Pananalapi
Nabawasan ang problema ng marami pagdating sa pera dahil sinunod nila ang mga prinsipyo sa Bibliya.
MAGPLANO
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay, pero ang lahat ng padalos-dalos ay tiyak na maghihirap.” —Kawikaan 21:5.
ANG IBIG SABIHIN NITO: Napakahalagang gumawa ng plano at sundin ito. Kaya magplano bago gumastos. Tandaan, malamang na hindi mo mabili ang lahat ng gusto mo, kaya maging matalino sa paggastos.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
Sundin ang badyet mo. Ilista ang lahat ng gastusin batay sa kategorya, gaya ng bahay, pagkain, at damit. Magtakda ng badyet para sa bawat kategorya. Kapag lumampas ka sa ibinadyet mo sa isang kategorya, kumuha ng panggastos sa ibang kategorya. Halimbawa, kung mas malaki ang nagastos mo sa gas, bawasan ang badyet mo sa ibang gastusin na di-gaanong mahalaga, gaya ng pagkain sa restawran.
Iwasang mangutang kung hindi naman kailangan. Hangga’t maaari, huwag mangutang. Mas magandang mag-ipon para mabili mo ang mga kailangan mo. Kung may credit card ka, magbayad nang buo buwan-buwan para hindi ka singilin ng interes. Kung may utang ka na hindi mo kayang bayaran nang buo, regular na maghulog at sikaping huwag pumalya.
Ipinapakita ng isang pag-aaral na mas malamang na mapasobra ang gastos mo kapag credit card ang gamit mo. Kaya kung may credit card ka, huwag abusuhin ang paggamit dito.
IWASAN ANG DI-MAGAGANDANG KAUGALIAN
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Ang tamad ay hindi nag-aararo sa taglamig, kaya mamamalimos siya sa panahon ng pag-aani dahil walang-wala siya.”—Kawikaan 20:4.
ANG IBIG SABIHIN NITO: Ang katamaran ay nauuwi sa kahirapan. Kaya maging masipag sa trabaho, at hangga’t maaari, mag-ipon para sa kinabukasan mo.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
Magtrabahong mabuti. Kung masipag at maaasahan ka sa trabaho, magugustuhan ka ng employer mo at mas malamang na hindi ka masesante.
Maging tapat. Huwag pagnakawan ang employer mo. Masisira ang reputasyon mo kung hindi ka tapat at mahihirapan ka nang makahanap ng trabaho.
Huwag maging sakim. Kung puro pera ang nasa isip mo, makasasamâ ito sa kalusugan mo at masisira ang kaugnayan mo sa iba. Tandaan, hindi pera ang nagpapasaya sa buhay.
IBA PANG PRINSIPYO SA BIBLIYA
HUWAG MAG-AKSAYA NG ORAS AT PERA SA BISYO.
“Ang lasenggo at matakaw ay maghihirap, at ang pagkaantok nila ay magdaramit sa kanila ng basahan.”—KAWIKAAN 23:21.
HUWAG MASYADONG MABAHALA.
“Huwag na kayong mag-alala kung ano ang kakainin o iinumin ninyo, o kung ano ang isusuot ninyo.”—MATEO 6:25.
HUWAG MAINGGIT.
“Gustong-gustong yumaman ng taong mainggitin, pero hindi niya alam na maghihirap siya.”—KAWIKAAN 28:22.