ALABOK
Mga pinong partikula ng materya na magaan at madaling liparin ng hangin; tinatawag ding alikabok. Ang malalakas na hanging dumaraan sa tuyong mga disyertong karaniwan sa mga lupain sa Bibliya ay kadalasang lumilikha ng matitinding bagyo ng alikabok na para sa ilan ay mas masahol pa kaysa sa mga bagyo sa dagat. Ang ilan sa karaniwang pinagmumulan ng mineral na alikabok ay ang pagputok ng bulkan, sunog, at mga gawaing pang-agrikultura. Ang materya ng halaman ay lumilikha naman ng alikabok sa anyong polen, amag, himaymay ng halaman, at mga parte ng buto nito. Nakalilikha rin ng alikabok ang mga hayop dahil sa kanilang natuyong dumi, pinong balahibo, at baktirya. Ang pinakakaraniwang salita sa Bibliya para sa alabok, o alikabok, ay ang terminong Hebreo na ʽa·pharʹ, na maaari ring tumukoy sa “tuyong lupa” at “argamasang luwad.”—Gen 26:15; Lev 14:41, 42.
Bagaman itinuturing ng ilan ang alikabok bilang perwisyo, isa itong paglalaan ng Maylalang na kailangan sa pag-iral at kaginhawahan ng tao. Kailangan ito sa kondensasyon ng halumigmig upang maging ulan, fog, o singaw, na napakahalaga naman sa pagtubo ng mga halaman. Karagdagan pa, kung wala sa atmospera ang alikabok na may kakayahang magpangalat ng liwanag, ang mga mata ng mga nilalang sa lupa ay masisilaw sa matinding liwanag ng sinag ng araw, at hindi natin makikita ang takipsilim at ang maganda at makulay na paglubog ng araw.
Ginamit ng Maylalang ang “alabok ng lupa” nang anyuan niya ang unang tao (Gen 2:7; 1Co 15:47, 48), at nang sentensiyahan ni Jehova si Adan dahil sa pagsuway sa kaniyang kautusan, sinabi niya: “Sa alabok ka babalik.” (Gen 3:19) Nagpahayag din ang Diyos ng isang sumpa na may malaking makahulang kahulugan nang sabihin niya sa serpiyente sa Eden: “Ang iyong tiyan ang igagapang mo at alabok ang kakainin [o, kakagatin] mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.”—Gen 3:14.
Pagiging Mahina, Mortal, at Mababa. Dahil sa pagkawala ng kasakdalan ng tao, kung minsa’y ginagamit ang alabok upang sumagisag sa pagiging mahina ng mga tao. Ang Diyos ay nagpapakita ng awa sa mga natatakot sa kaniya, na “inaalaalang tayo ay alabok.” (Aw 103:13, 14; Gen 18:27) Sumasagisag din ito sa pagiging mortal ng mga tao, sapagkat “bumabalik sila sa alabok” kapag namatay sila. (Aw 104:29; Ec 3:19, 20; 12:1, 7) Yamang ang tao’y bumabalik sa alabok kapag namatay, kung minsa’y tinatawag na “alabok” ang libingan. (Aw 22:29; 30:9) Ang alabok sa lupa ay maaaring tumukoy sa isang mababang kalagayan. Si Jehova ang “nagbabangon ng maralita mula sa alabok.”—1Sa 2:8; Aw 113:7.
Sagisag ng Pagiging Marami. Sa Kasulatan, ang pagiging marami ng taong-bayan o ang kawalang-kakayahan ng mga tao na matukoy ang kanilang bilang ay ipinahihiwatig ng paghahambing sa kanila sa mga butil ng alabok. Halimbawa, ipinangako ng Diyos kay Abram (Abraham): “Gagawin kong tulad ng mga butil ng alabok sa lupa ang iyong binhi.” (Gen 13:14, 16) Ganito rin ang ipinangako ni Jehova kay Jacob. (Gen 28:10, 13, 14) Tungkol sa mga Israelitang naglalakbay sa ilang, itinanong ni Balaam: “Sino ang nakabilang ng mga butil ng alabok ng Jacob, at sino ang nakabilang ng ikaapat na bahagi ng Israel?” (Bil 23:10) Ipinakikita nito na lubhang pinarami ni Jehova ang mga supling ni Abraham sa pamamagitan ni Isaac at ni Jacob. Ang saganang paglalaan ni Jehova ng pugo para sa kaniyang katipang bayan sa ilang ay ipinahihiwatig ng pananalitang “nagpaulan siya ng panustos sa kanila na parang alabok, maging ng mga may-pakpak na lumilipad na nilalang na parang mga butil ng buhangin sa mga dagat.”—Aw 78:27; Exo 16:11-18; Bil 11:31, 32.
Ginamit sa Paghatol ng Diyos sa mga Bansa. Yamang napakaliit ng mga bansa mula sa pangmalas ng Diyos, itinuturing niya silang “gaya ng manipis na alikabok sa timbangan.” (Isa 40:15) Natanghal ang kakila-kilabot na kapangyarihan ni Jehova nang magpasapit siya ng mga dagok sa isang bansa, ang Ehipto. Nang magsisimula na ang ikatlong dagok, bilang pagsunod sa utos ng Diyos kay Moises, “iniunat ni Aaron ang kaniyang kamay na hawak ang kaniyang tungkod at hinampas ang alabok ng lupa, at ang mga niknik ay napasatao at napasahayop.” Nang mangyari ito sa buong Ehipto, hindi ito matularan ng mga mahikong saserdote kung kaya inamin nila: “Ito ay daliri ng Diyos!”—Exo 8:16-19.
Sinabihan din ang mga Israelita na kung hindi nila tutuparin ang mga utos ng Diyos, daranas sila ng iba’t ibang sumpa, anupat ang isa sa mga ito ay tagtuyot, sapagkat sinabi: “Si Jehova ay magbibigay ng abo at alabok bilang ulan sa iyong lupain. Mula sa langit ay bababa iyon sa iyo hanggang sa malipol ka.”—Deu 28:15, 24.
Sagisag ng Pananaghoy at Pagkakababa. Bilang sagisag ng kanilang pananaghoy dahil sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. sa kamay ng mga Babilonyo, ang matatandang lalaki ng lunsod ay inilalarawang tahimik na nakaupo sa lupa, anupat “naglagay sila ng alabok sa kanilang ulo.” (Pan 2:10) Maraming taon bago nito, sa pamamagitan ng hula ni Isaias, inutusan ni Jehova ang Babilonya na bumaba sa trono nito, sa pagsasabi: “Bumaba ka at umupo ka sa alabok, O anak na dalaga ng Babilonya. Umupo ka sa lupa kung saan walang trono, O anak na babae ng mga Caldeo.” (Isa 47:1) Ibinaba ang Babilonya sa gayong hamak na kalagayan noong 539 B.C.E., nang lupigin siya ng mga Medo at mga Persiano. At, kapag pinuksa ang makasagisag na Babilonyang Dakila, ang mga kapitan ng barko, mga biyahero, mga magdaragat, at lahat niyaong mga naghahanapbuhay sa dagat ay inilalarawang magsasaboy ng alabok sa kanilang mga ulo at maghihinagpis dahil sa kaniyang pagkapuksa.—Apo 18:17-19.
Iba Pang Pagkagamit. Sa Kasulatan, ang alabok ay iniuugnay rin sa pagsisisi. Nang bawiin ni Job ang kaniyang sinabi dahil nagsalita siya nang walang unawa noong ipakipagtalo niya ang kaniyang usapin sa harap ng Diyos, sinabi niya: “Ako ay nagsisisi sa alabok at abo.”—Job 42:1, 3, 6.
Ang ‘pagpapahimod ng alabok’ sa mga kalaban ay nangangahulugan ng pananaig sa mga ito, anupat lubusan silang nilulupig. (Aw 72:9; Mik 7:16, 17) Ang pagsasaboy ng alabok sa hangin o sa isang tao ay isang paraan para ipakita ang matinding pagkayamot sa kaniya. Sa ilang lugar sa Asia, isang kaugalian ang paghingi ng katarungan laban sa isang kriminal sa pamamagitan ng pagsasaboy ng alabok sa kaniya. Bagaman wala silang katuwirang magalit sa mga pananalita ni Pablo, ipinakita ng isang pulutong sa Jerusalem ang kanilang matinding poot sa kaniya sa pamamagitan ng ‘pagsasaboy ng alabok sa hangin.’ Sa pamamagitan ng kanilang madamdaming pagkilos at mga salita, ipinakita nila sa kumandante ng militar ang kanilang pagkayamot kay Pablo. (Gaw 22:22-24) Sa katulad na paraan, ipinakita ni Simei na hindi siya sang-ayon sa pagkahari ni David sa pamamagitan ng ‘paglakad na kaalinsabay niya upang manumpa; at patuloy itong naghahagis ng mga bato habang kaalinsabay niya, at nagsaboy ito ng maraming alabok.’—2Sa 16:5-13.
Tinagubilinan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad na kapag ang sinuman ay hindi tumanggap sa kanila o hindi nakinig sa kanilang mga salita, dapat nilang ipagpag o ipunas ang alabok sa kanilang mga paa pag-alis nila sa bahay na iyon o sa lunsod na iyon. Ang kaugaliang ito’y nagsilbing “patotoo laban sa kanila,” anupat nagpapahiwatig na mapayapang umaalis ang mga tagasunod ni Jesus at ipinauubaya na nila sa Diyos ang bahay o ang lunsod na iyon.—Mat 10:11-15; Luc 9:5; 10:10-12; Gaw 13:50, 51.