Sino ang Makapagliligtas sa mga Humihingi ng Tulong?
“O Diyos, ibigay mo sa hari ang iyong mga hudisyal na pasiya . . . Sapagkat ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong.”—AWIT 72:1, 12.
1. Sa karanasan ni David, ano ang natutuhan natin tungkol sa awa ng Diyos?
TALAGA ngang nakaaantig ng puso ang mga salitang iyan na posibleng isinulat ni Haring David! Ilang taon bago nito, lungkot na lungkot siya sa nagawa niyang pangangalunya kay Bat-sheba. Nakiusap siya sa Diyos: “Ayon sa kasaganaan ng iyong kaawaan ay pawiin mo ang aking mga pagsalansang. . . . Ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko. . . . Narito! Sa kamalian ay iniluwal ako na may mga kirot ng panganganak, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” (Awit 51:1-5) Buti na lang at isinasaalang-alang ni Jehova na tayo’y nagmana ng kasalanan.
2. Paano makakatulong sa atin ang Awit 72?
2 Nauunawaan ni Jehova ang ating kaawa-awang kalagayan. Pero gaya ng inihula, “ililigtas [ng Haring pinahiran ng Diyos] ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya.” (Awit 72:12, 13) Paano? Sinasagot iyan ng Awit 72. Tungkol ito sa pamamahala ng anak ni David na si Solomon. Makikita sa awit na ito kung paano pagiginhawahin ng pamamahala ng Anak ng Diyos ang sangkatauhan.
Isang Patikim ng Pamamahala ni Kristo
3. Ano ang hiniling ni Solomon? Ano ang ibinigay ng Diyos sa kaniya?
3 Pagkaraang iutos ni David na gawing hari si Solomon, binigyan niya ito ng espesipikong mga tagubilin, na tapat naman nitong sinunod. (1 Hari 1:32-35; 2:1-3) Nang maglaon, nagpakita si Jehova kay Solomon sa panaginip at sinabi: “Hilingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.” Isa lang ang hiling ni Solomon: “Bigyan mo ang iyong lingkod ng isang masunuring puso upang humatol sa iyong bayan, upang makilala ang kaibahan ng mabuti sa masama.” Dahil sa mapagpakumbabang kahilingang ito, higit pa ang ibinigay ng Diyos sa kaniya.—1 Hari 3:5, 9-13.
4. Paano inilarawan ng isang tagapamahala ang paghahari ni Solomon?
4 Dahil sa pagpapala ni Jehova, ang paghahari ni Solomon ang naging pinakamapayapa at pinakamasagana sa lahat ng pamamahala sa lupa. (1 Hari 4:25) Ang ilan sa mga nakasaksi sa kadakilaan ng pamamahala ni Solomon ay ang reyna ng Sheba at ang mga kasama nito. Sinabi niya kay Solomon: “Totoo nga pala ang salitang narinig ko sa aking lupain . . . ni hindi nga nasabi sa akin ang kalahati. Nahigitan mo sa karunungan at kasaganaan ang mga bagay na narinig na aking napakinggan.” (1 Hari 10:1, 6, 7) Pero wala ito sa kalingkingan ng karunungan ni Jesus, na makapagsasabi patungkol sa kaniyang sarili: “Narito! isang higit pa kaysa kay Solomon ang narito.”—Mat. 12:42.
Ginhawang Ilalaan ng Lalong Dakilang Solomon
5. Ano ang ipinapakita ng Awit 72? Batay sa mga ipinakita ni Jesus, ano ang maaasahan natin sa hinaharap?
5 Suriin natin ngayon ang ika-72 Awit at alamin ang mga pagpapala sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo, ang Lalong Dakilang Solomon. (Basahin ang Awit 72:1-4.) Ipinapakita ng awit na ito ang saloobin ni Jehova hinggil sa “pamamahala bilang prinsipe” ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isa. 9:6, 7) Papatnubayan ng Diyos ang Lalong Dakilang Solomon para ‘ipagtanggol ang usapin ng mga napipighati at iligtas ang mga anak ng dukha.’ Magiging matuwid at mapayapa ang kaniyang pamamahala. Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya kung ano ang isasagawa ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari.—Apoc. 20:4.
6. Anong mga pagpapala sa ilalim ng Kaharian ang ipinakita ni Jesus?
6 Tingnan natin ang ilang ginawa ni Jesu-Kristo na magbibigay sa atin ng ideya tungkol sa gagawin niya bilang katuparan ng Awit 72. Humahanga tayo sa laki ng kaniyang habag sa mga nagdurusa. (Mat. 9:35, 36; 15:29-31) Halimbawa, isang lalaking ketongin ang lumapit kay Jesus at nagsabi: “Kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.” Sumagot si Jesus: “Ibig ko. Luminis ka.” At gumaling ang lalaki! (Mar. 1:40-42) Minsan naman, nakita ni Jesus ang isang balo na namatayan ng kaisa-isang anak. Siya ay “nahabag” at sinabi sa anak nito, “Bumangon ka!” at bumangon nga ito. Nabuhay itong muli!—Luc. 7:11-15.
7, 8. Ano ang ilang halimbawa na nagpapakitang may kapangyarihan si Jesus na magpagaling?
7 Binigyan ni Jehova si Jesus ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. Halimbawa, may “isang babae na labindalawang taon nang dumaranas ng pag-agas ng dugo.” Bagaman “siya ay pinaranas ng maraming pahirap ng maraming manggagamot at nagugol na niya ang lahat ng kaniyang pag-aari,” lalo pa siyang lumubha. Nakipagsiksikan siya sa mga tao para mahipo si Jesus—isang paglabag sa Kautusan para sa mga ‘inaagasan ng dugo.’ (Lev. 15:19, 25) Naramdaman ni Jesus na may lumabas na kapangyarihan sa kaniya at nagtanong kung sino ang humipo sa kaniya. Ang babae, na “natatakot at nanginginig,” ay “sumubsob sa harap niya at sinabi sa kaniya ang buong katotohanan.” Dahil alam ni Jesus na pinagaling ni Jehova ang babae, mabait niyang sinabi: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Yumaon kang payapa, at magkaroon ka ng mabuting kalusugan mula sa iyong nakapipighating sakit.”—Mar. 5:25-27, 30, 33, 34.
8 Napagaling ng bigay-Diyos na kapangyarihan ni Jesus ang mga maysakit, pero tiyak na may malaking epekto rin ito sa mga nakasaksi. Halimbawa, marami ang humanga nang pagalingin ni Jesus ang mga tao bago ang kaniyang Sermon sa Bundok. (Luc. 6:17-19) Nang magsugo si Juan Bautista ng dalawang mensahero para tiyakin kung si Jesus nga ang Mesiyas, nakita nila Siyang ‘nagpapagaling ng marami sa mga sakit at nakapipighating karamdaman at mga balakyot na espiritu, at pinagkakalooban niyang makakita ang maraming taong bulag.’ Sinabi ni Jesus sa dalawa: “Iulat ninyo kay Juan ang inyong nakita at narinig: ang mga bulag ay nagkakaroon ng paningin, ang mga pilay ay lumalakad, ang mga ketongin ay napalilinis at ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon, ang mga dukha ay sinasabihan ng mabuting balita.” (Luc. 7:19-22) Tiyak na napatibay nito si Juan!
9. Isang patikim ng ano ang mga himala ni Jesus?
9 Totoo, pansamantala lang ang ginhawang ibinigay ni Jesus noong nasa lupa siya. Ang kaniyang mga pinagaling at binuhay-muli ay namatay rin. Pero ang mga himalang ito ni Jesus ay nagsilbing patikim ng permanenteng ginhawang tatamasahin ng tao kapag namahala na ang Mesiyas.
Paraisong Lupa—Malapit Na!
10, 11. (a) Hanggang kailan tatamasahin ang mga pagpapala ng Kaharian? Ano ang magiging kalagayan kapag namahala na si Jesus? (b) Sino ang makakasama ni Jesus sa Paraiso? Ano ang dapat niyang gawin para mabuhay magpakailanman?
10 Isip-isipin ang magiging buhay sa Paraisong lupa. (Basahin ang Awit 72:5-9.) Ang mga mananamba ng tunay na Diyos ay maninirahan doon hangga’t may araw at buwan—oo, magpakailanman! Pagiginhawahin tayo ng haring si Jesu-Kristo anupat magiging ‘tulad siya ng ulan sa ibabaw ng tinabasang damo at ng saganang ulan na bumabasa sa lupa.’
11 Habang nakikini-kinita ang katuparan ng awit na ito, hindi ba’t nakaaantig ng puso ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraisong lupa? Tiyak na natuwa ang nakabayubay na manggagawa ng kasamaan nang sabihin ni Jesus sa kaniya: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Luc. 23:43) Sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus, bubuhaying muli ang lalaking iyon. Kung magpapasakop siya sa pamamahala ni Kristo, mabubuhay siya magpakailanman nang may sakdal na kalusugan at kaligayahan.
12. Sa Milenyong Paghahari ni Kristo, anong pagkakataon ang ibibigay sa mga di-matuwid na binuhay-muli?
12 Sa pamamahala ng Lalong Dakilang Solomon, si Jesu-Kristo, “sisibol ang matuwid,” ibig sabihin, mananagana siya. (Awit 72:7) Lubusang madarama ang pag-ibig at pangangalaga ni Kristo, gaya noong narito siya sa lupa. Sa bagong sanlibutan ng Diyos, maging ang “mga di-matuwid” na binuhay-muli ay bibigyan ng pagkakataong sumunod sa mga pamantayan ni Jehova at mabuhay. (Gawa 24:15) Siyempre pa, ang mga ayaw sumunod sa mga kahilingan ng Diyos ay pupuksain para maingatan ang kapayapaan sa bagong sanlibutan.
13. Gaano kalawak ang pamamahala ng Kaharian? Bakit mananatili ang kapayapaan?
13 Ang lawak ng pamamahala ng Lalong Dakilang Solomon ay ipinahiwatig sa mga salitang ito: “Magkakaroon siya ng mga sakop sa dagat at dagat at mula sa Ilog [Eufrates] hanggang sa mga dulo ng lupa. Sa harap niya ay yuyukod ang mga tumatahan sa mga pook na walang tubig, at hihimurin ng kaniya mismong mga kaaway ang alabok.” (Awit 72:8, 9) Oo, mamamahala si Jesu-Kristo sa buong lupa. (Zac. 9:9, 10) Ang mga nagpapahalaga sa kaniyang pamamahala at sa mga pagpapalang dulot nito ay “yuyukod” bilang pagpapasakop. Samantala, ang mga di-nagsisising makasalanan ay puputulin, wika nga, sa edad na “isang daang taon.” (Isa. 65:20) ‘Hihimurin nila ang alabok.’
May Simpatiya sa Atin
14, 15. Paano natin nalaman na nauunawaan ni Jesus ang nadarama ng mga tao at na “ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong”?
14 Kaawa-awa ang makasalanang sangkatauhan at kailangang-kailangan nito ng tulong. Pero may pag-asa tayo. (Basahin ang Awit 72:12-14.) May simpatiya sa atin si Jesus dahil nauunawaan niyang makasalanan tayo. Bukod diyan, nagdusa si Jesus alang-alang sa katuwiran, at ipinahintulot ng Diyos na mapaharap siya sa mga pagsubok. Gayon na lang ang igting na naramdaman ni Jesus, anupat ang “kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa!” (Luc. 22:44) Habang nasa pahirapang tulos, sumigaw siya: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mat. 27:45, 46) Sa kabila ng mga dinanas niya, at bagaman ginawa na ni Satanas ang lahat para italikod siya kay Jehova, si Jesus ay nanatili pa ring tapat.
15 Tiyak na nakikita ni Jesus ang paghihirap natin at “ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong.” Gaya ng kaniyang mapagmalasakit na Ama, si Jesus ay ‘makikinig sa mga dukha’ at ‘pagagalingin niya ang mga may pusong wasak, at tatalian ang kanilang makikirot na bahagi.’ (Awit 69:33; 147:3) Siya ay ‘makikiramay sa ating mga kahinaan,’ dahil “sinubok [siya] sa lahat ng bagay tulad natin.” (Heb. 4:15) Nakagagalak ngang malaman na namamahala na ngayon si Jesu-Kristo sa langit at nasasabik nang pawiin ang pagdurusa ng tao!
16. Bakit may simpatiya si Solomon sa kaniyang mga sakop?
16 Dahil sa karunungan at kaunawaan ni Solomon, tiyak na ‘naawa siya sa maralita at sa dukha.’ Bukod diyan, nakaranas din siya ng malungkot at masaklap na mga pangyayari sa buhay niya. Hinalay ng kapatid niyang si Amnon ang kapatid nilang si Tamar. Dahil dito, ipinapatay si Amnon ng kapatid nilang si Absalom. (2 Sam. 13:1, 14, 28, 29) Tinangkang agawin ni Absalom ang trono ni David, pero nabigo siya, at pinatay siya ni Joab. (2 Sam. 15:10, 14; 18:9, 14) Pagkaraan, ang kapatid naman ni Solomon na si Adonias ang nagtangkang umagaw ng trono. Kung nagtagumpay ito, tiyak na buhay ni Solomon ang kapalit. (1 Hari 1:5) Makikita sa panalangin ni Solomon noong inagurasyon ng templo ni Jehova na naunawaan niya ang paghihirap ng tao. Tungkol sa kaniyang mga sakop, nanalangin ang hari: “Alam ng bawat isa sa kanila ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling kirot . . . Magpatawad ka [Jehova] at magbigay sa bawat isa ng ayon sa lahat ng kaniyang mga lakad.”—2 Cro. 6:29, 30.
17, 18. Anong kirot ang binabata ng ilan sa mga lingkod ng Diyos? Ano ang nakatulong sa kanila na makapagbata?
17 Ang ‘ating sariling kirot’ ay maaaring dahil sa ilang karanasan sa buhay. Si Mary,a mahigit 30 taóng gulang at isang Saksi ni Jehova, ay sumulat: “Napakarami kong dahilan para maging maligaya, pero ayaw pa rin akong patahimikin ng aking nakaraan. Palagi tuloy akong malungkot at umiiyak, na para bang kahapon lang iyon nangyari. Pakiramdam ko’y wala akong halaga at palagi akong nakokonsiyensiya.”
18 Nauunawaan ng maraming lingkod ng Diyos ang ganitong damdamin. Pero ano ang makakatulong sa kanila para makapagbata? “Ang nagpapasaya sa akin ngayon ay ang aking mga tunay na kaibigan at mga kakongregasyon,” ang sabi ni Mary. “Itinutuon ko rin ang isip ko sa mga pangako ni Jehova at nagtitiwalang mapapalitan ng mga luha ng kagalakan ang aking mga luha ng kalungkutan.” (Awit 126:5) Dapat tayong umasa sa Anak ng Diyos, ang Kaniyang inatasang Tagapamahala. Ganito ang inihula tungkol sa kaniya: “Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.” (Awit 72:13, 14) Napakaganda ngang pag-asa!
Isang Masaganang Bagong Sanlibutan
19, 20. (a) Gaya ng ipinahihiwatig sa Awit 72, anong problema ang lulutasin ng Kaharian? (b) Sino ang pangunahing dapat papurihan sa pamamahala ni Kristo? Ano ang masasabi mo sa mga isasagawa ng pamamahalang iyon?
19 Gunigunihin muli ang tatamasahin ng matuwid na mga tao sa bagong sanlibutan ng Diyos kapag namahala na ang Lalong Dakilang Solomon. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa,” ang pangako sa atin. “Sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” (Awit 72:16) Dahil hindi naman karaniwang tumutubo ang butil sa taluktok ng mga bundok, idiniriin nito na talagang magiging sagana sa lupa. Ang ani ay “magiging gaya ng sa Lebanon,” isang lugar na may saganang ani noong naghahari si Solomon. Isip-isipin na lang! Wala nang kakapusan sa pagkain at wala nang malnutrisyon! Lahat ay masisiyahan sa “isang piging ng mga putaheng malangis.”—Isa. 25:6-8; 35:1, 2.
20 Sino ang dapat papurihan? Pangunahin na, ang Walang-Hanggang Hari at Pansansinukob na Tagapamahala, ang Diyos na Jehova. Sa diwa, lahat tayo ay makikialinsabay sa huling bahagi ng napakaganda at nakaaantig na awit na ito: “Ang kaniyang pangalan nawa [ng haring si Jesu-Kristo] ay maging hanggang sa panahong walang takda; sa harap ng araw ay lumago nawa ang kaniyang pangalan, at sa pamamagitan niya ay pagpalain nawa nila ang kanilang sarili; ipahayag nawa siyang maligaya ng lahat ng mga bansa. Pagpalain nawa ang Diyos na Jehova, ang Diyos ng Israel, na siyang tanging gumagawa ng mga kamangha-manghang gawa. At pagpalain nawa ang kaniyang maluwalhating pangalan hanggang sa panahong walang takda, at punuin nawa ng kaniyang kaluwalhatian ang buong lupa. Amen at Amen.”—Awit 72:17-19.
[Talababa]
a Binago ang pangalan.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang inihula sa Awit 72?
• Sino ang Lalong Dakilang Solomon, at gaano kalawak ang kaniyang paghahari?
• Ano ang pinakagusto mo tungkol sa mga pagpapalang inihula sa ika-72 Awit?
[Larawan sa pahina 29]
Ano ang inilalarawan ng kasaganaan noong naghahari si Solomon?
[Larawan sa pahina 32]
Sulit ang lahat ng pagsisikap na makamit ang buhay sa Paraiso sa ilalim ng pamamahala ng Lalong Dakilang Solomon