglago ng katampalasanan,” sinabi pa ni Jesus, “ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mateo 24:12) Ang katampalasanan at kawalang-pag-ibig ay nagbunga ng isang balakyot at mapang-aping salinlahi. Kaya naman, tiyak na malapit na ang panahon upang makialam si Jesu-Kristo bilang bagong Hari ng lupa. (Mateo 24:32-34) Ano ang magiging kahulugan nito para sa mga taong inaapi na nananampalataya kay Jesu-Kristo at umaasa sa kaniya bilang ang inatasan ng Diyos na Mang-aaliw ng sangkatauhan?
Para sa sagot sa tanong na iyan, basahin natin ang ilan pang mga salita ng Awit 72 na natutupad kay Kristo Jesus: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang nagdadalamhati at sinumang walang katulong. Kahahabagan niya ang mababa at dukha, at ililigtas niya ang kaluluwa ng mga dukha. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa pang-aapi at karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang mga mata.” (Awit 72:12-14) Kaya titiyakin ng Haring hinirang ng Diyos, si Jesu-Kristo, na walang magdurusa dahil sa pang-aapi. May kapangyarihan siyang wakasan ang lahat ng anyo ng kawalang-katarungan.
‘Mukhang maganda iyan,’ baka may magsabi, ‘pero paano naman ngayon? Anong kaaliwan ang mayroon para sa mga nagdurusa ngayon?’ Sa katunayan, talagang may kaaliwan na para sa mga inaapi. Ang susunod na dalawang artikulo sa magasing ito ay magpapakita kung paanong milyun-milyon ang nagtatamasa na ng kaaliwan sa pamamagitan ng paglinang ng isang malapit na kaugnayan sa tunay na Diyos, si Jehova, at sa kaniyang minamahal na Anak, si Jesu-Kristo. Maaaliw tayo ng gayong kaugnayan sa panahong ito ng pang-aapi at maaaring akayin ang isang tao sa buhay na walang-hanggan na malaya sa pang-aapi. Sinabi ni Jesus sa panalangin sa Diyos: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
[Larawan sa pahina 4, 5]
Wala nang tao ang mang-aapi sa kapuwa sa bagong sanlibutan ng Diyos