Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Kaya Makokontrol ang Aking Damdamin?
“Nagagalit ako sa aking mga magulang at nakapagsasalita ako ng mga bagay na hindi ko naman talaga gustong sabihin. Iniiwasan ko sila hanggang sa humupa ang galit ko.”—Kate, 13 anyos.
“Ang kawalan ng kumpiyansa sa sarili ang pinakamahirap na damdaming pinaglalabanan ko. Kung minsan, para akong nauupos na kandila.”—Ivan, 19 anyos.
NAPAKALAKAS ng damdamin. Nakaaapekto ito sa iyong paraan ng pag-iisip at pagkilos. Maaari kang itulak nito na gumawa ng kapuwa mabuti at masama. Kung minsan, baka madaig pa nga nito ang iyong pag-iisip. “Halos palagi akong hindi nasisiyahan sa sarili ko,” ang sabi ng 20-taóng-gulang na si Jacob. “Kadalasan, hindi ko naaabot ang aking mga inaasam. Kung minsan ay umiiyak na lamang ako, o kaya ay labis akong nagagalit anupat ibinubunton ko ito sa mga taong nasa paligid ko. Napakahirap kontrolin ng aking nadarama.”
Subalit bahagi ng pagiging isang may-gulang at responsableng adulto ang matutuhang kontrolin ang sariling damdamin. Ipinalalagay ngayon ng ilang eksperto na ang kakayahang kontrolin ang damdamin at makitungo sa mga tao ay mas mahalaga kaysa sa talino. Anuman ang kalagayan, lubhang pinahahalagahan ng Bibliya ang pagkontrol sa damdamin. Halimbawa, ganito ang sinasabi ng Kawikaan 25:28: “Kung hindi mo makontrol ang iyong galit, ikaw ay walang kalaban-laban kagaya ng isang lunsod na walang mga pader at madaling salakayin.” (Today’s English Version) Bakit ba napakahirap kontrolin ang damdamin?
Isang Hamon Para sa mga Kabataan
Anuman ang edad o pinagmulan, ang lahat ng tao ay nakikipagpunyagi sa pagkontrol sa kanilang damdamin. Gayunman, partikular na mahirap ang pakikipagpunyaging ito sa panahon ng mga pagbabago mula sa pagbibinata o pagdadalaga tungo sa pagiging adulto. Ganito ang sinabi ng aklat na Changing Bodies, Changing Lives ni Ruth Bell: “Nakadarama ang karamihan sa mga tin-edyer ng samu’t sari, kakatwa, masasaya, nakatatakot, at halu-halong emosyon. Maraming tao ang nakadarama ng iba’t ibang damdamin nang sabay-sabay hinggil sa iisang bagay. . . . Sa isang sandali ay ganito ang nadarama mo, at mayamaya ay kabaligtaran naman.”
Bilang isang kabataan, kulang ka rin sa karanasan. (Kawikaan 1:4) Kaya habang napapaharap ka sa mga bagong kalagayan at hamon sa kauna-unahang pagkakataon, likas lamang na makadama ka ng kawalan ng kumpiyansa sa sarili at marahil ay kawalan ng kakayahan. Mabuti na lamang, lubusang nauunawaan ng iyong Maylalang ang nadarama mo. Alam niya maging ang “mga nakababalisang kaisipan” mo. (Awit 139:23) Naglaan siya ng ilang simulain sa kaniyang Salita na makatutulong sa iyo.
Isang Susi Upang Makontrol ang Damdamin
Ang isang susi upang makontrol ang iyong damdamin ay ang matutuhang kontrolin ang iyong pag-iisip. Baka mawalan ka ng lakas na kailangan mo upang gawin ang isang bagay dahil sa negatibong mga kaisipan. (Kawikaan 24:10) Pero paano ka matututong mag-isip ng positibong mga bagay at sa gayo’y makontrol ang iyong damdamin?
Ang isang paraan ay iwasang mag-isip ng negatibong mga bagay na nakapanlulumo o nakapag-aalis ng iyong kumpiyansa sa sarili. Sa pagsunod sa payo ng Bibliya na magtuon ng pansin sa mga bagay na ‘seryoso’ at “matuwid,” mapapalitan mo ng positibong mga kaisipan ang negatibong mga kaisipan. (Filipos 4:8) Maaaring hindi ito madali, pero magagawa mo ito kung magsisikap ka.
Isaalang-alang ang kabataang babae na nagngangalang Jasmine. “Hirap na hirap ako sa lahat ng napaharap sa akin,” ang minsang hinagpis niya. “Bagong trabaho, bagong responsibilidad. Hindi ko na kaya. Halos hindi na ako makahinga.” Hindi kataka-taka sa isang kabataan na makadama nang ganito paminsan-minsan, at maaaring maging dahilan ito upang mawalan siya ng kumpiyansa sa sarili. Sinasabi sa atin ng Bibliya ang tungkol sa isang kabataang lalaki na nagngangalang Timoteo, na lubhang kuwalipikado sa mga pananagutang iniatang sa kaniya. Subalit lumilitaw na pinaglabanan niya ang negatibong damdamin na hindi siya karapat-dapat sa gayong mga pananagutan.—1 Timoteo 4:11-16; 2 Timoteo 1:6, 7.
Malamang na nawawalan ka ng kumpiyansa sa sarili kapag napapaharap ka sa isang bago at di-pamilyar na atas. Baka sabihin mo sa iyong sarili na ‘hinding-hindi ko ito magagawa.’ Pero makokontrol mo ang gayong damdamin ng kawalan ng kumpiyansa sa sarili kung iiwasan mong mag-isip ng negatibong mga bagay. Ituon ang pansin sa pag-alam kung paano gagawin nang mahusay ang atas. Magtanong, at sumunod sa mga tagubilin.—Kawikaan 1:5, 7.
Habang higit mong pinaghuhusay ang pagtupad sa iyong atas, mas magkakaroon ka ng kumpiyansa sa sarili. Huwag magtuon ng pansin sa iyong mga kahinaan, anupat hinahayaang pigilan ka nito na magsumikap at sumulong. Noong minsang punahin si apostol Pablo, sumagot siya: “Kung ako man ay di-bihasa sa pananalita, tiyak namang hindi ako gayon sa kaalaman.” (2 Corinto 10:10; 11:6) Sa katulad na paraan, mapalalakas mo ang iyong kumpiyansa sa sarili sa pamamagitan ng pagkilala sa iyong magagandang katangian at paghingi ng tulong sa Diyos upang mapasulong ang iyong mga kahinaan. Talagang matutulungan ka ng Diyos, gaya ng ginawa niya sa kaniyang bayan noon.—Exodo 4:10.
Ang isa pang paraan upang matulungan kang kontrolin ang iyong damdamin ay ang pagtatakda ng makatotohanan at maaabot na tunguhin at pagtanggap mo sa iyong mga limitasyon. Iwasan mo rin ang di-makatuwirang paghahambing ng iyong sarili sa iba. Sa Galacia 6:4, nagbibigay ang Bibliya ng magandang payo sa pagsasabing: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”
Pagkontrol sa Iyong Galit
Ang pagkontrol sa galit ay maaaring isa pang mahirap na hamon. Kagaya ni Kate, na binanggit sa pasimula, maaaring udyukan ng galit ang maraming kabataan na magsalita at gumawa ng mga bagay na nakasasakit o nakapipinsala.
Sabihin pa, normal naman ang magalit kung minsan. Pero alalahanin ang unang mamamatay-tao na si Cain. Nang siya ay “nag-init sa matinding galit,” binabalaan siya ng Diyos na ang gayong galit ay maaaring umakay sa malubhang kasalanan. Tinanong niya si Cain: “Mapananaigan mo ba naman [ang kasalanan]?” (Genesis 4:5-7) Hindi pinakinggan ni Cain ang payong ito ng Diyos, ngunit sa tulong ng Diyos ay makokontrol mo ang iyong galit at maiiwasan ang pagkakasala!
Nakasalalay uli ito sa pagkontrol mo sa iyong pag-iisip. Ganito ang sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 19:11: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.” Kapag nainis ka sa isang tao, sikaping unawain kung bakit siya kumilos nang gayon. Sinadya ba ng taong iyon na saktan ka? Hindi kaya kumilos lamang siya nang padalus-dalos o dahil sa kawalang-alam? Ang pagpaparaya sa mga pagkakamali ng iba ay pagtulad sa mismong kaawaan ng Diyos, at makatutulong ito sa iyo na kontrolin ang iyong galit.
Pero paano kung may dahilan naman talaga upang magalit? Sinasabi ng Kasulatan: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala.” (Efeso 4:26) Kung kinakailangan, ipakipag-usap ito sa indibiduwal. (Mateo 5:23, 24) O marahil, ang pinakamabuting gawin ay kalimutan na lamang ang nangyari—pahupain ang iyong galit, at ipagpatuloy ang iyong normal na mga gawain.
Kapansin-pansin, maaaring makaimpluwensiya ang iyong mga kaibigan sa pagkontrol mo sa iyong galit. Dahil dito ay tinatagubilinan tayo ng Bibliya: “Huwag kang makikisama sa sinumang madaling magalit; at sa taong magagalitin ay huwag kang sasama, upang hindi mo matutuhan ang kaniyang mga landas at magdala nga ng silo sa iyong kaluluwa.”—Kawikaan 22:24, 25.
Ang pakikisama sa mga taong nagsisikap na kontrolin ang kanilang galit ay makatutulong sa iyo na malinang ang pagpipigil sa sarili. Masusumpungan sa mga kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova ang maraming gayong may-gulang na indibiduwal, na marami sa kanila ay mas matanda at mas makaranasan kaysa sa iyo. Kilalanin ang ilan sa kanila. Obserbahan kung paano nila hinaharap ang mga problema. Mabibigyan ka rin nila ng “mahusay na patnubay” kapag napaharap ka sa mga suliranin. (Kawikaan 24:6) Ganito ang sinabi ni Jacob, na sinipi kanina: “Hindi matutumbasan ang isang may-gulang na kaibigan na nagpapaalaala sa akin ng Salita ng Diyos. Kapag naaalaala kong iniibig ako ni Jehova sa kabila ng aking kawalan ng kumpiyansa sa sarili, nakokontrol ko ang aking damdamin at nananatili akong kalmado.”
Iba Pang Praktikal na mga Hakbang
Isang popular na aklat sa ehersisyo ang nagsabi: “Napatunayan ng napakaraming pagsusuri na ang paggalaw-galaw mo ay nakaiimpluwensiya sa iyong saloobin dahil sa mga kemikal sa iyong katawan. Nagbabago ang mga antas ng hormon at oksiheno depende sa iyong paggalaw.” Walang alinlangan, kapaki-pakinabang ang pisikal na ehersisyo. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang pisikal na ehersisyo ay may halaga.” (1 Timoteo 4:8, Today’s English Version) Bakit hindi magkaroon ng makatuwirang rutin ng regular na pag-eehersisyo? Maaari itong magdulot ng magandang epekto sa iyong nadarama. Ang patuloy na pagkain ng nakapagpapalusog na pagkain ay kapaki-pakinabang din naman.
Isaalang-alang din ang iyong pinipiling musika at libangan. Isang pagsusuri na inilathala sa The Harvard Mental Health Letter ang nagsabi: “Ang panonood ng karahasan . . . ay pumupukaw ng galit at agresibong damdamin. . . . Ang mga taong nanonood ng mararahas na pelikula ay nakapag-iisip ng mas maraming agresibong ideya at tumataas ang presyon ng dugo.” Kaya maging matalino sa pagpili ng iyong pinakikinggan at pinanonood.—Awit 1:1-3; 1 Corinto 15:33.
Kahuli-hulihan, ang pinakamahusay na paraan upang matutuhang kontrolin ang iyong damdamin ay ang paglinang ng malapít na pakikipagkaibigan sa iyong Maylalang. Inaanyayahan niya ang bawat isa sa atin na makipag-usap sa kaniya sa panalangin, anupat ibinubuhos ang ating damdamin at emosyon sa kaniya. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay,” ang paghimok ni apostol Pablo. “Ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.” Oo, malilinang mo ang tibay ng loob upang harapin ang anumang situwasyon sa buhay. Idinagdag pa ni apostol Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:6, 7, 13.
Sinabi ng kabataang si Malika: “Natutuhan kong manalangin, manalangin, at manalangin. Ang pagkaalam na nagmamalasakit si Jehova ay nakatutulong sa akin na maging mahinahon at higit na makontrol ang aking damdamin.” Sa tulong ng Diyos, matututuhan mo ring kontrolin ang iyong damdamin.
[Blurb sa pahina 19]
Ang isang susi upang makontrol ang iyong damdamin ay ang matutuhang kontrolin ang iyong pag-iisip
[Larawan sa pahina 20]
Ang pakikisama sa mga nakatatanda ay makapagtuturo sa iyo kung paano kontrolin ang iyong damdamin